14
Pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo (Part 2)
Pambungad
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kinapapalooban ng mga walang hanggang doktrina, alituntunin, batas, tipan, at ordenansa na kailangan ng sangkatauhan para makapasok muli sa kinaroroonan ng Diyos at luwalhatiin sa kahariang selestiyal. Ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at kaloob na Espiritu Santo. Ang mga missionary ay may mahalagang tungkulin na anyayahan ang iba na magpabinyag at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Bukod pa riyan, kapag ang mga anak ng Diyos ay naging mga miyembro ng Simbahan, kailangan silang magtiis o manatiling tapat hanggang wakas sa pamamagitan ng pagtanggap sa iba pang mga alituntunin at ordenansa at pananatiling tapat sa mga utos ng Diyos. Dapat malinaw na nauunawaan ng mga prospective missionary ang mga doktrinang ito at maging handang ipaliwanag ito sa simpleng paraan at patotohanan ito nang may kapangyarihan.
Paunang Paghahanda
-
Pag-aralan ang Mateo 3:13–17; Juan 3:3–6; 2 Nephi 31:17–20; at Doktrina at mga Tipan 20:37.
-
Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 70–73.
-
Maghandang idispley ang larawan ni Jesucristo na binibinyagan.
-
Maghandang ipalabas ang video na “Invitation to Be Baptized: German,” (2:43), The District 2, na makukuha sa LDS.org
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Binyag, ang Ating Unang Tipan
Para tulungan ang mga estudyante na maghandang tukuyin ang mga alituntunin tungkol sa binyag, magdispley ng larawan ni Juan na binibinyagan si Jesus, at anyayahan ang mga estudyante na ibuod ang nalalaman nila tungkol sa binyag ni Jesucristo.
Maaari mong piliing rebyuhin ang salaysay tungkol sa binyag ng Tagapagligtas sa pagsasabi sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Mateo 3:13–17. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na bumaling sa katabi nila at sagutin ang tanong na ito:
-
Anong mahahalagang katotohanan ang itinuturo sa salaysay na ito tungkol sa binyag ni Jesus?
Isulat ang sumusunod na mga salita sa pisara:
Sabihin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang unang apat na talata sa bahaging “Binyag, ang Ating Unang Tipan” sa pahina 70 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, na naghahanap ng mga paraan para ipaliwanag ang salitang ordenansa. Ipaaral sa natitirang kalahati ng klase ang bahagi ring iyon, na naghahanap ng mga paraan para ipaliwanag ang salitang tipan.
Matapos magkaroon ng sapat na panahon ang mga estudyante na makapag-aral, humiling ng mga volunteer na magpapaliwanag sa mga salitang ordenansa at tipan. Pagkatapos ay itanong:
-
Paano nauugnay ang mga katagang ordenansa at tipan sa binyag? (Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang katotohanang ito: Sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag, gumagawa tayo ng sagradong tipan sa Diyos.
Ipokus ang pansin ng inyong mga estudyante sa ikaapat na talata ng bahaging “Binyag, ang Ating Unang Tipan”, at itanong:
-
Sa pagtanggap natin sa ordenansa ng binyag, ano ang ipinapangako nating gawin? (Kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayong tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, na lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. Kung sa tingin mo kailangan ng mga estudyante ng dagdag na tagubilin sa ideyang ito, maaari kang mag-ukol ng ilang minuto sa kanila para suriin ang Doktrina at mga Tipan 20:37.)
Matutulungan mo ang mga estudyante na mas maunawaan ang tipan sa binyag sa pagdidispley ng siping mula kay Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol at paghiling sa isang estudyante na basahin ito nang malakas:
“Sa binyag nakikipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit na handa tayong pumasok sa Kanyang kaharian at sundin ang Kanyang mga kautusan mula sa panahong iyon, kahit nabubuhay pa rin tayo sa mundo. Pinaaalalahanan tayo sa Aklat ni Mormon na ang ating pagbibinyag ay isang tipan na ‘tumayo bilang mga saksi ng Diyos [at ng Kanyang kaharian] sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan’ [Mosias 18:9; idinagdag ang pagbibigay-diin].
“Kapag naunawaan natin ang ating tipan sa binyag at ang kaloob na Espiritu Santo, babaguhin nito ang ating buhay at patitibayin ang ganap na katapatan natin sa kaharian ng Diyos. Kapag may mga tukso, kung makikinig tayo, ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo na nangako tayong aalalahanin ang ating Tagapagligtas at susundin ang mga utos ng Diyos” (“Ang Tipan ng Binyag: Ang maging nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Ensign, Nob. 2000, 7).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “patibayin ang ganap na katapatan sa kaharian ng Diyos”?
