Institute
Lesson 1: Ang Layunin ng Missionary


1

Ang Layunin ng Missionary

Pambungad

Itinuturo ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na ang layunin ng missionary ay “imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang [ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, [pagpapa]binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 1). Sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagmimisyon ninyo ay isang banal na pagkakataon upang maakay ang iba patungo kay Cristo at tumulong sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas” (“Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 50). Ang kursong ito ay maghahanda sa inyong mga estudyante na makilahok sa sagradong pagkakataon ng gawaing misyonero.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Layunin ng Gawaing Misyonero

Hilingin sa mga estudyante na tumukoy ng mga aktibidad at gawain na regular na ginagawa ng mga missionary, at ilista ang mga ito sa pisara. (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng pagbabahay-bahay, pag-aaral, pagtuturo, pagdarasal, at paglilingkod.)

Ipabasa sa isang estudyante ang teksto sa kahon na “Ang Layunin Mo” sa pahina 1 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. (Dahil ito ang unang class meeting, maaaring maraming estudyante ang walang dalang kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kaya maaaring kailanganin mong mamigay ng mga photocopy nito at ng iba pang kaugnay na mga pahina.)

Pagkatapos, ipakumpara sa mga estudyante ang missionary purpose statement sa listahan ng mga gawain na nasa pisara, at itanong:

  • Paano pinalalawak ng pag-unawa sa missionary purpose statement ang pag-unawa mo sa ginagawa ng mga missionary? Paano nagbibigay ng kahulugan ang layuning ito sa mga gawaing isinasagawa ng mga missionary?

  • Aling mga bahagi ng purpose statement na ito ang tumutukoy sa responsibilidad ng mga missionary, at aling mga bahagi ang tumutukoy sa responsibilidad ng investigator?

  • Paano ka magiging mas epektibong missionary kapag ginawa mong gabay na alituntunin ang purpose statement na ito sa iyong gawain? (Ang purpose statement ay nagbibigay ng direksyon sa gawaing ginagawa ng isang missionary. Hindi nito gaanong itinutuon ang mga missionary sa pagsasagawa ng mga gawain kundi sa pagsasakaturapan ng kanilang tunay na layunin.)

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas maunawaan ang layunin ng gawaing misyonero, ipabuklat sa kanila ang pahina 2 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang huling talata, simula sa “Tinawag ka.”

Bilang isang klase, talakayin ang sumusunod na mga tanong:

  • Ayon sa talatang ito, ano ang dapat gawin ng isang tao para mapalapit sa Tagapagligtas?

  • Ayon sa talatang ito, ano ang ginagawa ng isang missionary para matulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo?

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Ang Ating Layunin Bilang Missionary.” Ang handout ay naglalaman ng isang bahagi ng mensaheng ibinigay ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ayusin ang mga estudyante sa maliliit na grupo, o anyayahan silang bumuo ng sarili nilang grupo. Ipabasa nang malakas ang handout sa mga grupo at talakayin ang mga tanong sa dulo.

Handout na Ang Ating Layunin Bilang Missionary

Matapos mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante na pag-aralan at talakayin ang mensahe ni Elder Christofferson, ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa talakayan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Paano ka makapagsisimulang magtuon sa missionary purpose statement? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng alinman sa mga sumusunod: maaaring piliin ng mga estudyante na isaulo ito, maaari nila itong isulat at ilagay kung saan nila ito makikita araw-araw, maaari nilang ipagdasal na mas maunawaan ito, o maaari silang maghanap ng partikular na mga bahagi ng layuning ito bilang bahagi ng kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula kay Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Hindi tayo nangangaral at nagtuturo para ‘dalhin ang mga tao sa Simbahan’ o para dagdagan ang mga miyembro ng Simbahan. Hindi tayo nangangaral at nagtuturo para lamang hikayatin ang mga tao na pagbutihin ang kanilang pamumuhay. … Iniimbitahan natin ang lahat na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi at binyag at kumpirmasyon para mabuksan ang mga pintuan ng kahariang selestiyal sa mga anak ng Diyos [tingnan sa D at T 76: 51–52]. Walang ibang makagagawa nito” (“The Purpose of Missionary Work,” missionary satellite broadcast, Abr. 1995).

  • Bakit mahalagang tandaan na ang pangangaral ng ebanghelyo ay tungkol sa isang bagay na mas dakila kaysa pagtulong lamang sa isang tao na maging miyembro ng Simbahan? (Tingnan din sa 3 Nephi 11:33–34.)

