6
Paghahandang Mabuhay Bilang Missionary
Pambungad
Ang paglilingkod sa full-time mission ay pagtanggap sa tawag na maging kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Ang pagmimisyon ay isang kasiya-siyang karanasan, ngunit kailangan din dito ang kasipagan. Para maging epektibong mga missionary, kailangan ay handa ang mga kabataang lalaki at babae na magtiwala sa Panginoon kapag naharap sila sa mga hamon. Kapag nagtatag ng magagandang inaasahan ang mga prospective missionary sa buhay sa misyon, magiging mas handa silang maglingkod nang buong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 4:2).
Paunang Paghahanda
-
Pag-aralan ang 2 Nephi 4:19–26 at Alma 17:2–3, 9; 26:11–13; 29:10.
-
Pag-aralan ang Elder David A. Bednar, “Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nobyembre 2005, 44–47.
-
Maghandang ipalabas ang mga video na “Becoming a Missionary, Part 1” (2:26) at “Becoming a Missionary, Part 2” (1:01; mga clip mula sa mensahe ni Elder David A. Bednar, Ensign o Liahona, Nob. 2005, 44–47), na makukuha sa lds.org/media-library.
-
Maghandang ipalabas ang video na “Stay within the Lines” (5:10), na makukuha sa youth.lds.org.
-
Maghandang ipalabas ang video na “Preparation of Gordon B. Hinckley: Forget Yourself and Go to Work” (2:04), na makukuha sa LDS.org.
-
Ihanda ang handout na pinamagatang “Mga Dapat Gawin sa Buhay ng Missionary,” na matatagpuan sa dulo ng lesson.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pagiging Missionary
Simulan ang lesson sa pagtatanong sa klase ng mga ito:
-
Sa anong mga paraan ninyo maaasahang magbago ang inyong pamumuhay kapag nagsimula kayong maglingkod bilang missionary?
-
Ano ang masisimulan ninyong gawin ngayon upang mapaghandaan ang mga pagbabagong iyon sa pamumuhay?
Idispley at ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, o ipalabas ang video clip ng pahayag. Ipaliwanag na kahit sa mga kabataang lalaki nagsasalita si Elder Bednar sa priesthood session ng isang pangkalahatang kumperensya, angkop din ang mga alituntuning itinuro niya sa mga kabataang babae.
“Sa pakikipagmiting sa mga kabataang miyembro ng Simbahan sa buong mundo, madalas kong imbitahan ang mga dumadalo na magtanong. Ang isang madalas itanong sa akin ng mga kabataang lalaki ay ito: ‘Ano po ang magagawa ko para makapaghandang mabuti na maglingkod bilang full-time missionary?’ Ang gayon kataimtim na tanong ay kailangan ng taimtin na sagot.
“Mahal kong mga batang kapatid, ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na maglingkod ay ang maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon. Sana’y pansinin ninyo na sa sagot ko’y mas binigyan ko ng diin ang pagiging kaysa pagpunta. Hayaan ninyong ipaliwanag ko ang gusto kong sabihin.
“Sa nakaugalian na nating bokabularyo sa Simbahan, madalas nating banggitin ang pagpunta sa simbahan, pagpunta sa templo, at pagpunta sa misyon. Tahasan kong sasabihin na sa paulit-ulit nating pagbibigay-diin sa pagpunta ay hindi natin natutumbok ang talagang punto nito.
“Hindi pagpunta sa Simbahan ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagsamba at pagpapanibago ng mga tipan habang nasa simbahan tayo. Hindi pagpasok sa templo ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagsasapuso natin ng diwa, ng mga tipan, at ordenansa ng bahay ng Panginoon. Hindi ang pagpunta sa misyon ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagiging misyonero at paglilingkod natin habambuhay nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Posibleng makapunta sa misyon ang isang kabataang lalaki at hindi naman maging misyonero, at hindi ito ang iniuutos ng Panginoon o kailangan ng Simbahan.
“Taimtim kong inaasam sa bawat isa sa inyong mga kabataang lalaki na hindi lamang kayo magpunta sa misyon—kundi maging misyonero kayo bago pa ninyo ipadala ang inyong mga papeles sa misyon, bago pa ninyo matanggap ang tawag na maglingkod, bago pa kayo italaga ng inyong stake president, at bago pa kayo pumasok sa MTC” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 45).