-
Sa paanong paraan maaaring baguhin ng binyag ang buhay ng isang tao?
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang natitirang mga talata tungkol sa binyag sa mga pahina 70–71 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipahanap at pamarkahan sa kanila ang karagdagang mga aspeto ng doktrina ng binyag na mahalagang ibahagi sa mga investigator. Bigyan sila ng ilang sandali para kumpletuhin ang aktibidad na ito, at pagkatapos ay hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang napag-alaman nila. Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong itanong ang tulad ng mga ito:
-
Bakit magiging mahalaga sa isang investigator na maunawaan ang mga doktrinang ito?
-
Ano ang kaugnayan ng tipan ng binyag at ng mga alituntunin ng pananampalataya kay Jesucristo at ng pagsisisi, na tinalakay natin sa huling nagdaang klase?
-
Bakit mahalagang bahagi ng ordenansa ng binyag ang paglulubog sa tubig? (Ito ay simbolo ng kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Simbolo rin ito ng pagwawakas ng dati nating buhay at pagsisimula ng bagong buhay bilang disipulo ni Cristo [tingnan sa Roma 6:3–6].)
Ipaliwanag na mahalagang maghanda nang wasto ang mga investigator para sa binyag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:37. At sabihan ang mga estudyante na bumaling sa isa pang miyembro ng klase at talakayin ang sumusunod:
-
Paano makakatulong ang talatang ito para malaman ninyo kapag handa ang isang investigator para sa binyag? (Kung nahihirapan ang mga estudyante na sagutin ang tanong na ito, ituro sa kanila ang kahon na may pamagat na “Bago ang Binyag” sa pahina 71 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “lumapit nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu”?
-
Paano ipinakikita ng tao na talagang “tinanggap na nila ang Espiritu ni Cristo”?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para maisulat sa kanilang study journal ang ilang partikular na paraan na nagdulot ng mga pagpapala sa kanilang buhay ang pagtupad sa kanilang mga tipan sa binyag. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa dalawa o tatlong estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat.
Ipalabas ang video na “Invitation to Be Baptized: German” (2:43). Habang pinapanood ng mga estudyante ang video, anyayahan silang tingnan kung paano itinuro ng mga missionary kay German ang kahalagahan ng binyag.
-
Ano ang sinabi ng mga missionary para tulungan si German na maunawaan ang kahalagahan ng binyag?
-
Ano ang katibayan na nadama ni German ang Espiritu Santo at hinangad na magpabinyag?
Hatiin ang klase sa magkakapares, at anyayahan ang bawat pares na gamitin ang materyal sa mga pahina 70–71 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ang isa o dalawang talata mula sa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 71 para maghanda ng apat-hanggang limang-minutong lesson na nakatuon sa pagpapakilala ng pagbibinyag sa isang investigator. Maaari ring gamitin ng mga estudyante ang materyal na nasa pahina 8 ng missionary pamphlet na Ang Ebanghelyo ni Jesucristo.
Pagkatapos bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante na maghanda, bumuo ng grupo ng tig-aapat na estudyante, na may dalawang pares sa bawat grupo. Atasan ang isang pares sa bawat grupo na turuan ang isa pang pares tungkol sa binyag sa loob ng apat hanggang limang minuto. Hikayatin ang mga estudyante na gumaganap bilang mga missionary na buklatin ang kanilang mga piling talata at basahin nang malakas ang mga ito bilang bahagi ng kanilang pagtuturo. Sa pagtatapos ng karanasan sa pagtuturo ng mga estudyante, sabihin sa maliliit na grupo na talakayin ang sumusunod: Ano ang maayos na natalakay? Paano nakatulong ang lesson sa mga tinuturuan na maunawaan ang kahalagahan ng binyag? Ano ang dapat sanang binago ng mga titser para maging lalong epektibo ang kanilang pagtuturo?
Pagkatapos ay magpalitan ng papel na ginagampanan at hayaang turuan ang magkaparehang nagturo ng isa pang pares. Tiyaking may oras para makatanggap ng feedback ang pangalawang pares. Sa aktibidad na ito, maglakad sa paligid ng silid para pagmasdan ang mga estudyante na nagtuturo, at purihin sila at magbigay ng mga mungkahi kung paano nila ito mapagbubuti.
Kapag nagkaroon na ang lahat ng estudyante ng pagkakataong magturo, mag-ukol ng ilang minuto para pag-usapan ng klase ang kanilang karanasan. Para masimulan ang talakayan, itanong ang gaya ng sumusunod:
-
Ano ang ilang bagay na natutuhan ninyo mula sa pagtuturo ng doktrinang ito?
-
Bakit mahalagang maghanda na kayo ngayon na ituro ang mga alituntunin, katotohanan, at doktrinang ito sa iba?
