Institute
Lesson 2: Ang Pangangailangan Natin sa Pagbabayad-sala


2

Ang Pangangailangan Natin sa Pagbabayad-sala

Pambungad

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakamahalaga sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, isinakatuparan ni Jesucristo ang mga layunin ng Kanyang Ama sa pagtubos sa atin mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan, pagtugon sa mga hinihingi ng katarungan, at paglilinis sa atin mula sa sari-sarili nating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi. Pinapanatag din tayo ng Tagapagligtas sa ating mga kahinaan, binibigyan tayo ng lakas na maisagawa ang mga bagay na hindi natin kayang gawing mag-isa, at binibigyan tayo ng pag-asa na makakabalik tayo sa piling Niya at ng Ama sa Langit. Ang mga full-time missionary ay nakikibahagi sa gawain ng kaligtasan sa pagtulong sa iba na malaman kung paano matatamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, pagpapakumpirma, at pagtitiis hanggang wakas.

Paunang Paghahanda

  • Pag-aralan ang mga sumusunod para mas maunawaan kung bakit natin kailangan ang Pagbabayad-sala: Mga Taga Roma 3:23; 2 Nephi 9:6–10; at Alma 42:9–14.

  • Pag-aralan ang mga sumusunod para makita ang ilan sa mga pagpapalang makakamtan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala: Mosias 3:19; 4:3; 24:12–15; at Alma 5:12–13; 7:11–13.

  • Pag-aralan ang Elder Jeffrey R. Holland, “Gawaing Misyonero at Pagbabayad-sala,” Liahona, Okt. 2001, 26–32.

  • Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 56–57 at 66–67.

  • Maghandang ipalabas ang video na He Lives! All Glory to His Name!” (2:51; clip mula sa mensahe ni Elder Richard G. Scott, Ensign o Liahona, Mayo 2010, 75–78), na makukuha sa lds.org/media-library.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Bakit Natin Kailangan ang Pagbabayad-sala

Magsimula sa pagtatanong sa mga estudyante ng mga sumusunod:

  • Paano nauunawaan ng mga tao na kailangan nila ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay?

Susunod, idispley ang sumusunod na pahayag:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Tulad ng pag-ayaw ng tao sa pagkain kung hindi siya gutom, gayon din naman na hindi niya hahangaring maligtas kay Cristo hangga’t hindi niya alam kung bakit niya kailangan si Cristo.

“Walang sinumang sapat at wasto ang kaalaman sa kung bakit kailangan niya si Cristo hangga’t hindi niya nauunawaan at tinatanggap ang doktrina ng Pagkahulog at ang epekto nito sa [buong] sangkatauhan” (Pangulong Ezra Taft Benson, A Witness and a Warning [1988], 33).

Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang tinutukoy natin kapag pinag-uusapan natin ang Pagkahulog ni Adan?

Idispley ang sumusunod na sipi at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante sa klase:

“Dahil sina Adan at Eva … ay kumain ng bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama, pinalayas sila mula sa harapan ng Panginoon (tingnan sa D at T 29:40–41). Sa madaling salita, dumanas sila ng espirituwal na kamatayan. Naging mortal din sila—na daranas ng pisikal na kamatayan. Ang espirituwal at pisikal na kamatayang ito ay tinatawag na Pagkahulog. …

“Bilang mga inapo nina Adan at Eva, mamanahin natin ang nahulog na kalagayan sa mortalidad (tingnan sa Alma 42:5–9, 14). Tayo ay nahiwalay mula sa presensya ng Panginoon at daranas ng pisikal na kamatayan. Nalagay rin tayo sa kalagayan ng oposisyon, kung saan susubukin tayo ng mga hirap ng buhay at mga tukso ng kaaway (tingnan sa 2 Nephi 2:11–14; D at T 29:39; Moises 6:48–49)” (Tapat sa Pananampalataya [2006], 137–38).

Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang mga doktrinang itinuturo sa siping ito sa pagtatanong ng:

  • Paano naaapektuhan ng Pagkahulog ni Adan ang bawat isa sa atin bilang mga inapo nina Adan at Eva? (Katulad nina Adan at Eva, tayo man ay daranas ng pisikal at espirituwal na kamatayan. Nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo at daranas tayo ng mga hirap ng buhay at mga tukso ng kaaway. Tayo ay nahiwalay mula sa harapan ng Ama at kailangan natin ang tulong ng Tagapagligtas para tayo ay makabalik sa Kanya.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga scripture reference, at bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para pag-aralan ang mga ito:

Mga Taga Roma 3:23

2 Nephi 9:6–10

Alma 42:9–11, 14

Habang nag-aaral sila, hikayatin ang mga estudyante na hanapin kung paano naaapektuhan ng Pagkahulog nina Adan at Eva ang bawat isa sa atin.