-
Ano ang sinabi ni Elder Bednar na pinakamahalagang magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na magmisyon? (Maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumunod na bahagi ng siping binanggit ni Elder Bednar, o ipalabas ang video clip ng pahayag:
“Malinaw na sa proseso ng pagiging misyonero ay hindi kailangang magsuot araw-araw ng puting polo at kurbata ang isang batang lalaki sa paaralan o sundin ang patakaran ng mga misyonero sa pagtulog at paggising, bagama’t susuportahan ng karamihan sa mga magulang ang ganyang ideya. Subalit madaragdagan ninyo ang inyong hangarin na maglingkod sa Diyos [tingnan sa D at T 4:3], at maaari kayong magsimulang mag-isip na tulad ng mga misyonero, basahin ang binabasa ng mga misyonero, manalangin na tulad ng mga misyonero, at madama ang nadarama ng mga misyonero. Maiiwasan ninyo ang mga makamundong impluwensya na dahilan ng paglayo ng Espiritu Santo, at madaragdagan ang inyong pagtitiwala sa pagkilala at pagtugon sa mga espirituwal na paramdam. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, unti-unti kayong magiging ang misyonerong pinapangarap ninyo at misyonerong inaasahan ng Tagapagligtas” (“Pagiging Misyonero,” 45–46).
Pagkatapos ay itanong:
-
Ayon kay Elder Bednar, sa anong mga paraan kayo magiging misyonero bago kayo pumasok sa missionary training center?
Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Maaari akong maging missionary ngayon sa aking mga iniisip, nadarama, at ikinikilos. Para mailarawan ang alituntuning ito, sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Alma 17:2–3, 9, 11, at ipaliwanag na inilalarawan sa mga talatang ito ang mga anak na lalaki ni Mosias, na nagmisyon sa mga Lamanita. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talata habang sinusundan siya ng klase, na hinahanap kung ano ang ginawa ng mga anak ni Mosias para makapaghandang magturo nang may kapangyarihan at awtoridad. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante:
-
Ano ang ginawa ng mga anak ni Mosias para makapaghandang magturo nang may kapangyarihan at awtoridad?
-
Paano masusundan ng mga prospective missionary ang halimbawa ng mga anak ni Mosias sa paghahanda nilang maging missionary ngayon?
Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina 155 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikatlong talata. Pagkatapos ay itanong ang katulad ng mga sumusunod:
-
Ayon sa missionary call letter, ano ang inaasahang ilalaan ng mga missionary sa Panginoon, at ano ang inaasahang iiwanan nila?
-
Ano ang mga halimbawa ng “personal na mga gawain” na pinaiiwanan sa mga missionary kapag nagsimula silang maglingkod sa misyon?
-
Kailan kayo napagpala sa pagsasakripisyo para makapaglingkod sa Diyos?
Pagtapos, bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para pagbulayan at isulat ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong sa kanilang study journal. Hikayatin ang mga estudyante na isulat lalo na ang nadarama nila na personal na ipinararating sa kanila ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ilang bagay na magagawa ninyo ngayon para magsimulang mag-isip, makadama, at kumilos na parang misyonero?
-
Paano kayo makapaghahandang iwanan ang personal na mga suliranin at ilaan ang buong oras at pansin ninyo sa paglilingkod sa Panginoon?
-
Paano makakatulong ang paggawa ng mga bagay na ito sa paghahanda ninyong magturo nang may kapangyarihan at awtoridad na tulad ng mga anak ni Mosias?
Hikayatin ang mga estudyante na magsulat ng partikular na mga mithiin sa kanilang journal. Maaaring ibilang sa mga ideya ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, pagdarasal sa araw at gabi, pagdalo sa lahat ng miting ng Simbahan, pagtulog bago mag-alas-10:30 n.g. at paggising bago mag-alas-6:30 n.u., pagbabawas ng paggamit ng kanilang electronic device, o pagsisikap na maging mas masunurin sa mga kautusan.