-
Ano ang magagawa ninyo ngayon para maging mas handang magturo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo sa inyong misyon?
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Para maihanda ang mga estudyante sa bahaging ito ng lesson, itanong sa klase kung anong ordenansa ang isinasagawa pagkabinyag sa isang tao (kumpirmasyon, kung saan ang tao ay nagiging miyembro ng Simbahan at tinatanggap ang kaloob na Espiritu Santo.) Sabihin sa mga estudyante na isipin sa loob ng tatlumpung segundo kung bakit kinukumpirma ang mga tao kaagad matapos silang binyagan. Bago sumagot ang mga estudyante, isiping basahin sa kanila ang siping ito mula kay Propetang Joseph Smith:
“Para kayong nagbinyag ng isang sakong buhangin kapag bininyagan ninyo ang isang tao nang hindi para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkakamit ng Espiritu Santo. Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 111).
Itanong:
-
Bakit maituturing ang binyag na “kalahating binyag” lamang kung ito ay hindi na sinundan ng “pagbibinyag ng Espiritu Santo”? (Pagkaraan ng ilang sagot, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pakinggan ang iba pang mga sagot sa tanong na ito habang nagpapatuloy ang lesson.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na palihim na nagpunta sa gabi ang isang pinunong Judio na nagngangalang Nicodemo para magtanong tungkol kay Jesus ng Nazaret. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 3:3, at itanong:
-
Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ng Tagapagligtas sa Juan 3:3 tungkol sa kung ano ang kailangan para makapasok sa kaharian ng Diyos?
Basahin sa klase ang Juan 3:4–6 at itanong:
-
Ano ang itinanong ni Nicodemo na nagpapahiwatig na hindi niya naunawaan ang turo ng Tagapagligtas sa talata 3?
-
Paano sinagot ni Jesus ang mga tanong ni Nicodemo? (Itinuro Niya kay Nicodemo ang mahalagang doktrina ng ebanghelyo: Kailangan tayong maipanganak ng tubig at ng Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Itinuro Niya na ang “ipanganak na muli” ay tungkol sa espirituwal na pagsilang, hindi pisikal na pagsilang.)
Isulat sa pisara:
Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng “ipanganak ng tubig”? (Ibig sabihin nito ay mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “ipanganak ng Espiritu”? (Ibig sabihin nito ay tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Kung nahihirapan ang mga estudyante sa pagsagot sa tanong na ito, ipabuklat sa kanila ang Juan 3:5, footnote a.)
-
Sa palagay ninyo bakit ang salitang “ipanganak” ang ginamit para ilarawan kung ano ang kailangang mangyari sa atin sa espirituwal? Anong mga aspeto ng pisikal na pagsilang ang maikukumpara sa ating espirituwal na pagsilang na muli? (Kung kailangan, isiping basahin ang Moises 6:58–59 para makatulong sa pagsagot sa tanong na ito.)
Hilingin sa ilang estudyante na magpalitan sa pagbasa nang malakas sa mga talata sa bahaging “Ang Kaloob ng sa Espiritu Santo” sa pahina 72 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihan ang klase na sundan ang pagbabasa, na naghahanap ng mga pagpapalang kaakibat ng kaloob na Espiritu Santo.
Itanong sa klase:
-
Ano ang ilan sa mga pagpapalang kaakibat ng kaloob na Espiritu Santo? (Ang isa sa mga doktrinang dapat matukoy ng mga estudyante ay ito: Ang kaloob na Espiritu Santo ay makapagdudulot ng nakadadalisay at nakalilinis na epekto sa mga tumatanggap nito.)
Para tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrina, hilinging pag-aralan nila ang isa o dalawa sa mga talata na nasa ilalim ng pamagat na “Mga Pagpapala at Impluwensya mula sa Espiritu Santo” sa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan na nasa pahina 72 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Habang nag-aaral sila, anyayahan silang i-highlight sa kanilang banal na kasulatan ang ilan sa mga pagpapalang hatid ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos ay itanong:
-
Bakit mahalagang matanggap ng isang tao ang Espiritu Santo pagkatapos mabinyagan?
Itanong ang sumusunod, ngunit bago sumagot ang mga estudyante, bigyan sila ng isang saglit para tahimik na pagnilayan ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ng sapat na sandali, anyayahan ang ilang estudyante na sumagot at ibahagi sa klase ang kanilang karanasan.
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo mula sa kaloob na Espiritu Santo?