  • Ano ang nasa isipan mo kapag inisip mo na tutulong kang “mabuksan ang mga pintuan ng kahariang selestiyal” sa mga tinuturuan mo?

Ipaisip sa mga estudyante kung paano nila maipamumuhay ang layunin ng missionary, at kung ang mga personal na layon nila sa pagmimisyon ay tumutugma sa missionary purpose statement na matatagpuan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na sumandaling isulat sa isang pirasong papel o sa isang study journal ang partikular na mga hakbang na maaari nilang gawin para mas umayon ang mga dahilan nila sa pagmimisyon sa purpose statement na ito.

Pagtuturo ng Doktrina ni Cristo

Ipaliwanag sa klase na ipinahayag ng Tagapagligtas na ang isa sa mga pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay “[dalhin] sa liwanag ang aking ebanghelyo [at] ang mga tunay na paksa ng aking doktrina” (D at T 10:62). Kabilang sa doktrina ni Cristo ang utos na ang buong sangkatauhan ay maniwala na si Jesucristo ang Panginoon at Tagapagligtas, magsisi sa kasalanan, magpabinyag, at tanggapin ang Espiritu (tingnan sa 3 Nephi 11:32). Isulat sa pisara ang mga sumusunod:

2 Nephi 31:2, 10–21   3 Nephi 11:31–41   3 Nephi 27:13–21

Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Ipaaral sa unang grupo ang 2 Nephi 31:2, 10–21; ipaaral sa pangalawang grupo ang 3 Nephi 11:31–41; at ipaaral sa pangatlong grupo ang 3 Nephi 27:13–22. Ipabasa sa bawat grupo ang kanilang mga talata at ipatukoy kung ano ang kailangang gawin ng mga taong naghahangad na sundin si Jesucristo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na i-highlight o markahan sa kanilang mga banal na kasulatan ang partikular na mga katotohanan tungkol sa doktrina at ebanghelyo ni Jesucristo.

Matapos mabigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na rebyuhin ang mga talatang ito, ipalista sa kanila sa ilalim ng bawat reperensyang nasa pisara ang partikular na mga hakbang na kailangang gawin ng mga alagad ni Jesucristo.

Pagkatapos ay itanong ang katulad ng mga sumusunod:

  • Kung may magtanong sa iyo kung naniniwala ang mga Mormon kay Jesucristo, paano makakatulong sa iyo ang tatlong talatang ito sa banal na kasulatan para masagot ang tanong na ito?

  • Sa sarili mong mga salita, paano mo ipaliliwanag ang doktrina o ebanghelyo ni Jesucristo sa isang taong hindi alam kung ano iyon?

  • Maaari kang tanungin ng ilang tao kung bakit nangangaral ang mga missionary sa mga taong naniniwala na kay Jesucristo. Paano nakakatulong ang doktrina ni Cristo, ayon sa nakabalangkas sa mga talatang ito sa pisara, na sagutin ang tanong na iyan?

Kapag tumugon ang mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na ang doktrina ni Cristo ay binubuo ng (1) nagawa ni Jesucristo at patuloy na ginagawa para mapalapit tayo sa Ama (tingnan sa Alma 33:22; D at T 76:40–42) at ng (2) kailangan nating gawin para matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pati na ang pagkakaroon ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas (tingnan sa 3 Nephi 27:16–21).

Ibalik ang pansin ng mga estudyante sa missionary purpose statement na nasa pisara at itanong:

  • Paano nauugnay ang doktrina ni Cristo sa layunin ng gawaing misyonero?

Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, malamang na ipahayag nila ang sumusunod na katotohanan: Isinasakatuparan ng mga missionary ang kanilang layunin sa pagtulong sa mga investigator na tanggapin ang doktrina ni Cristo, magkaroon ng pananampalataya, magsisi, magpabinyag, matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, at manatiling tapat hanggang wakas.

Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante na kailangang kumilos ang mga investigator ayon sa doktrina ni Cristo na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo, ipabuklat sa mga estudyante ang pahina 6 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang dalawang talata sa bahaging pinamagatang “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo.” Pagkatapos ay magtanong gaya ng mga sumusunod para malaman ng iyong mga estudyante kung bakit mahalagang kumilos ang mga investigator nang may pananampalataya:

  • Anong katibayan ang maaaring hanapin ng isang missionary para malaman kung ang isang investigator ay nananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, nagsisisi, at naghahandang tanggapin ang tipan ng binyag?