  • Paano ipinaliliwanag ng mga talatang ito kung paano naaapektuhan ng Pagkahulog nina Adan at Eva ang bawat isa sa atin? (Kapag sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Bagama’t maaaring magkakaiba ang kanilang mga sagot, maaaring kagaya ito ng mga sumusunod: Tayong lahat ay nagkakasala at nagiging marumi sa paningin ng Diyos; dahil nagkakasala tayo, nahiwalay tayo mula sa harapan ng Diyos; daranas tayo ng pisikal na kamatayan; nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo at kailangan nating daigin ang “likas na tao” [Mosias 3:19].)

Tanungin ang mga estudyante kung ano ang mga tanong nila tungkol sa mga doktrina at katagang natukoy nila. Hayaang magkaroon ng talakayan sa klase para masaliksik ang mga tanong na ito. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano nakakatulong ang mga talatang ito na ipaliwanag kung bakit kailangan nating lahat si Jesucristo? Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay tinutubos tayo mula sa Pagkahulog ni Adan at mula sa sarili nating mga pagsuway.

Ipaliwanag na bilang bahagi ng maawaing plano ng Diyos, tinutulutan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matakasan ang mga “halimaw” ng kamatayan at impiyerno (tingnan sa 2 Nephi 9:10), ibig sabihin ay ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong malinis nang husto sa ating mga kasalanan kapag tayo ay nagsisi. Kung wala si Jesucristo, hindi lang tayo masasawi, kundi mapapailalim tayo sa diyablo sa buong kawalang-hanggan.

Magbahagi ng maikling patotoo tungkol sa karunungan at awa ng plano ng Diyos. Tiyakin sa mga estudyante na lahat ng bunga ng Pagkahulog ay maaaring madaig sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang Kahalagahan ng Pagtuturo ng Pagbabayad-sala

video iconIsiping basahin o ipalabas ang video clip ng sumusunod na pahayag mula kay Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Itanong sa mga estudyante kung bakit mahalagang pag-ibayuhin natin ang ating pag-unawa sa Pagbabayad-sala.

Elder Richard G. Scott

“Habang ginugunita ninyo ang Pagkabuhay na Mag-uli at halagang ipinalit at kaloob na ibinigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, pag-isipan kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa mga sagradong pangyayaring iyon. Ang personal na patotoo ninyo tungkol sa katotohanan ay lalakas. Dapat ay higit pa ito sa mga alituntuning isinasaulo ninyo. Dapat ay maging bahagi ito ng inyong pagkatao bilang isang makapangyarihang proteksyon laban sa nag-iibayong pagkasuklam na humahawa sa ating mundo. …

“Kung hindi sa Pagbabayad-sala, hindi ganap na maisasakatuparan ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat na madaig ang mga bunga ng mga pagkakamaling nagawa natin sa buhay. Kapag sinunod natin ang isang batas, tumatanggap tayo ng isang pagpapala. Kapag sinuway natin ang isang batas, wala nang natitira mula sa dating pagsunod upang bigyang-kasiyahan ang mga hinihingi ng katarungan para sa sinuway na batas. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay tinutulutan tayong pagsisihan ang anumang pagsuway upang maiwasan natin ang mga parusang ipapataw ng katarungang iyon.

“Ang pagpipitagan at pasasalamat ko para sa Pagbabayad-sala ng Banal ng Israel, ang Prinsipe ng Kapayapaan at ating Manunubos, ay patuloy na lumalago habang sinisikap kong unawain pa itong lalo. Alam ko na walang mortal na isipang sapat na makapaglalarawan, ni hindi angkop na maipapahayag ng dila ng tao, ang buong kahalagahan ng lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa mga anak ng ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Subalit mahalagang matutuhan ng bawat isa sa atin ang kaya nating matutuhan tungkol dito. Pagbabayad-sala ang mahalagang sangkap na iyon sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit na kung wala ay hindi maisasagawa ang plano. Ang pagkaunawa ninyo sa Pagbabayad-sala at ang ideyang laan nito sa inyong buhay ay lubhang magpapaibayo sa makabuluhang paggamit ninyo ng lahat ng kaalaman, karanasan, at mga kasanayang natutuhan ninyo sa buhay. …

“Talagang kailangang palakasin ng bawat isa sa atin ang ating pag-unawa sa kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang maging di-matitinag na pundasyon ito na mapagtatatagan ng ating buhay. …

“Ang malalim na personal na pagbubulay-bulay ng mga banal na kasulatan na nilakipan ng pagsasaliksik, taos-pusong panalangin ay magpapatibay sa inyong pag-unawa at pagpapahalaga sa Kanyang walang katumbas na Pagbabayad-sala” (“Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 75–77).

