7
Pagtuturo ng Mensahe ng Panunumbalik (Part 1)
Pambungad
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuro ng mga propeta sa lahat ng dispensasyon, upang maunawaan ng mga anak ng Diyos ang walang-hanggang mga katotohanan at magtamo ng buhay na walang hanggan. Pagkamatay ni Jesucristo, ang katotohanan ng ebanghelyo at awtoridad ng priesthood ay nawala sa mundo, na nagbunga ng Malawakang Apostasiya. Nadaig ng Panunumbalik sa mga huling araw ang mga epekto ng Apostasiya at ang Simbahan ni Cristo ay muling itinatag sa lupa. Dapat malinaw na nauunawaan ng mga prospective missionary ang mga konsepto ng Apostasiya at ng Panunumbalik at dapat maging handang ipaliwanag ang mga ito sa simpleng paraan at patotohanan ang mga ito nang may kapangyarihan.
Paunang Paghahanda
-
Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 33–38.
-
Maghandang ipalabas ang video na “The Great Apostasy” (16:33), na makukuha sa LDS.org.
-
Maghanda ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” para sa bawat estudyante.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Diyos ay ang Ating Mapagmahal na Ama sa Langit
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isaisip ang sumusunod na case study:
Bago matulog ngayong gabi, makakatanggap ka ng mensahe mula sa isang kaibigan na pinanghihinaan ng loob at nag-iisip kung totoong mayroong Diyos at kung nagmamalasakit Siya sa atin. Tanong ng kaibigan mo, “Naniniwala ka ba na totoong may Diyos? Ayon sa paniniwala mo, ano ang hitsura ng Diyos?”
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang maaaring isagot nila sa kanilang kaibigan. Pagkatapos ay sabihin sa inyong klase na ang lesson ngayon ay nakatuon sa ilang mga doktrina at alituntuning matatagpuan sa unang lesson ng mga missionary, kabilang na ang katangian ng ating Ama sa Langit.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahaging may pamagat na “Ang Diyos ang Ating Mapagmahal na Ama sa Langit” sa mga pahina 33–34 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Anyayahan ang mga estudyante na salungguhitan o i-highlight ang mga kataga na magagamit nila para tulungan ang isang tao na mas maunawaan ang katangian ng Diyos bilang ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para saliksikin ang tatlo o apat na talata sa banal na kasulatan na nakalista sa box na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 34 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipaisip sa kanila kung paano maaaring makatulong ang mga talata sa pagsagot sa mga tanong ng isang tao tungkol sa Diyos, tulad sa case study sa simula ng lesson. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na i-highlight ang isa o mas marami pang mga talata sa kanilang banal na kasulatan o isulat ang mga ito sa margin o gilid ng kanilang kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano kaya ang maikling summary statement ng pinakamahahalagang dotrinang nabasa ninyo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at sa mga talata sa banal na kasulatan? (Maaaring kasama sa mga sagot ang doktrina na ang Diyos ay ang ating mapagmahal na Ama sa Langit at nais Niyang makabalik tayong lahat sa Kanyang piling.)
-
Bakit kaya mahalagang maunawaan muna ng mga indibiduwal ang alituntuning ito bago alamin ang tungkol sa iba pang mga doktrina?
Pinagpapala ng Ebanghelyo ang mga Pamilya
Tahimik na ipabasa sa mga estudyante ang bahaging may pamagat na “Pinagpapala ng Ebanghelyo ang mga Pamilya” sa pahina 34 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at gumawa ng summary statement tungkol sa papel na ginagampanan ng tahanan at pamilya sa plano ng Diyos ukol sa kaligayahan. Pagkatapos nilang magbasa, imbitahin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga summary statement. (Maaaring kasama sa mga summary statement ang doktrina na ang mag-anak ay inorden ng Diyos at bahagi ng plano ng Diyos upang magdulot ng kaligayahan sa Kanyang mga anak. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Habang ini-evaluate mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante at magagamit na oras, isiping ilahad ang sumusunod na aktibidad: Ituon ang pansin ng iyong mga estudyante sa huling linya na nababasa nila sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Sa pamamagitan ng mga propeta sa bawat panahon, pati na sa panahon natin, inihahayag ng Diyos ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa bawat tao at pamilya.”