Ang Pamantayan ng Pagkamarapat
Isulat sa pisara ang salitang “kailangan munang gawin,” at magpaisip sa mga estudyante ng mga tagpo kung saan kailangan munang gawin ang ilang bagay. Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 88:74 para sa ilang kailangan munang gawin bago makapagmisyon. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ipinayo ng Panginoon sa mga manggagawa sa Kanyang kaharian na gawin nila para maging handang ipangaral ang ebanghelyo? (Pabanalin ang kanilang sarili, padalisayin ang kanilang puso, linisin ang kanilang mga kamay.)
-
Ano ang ibig sabihin ng mapabanal? (Hangaring maging malinis, maging karapat-dapat sa Espiritu Santo.)
-
Anong alituntunin hinggil sa mga missionary ang itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 88:74? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod: Inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod na maging malinis.)
Para maipaliwanag ang ibig sabihin ng maging malinis at karapat-dapat na magmisyon ang isang missionary, idispley ang sumusunod na sipi ng mensahe ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, nananawagan ako sa inyo na magsimula ngayon din—ngayong gabi—na maging ganap at lubos na marapat. Magpasiya at mangako sa sarili at sa Diyos na mula sa sandaling ito ay sisikapin ninyong panatilihing dakila at walang bahid-dungis ang inyong puso, kamay, at isipan mula sa anumang uri ng kasalanang moral. Magpasiyang iwasan ang pornograpiya na parang pag-iwas sa nakahahawang sakit, sapagkat gayon nga ito. Magpasiyang lubos na umiwas sa tabako, alak at bawal na gamot. Magpasiyang maging tapat. Magpasiyang maging mabubuting mamamayan at sumunod sa mga batas ng inyong bayan. Magpasiya mula sa gabing ito na hinding-hindi ninyo dudungisan ang inyong katawan o sasambitin ang mahahalay at alangan sa isang maytaglay ng priesthood” (“Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 47).
Magtanong ng katulad ng mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na suriin ang payo ni Elder Ballard:
-
Anong mga kautusan ang partikular na binanggit ni Elder Ballard na dapat sundin ng mga prospective missionary?
-
Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng puso, mga kamay, at isipang “walang bahid-dungis mula sa anumang uri ng kasalanang moral”? (Kung kailangan, maaari kang sumangguni sa bahaging “Kadalisayan ng Puri” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 35–37.)
-
Bakit katalinuhang iwasan ang pornograpiya na tulad ng pag-iwas natin sa nakahahawang sakit, at paano makakatulong ang pag-iwas sa pornograpiya sa pag-iisip, pagdama, at pagkilos ninyo na tulad ng missionary?
Ipalabas ang video na “Stay within the Lines” (5:10) upang tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng pagiging karapat-dapat na magmisyon. Bago ipalabas ang video, isiping talakayin kung bakit mahalagang magtakda ng mga hangganan sa ilang isport. Talakayin ang kaibhan sa pagitan ng “sa loob ng hangganan” at “lumagpas sa hangganan” at ang paraan na naaapektuhan ng mga hangganan ang kilos ng mga atleta sa oras ng laro. Sabihin sa mga estudyante na nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahulugan ng manatili sa loob ng espirituwal na mga hangganan bago magmisyon.
Matapos panoorin ang video, isiping itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ano ang kaugnayan ng “manatili sa loob ng hangganan” sa paghahandang magmisyon?
-
Nakiusap si Elder Holland sa mga nasa panig ng Panginoon na manatili sa team at huwag “lumagpas sa hangganan.” Ano ang kahulugan nito sa inyo?
-
Bakit makakahadlang ang hindi pagsisisi sa dating mga kasalanan sa epektibong pagtulong ng isang missionary sa iba na lumapit kay Cristo?
Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na pagbulayan ang kanilang sariling antas ng pagiging karapat-dapat na magmisyon. Ipaliwanag sa mga estudyante na kung may mga problema sila tungkol sa kanilang pagkamarapat, dapat silang maghangad ng patnubay sa taimtim na panalangin at talakayin nila ang mga problemang ito sa kanilang bishop o branch president.
