Institute
Lesson 12: Paghahanap ng mga Taong Tuturuan


12

Paghahanap ng mga Taong Tuturuan

Pambungad

Hindi maibabahagi ng mga missionary ang ebanghelyo hangga’t wala silang nahahanap na taong tuturuan. Ang paghahanap ng mga tao ay nangangailangan ng pananampalataya—pananampalatayang kausapin ang mga tao tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, pananampalatayang makita ang mga pagkakataong magturo, at pananampalataya na aakayin sila ng Diyos sa mga taong handang makinig. Ang pinakamabisang paraan sa paghahanap ng matuturuan ay sa pamamagitan ng mga miyembro ng Simbahan. Lahat ng mga miyembro ng Simbahan, kabilang na ang mga prospective missionary, ay may personal na responsibilidad na tumulong sa paghahanap ng mga taong handang tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang mga kabataan ay maaaring maghanda para maglingkod nang full-time sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ngayon, kapwa sa personal at sa pamamagitan ng online resources.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagkakaroon ng Pananampalataya na Makakahanap ng mga Taong Tuturuan

Ipaliwanag na si Pangulong Wilford Woodruff ay naglingkod bilang missionary sa England pagkatapos siyang iorden bilang Apostol. Idispley at hilingin sa mga estudyante na magpalitan sa pagbabasa nang malakas ng sumusunod na salaysay para ipakilala ang kahalagahan ng paghahangad sa tulong ng Panginoon sa paghahanap ng matuturuan. Ipahanap sa klase ang ginawa ni Elder Woodruff sa paghahanap ng matuturuan:

Pangulong Wilford Woodruff

“Nanalangin si Elder Woodruff sa Panginoon … , itinatanong kung saan siya dapat magpunta. Isinalaysay niya: ‘Dahil naniniwala ako na pribilehiyo at tungkulin ko ang malaman ang kagustuhan ng Diyos sa bagay na ito, kaya hiniling ko sa aking Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo na ituro sa akin ang kagustuhan niya sa bagay na ito, at habang nagtatanong ako, sumagot ang Panginoon, at ipinakita sa akin na gusto niyang pumunta ako kaagad sa katimugang bahagi ng England. Nakipag-usap ako kay Brother William Benbow tungkol sa bagay na ito, na tumira noon sa Herefordshire at may mga kaibigang nakatira pa roon. Gustung-gusto niyang mabisita ko ang lugar na iyon, at bukas-palad [siyang] nag-alok na sasamahan ako sa bahay ng kanyang kapatid at babayaran ang pamasahe ko, na kaagad ko namang tinanggap.’

“Noong ika-4 ng Marso, 1840, dumating sina Elder Woodruff at William Benbow sa tahanan ng kapatid ni William na si John. ‘Isang oras pagkarating ko sa bahay niya,’ paggunita ni Pangulong Woodruff, ‘Nalaman ko kung bakit ako ipinadala ng Panginoon doon. … Natagpuan ko ang pangkat ng mga anim na raang kalalakihan at kababaihan, na nagsama-sama sa ilalim ng grupong United Brethren, at nagsisikap na iayos ang mga bagay-bagay ayon sa sinauna. Gusto nilang ituro sa kanila ang Ebanghelyo ayon sa pagkakaturo ng mga propeta at apostol, na ginusto ko rin noong kabataan ko.’

“Sa masigasig na pag-aaral ng Biblia, inihanda ni John Benbow at ng kanyang pamilya at mga kaibigan ang kanilang sarili sa pagtanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

“Mabilis na tinanggap ng pamilyang Benbow ang mensahe ng Panunumbalik, at nagbalik si William sa Staffordshire ‘matapos makamit ang masayang pribilehiyong makita ang kanyang kapatid na si Brother John Benbow, at lahat ng kanyang kamag-anak, … na mabinyagan sa bago at walang hanggang tipan.’ Namalagi si Elder Woodruff sa lugar nang mga walong buwan. Ikinuwento niya kalaunan: ‘Sa unang tatlumpung araw pagkarating ko sa Herefordshire nagbinyag ako ng apatnapu’t-limang mangangaral at ilang daan pang miyembro. … Nakapagbinyag kami sa Simbahan ng 2,000 katao pagkalipas ng mga walong buwang pagpupunyagi.’