Para tulungan ang estudyante na mas maunawaan kung bakit napakahalaga ng katotohanang ito sa mundo ngayon, idispley ang isang kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” o mamigay ng mga kopya sa klase. Pagkatapos ay imbitahin ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para basahin ang pagpapahayag at tukuyin ang mga kataga o alituntunin na tutulong sa atin na mas maunawaan ang papel na ginagampanan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Iparekord sa isang estudyante ang mga item na ito sa pisara.
Idispley ang sumusunod na sipi mula kay Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pinakalayunin ng kaaway, na may ‘malaking poot, dahil alam niya na kaunti na lamang ang kanyang panahon’ (Apocalipsis 12:12), ay sirain, gambalain, at wasakin ang tahanan at pamilya” (“Ang Ama at ang Pamilya,” Ensign, Mayo 1994, 19).
Itanong sa mga estudyante:
-
Bakit ang magiging “pinakalayunin” ng kaaway ay wasakin ang tahanan at pamilya? (Ito “ang pinakamagandang lugar para magturo, matuto, at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.”)
-
Ano ang ilang makamundong kalakaran na kumakalaban sa plano ng Ama sa Langit ukol sa kasal, tahanan, at pamilya? (Paunawa: Huwag masyadong mag-ukol ng oras sa pagtalakay sa mga kalakarang ito. Sapat na ang matukoy ang mga ito at pagkatapos ay gamitin ang kasunod na tagubilin para manatiling nakatuon sa plano ng Ama sa Langit para sa mga pamilya.)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila maaaring gamitin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa pagtuturo upang malaman ang kaibhan ng plano ng Ama sa Langit sa mga makamundong kalakaran na salungat sa Kanyang plano para sa kasal, tahanan, at pamilya.
Ipaliwanag sa mga estudyante na may makikilala silang mga tao na kaiba ang pananaw o kaya naman ay salungat sa mga itinuturo ng Simbahan tungkol sa kasal, tahanan, at pamilya. Ibahagi ang iyong patotoo na kapag ginagamit ng mga missionary ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta para magturo, sila ay gagabayan ng Espiritu Santo para tulungan ang mga tinuturuan nila na mas maunawaan ang papel na ginagampanan ng kasal, tahanan, at pamilya sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.
Mga Propeta at mga Dispensasyon
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang isang mahalagang paraan na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa atin ay sa pagtawag ng mga propeta. Idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Ipahanap sa mga estudyante ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong sumusunod sa propeta:
“Maaaring itanong natin, ‘Mayroon bang tinig na palaging magbibigay sa atin ng malinaw na direksyon para matunton natin ang landas sa magulong mundo ngayon?’ Ang sagot ay oo. Ang tinig na iyon ay ang tinig ng mga buhay na propeta at apostol. …
“Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng propeta ng Diyos sa kalipunan natin. Dakila at kagila-gilalas ang mga pagpapalang dumarating sa ating buhay kapag pinakikinggan natin ang salita ng Panginoon na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng propeta. … Kapag narinig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at kaagad ang ating pagtugon. Batay sa kasaysayan may kaligtasan, kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan sa pagtugon sa payo ng propeta gaya ng ginawa ni Nephi noon: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos sa akin ng Panginoon’ (1 Nephi 3:7). …
“Ngayon ako ay nangangako sa inyo. Ito ay simpleng pangako, ngunit totoo. Kung makikinig kayo sa buhay na propeta at mga apostol at diringgin [ninyo] ang aming payo, hindi kayo maliligaw” (“His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65–66).
Pagkatapos basahin ang siping ito, itanong:
-
Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong sumusunod sa payo ng propeta ng Panginoon?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali upang tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa mga propeta at sa kanilang payo?
-
May naiisip ba kayong pagkakataon na pinagpala ang inyong buhay ng pagsunod sa payo ng propeta ng Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata sa ilalim ng pamagat na “Inihahayag ng Ama sa Langit ang Kanyang Ebanghelyo sa Bawat Dispensasyon” sa mga pahina 35 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang mga doktrinang itinuturo sa talata sa pamamagitan ng pagtatanong ng:
-
Ano ang ilang doktrina na matututuhan natin sa talatang ito tungkol sa mga propeta? (Bagamat may ilang alituntunin na maibabahagi ang mga estudyante, tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang doktrina na natututuhan ng mga propeta ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag at responsibilidad nilang turuan ang iba at magpatotoo tungkol kay Jesucristo.)