Pisikal at Emosyonal na Paghahanda
Idispley ang sumusunod na pahayag na inilabas ng Unang Panguluhan noong 2002, at ipabasa ito nang tahimik sa mga estudyante. O ipabasa nang malakas ang pahayag sa isang estudyante.
“Ang pagmimisyon nang full-time ay isang pribilehiyo para sa mga tinawag sa pamamagitan ng inspirasyon ng Pangulo ng Simbahan. Ang mga Bishop at stake president ay may mabigat na responsibilidad na tukuyin ang karapat-dapat at kwalipikadong mga miyembro na espirituwal, pisikal, at emosyonal na handa para sa sagradong paglilingkod na ito at na maaaring irekomenda nang walang pag-aalinlangan” (liham ng Unang Panguluhan, Dis. 11, 2002).
Pagkatapos ay itanong:
-
Bukod pa sa espirituwal na paghahanda, bakit kailangan ng isang tao na maghanda sa pisikal at emosyonal na maglingkod sa misyon?
Idispley ang sumusunod na sipi, at ipabasa ito nang malakas sa isa o mahigit pang mga estudyante:
“Regular (araw-araw) na ehersisyo. Ang isang missionary ay kailangang makalakad nang anim na milya (10 km) kada araw, at magbisikleta nang 12 milya (19 km) bawat araw. Ang mga prospective missionary na ang paglalakad ay mula lamang sa kotse hanggang sa klase o sa trabaho ay malamang na sumakit o magpaltos ang mga paa pagdating nila sa mission field. … Ang missionary na hindi malusog ang pangangatawan ay mapapagod sa gawaing misyonero, at ang pagod na missionary ay mas madaling panghinaan ng loob at magkaproblema sa kalusugan kaysa sa missionary na malusog ang pangangatawan.
“Ang mga prospective missionary ay maaaring maghanda para sa mga hirap ng buhay sa pagsasagawa ng regular na aerobic exercise—paglalakad, pagtakbo, o pagbibisikleta nang isang oras bawat araw. …
“Sapat na tulog. Bagama’t iba-iba ang kailangang haba ng tulog, karaniwa’y pito hanggang walong oras ang kailangang tulog ng mga young adult kada araw. Ang tama, dapat ay tulog na sila nang alas-10:30 hanggang hatinggabi at gising na nang alas-6:30 hanggang alas-8:00 n.u. Kapag ang isang tao ay gising pa nang alas-2:00 o alas-3:00 n.u. at tulog pa nang alas-10:00 n.u., lagi siyang pagod at gusto niyang matulog hanggang tanghali. … Naka-iskedyul ang buhay ng mga missionary. Tulog na sila nang alas-10:30 n.g. at gising na nang alas-6:30 n.u. araw-araw. Ang iskedyul na ito ay mahirap maliban kung maagang magkaroon ng ganitong routine ang mga prospective missionary bago sila magmisyon.
“Mga nakaugalian sa pagkain na nakakalusog. Sa halip na kumain ng pagkaing matamis at puro taba, dapat matuto ang mga kabataan na masayang kumain ng pagkaing puno ng protina at fiber, tulad ng lean meat, yogurt, mga gulay, at prutas. Gayundin, ang pag-inom ng mahigit 12 onsa ng inuming carbonated kada araw ay sobra-sobra” (Donald B. Doty, “Missionary Health Preparation,” Ensign, Mar. 2007, 64).
-
Kung hindi malusog ang missionary, ano ang magiging epekto nito sa pag-unlad ng gawain, sa kanyang companion, at sa kapakanan ng missionary mismo?
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pagbulayan ang sumusunod na mga tanong:
-
Paano ninyo ilalarawan ang kasalukuyan ninyong pisikal na paghahanda sa pagmimisyon?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa ninyo ngayon para makapaghandang maabot ang mga kinakailangang pisikal na kakayanan ng isang full-time mission?
Hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng plano na magsimula na ngayong matulog nang sapat, kumain ng masustansyang pagkain, at mag-ehersisyo upang magkaroon sila ng tibay ng katawan na kailangan para magtagumpay bilang mga missionary. Kung may oras pa, ipasulat sa mga estudyante ang mga plano nila sa kanilang study journal.
Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag kung paano tumutugon ang katawan sa nakakapagod na mga aktibidad tulad ng pag-akyat at pagbaba ng hagdan (mas mabilis na pagtibok ng puso, hirap sa paghinga, pamamawis, pagod na mga kalamnan, at iba pa). Ipaliwanag na ang physical stress ay isang uri lamang ng hamon na kinakaharap ng mga missionary. Pagkatapos ay itanong:
-
Paano maaaring tumugon ang katawan at isipan ng isang missionary sa emotional o psychological stress na sanhi ng mahihirap na hamon o di-inaasahang mga problema?
Ipaliwanag na lahat ng missionary ay dumaranas ng ilang emotional stress, pangungulila sa pamilya at kakulangan, kalungkutan, o iba pang damdamin na maaaring makabigat sa kanila, at normal na bahagi ito ng buhay ng missionary.
Ipalabas ang video na “Preparation of Gordon B. Hinckley: Forget Yourself and Go to Work” (2:04). Hikayatin ang mga estudyante na antabayanan ang mga dahilan kung bakit pinanghinaan ng loob si Pangulong Gordon B. Hinckley bilang isang binatang missionary sa England.
Itanong sa klase:
-
Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit pinanghinaan ng loob si Pangulong Hinckley pagdating niya sa mission field?
-
Ano ang ginawa ni Pangulong Hinckley na nakatulong sa kanya na madaig ang panghihina ng loob?
Ipaliwanag sa klase na naranasan ng ilan sa pinakamagagaling na missionary sa banal na kasulatan ang dumanas ng panghihina ng loob at iba pang mga hirap sa kanilang misyon. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: Jeremias 1:4–9; Alma 17:5; 26:27; at Moises 6:31–32. Papiliin ang mga miyembro ng klase ng isa sa mga talata sa banal na kasulatan at ipabasa ito sa kanila nang tahimik, na naghahanap ng mga hamon na tinukoy o naranasan ng mga indibiduwal na nabasa nila. Kapag sumagot ang mga estudyante, isiping ibuod sa pisara ang kanilang mga sagot, tulad ng nasa ibaba:
Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa tatlong kuwentong ito tungkol sa emosyonal na mga hamon ng pangangaral ng ebanghelyo? (Kapag sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito: Ang pisikal at emosyonal na mga hamon ay normal na bahagi ng buhay ng missionary.)
-
Ano ang mga naisip ninyo nang basahin ninyo ang pahayag na ang pisikal at emosyonal na mga hamon ay normal na bahagi ng buhay ng missionary?
-
Paano maaaring makaapekto sa paghahanda ninyong maglingkod ang pagkabatid na lahat ng missionary ay nahaharap sa mga hamon?
Ipaunawa sa mga estudyante na halos lahat ng missionary ay dumaranas ng emosyonal o pisikal na mga hamon. Samakatwid, dapat matutuhan ng mga missionary kung paano harapin ang problema sa paraang nakalulusog at angkop sa misyon. Kadalasan, ang mabubuting paraan para makayanan ang stress na epektibo sa labas ng mission field, tulad ng pag-uukol ng oras na mapag-isa, pakikinig sa musika, o paglalaro ng isports, ay hindi maaaring gawin nang regular ng mga missionary. Kailangang matutuhan ng mga missionary na humarap sa stress sa mga paraang sumusunod sa mga patakaran sa mission.
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at ipamahagi ang handout na “Mga Dapat Gawin sa Buhay ng Missionary” sa mga estudyante. Utusan ang bawat grupo na (1) basahin nang malakas ang unang bahagi, na pinamagatang “Demands of Missionary Life,” at (2) talakayin kung paano makakatulong sa kanila ang pagkaalam sa mga kailangang gawin sa buhay ng missionary na maging mas handa para sa mga hamon ng buhay sa misyon.
Matapos mabigyan ng sapat na panahon ang mga grupo na basahin at talakayin ang bahagi, ipabahagi sa ilang estudyante ang ilan sa mahahalagang puntong tinalakay ng kanilang grupo. Pagkatapos, bilang isang klase, mag-ukol ng ilang minuto para basahin at talakayin ang susunod na bahagi ng handout, na pinamagatang “Pag-adjust sa mga Bagong Karanasan,” at pag-usapan kung paano maaaring makatulong sa mga estudyante ang pag-unawa sa karaniwang mga yugto ng pag-adjust pagpasok nila sa MTC.