Gawing pares-pares ang mga estudyante. Hilingin sa mga estudyante na gamitin ang impormasyon mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (o ang bahaging may pamagat na “Bakit Kailangan Kong Matanggap ang Espiritu Santo?” sa mga pahina 8–10 ng missionary pamphlet na Ang Ebanghelyo ni Jesucristo) at maghanda ng apat- hanggang limang-minutong lesson tungkol sa kaloob na Espiritu Santo. Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pag-aralan ang ilang talata ng banal na kasulatan na nakalista sa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan na nasa pahina 72-73 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
Pagkatapos bigyan ng sapat na panahon para makapaghanda, bumuo ng mga grupo ng tig-aapat na estudyante, na may dalawang pares sa bawat grupo. Atasan ang isang pares ng mga estudyante na turuan ang isa pang pares. Habang nagtuturo ang mga estudyante, maglakad sa paligid ng silid para pagmasdan, at purihin sila at magbigay ng mga mungkahi kung paano nila ito mapagbubuti. Sa pagtatapos ng karanasan sa pagtuturo ng mga estudyante, sabihin sa maliliit na grupo na talakayin ang sumusunod: Ano ang maayos na natalakay? Ano ang dapat sanang binago ng mga titser para maging lalong epektibo ang kanilang pagtuturo? Paano nakatulong ang kanilang lesson sa mga tinuturuan na maunawaan ang kahalagahan ng kaloob na Espiritu Santo?
Pagkatapos ay sabihing magpalitan ng papel na ginagampanan ang mga pares, at hayaang turuan ng magkaparehang tinuruan ang isa pang pares. Tiyaking may oras para makatanggap ng feedback ang pangalawang pares.
Kapag nagkaroon na ang lahat ng estudyante ng pagkakataong magturo, mag-ukol ng ilang minuto para i-assess ang karanasan sa pagtatanong ng gaya ng sumusunod:
-
Ano ang ilang bagay na natutuhan ninyo mula sa pagtuturo ng doktrinang ito?
-
Batay sa karanasang ito, ano ang magagawa ninyo upang mapagbuti ang pagtuturo ninyo bilang missionary?
Magtiis Hanggang Wakas
Sa pisara, idrowing ang larawan ng isang gate o pasukan na may landas sa likod nito:
Hilingin sa isang estudyante sa klase na basahin nang malakas ang 2 Nephi 31:17. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Ano ang tinukoy ni Nephi na pasukan tungo sa buhay na walang hanggan?
Hilingin sa isa pang estudyante na basahin nang malakas ang 2 Nephi 31:18–20 habang sinusundan ito ng klase, na naghahanap ng kailangan nating gawin pagkatapos tayong binyagan.
-
Ano ang sinabi ni Nephi na naroon sa paglampas ng pasukan? (Ang makipot at makitid na landas tungo sa buhay na walang hanggan.)
-
Ayon kay Nephi, ano ang kailangang gawin ng tao pagkatapos mabinyagan para tumanggap ng buhay na walang hanggan?
-
Paano nauugnay ang pagtitiis o pananatiling tapat hanggang wakas sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas?
Ipabasa sa mga estudyante ang bahaging may pamagat na “Magtiis Hanggang Wakas” sa pahina 73 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Hikayatin silang hanapin kung ano ang magagawa natin para manatiling tapat hanggang wakas. Pagkatapos ay itanong:
-
Bakit mahalagang manatili tayong tapat hanggang wakas? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung masigasig nating sisikaping magtiis o manatiling tapat hanggang wakas, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.)
-
Paano makakatulong ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtitiis ninyo hanggang wakas?
Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo, lalo na ang binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.
Mga Paanyayang Kumilos
Isiping imbitahin ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagkaunawa sa ebanghelyo ni Jesucristo sa paggawa ng isa o higit pa sa sumusunod na mga aktibidad sa darating na linggo:
-
Magpraktis na ipaliwanag ang mga kailangan sa binyag na nasa Doktrina at mga Tipan 20:37. Isulat ang ilang pangungusap sa inyong study journal na naglalarawan kung ano ang ginagawa ninyo ngayon para mamuhay nang naaayon sa mga tipan sa binyag na nakasaad sa talatang ito.
-
Basahin ang mga talata tungkol sa kaloob na Espiritu Santo na nasa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 73 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Basahin ang entry na “Holy Ghost” sa Bible Dictionary. Markahan ang iyong banal na kasulatan o isulat sa inyong study journal ang mga talatang gusto ninyong gamitin sa pagtuturo sa isang tao tungkol sa kaloob na Espiritu Santo.
-
Ituro ang mga alituntunin ng “Lesson 3: Ang Ebanghelyo ni Jesucristo” sa isang kapamilya o kaibigan (kung maaari sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan, o isang taong di-gaanong aktibo), nang personal o online. Ibahagi ang iyong patotoo sa mga alituntuning ito habang tinuturuan mo sila.