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na kadalasan ay nag-aalala ang mga missionary kung ano ang tamang sabihin at gawin. Gayunman, mas mahalaga kaysa sa sinasabi at ginagawa ng mga missionary ay ang pagkilos ng mga investigator nang may pananampalataya sa itinuturo sa kanila. Ang isa sa mga pinakamahalagang kasanayang maaaring taglayin ng isang missionary ay ang mahiwatigan sa pamamagitan ng Espiritu kung ang isang investigator ay talagang kumikilos nang may pananampalataya at nagbabagumbuhay.

  • Anong katibayan ang maaaring hanapin ng isang missionary para malaman kung nadarama ng isang investigator ang Espiritu Santo habang nagle-lesson?

  • Ano ang magagawa ng mga magiging missionary para mas maunawaan at maipamuhay ang doktrina ni Cristo? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng alinman sa mga sumusunod: manalangin nang may pananampalataya para mas makaunawa pa, pag-aralan sa mga banal na kasulatan ang partikular na mga aspeto ng doktrina ni Cristo tulad ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo, kausapin ang iba tungkol sa nagawa nila para lumago ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo, pag-aralan ang mga panalangin sa sakramento para mas maunawaan ang mga tipan sa binyag, at iba pa.)

video iconIpalabas ang video na “The Purpose of MIssionary Work: Robles Family” (9:19), at sabihin sa mga miyembro ng klase na isulat kung ano ang ginawa ng mga missionary para matulungan ang pamilya Robles na lumapit kay Cristo.

Matapos ipalabas ang video, magtanong tulad ng mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang ginawa ng mga missionary para maisakatuparan ang kanilang layunin:

  • Ano ang ginawa ng mga missionary na ito para mapalago ang pananampalataya ng pamilya Robles? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga sumusunod: hinikayat nila silang ipagdasal ang Aklat ni Mormon, sinagot ang kanilang mga tanong, itinuro sa kanila kung bakit mahalagang sundin ang mga kautusan, pinapangako silang sundin ang mga kautusan, tinulungan silang tanggapin ang ordenansa ng binyag, tiniyak na tinutulungan sila ng ward sa kanilang buhay, at itinuon sila sa templo.)

  • Bakit mahahalagang aspeto kapwa ang pagtuturo sa mga investigator at pag-anyaya sa kanila na lumapit kay Cristo sa ginagawa ng mga missionary?

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na lumago ang pananampalataya ng mga miyembro ng pamilya Robles at na nadama nila na mas nakaayon sila sa Espiritu ni Cristo?

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante mo para pag-aralan ang bahaging pinamagatang “Pagtulong sa Iba na Gumawa ng mga Pangako: Ang Daan tungo sa Pananampalataya at Pagsisisi” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 9. Pagkatapos ay atasan ang mga estudyante na magpares-pares at maghalinhinan sa pagbabahagi ng nadarama nila tungkol sa pag-anyaya sa iba na tumupad sa mga pangako. Ano ang kanilang mga pinangangambahan at ipinag-aalala? Ano ang nakakatulong sa kanila na magkaroon ng tiwala sa sarili na kakayanin nilang gawin ito? Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Paano makakatulong sa iyo ang pag-unawa sa doktrina ni Cristo na anyayahan ang mga investigator na gumawa ng mga pangako?

  • Bakit sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland na ang isang missionary ay dapat “maging napakalungkot” kapag hindi tumupad ang mga tao sa pangakong basahin o ipagdasal ang Aklat ni Mormon?

Ipawari sa klase kung ano kaya ang pakiramdam ng tumulong sa mga tao na gumawa ng mga pagbabago at magpabinyag. Itanong kung sino sa kanila ang nakatulong na sa isang kaibigan o kapamilya na lumapit kay Cristo, at anyayahan silang ibahagi kung ano ang pakiramdam ng makatulong sa prosesong iyan.

Ang Pinakamahalagang Tungkulin

Talakayin kung paano nagkaroon ng awtoridad ang mga missionary na ituro ang ebanghelyo sa mga anak ng Ama sa Langit at tulungan silang tanggapin ang mga ordenansang magtutulot sa kanila na matamasa ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Idispley ang sumusunod na mga pahayag, at hilingin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang mga ito sa klase:

Propetang Joseph Smith

“Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo” (Joseph Smith, sinipi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 13).