Umasa sa Tulong ng Panginoon sa mga Hamon
Para mahikayat ang mga estudyante na simulang pag-isipan kung paano nila haharapin ang mga hamon kapag naranasan nila ito sa mission field, ipaliwanag na naharap si Nephi sa matitinding damdamin ng kakulangan at panghihina ng loob at nagsulat tungkol sa ginawa niya upang makayanan ang mga damdaming iyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 4:17–19. Pagkatapos ay itanong:
-
Anong mga salita o parirala ang ginamit ni Nephi para ilarawan ang mga resulta ng kanyang mga kahinaan?
Ipaaral sa mga estudyante ang 2 Nephi 4:19–26, na hinahanap ang mga bagay na nakatulong kay Nephi na makayanan ang nadama niyang panghihina. Pagkatapos ay itanong:
-
Anong mga kataga ang ginamit ni Nephi para ilarawan kung paano niya nakayanan ang kanyang matitinding negatibong damdamin? (Dapat tukuyin ng mga estudyante na si Nephi ay nagtiwala sa Panginoon [tingnan sa talata 19], naalala niya kung ano ang nagawa ng Panginoon para sa kanya noong araw [tingnan sa mga talata 20–23], nag-alay siya ng taimtim na mga dalangin [tingnan sa talata 24], at naalaala niya ang awa ng Panginoon [talata 26].)
-
Paano nakatulong sa inyo ang pag-alala sa Panginoon at sa Kanyang kabutihan sa mga oras ng panghihina o stress?
-
Kanina sa lesson, kinilala natin na normal para sa mga missionary na makaranas ng emotional stress, pangungulila sa pamilya at kakulangan, kalungkutan, o iba pang damdamin na makakabigat sa kanila. Sa pag-iisip sa isinulat ni Nephi sa 2 Nephi 4:19–26, ano ang ipapayo ninyo sa isang missionary na dumaranas ng ganitong mga damdamin? (Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang sumusunod na alituntunin, at isiping isulat ito sa pisara: Kapag nagtiwala ang mga missionary sa Panginoon, matutulungan sila ng Panginoon na kayanin ang pisikal at emosyonal na mga pangangailangan sa buhay ng missionary.)
Isiping ibahagi sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi ako naniniwala na naging madali ang gawaing misyonero kailanman, ni ang pagbabalik-loob, ni ang pagpapanatiling aktibo sa mga nabinyagan, ni ang patuloy na katapatan. Naniniwala ako na nangangailangan ito ng kaunting pagsisikap, na nagmumula sa kaibuturan ng ating kaluluwa.
“Kung kaya Niyang manalangin sa gabi, lumuhod, isubsob ang Kanyang mukha, labasan ng dugo sa bawat butas ng balat, at magsumamo ng, ‘Abba, Ama (Papa), may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito’ [tingnan sa Marcos 14:36], hindi kataka-taka na ang kaligtasan ay hindi isang masaya o madaling bagay para sa atin. Kung iniisip ninyo kung wala nang mas madaling paraan, dapat ninyong tandaan na hindi kayo ang unang nagtanong niyan. Isang mas dakila at mas maringal ang nagtanong noong araw kung wala nang mas madaling paraan.
“Ang Pagbabayad-sala marahil ay mas mapapakinabangan ng mga missionary kaysa mga investigator. Kapag nahirapan kayo, kapag kayo ay tinanggihan, kapag kayo ay dinuraan at itinaboy at naging bulung-bulungan at bukambibig, kayo ay nakatayo na may pinakamagandang buhay sa mundong ito, ang tanging dalisay at sakdal na buhay. May dahilan kayo para manindigan at magpasalamat na alam ng Buhay na Anak ng Buhay na Diyos ang lahat tungkol sa inyong mga kalungkutan at paghihirap. Ang tanging daan tungo sa kaligtasan ay sa pamamagitan ng Getsemani hanggang sa Kalbaryo. Ang tanging daan tungo sa kawalang-hanggan ay sa pamamagitan Niya—ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay” (” Missionary Work and the Atonement,” Ensign, Mar. 2001, 15).