Isiping gamitin ang MTC training model sa pagtulong ninyo sa mga estudyante na magturo tungkol sa kahalagahan ng mga propeta. Ipaliwanag sa mga estudyante na dapat nilang basahin ang kahulugan ng propeta na nasa pahina 48 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at pagkatapos ay maghandang isadula ang pagtuturo sa isang investigator tungkol sa mga propeta. Pagkatapos ay magpakita ng dula-dulaan sa pamamagitan ng pagtuturo sa isang miyembro ng klase tungkol sa mga propeta. Kasunod nito, pahanapin ng kapareha ang mga estudyante at pagpraktisin ng role-playing o dula-dulaan, na kunwari ang estudyanteng tinuturuan ay di-miyembro na nakarinig na ang Simbahan ay pinamumunuan ng propeta. Dapat maikling ipaliwanag ng mga estudyanteng gumaganap bilang mga guro kung ano ang propeta at magpatotoo tungkol sa makabagong mga propeta. Pagkatapos, dapat i-evaluate ng mga estudyanteng tinuturuan ang kanilang kapareha sa pagsasabi kung ano ang nakita nilang pinakamakabuluhan at nagbibigay-inspirasyon na bahagi ng presentation. Pagkatapos ay pagpraktisin muli ang mga estudyante, na inuulit ang role play o dula-dulaan na palitan sila ng papel na ginagampanan para mabigyan ang iba pang mga estudyante ng pagkakataong magturo at tumanggap ng feedback.
Sabihan ang mga estudyante na magpalitan sa pagbabasa nang malakas sa huling tatlong talata sa pahina 35 hanggang sa unang talata ng pahina 36 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihan ang klase na sundan ang pagbabasa, na hinahanap ang kaugnayan ng mga propeta, apostasiya, at mga dispensasyon. Kung kinakailangan, anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang “Dispensations” sa Bible Dictionary. Tulungan ang mga estudyante na talakayin ang mga katotohanang matatagpuan sa mga talatang ito sa pagtatanong ng sumusunod:
-
Bakit malaking tulong sa mga investigator ang maunawaan na ang lahat ng mga naunang dispensasyon ay nagwakas sa apostasiya?
-
Ano ang ginawa ng Diyos sa buong kasaysayan upang wakasan ang mga panahon ng apostasiya? Paano maihahanda ng pag-unawa sa pattern na ito ang mga investigator na malaman ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?
Kung may oras pa, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para magpraktis na ipaliwanag sa isa‘t isa ang materyal sa pahina 35-36 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Hikayatin silang isama sa kanilang mga paliwanag ang mga salitang apostasiya, dispensasyon, at propeta.
Ang Ministeryo sa Lupa at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas
Patingnan sa mga estudyante ang larawan sa pahina 37 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, na nagpapakita ng pag-oorden ni Jesucristo sa Labindalawang Apostol. Itanong sa mga estudyante:
-
Ano ang ilan sa mga ginawa ni Jesucristo para itatag ang Kanyang Simbahan sa lupa noong Kanyang panahon? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tahimik na basahin ang bahaging may pamagat na “Ang Ministeryo sa Lupa ng Tagapagligtas,” sa pahina 36–37 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang reperensya.)
-
Paanong sumunod ang ministeryo ng Tagapagligtas at pagtanggi sa huli sa pattern na nabuo sa naunang mga dispensasyon? (Bago ang pagsilang ni Jesucristo, ang mga tao ay nasa kalagayan ng apostasiya. Ibinalik ni Jesucristo ang ebanghelyo sa lupa, gaya ng ginawa noon nina Noe, Abraham, at Moises sa mga naunang dispensasyon. Pagkamatay ni Jesucristo at ng mga Apostol, ang mga anak ng Diyos ay muling nag-apostasiya hanggang sa minsan pang tatawag ang Diyos ng propeta upang ibalik ang ebanghelyo ni Jesucristo.)
Ang Malawakang Apostasiya
Upang tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan na kailangang maibalik ang ebanghelyo ni Jesucristo, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara.