“Sa pagtukoy sa karanasang ito, isinulat ni Pangulong Woodruf: ‘Ipinakita ng buong kasaysayan ng misyong ito sa Herefordshire ang kahalagahan ng pakikinig sa marahan at banayad na tinig ng Diyos at sa mga paghahayag ng Espiritu Santo. Inihanda ng Panginoon ang mga tao roon para sa Ebanghelyo. Nagdarasal sila para sa liwanag at katotohanan, at ipinadala ako ng Panginoon sa kanila’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 99).

Itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang ginawa ni Elder Woodruff upang malaman kung saan matatagpuan ang mga taong handang tanggapin ang ebanghelyo?

  • Sa paanong paraan tinulungan ng Panginoon si Elder Woodruff? (Maaari mong banggitin sa mga estudyante na hindi lamang binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Elder Woodruff na magpunta sa timog ng England, kundi binuksan din Niya ang daan para makapagturo si Elder Woodruff sa bukirin ni John Benbow, kung saan daan-daang kalalakihan at kababaihan ang inihanda para tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo.)

  • Anong alituntunin tungkol sa paghahanap ng matuturuan ang inilarawan ni Elder Woodruff sa kuwento? (Ang mga sagot ng estudyante ay maaaring ibuod sa pagsulat ng sumusunod na mga alituntunin sa pisara: Matutulungan tayo ng Panginoon na hanapin ang mga taong inihanda para tanggapin ang ebanghelyo kapag nanalangin tayo para humingi ng tulong, makinig sa Espiritu, at pagkatapos ay kumilos nang may pananampalataya.)

Hilingin sa klase na buklatin ang pahina 177 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata sa ilalim ng pamagat na “Pagkakaroon ng Pananampalataya sa Paghahanap ng Tuturuan.” Pagkatapos ay itanong:

  • Paano nakakatulong ang kaalaman na “inihahanda ng Panginoon ang mga tao para tanggapin kayo at ang ipinanumbalik na ebanghelyo” para mahikayat kayong maghandang magmisyon?

Ipabasa sa mga estudyante ang kasunod na talata sa pahina 177 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, sa ilalim ng subheading na “Ang Pamilya ng Diyos.” Pagkatapos ay itanong:

  • Paano naiimpluwensyahan ng doktrina na ang lahat ng lalaki at babae ay bahagi ng pamilya ng Diyos ang inyong damdamin tungkol sa paghahanap ng mga matuturuan?

  • Sa sipi mula sa Alma 31:34–35, ano ang ipinagdasal ni Alma habang naghahanda siya para mangaral sa mga Zoramita?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa panalangin ni Alma?

video iconIpalabas ang video na “Developing the Faith to Find” (2:55), at sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga ideya tungkol sa paghahanap ng mga taong tuturuan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang natutuhan nila.

Itanong:

  • Anong mga ideya ang ibinigay ng mga missionary sa video na ito tungkol sa paghahanap ng matuturuan? (Maaaring ganito ang ibigay na mga sagot ng mga estudyante: Dapat manalangin ang mga missionary para sa mga pagkakataon, mahalin ang iba at tingnan sila tulad ng pagtingin sa kanila ng Diyos, at tandaan na inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga anak para tanggapin ang ebanghelyo at inaakay ang Kanyang mga missionary para mahanap sila. Dahil mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak, nais niyang magkaroon ang lahat ng pagkakataong marinig at tanggapin ang ebanghelyo.)

  • Bakit mahalagang kumilos sa damdaming tulungan ang iba at anyayahan silang alamin ang tungkol sa ebanghelyo?

Ipabasa sa mga estudyante ang tatlong talata sa subsection na may pamagat na “Matatagpuan Sila na mga Tatanggap sa Inyo” sa pahina 178 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang ilang hamong kinakaharap natin kapag sinisikap nating makahanap ng mga matuturuan? (Karaniwan ay hindi natin alam kung sino ang handa para sa ebanghelyo. Hindi kaagad tayo makikilala ng mga tao bilang mga lingkod ng Panginoon. Maaaring hindi nila matanto na hinahanap nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo.)

  • Paano tayo tinutulungan ng Panginoon sa paghahanap ng matuturuan? (Isinusugo Niya ang Espiritu Santo para gabayan tayo.)

  • Sa palagay ninyo ano ang nais ng Panginoon na gawin ng mga missionary kapag wala silang makita kaagad na mga resulta sa kanilang mga pagsisikap na makahanap ng matuturuan?