Pagkatapos ay itanong:
-
Ayon kay Elder Holland, ano ang dahilan ng mga missionary para manindigan sa mga oras ng paghihirap?
Sabihin sa mga estudyante na kapag naharap sila sa mahihirap na sitwasyon sa mission field, dapat nilang tandaan na ang ginagawa nila ay tumutulong na maakay ang iba kay Jesucristo. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: Alma 26:11–13; 29:10; at Doktrina at mga Tipan 18:15–16. Hilingin sa ilang estudyante na magpalitan sa pagbasa sa mga talatang ito nang malakas habang sumusunod ang klase, na hinahanap kung ano ang itinuturo ng mga talata tungkol sa buhay ng missionary. Magpabahagi sa mga estudyante ng mga ideya, at pagkatapos ay tiyakin sa kanila na bagama’t mahirap maglingkod bilang full-time missionary at kung minsan ay nakapanghihina ito, kapag nagsisikap tayong akayin ang iba kay Jesucristo, pinagpapala tayo ng Panginoon ng kagalakan. Isiping magpabahagi sa mga estudyante ng mga naranasan na nila sa alituntuning ito.
Bigyang-diin sa mga estudyante na paminsan-minsan ay magkakaroon sila ng companion na may mga problema sa kalusugan ng damdamin o isipan. Sa gayong mga sitwasyon, dapat silang makinig at magpakita ng pagmamahal sa kanilang companion, dahil maaaring mahalaga ang suporta ng companion sa pagtulong na makayanan ang mga isyu. Hindi nila dapat imungkahi kailanman na kung mas nanampalataya lang ang isang nahihirapang missionary ay maglalaho ang kanyang mga pagsubok.
Ipaliwanag din na ang ilang hamon ay nangangailangan ng dagdag na tulong mula sa mga lider ng priesthood at ng mga mental health professional, at na halos lahat ng mission ay makakakuha ng angkop na mga health professional para sa mga missionary. Ang mga missionary na nahihirapan ang damdamin ay dapat talakayin ang sitwasyon nila sa kanilang mission president para malaman kung anong tulong ang angkop.
Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan pa kung paano nila haharapin ang mga hamon sa kalusugang pisikal at emosyonal na kinakaharap nila bilang mga missionary, bigyan sila ng ilang minuto para isulat ang isang pagkakataon na kinailangan nilang kayanin ang mahihirap na sitwasyon. Mag-follow up sa pagtatanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Panginoon at sa kanilang sarili mula sa karanasan at kung paano nila magagamit ang karanasan upang palakasin sila sa hinaharap.
Bilang pagwawakas, ipahayag ang tiwala ninyo sa inyong mga estudyante at sa kakayahan nilang harapin ang mga pagbabagong kaakibat ng buhay ng missionary. Ibahagi ang inyong patotoo na tinutulungan ng Panginoon ang mga tao na bumabaling sa Kanya na mapangasiwaan ang pisikal at emosyonal na mga pangangailangan sa kanilang buhay.
Mga Paanyayang Kumilos
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na paghandaan ang buhay sa misyon sa pagkumpleto ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga aktibidad:
-
Isipin kung ano ang kailangan ninyong gawin para maging malinis at karapat-dapat na magmisyon. Kung kailangan, alisin sa isipan at pag-uugali ang mga bagay na nakakasakit sa Espiritu.
-
Magtakda ng personal na mga mithiin na sundin ang araw-araw na programa sa ehersisyo, kumain ng masustansyang pagkain, o ugaliing matulog na sumusunod sa araw-araw na iskedyul ng missionary.
-
Repasuhin ang mga pamantayan sa pananamit para sa mga full-time missionary na nasa LDS.org.
-
Ipatalakay sa isang returned missionary ang ginawa niya upang makayanan ang stress at madaig ang mga hamon sa buhay ng missionary.
-
Talakayin sa mga magulang o lider ng priesthood ang mga paraan ng pakikisama sa isang missionary companion na maaaring walang gaanong pagkakatulad sa inyo o nahihirapan kayong pakisamahan.