Ipahanap sa mga estudyante ang sagot sa mga tanong na ito na nasa unang dalawang talata ng bahaging may pamagat na “Ang Malawakang Apostasiya” sa pahina 37 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkaraan ng sapat na sandali, pasagutan sa mga estudyante ang mga tanong sa pisara. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kasunod ng pagkamatay ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol, sinira ng di-awtorisadong mga pagbabago ang mga doktrina at kaugalian sa Simbahan, na hahantong kalaunan sa pag-aalis ng mga susi at awtoridad ng priesthood sa lupa.
Imbitahin ang mga estudyante na tahimik na pag-aralan ang ilang talata sa banal na kasulatan na nakalista sa box na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan na nasa pahina 38 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipahanap sa mga estudyante ang ipinropesiya ng mga manunulat ng banal na kasulatan na mangyayari kalaunan sa Simbahan ni Jesucristo. Matapos magkaroon ng sapat na panahon ang mga estudyante na makapag-aral, ipabahagi ang napag-alaman nila sa isa pang miyembro ng klase. Maaari mong ilista ang ilan sa mga sagot sa pisara at pagkatapos ay isiping isulat ang summary statement na ito: Nakasaad sa sinaunang mga propesiya na magkakaroon ng pangkalahatang pagtalikod sa katotohanan.
Pagpares-parisin ang mga estudyante at sabihing maghanda silang magturo ng apat- hanggang limang-minutong lesson tungkol sa Apostasiya. Ipaliwanag na ang kanilang pagtuturo ay dapat simple, malinaw, at nakatuon sa tatanggap. Patingnan sa mga estudyante ang materyal na nasa pahina 37 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, (o maaari nilang gamitin ang missionary pamphlet na may pamagat na Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo). Hikayatin ang mga magkapareha na magbahagi ng isa o dalawang talata na nauugnay sa Apostasiya at ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng mga ito.
Pagkatapos magkaroon ng sapat na panahon ang mga estudyante na maghanda, paturuan sa isang pares ang isa pang pares. Sa pagtatapos ng karanasan sa pagtuturo ng mga estudyante, sabihin sa grupo na talakayin ang sumusunod: Ano ang naging maayos sa inyong mga lesson? Ano sana ang maaaring napagbuti niyo pa? Ano ang pinaka-epektibo sa pagtulong sa iba na maunawaan ang nangyari kasunod ng pagkamatay ng mga Apostol?
Pagkatapos ay magpalitan ng papel na ginagampanan at hayaang turuan ang magkaparehang nagturo ng isa pang pares. Tiyaking may oras silang magbigay at tumanggap ng feedback.
Pagkatapos magkaroon ang lahat ng estudyante ng pagkakataong magturo, anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa klase ang mga ideya mula sa kanilang mga karanasan.
Para mailarawan ang naging epekto ng Malawakang Apostasiya sa daigdig at para maihanda ang mga estudyante sa susunod na lesson tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, ipilabas ang video na “The Great Apostasy” (16:33). Habang nanonood sila, hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano dinaig ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang mga ibinunga ng Malawakang Apostasiya.
Pagkatapos panoorin ang video, itanong:
-
Sa paanong paraan nadaig ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga ibinunga ng Malawakang Apostasiya?
-
Habang pinapanood ninyo ang kuwento ng conversion ni Wilford Woodruff, ano ang mga naisip ninyo tungkol sa pagkakataong ibahagi sa iba ang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?
Magtapos sa pagtatanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanilang gustong magbahagi sa klase ng kanilang patotoo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
Mga Imbitasyon para Kumilos
Imbitahin ang mga estudyante na rebyuhin ang mga doktrinang tinalakay sa lesson na ito sa pamamagitan ng pagkumpleto ng isa o higit pa sa kasunod na mungkahing mga aktibidad:
-
Gamit ang entry sa Topical Guide na “Apostasy of the Early Christian Church,” pag-aralan pa ang tungkol sa Malawakang Apostasiya. Gamitin ang iyong study journal para magsulat ng mga tala tungkol sa mga talata sa banal na kasulatan na maaari mong gamitin sa pagtuturo tungkol sa Apostasiya.
-
Pag-aralan at pagnilayan ang Gospel Topics article na “Are Mormons Christian?” na matatagpuan sa lds.org/topics.
-
Sa paghahanda para sa susunod na klase, simulang isaulo ang paglalarawan ng Unang Pangitain, na matatagpuan sa pahina 40 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–19).