“Akala Ko Hindi Ako ang Taong Nais ng Diyos,” Liahona, Hunyo 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Akala Ko Hindi Ako ang Taong Nais ng Diyos
Habang nagdarasal ako at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, gumawa ng himala sa akin ang Ama sa Langit.
Nang una akong bisitahin ng mga missionary, ipinaliwanag nila ang mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo. Sinabi rin nila sa akin kung paano ipinanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo.
Sa pagtatapos ng kanilang pagbisita, hiniling nila sa akin na basahin ko ang 3 Nephi 11. Habang nagbabasa ako, taimtim akong nagdasal. Kaagad, naantig ng Espiritu Santo ang puso ko. Ibinulong ng Espiritu, “Ang aklat na ito ay totoo.”
Pagkaraan ng isang linggo, dumalo ako sa aking unang sacrament meeting. Hinding-hindi ko malilimutan ang pagbati na natanggap ko at ang mga patotoong ibinahagi ng mga miyembro.
Pagkatapos ng pulong, sinabi sa akin ng mga missionary na kailangan akong makipagtipan sa Diyos at tanggapin si Jesucristo bilang aking Tagapagligtas upang magkaroon ng pag-asa ng kaligtasan at kadakilaan. Kamangha-mangha ang karanasan ko sa simbahan, pero sinabi ko sa kanila, “Hindi ko ito magagawa. Hindi ako ang uri ng taong nais ng Diyos sa Kanyang Simbahan.”
Pagkaraan ng isang linggo, inanyayahan ako ng mga missionary na bisitahin ang bakuran ng Guatemala City Guatemala Temple. Namangha akong makita ang isang magandang gusali na may anghel sa ibabaw.
Sinabi sa akin ng dalawang sister missionary na nagbibigay ng tour sa bakuran ng templo, “Naparito ka para makatanggap ng sagot mula sa Diyos. Pumasok tayo sa lobby para makapagdasal ka para matanggap ang sagot na hangad mo.”
Pumasok kami at umupo. Habang nagdarasal ako, nakadama ako ng matinding pag-aalab sa puso ko at nagsimula akong umiyak. Nakadama rin ako ng malaking kapayapaan at kaligayahan. Alam kong pinatawad na ako ng Diyos sa aking mga kasalanan. Gusto kong maglingkod sa Kanya. Nalaman kong kailangan kong mabinyagan.
Nang tanungin ako ng mga missionary na nagtuturo sa akin kung handa na ako ngayong mabinyagan, sagot ko ay, “Bukas, ngayong Sabado’t Linggo, anumang oras na puwede kayo!”
Ang araw na nabinyagan ako ang pinakamagandang araw ng buhay ko. Nadama ko na ipinanganak akong muli.
Pakiramdam ko ay gumawa ng himala sa akin ang Ama sa Langit. Ang susi ay pagdarasal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan at panalangin ay mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Panginoon at pagpapakita sa atin ng Kanyang pagmamahal.
Huwag mag-atubiling makipagtipan sa Kanya. Napakaganda ng mga tipan.