Kung may mga estudyante sa klase na mga convert sa Simbahan, isiping anyayahan ang isa o mahigit pa sa kanila na ibahagi kung paano nila nalaman ang tungkol sa Simbahan at paano nila natanto na ang mga missionary ay nagtuturo sa kanila ng katotohanan. Kung walang mga convert sa klase, anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang bagong binyag na kilalang-kilala nila sa kanilang pamilya o sa kanilang ward. Ikonsidera na anyayahan sila na ibahagi kung paano tinanggap ng taong iyon ang ebanghelyo.

Ang Kahalagahan ng Gawaing Misyonero ng Miyembro

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas:

Pangulong Thomas S. Monson

“Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya. Naghanda Siya ng maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo, at tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap kung gagawin natin nang may pananampalataya ang Kanyang gawain” (“Pananampalataya sa Gawain ng Kaligtasan” [mensaheng ibinigay sa Work of Salvation worldwide leadership broadcast, Hunyo 23, 2013]).

Maaari ninyong itanong sa mga estudyante ang gaya ng sumusunod:

  • Bakit mahalagang tandaan na hiniling sa atin ng isang propeta ng Diyos na makibahagi sa gawaing misyonero ng miyembro? (Maaari mong banggitin ang Doktrina at mga Tipan 88:81, na nagtatampok sa inaasahan ng Panginoon sa mga taong tumanggap sa ebanghelyo.)

  • Bakit kaya sinabi ni Pangulong Monson na “ngayon ang panahon” para magtulungan ang mga miyembro at missionary?

Pagkatapos ay ipabuklat sa mga estudyante ang pahina 183 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at sabihan ang tatlong estudyante na magpalitan sa pagbasa nang malakas sa unang tatlong talata sa ilalim ng pamagat na “Ang Kahalagahan ng mga Miyembro.” Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang maaaring ibunga kapag ang mga miyembro at missionary ay nagtutulungan upang ipangaral ang ebanghelyo? (Maaaring kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kapag inaanyayahan ng mga miyembro ang iba na maturuan at naroon sila kapag nagtuturo na, mas maraming tao ang nabibinyagan at nananatiling aktibo sa Simbahan.)

video iconIpalabas ang video na “The Lord of the Harvest: The Adams Family” (4:41), at sabihin sa mga estudyante na pansinin ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan para tulungan ang pamilya Adams na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Itanong:

  • Ano ang ilan sa mga pagsisikap na humantong sa pagtanggap ng pamilya Adams ng mga pagpapala ng ebanghelyo?

  • Ano kaya ang naghikayat sa mga miyembro sa video na ibahagi ang ebanghelyo sa pamilya Adams?

Ipabasa nang malakas sa mga estudyante ang dalawang talata sa bahaging may pamagat na “Walang Nasasayang na Pagsisikap” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 194. Isiping itanong ang mga sumusunod:

  • Kahit hindi tanggapin ng mga tao ang imbitasyon na alamin ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, bakit walang nasasayang na pagsisikap sa paglilingkod at pagtuturo?

  • Paano mananatiling maganda ang pananaw ng missionary kapag pinipili ng mga tao na huwag alamin ang tungkol sa ebanghelyo?

Ipabahagi sa mga estudyante kung ano ang nagawa na nila noon para makibahagi sa gawaing misyonero ng miyembro. Sabihing ipaliwanag nila ang nadama nila habang sinisikap nilang ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Partisipasyon sa Gawaing Misyonero ng Miyembro

Ilista ang sumusunod na mga talata sa pisara, pagkatapos ay tahimik na ipabasa sa bawat estudyante ang isa sa mga talata at hanapin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong pinipiling makibahagi sa gawaing misyonero.

D at T 18:10, 14–16

D at T 33:6–11

D at T 100:5–6

Pagkatapos bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante para repasuhin ang talatang pinili nila, hilingin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga talatang binasa nila at ibahagi kung paano sila mahihikayat ng ipinangakong mga pagpapala sa paghahanap ng mga taong tatanggap sa mensahe ng ebanghelyo. Hikayatin ang lahat ng miyembro ng klase na makibahagi sa talakayang ito. Maaari mong ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara sa tabi ng angkop na talata.

