2022
Isang Ligtas na Paglalakbay sa Buhay
Hunyo 2022


Digital Lamang: Mga Ama sa mga Huling Araw

Isang Ligtas na Paglalakbay sa Buhay

Ang awtor ay mula sa Texas, USA.

Nais kong gawin ang lahat para maibigay ang lahat ng bagay na kakailanganin ng aming sanggol na anak upang matagumpay na makapaglakbay sa buhay na ito.

mask na nakabitin sa kisame ng eroplano

Nang simulan ng mga flight attendant ang kanilang mga karaniwang tagubilin ukol sa kaligtasan, tiningnan ko na siguradong nakasakay ang anak kong si Max sa kanyang infant carrier sa tabi ko sa eroplano.

Inisip kong muli ang araw na isinilang si Max ilang buwan bago iyon. Nang kinarga ko siya sa kauna-unahang pagkakataon sa ospital, determinado akong gawin ang lahat sa abot-kaya ko upang mapanatili siyang ligtas, turuan siya kung paano makakahanap ng kaligayahan, at maibigay ang lahat ng kailangan niya upang matagumpay na makapaglakbay sa buhay na ito.

Sigurado ako na ganito rin ang damdamin ng karamihan sa mga. Damang-dama ko ito nang tingnan ko ang kanyang mga mata at naalala ko ang paghihirap dahil sa pagkabaog bago ang kanyang pagsilang, kasama ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na paghihirap na dinanas ko at ng aking asawa.

Katatapos lang ipaliwanag ng mga flight attendant ang paraan ng paggamit ng mga oxygen mask mula sa kisame ng eroplano para sa oras ng emergency, at nang marating ng isa sa kanila ang aming hanay, lubhang seryoso ang mukha niya. Itinuro niya ako. “Kapag bumaba ang mga mask, unahin mong isuot ang sa iyo bago mo siya tulungan,” sabi niya habang itinuturo si Max. Sa kung anong kadahilanan, ang pagbibigay-diin sa pagsabi niya ng salitang unahin ay may malakas na epekto sa akin.

Pagsilip ko sa bintana ng eroplano, naisip ko ang tagpo—mga oxygen mask na ibinibigay sa mga pasahero, nag-aalinlangan na magiging komportable akong mag-aksaya ng anumang oras upang tulungan si Max. Pagkatapos ay naisip ko ang mga salitang sinabi ni Jesucristo kay Pedro, na ang tanging hangarin sa sandaling iyon ay maglingkod at protektahan ang Tagapagligtas: “Kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32).

At natanto ko: ang pinakamainam na paraan para matulungan ko si Max ay ang tulungan muna ang aking sarili. Natanto ko na kung kailangan kong maisuot ang sarili kong oxygen mask, ilang segundo lang ang kakailanganin ko, pero pagkatapos ay lubusan at wasto kong matutulungan si Max. Naisip ko noong natitirang bahagi ng biyahe sa eroplano ang tungkol sa maliliit at mga simpleng bagay—mas mahalaga sa kawalang-hanggan kaysa mga oxygen mask—na maaari kong unahin na maglalagay sa akin sa pinakamainam na posisyon para pagkatapos ay matulungan ko si Max, dapat unahin kong magbalik-loob at pagkatapos ay palakasin ang iba.

Ang mga sumusunod na bagay na ito ay ilang minuto lamang ang kailangan ngunit nakagawa ng malaking kaibhan sa pagpapalakas sa akin:

  • Ang pagluhod upang manalangin ay tumutulong sa akin na matamo ang tamang pagtutuon para magkaroon ng tapat na pakikipag-usap sa Ama sa Langit.

  • Ang paggamit ng notebook o dokumento sa kompyuter na nasusulatan ng mga naiisip at ideya ay lumikha ng mas magandang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para sa akin. 

  • Tumitigil para itanong ang, “Ano nga ba ang talagang ibig sabihin niyan?” o “Ano ang kahulugan nito sa akin?” habang sumasamba sa templo o muling inaaral ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay nakatulong sa akin na matanggap ang mahahalagang kaalaman at pang-unawa.

  • Ang pagsusulat kung paano ko nakita ang kamay ng Panginoon sa buhay ko sa pagtatapos ng bawat araw ay nakatulong sa akin na mas madaling makita ang Kanyang impluwensya at mas mapalapit sa Kanya.1

Pinagninilayan ko ang katotohanang itinuro sa atin ni Cristo na nagsasabing, “hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33 idinagdag ang diin). Kapag iniisip ko ang “lahat ng bagay na ito,” naiisip ko ang lahat ng pagpapalang hinihintay ng Ama sa Langit na ibuhos sa ating pamilya kapag sadya nating pinipili na maging Diyos natin Siya araw-araw (tingnan sa Jeremias 24:7).

mag-ama na naglalakad sa dalampasigan

Maraming beses akong nakadarama ng kakulangan bilang ama at nanalangin para sa mga sagot at patnubay “sa [mismong] oras na yaon” na kailangan kong tulungan ang iba (Doktrina at mga Tipan 100:6). Nang nagsikap akong unahin na magtuon sa aking kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nadarama ko na nasa mas mabuting katayuan ako na tulungan ang iba, lalo na ang aking pamilya.

Alam ko na ang buhay ko ay maaaring maging pinakamagandang aral na maituturo ko kay Max at sa iba. Habang lalo akong nagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, mas mapapalakas ko ang mga nasa paligid ko.

Kapag nangyayari ang espirituwal, emosyonal, o pisikal na emergency, kapag ibinibigay ang inilalarawan ng mga oxygen mask, at kapag kailangan ng iba ang ating tulong, kung nagawa natin ang maliliit at simpleng bagay upang matiyak ang matibay na pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, mapupunta tayo sa pinakamabuting lugar para matulungan ang iba na lumapit sa Kanya, ang Dalubhasang Manggagamot at Tagapagligtas ng ating mga kaluluwa.

Tala

  1. Tingnan sa Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 66–67.