Pangulong Spencer W. Kimball

Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay mas mahalaga kaysa iba pang mabubuting gawa. Kayo ay nasa pinakadakilang gawain sa mundo, at walang anumang bagay sa mundong ito na maihahambing dito. Balewala ang pagtatayo ng mga bahay at tulay. Balewala ang pagbubuo ng mga mundo kumpara sa buhay na binubuo ninyo. Ang pagliligtas ng mortal na buhay ng mga tao ay hindi mahalaga kumpara sa ginagawa ninyo. Maaari kayong lumabas dito at magpunta sa isa sa mga sementeryong ito at magpabangon ng patay, maging ng isang libo o sampung libo sa kanila, at hindi pa rin ito maikukumpara sa ginagawa ninyo kapag nagliligtas kayo ng mga tao” (The Teachings of Spencer W. Kimball [1982], 547).

Tanungin ang mga estudyante mo kung gustong sabihin ng ilan sa kanila ang kanilang palagay kung bakit ang pangangaral ng ebanghelyo ang pinakamahalaga nating tungkulin. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na sa pangangaral ng ebanghelyo, tinutulungan natin ang iba na matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:10, 15–16 habang sumasabay sa pagbasa ang klase, na hinahanap ang mga pagpapalang dumarating sa mga nangangaral ng ebanghelyo at sa mga tumatanggap sa ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang ilan sa mga pagpapalang dumarating sa mga nangangaral ng ebanghelyo at sa mga tinuturuan ng ebanghelyo?

Ipaliwanag na ang gawaing misyonero ay maaari ring maging mahirap. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Naniniwala ako na hindi madali ang gawaing misyonero dahil hindi mumurahing karanasan ang kaligtasan. Hindi kailanman naging madali ang kaligtasan. Tayo ang Simbahan ni Jesucristo, ito ang totoo, at Siya ang ating Dakilang Walang-hanggang Pinuno. Paano natin mapaniniwalaang magiging madali para sa atin ito samantalang hindi ito kailanman naging madali para sa Kanya? Palagay ko ay kailangang danasin ng mga misyonero at pinuno ng misyon kahit ilang sandali man lamang ang Getsemani. Kailangang dumanas ng hirap at pasakit ang mga misyonero at pinuno ng misyon tulad ng dinanas ng Tagapagligtas paakyat sa Kalbaryo.

“… Naniniwala ako na upang malaman ng mga misyonero at mga nagsisiyasat ang katotohanan, kaligtasan, at maunawaan ang halagang ibinayad dito, kailangan nilang magbayad ng bahagi ng katumbas na halaga nito” (“Gawaing Misyonero at Pagbabayad-sala,” Liahona, Okt. 2001, 31–32).

  • Paano makakatulong sa inyo ang pananaw na ito tungkol sa gawaing misyonero kapag dumaranas kayo ng mga hamon bilang missionary?

Sa pagtatapos mo ng klase, isiping bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para isulat ang natutuhan nila tungkol sa kaugnayan ng gawaing misyonero sa doktrina ni Cristo. Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin na maaari nilang gawin para mas maunawaan ang doktrina ni Jesucristo habang naghahanda sila para sa kanilang misyon. Tanungin ang mga estudyante kung gustong magpatotoo ng sinuman sa kanila sa klase. Magpatotoo na kung matututo at kikilos ang mga estudyante ayon sa doktrina ni Cristo, magtatagumpay sila bilang missionary.

Mga Paanyayang Kumilos

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang epektibong paghahanda para sa full-time mission ay nangangailangan ng pagsisikap sa labas ng klase. Samakatwid, sa pagtatapos ng bawat lesson, magbibigay ka ng iminungkahing mga aktibidad na dinisenyo upang tulungan silang maging mas handang maglingkod sa misyon. Upang matulungan ang mga estudyante na simulan na ngayong makibahagi sa gawain ng Panginoon, hamunin silang gawin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Gamit ang social media, ibahagi sa iba kung bakit ka sabik na maglingkod sa misyon at ano ang ginagawa mo para makapaghanda.

  • Panoorin ang ilan sa mga video na matatagpuan sa bahaging Hastening the Work of Salvation ng LDS.org at isulat sa isang study journal ang damdamin mo kapag inisip mo ang pagkakataon mong makibahagi sa gawain ng kaligtasan.

  • Anyayahan mong sumama sa iyo ang isang kaibigan sa pagdalo sa klaseng ito sa paghahanda ng mga missionary. (Maaari mong ipaabot ang paanyayang ito sa mga estudyante sa pagtatapos ng bawat klase.)

  • Hikayatin ang isang di-miyembro o di-gaanong aktibong miyembro na magpaturo ng mga missionary lesson.

Handout

Handout na Ang Ating Layunin Bilang Missionary