Isiping isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Bilang mga miyembrong missionary, makapagsisimula tayo ngayon sa paghahanap ng mga taong patuturuan sa mga missionary.

Para tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano sila maaaring makibahagi sa gawaing misyonero ng miyembro, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula kay Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hilingin sa klase na pakinggan ang payo kung paano magkaroon ng tiwala at tapang sa pagtulong sa iba:

Elder M. Russell Ballard

“Mga kapatid, mapapalitan ng pananampalataya at tiwala ang takot kapag lumuhod at nanalangin ang mga miyembro at full-time missionary at hiniling sa Panginoon na bigyan sila ng mga pagkakataong makapagbahagi ng ebanghelyo. Pagkatapos, dapat tayong manampalataya at maghintay ng mga pagkakataong maipakilala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga anak ng ating Ama sa Langit, at tiyak na darating ang mga pagkakataong iyon. Ang mga pagkakataong ito ay hindi mangangailangan kailanman ng pilit o ipinlanong sagot. Likas na dadaloy ang mga ito dahil sa pagmamahal natin sa ating mga kapatid. Maging positibo lamang, at madarama ng mga kausap ninyo ang inyong pagmamahal. Hinding-hindi nila malilimutan ang pakiramdam na iyon, kahit hindi pa panahon para tanggapin nila ang ebanghelyo. Maaari ding magbago iyan sa hinaharap kapag nagbago ang kanilang sitwasyon.

“Imposibleng mabigo tayo kapag ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin sa paglilingkod sa Panginoon. Yamang ang kalalabasan ay resulta ng paggamit ng kalayaan, responsibilidad nating ibahagi ang ebanghelyo.

“Magtiwala sa Panginoon. Siya ang Mabuting Pastol. Kilala Niya ang Kanyang mga tupa, at kilala ng Kanyang mga tupa ang Kanyang tinig; at ngayon ang tinig ng Mabuting Pastol ay tinig ninyo at tinig ko. At kung hindi tayo kikilos, malalagpasan ang maraming makikinig sana sa mensahe ng Panunumbalik. Sa madaling salita, kailangan tayong sumampalataya at kumilos. Simple lang ang mga alituntunin—manalangin, nang personal at kasama ang inyong pamilya, para sa mga pagkakataong magbahagi ng ebanghelyo. …

Hindi kailangang mahusay kayong makisama o magaling magsalita, at nakakakumbinsing magturo. Kung may namamayaning pagmamahal at pag-asa sa inyong kalooban, nangako ang Panginoon na kung “[itataas ninyo] ang inyong mga tinig sa mga taong ito; [at sasabihin] ang mga bagay na ilalagay [Niya] sa inyong mga puso, … hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao;

“‘[At] ito ay ibibigay ninyo … sa sandali, kung ano ang sasabihin ninyo’ (D at T 100:5–6)” (“Magtiwala sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 44).

Itanong:

  • Ano ang iminungkahi ni Elder Ballard na magagawa ng mga miyembro para magkaroon ng higit na tiwala na ipakilala ang ebanghelyo sa iba?

  • Sa paanong paraan ang paghahanap ng matuturuan ay tungkol sa pananampalataya?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para maghanap sa listahan ng “Mga Ideya sa Pagtulong sa mga Miyembro” sa pahina 185 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at hanapin ang partikular na mga paraan na makababahagi ang mga miyembro sa gawaing misyonero. Papiliin ang mga estudyante ng isa o dalawang ideya na magagamit nila ngayon para makibahagi sa gawaing misyonero ng miyembro. Pagkatapos ay itanong:

  • Alin sa mga ideyang ito ang magagawa ninyo ngayon para anyayahan ang iba na makinig sa mensahe ng ebanghelyo?

  • Bakit kaya nag-aalangan ang ilang miyembro ng Simbahan na tulungan ang iba sa mga paraan na matatagpuan sa listahang ito?

Hikayatin ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para isulat ang ilang bagay na gagawin nila para makahanap ng mga taong patuturuan sa mga missionary. Imungkahi sa mga estudyante na ang kanilang mga plano ay magiging mas epektibo kung isusulat nila ang pangalan ng partikular na mga di-miyembrong kaibigan at kapamilya na mababahaginan nila ng mensahe ng ebanghelyo. Maaari mong imungkahi na isama ng mga estudyante ang mga hakbang na tulad ng regular na pagdarasal para sa mga pagkakataon na maging missionary, pagtulong na makausap ang iba tungkol sa paksa ng ebanghelyo, pag-imbita sa iba na sumama sa pagsisimba o sa iba pang mga aktibidad ng Simbahan, pag-imbita sa iba na makinig sa mga lesson ng mga missionary, pag-imbita sa iba na basahin ang Aklat ni Mormon, at marami pang iba. Ayon sa patnubay ng Espiritu, maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga plano sa klase.