Tulungan ang mga estudyante na suriin ang pahayag ni Elder Scott sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Anong mga bahagi ng mensahe ni Elder Scott ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng pag-unawa sa Pagbabayad-sala? (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang mga pahayag na gaya ng mga sumusunod: ang pagdurusa ng Tagapagligtas “ay aapekto sa atin hindi lamang sa buhay na ito kundi sa buong kawalang-hanggan”; “lubos na isinakatuparan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang plano ng kaligayahan ng Kanyang Ama sa Langit”; “si Jesus ang nagbabalanse sa pagitan ng katarungan at awa kung susunod tayo”; “ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat na madaig ang mga bunga ng mga pagkakamaling nagawa natin sa buhay”; at “ang pagkaunawa ninyo sa Pagbabayad-sala at ang ideyang laan nito sa inyong buhay ay lubhang magpapaibayo sa makabuluhang paggamit ninyo ng lahat ng kaalaman, karanasan, at mga kasanayang natutuhan ninyo sa buhay.”)

  • Sinabi ni Elder Scott na ang mga alituntunin ng Pagbabayad-sala “dapat ay higit pa … sa mga alituntuning isinasaulo ninyo. Dapat ay maging bahagi ito ng inyong pagkatao.” Paano ito mapangyayari ng isang prospective missionary?

Hindi nauunawaan ng maraming kabataan ang mga pagpapala, maliban sa kapatawaran ng mga kasalanan, na dumarating sa kanilang buhay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante sa iba pang mga pagpapalang ito, bigyan ng ilang minuto ang klase para pag-aralan ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan, na hinahanap ang mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Mosias 3:19; 4:3; 24:12–15; Alma 5:12–13; 7:11–13. Pagkaraan ng sapat na panahon, hilingin sa mga estudyante na ipaliwanag ang ilan sa maraming pagpapala ng Pagbabayad-sala. Ibuod sa pisara ang kanilang mga sagot.

Idispley ang sumusunod na sipi at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Habang nadaragdagan ang pagkaunawa mo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaragdagan din ang hangarin mong ibahagi ang ebanghelyo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 2).

Tulungan ang mga estudyante mo na mas maunawaan ang alituntuning ito sa pagtatanong ng:

  • Bakit nag-iibayo ang hangarin ng isang tao na ibahagi ang ebanghelyo kapag nauunawaan niya ang Pagbabayad-sala?

Atasan ang mga estudyante na makipaghalinhinan sa isa pang miyembro ng klase sa pagbabasa nang malakas ng 1 Nephi 8:10–12; Enos 1:5–9; at Mosias 27:34–36 at 28:1–4. Magpahanap sa kanila ng isang pattern na matatagpuan sa mga talatang ito. Pagkaraan ng sapat na panahon, anyayahan ang ilang estudyante na ipaliwanag ang pattern na natagpuan nila. (Matapos maranasan nina Lehi, Enos, at ng mga anak ni Mosias ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala, nakadama sila ng hangaring ibahagi ang ebanghelyo at tulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapala ring iyon.)

Para matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning isinulat mo sa pisara, itanong ang mga sumusunod:

  • Kung hindi masyadong personal, ano ang mga naranasan mo sa Pagbabayad-sala na gumaganyak sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

  • Paano ka ginaganyak ng kaalaman at damdamin mo tungkol sa Pagbabayad-sala na mas mailapit ang iba kay Jesucristo?

Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na pagbulayan kung ang pagkaunawa nila sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay bahagi ng nagganyak sa kanila na maglingkod sa misyon at kung ano ang maaari nilang gawin para mag-ibayo ang kanilang pasasalamat sa nagawa ni Jesucristo para sa kanila.

Pagtulong sa mga Investigator na Tanggapin ang mga Pagpapala ng Pagbabayad-sala

Sabihin sa mga estudyante mo na walang doktrina silang ituturo bilang mga missionary na mas mahalagang maunawaan at tanggapin ng mga investigator at missionary kaysa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipaaral sa mga estudyante ang 2 Nephi 2:6–8 at ipahanap ang itinuro ni Lehi na dapat nating gawin sa ating kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala. Matapos tumugon ang ilang estudyante, ipaunawa sa kanila ang pangangailangang maunawaan at tanggapin ng mga investigator ang Pagbabayad-sala sa pagdidispley at pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Sa mga zone conference, na ilan sa pinakamagagandang sandali ng pagtuturo namin bilang mga General Authority sa mga kabataang elder at sister, tinanong ko ang mga missionary kung ano ang gusto nilang gawin ng mga investigator bunga ng mga [talakayan] nila rito.