Gamitin ang Lahat ng Kasangkapan na Inihanda ng Diyos

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa klase na pakinggan kung paano nagbabago ang proseso ng paghahanap ng matuturuan:

Elder L. Tom Perry

“Noong ako ay bata pang misyonero, nagawa naming kausapin ang mga tao sa daan at kumatok sa mga pintuan para ibahagi ang ebanghelyo. Nagbago na ang mundo simula noon. Ngayon, maraming tao ang abala sa kanilang buhay. Paroo’t parito sila, at madalas ay ayaw nilang magpapasok ng mga estranghero sa bahay nila, na hindi imbitado, para magbahagi ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pangunahing paraan ng pakikipag-ugnayan nila sa iba, kahit sa malalapit na kaibigan, ay kadalasang sa pamamagitan ng Internet. Ang paraan ng paggawa ng gawaing misyonero, samakatwid, ay dapat magbago upang maisakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawaing tipunin ang nakalat na Israel ‘mula sa apat na sulok ng mundo’ [2 Nephi 21:12]. Pinahihintulutan na ang mga missionary na gamitin ang Internet sa kanilang pagtuturo ng ebanghelyo. …

“Sa pagpasok ng mga missionary sa bagong panahong ito na gagamit sila ng mga computer sa gawain ng Panginoon, inaanyayahan namin ang mga bata at matanda, adult, young adult, kabataan at mga bata saanman na samahan kami sa … pagbabahagi ng kanilang mga mensahe ng ebanghelyo online. …

“Tulad ng mga missionary na dapat makaagapay sa nagbabagong mundo, dapat ding baguhin ng mga miyembro ang pananaw nila tungkol sa gawaing misyonero. Sa pagsasabi nito, nais kong linawin na ang ipinagagawa sa atin, bilang mga miyembro, ay hindi nagbabago; ngunit ang paraan ng pagsasagawa ng ating responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo ay dapat iakma sa nagbabagong mundo” (“Gawaing Misyonero sa Panahon ng Makabagong Teknolohiya” [mensaheng ibinigay sa Work of Salvation worldwide leadership broadcast, Hunyo 23, 2013]).

Itanong:

  • Ayon kay Elder Perry, bakit kailangang simulang gamitin ng mga miyembro at missionary ang online resources sa pagbabahagi nila ng ebanghelyo? Ano ang mga pakinabang ng paggamit ng resources na ito?

  • Ano ang ilan sa online tools o resources na magagamit ninyo upang ibahagi ang inyong patotoo sa ebanghelyo at anyayahan ang iba na dagdagan pa ang nalalaman nila?

  • Ano ang ilang partikular na paraan na magagamit ninyo ang tools na ito para ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo? (Tutulungan ng talakayang ito ang mga estudyante na tukuyin ang alituntunin na maaaring gamitin ng mga alagad ni Jesucristo ang makabagong teknolohiya para ibahagi ang kanilang patotoo sa ebanghelyo sa mga tao sa buong mundo.)

Idispley ang sumusunod na mga patnubay mula sa LDS.org, at anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang unang talata. Pagkatapos ay tawagin ang iba pang mga estudyante na basahin nang malakas ang listahan ng mga patnubay sa paggamit ng social media. Hilingin sa klase na hanapin ang mga paraan na matutulungan sila ng impormasyong ito na mas humusay sa pagbabahagi ng ebanghelyo online.

“Ang social media ay magiging napakalakas na impluwensya sa buhay ng mga gumagamit nito. Ito ay maaaring maging paraan para ipakita ang ating pananampalataya kay Jesucristo at palakasin ang mga ugnayan. Hinihikayat ng Simbahan ang paggamit ng social media na sumusuporta sa misyon ng Simbahan, nagpapatatag sa pakikipag-ugnayan, at nagpapadali sa pagtanggap ng mga paghahayag ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na maging halimbawa ng kanilang pananampalataya sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar, pati na sa pagsali nila sa pandaigdigang pag-uusap na nagagawa sa pamamagitan ng social media. …

“Ang sumusunod ay mga mungkahi sa paggamit ng social media sa ating sariling buhay: …

“Maging magalang sa inyong online na pakikipag-ugnayan sa iba. Ayon sa mga turo ng mga Banal sa mga Huling Araw kailangang pakitunguhan ng mga miyembro ang ibang tao nang may paggalang, anuman ang sitwasyon.