“‘Magpabinyag!’ ang sabay-sabay nilang hiyaw.

“‘Oo nga,’ sabi ko, ‘gusto natin silang magpabinyag, ngunit bago iyon ay ano?’ …

“… Bihirang matukoy ng mga misyonero ang dalawang pinakapangunahing bagay na nais nating ipagawa sa mga [investigator] bago ang binyag: magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at magsisi sa kanilang mga kasalanan. Gayunpaman, ‘naniniwala tayo na ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo ay: una, Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; pangalawa, Pagsisisi; [at pagkatapos] pangatlo, Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pang-apat, Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo’ (S ng P 1:4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Ang bagong buhay ng isang nagbalik-loob ay itinatag ayon sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang nakatutubos na sakripisyo—isang paniniwalang Siya ay tunay na Anak ng Diyos, na buhay Siya sa sandaling ito mismo, na Siya lamang ang tanging mayhawak ng susi sa ating kaligtasan at kadakilaan. Ang paniniwalang iyan ay dapat sundan ng tunay na pagsisisi, pagsisising nagpapamalas ng ating pagnanais na maging malinis at napanibago at ganap, pagsisising nagpapahintulot sa atin na angkinin ang lubos na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala” (“Gawaing Misyonero at Pagbabayad-sala,” Liahona, Okt. 2001, 26–28).

Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang kailangang gawin ng isang investigator para makamtan ang lubos na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala? (Sumampalataya kay Jesucristo, magsisi, at magpabinyag.)

Ipaliwanag sa mga estudyante na inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan 20:37 ang mga kwalipikasyon para sa binyag. Ipabasa sa mga estudyante ang talata at ipahanap kung ano ang dapat gawin ng investigator bago magpabinyag. Itanong:

  • Ano ang ilang bagay na dapat gawin ng mga investigator na nagpapakita na nagkakaroon sila ng pananampalataya kay Jesucristo? (Sila ay magpapakumbaba, magsisisi sa kanilang mga kasalanan, magpapakita ng mabubuting gawa, at iba pa.)

  • Anong papel ang ginagampanan ng mga missionary sa pagtulong sa mga investigator na matugunan ang mga kwalipikasyon para sa binyag? Paano ito nauugnay sa layunin mo bilang missionary? (Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante ang mga alituntunin mula sa nakaraang lesson.)

Ang mga Missionary ay Inuutusang Ituro ang Pagsisisi

Sa pisara, isulat ang sumusunod na mga tanong:

Ano ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng mga missionary para madala ang mga anak ng Diyos kay Cristo?

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 18:11–14 at ipahanap ang sagot sa tanong na nasa pisara. Talakayin ang mga sagot ng mga estudyante sa tanong, pagkatapos ay itanong:

Sa pisara, isulat ang sumusunod na sagot sa tanong na nakadispley:

Ang mga missionary ay inuutusang ituro ang pagsisisi upang matamo ng mga tinuturuan nila ang lubos na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala at masimulan nilang magbagumbuhay kay Cristo.

Hatiin sa dalawa ang klase. Ipaaral sa kalahati ng klase ang bahaging pinamagatang “Ang Pagbabayad-sala,” sa mga pahina 56–57 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipaaral sa isa pang kalahati ng klase ang bahaging pinamagatang “Sa Pamamagitan ni Cristo Malilinis Tayo mula sa Kasalanan,” sa mga pahina 66–67 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para basahin at maghandang ituro sa loob ng dalawang minuto ang buod ng materyal na binasa nila. Bilang bahagi ng kanilang buod, hikayatin ang mga estudyante na (1) tukuyin at ipaliwanag ang mahahalagang punto ng doktrina, (2) magbahagi ng isang personal na karanasan o banal na kasulatan na sumusuporta sa doktrina, at (3) patotohanan ang kanilang itinuturo. Ibuod sa pisara ang tatlong hakbang na ito.

Pagkatapos ng sapat na panahon para makapaghanda ang mga estudyante, maaari mong ipares ang mga estudyante sa unang grupo sa isang estudyante sa kabilang grupo at maghalinhinan silang turuan ang isa’t isa. Matapos magkaroon ng pagkakataong magturo ang bawat estudyante sa isa pang miyembro ng klase, maaari mong anyayahan ang isang estudyante na boluntaryong magpunta sa harapan ng klase at ituro ang kanyang buod sa klase. Pagkatapos ng paglalahad, purihin ang estudyanteng naglahad at hingan ng anumang feedback ang klase tungkol sa karanasan. Itanong kung may mga tanong sila, at pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang pakiramdam ng magturo at magpatotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Ano ang ilang bagay na natuklasan mo na maaaring makatulong sa iyo kapag itinuro mo sa mga investigator ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Bakit mo inaasam na ituro ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa iba?

Paggamit ng mga Banal na Kasulatan

Ipaliwanag sa mga estudyante na bilang mga missionary, maaari silang magturo nang mas mabisa kapag ginamit nila ang mga banal na kasulatan. Ipasaliksik sa kalahati ng klase ang mga talata sa banal na kasulatan sa bahaging “Pagbabayad-sala” ng Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 57 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipasaliksik sa isa pang kalahati ng klase ang mga talata sa banal na kasulatan sa Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa mga pahina 67 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isang talata tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na nauunawaan nila at magiging komportable silang patotohanan. Matapos bigyan ng sapat na panahong magbahagi ang mga estudyante, itanong:

  • Paano ninyo magagamit ang talatang pinili ninyo para tulungan ang isang tao na mas maunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Hikayating sumagot ang ilang estudyante.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalagang gamitin ng mga missionary ang mga banal na kasulatan kapag nagtuturo sila?

Pagbuklatin ang mga estudyante sa bahaging pinamagatang “Gamitin ang mga Banal na Kasulatan” sa pahina 205 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipabasa sa isang estudyante ang unang talata, pati na ang apat na puntong may bullet, at pagkatapos ay sabihin sa mga miyembro ng klase na isipin kung paano tumutugma ang kanilang mga ideya tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng mga banal na kasulatan sa pahayag sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Sabihin sa klase mo na pagkaraan ng ilang minuto tuturuan nila ang isa pang estudyante, gamit ang talata tungkol sa Pagbabayad-sala na pinili nila kanina. Ipaliwanag na may mga alituntunin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na tutulong sa kanila habang nagtuturo sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang subsection na pinamagatang “Ipakilala ang banal na kasulatan” sa mga pahina 205–206 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Tanungin ang mga estudyante kung may mga tanong sila tungkol sa hakbang na ito, at bigyan sila ng ilang sandali para isipin kung paano nila ipakikilala ang talatang pinili nila.

Susunod, ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang subsection na pinamagatang “Basahin ang talata” sa pahina 206 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Bigyan ng isang sandali ang mga estudyante na tahimik na basahin ang pinili nilang talata at tukuyin ang anumang mga salita o parirala na maaaring kailanganin nilang ipaliwanag sa isang investigator. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang subsection na pinamagatang “Ipamuhay ang banal na kasulatan” sa pahina 206. Muli, tanungin ang mga estudyante kung may mga tanong sila.

Para matulungan ang mga estudyante na magtagumpay sa pagtuturo mula sa mga banal na kasulatan, dapat mong ipakita ang kasanayang iyon sa kanila. Isiping pumili ng isa o dalawang talata mula sa Mosias 3:7–11 at 16–19 na ituturo mo para hindi mo na magamit ang mga talatang pinili ng mga estudyante. Ipamalas nang simple at maikli ang tatlong hakbang: ipakilala, basahin, at ipamuhay ang talata. Ang pagpapamalas na ito ay makakatulong para hindi madama ng mga estudyante na mahirap gawin ang inaasahan sa kanila. Kapag tapos ka na, tanungin ang mga estudyante kung may mga tanong sila.

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para maghandang ituro ang pinili nilang talata gamit ang tatlong hakbang na matatagpuan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay ipares ang bawat estudyante sa isa pang miyembro ng klase, at utusan silang turuan ang isa’t isa. Kapag tapos nang magturo ang mga estudyante, tiyakin sa kanila na kapag pinag-aralan nila ang mga banal na kasulatan at ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, madaragdagan ang kanilang kakayahan at tiwalang ituro ang ebanghelyo.

Sa pagtatapos ng lesson ngayon, itanong sa mga estudyante mo kung gusto ng sinuman sa kanila na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol kay Jesucristo, lalo na tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga Paanyayang Kumilos

Anyayahan ang mga estudyante mo na gawin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod para mas maunawaan nila ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo:

  • Sa personal na pag-aaral mo, markahan o i-highlight ang mga talatang tumutulong sa iyo na maunawaan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala sa isang tao sa bahay, sa simbahan, o online.

  • Kung may pagkakataon, patotohanan ang Pagbabayad-sala sa isang teaching appointment na kasama ang mga full-time missionary.

  • Mag-ukol ng oras bawat araw na pag-aralan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa mga banal na kasulatan.