“Ipahayag ang inyong personal na patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ayon sa patnubay ng Espiritu. Ang gayong mga mensahe ay dapat personal; huwag mag-iwan ng impresyon sa mga tao na nagsasalita kayo para sa Simbahan, at huwag bumuo ng mga grupo na nagbibigay ng impresyon na opisyal nilang kinakatawan o tinatangkilik sila ng Simbahan.

“Laging maging halimbawa ng isang alagad ni Cristo sa inyong pakikipag-ugnayan sa iba sa social media. Ang inyong mabuting halimbawa ay makaiimpluwensya sa mga nakakasalamuha ninyo. Makabubuting tumigil sa pakikisama sa mga taong palaging naghahangad na hilahin pababa ang ibang tao at lalo na sa mga taong nagpo-post ng hindi angkop na mga materyal. …

“Maging matalino sa paghatol kapag nagpo-post sa isang social media site. Walang ‘delete’ button sa Internet. Ang mga imahe at post ay mananatili nang maraming taon at maaaring makapinsala sa paghahanap ninyo ng trabaho o sa pagpasok sa kolehiyo, gayundin sa ibang mga pagkakataon kung saan maaaring makita ang inyong public Internet rekord. Tiyaking nakaayon ang inyong komunikasyon sa inyong pangako na tataglayin sa inyong sarili ang pangalan ng Tagapagligtas” (“Social Media Helps for Members,” LDS.org).

Hilingin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga iniisip kung bakit ang mga mungkahi sa listahang ito ay mahalagang tandaan nila habang ibinabahagi nila ang ebanghelyo online.

Kung may oras pa, sabihan ang isang estudyante na ipakita sa klase kung paano magbahagi ng mga video o iba pang mga materyal sa LDS.org o sa mormon.org gamit ang social media. Maaari mong sabihan ang isa pang estudyante na ipakita kung paano lumikha ng profile sa mormon.org.

video iconIsiping ipalabas ang video na “Sharing Your Beliefs” (2:02) para tulungan ang mga estudyante na magtiwala sa kakayahan nilang gamitin ang teknolohiya upang ibahagi ang kanilang damdamin at patotoo sa ebanghelyo. Bago ipalabas ang video, hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang maaaring maging impluwensya ng isang tao sa paggamit ng teknolohiya para ibahagi ang kanyang damdamin tungkol sa ebanghelyo.

Pagkatapos ng video, itanong:

  • Paano napag-iigi ng teknolohiya ang pagsisikap ng mga miyembro na hangaring ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo?

Imbitahin ang mga estudyante na ilarawan kung paano nila magagamit ang teknolohiya para ibahagi ang kanilang patotoo sa iba. Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning itinuturo sa lesson.

Mga Imbitasyon para Kumilos

Tulungan ang mga estudyante na magsimula ngayon sa paghahanap ng mga taong handang makinig sa mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagkumpleto sa isa o mahigit pa sa sumusunod na mga iminungkahing aktibidad:

  • Kumpletuhin ang mga item na inilista ninyo sa writing assignment sa lesson na ito para makahanap ng mga taong patuturuan sa mga missionary.

  • Rebyuhin ang listahan ng mga contact sa inyong cell phone at hanapin ang isang di-gaanong aktibong miyembro o di-miyembro. Tawagan o i-text ang taong iyon at anyayahan siyang sumama sa inyo sa simbahan sa Linggong ito.

  • I-explore ang website na mormon.org at i-explore ang resources ng site, gaya ng mga video, artikulo at profile na na-post ng mga miyembro ng Simbahan. Ibahagi ang isang video, artikulo, o iba pang page sa iba gamit ang social media.

  • Gumawa ng sarili ninyong profile sa mormon.org. Ibahagi ang iyong profile sa iba gamit ang social media.

  • Ibahagi ang isang Mormon Messages video at ang inyong damdamin tungkol dito gamit ang social media.