Institute
Lesson 3: Pagkatuto sa Pamamagitan ng Espiritu


3

Pagkatuto sa Pamamagitan ng Espiritu

Pambungad

Para lumago ang mga missionary sa ebanghelyo at manatili sila sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, kailangan nilang makagawian ang pag-aaral ng ebanghelyo. Sa mga missionary training center, ang mga missionary ay nag-uukol ng ilang oras bawat araw sa pag-aaral nang mag-isa at kasama ang kanilang kompanyon. Sa mission field inaasahan silang magpatuloy sa pag-aaral ng ebanghelyo bawat araw. Kailangan silang matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118) para magkaroon sila ng imbakan ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo at mapag-ibayo nila ang kanilang sariling pagbabalik-loob. Mahalagang magkaroon ang mga missionary ng imbakang ito ng kaalaman na natamo sa pamamagitan ng pag-aaral na ginabayan ng Espiritu para makapagturo nang may kapangyarihan at maisakatuparan ang kanilang layunin.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Kahalagahan ng Pag-aaral ng Ebanghelyo

Magpakita sa mga estudyante ng isang larawan ni Joseph Smith at ng kanyang kapatid na si Hyrum at sabihin sa kanila na buklatin ang kanilang mga banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 11. Tulungan ang mga estudyante na unawain ang konteksto ng bahaging ito sa pagpapaliwanag na habang isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, naging lubhang interesado sa gawain ang nakatatanda niyang kapatid na si Hyrum at ginusto nitong ibahagi ang mensahe ng Panunumbalik sa iba. Para malaman ang kalooban ng Panginoon, hiniling ni Hyrum kay Joseph na humingi ng paghahayag para sa kanya. Ang sagot ng Panginoon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11. Sa maraming aspeto, ang kalagayan ni Hyrum ay kapareho ng mga miyembro ng klase mo, na naghahanda ring ibahagi ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Sabihan ang dalawang estudyante na maghalinhinan sa pagbabasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 11:15–17 habang sumasabay ang klase, na hinahanap ang payo ng Panginoon kay Hyrum. Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit sinabi ng Panginoon kay Hyrum na “maghintay … nang kaunti pang panahon” bago ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa iba?

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 11:21–22 at 26, na hinahanap ang payo na angkop ngayon sa mga magiging missionary.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Hyrum nang maghanda siyang ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Ano ang ibig sabihin ng matamo ang salita ng Diyos? Ano ang ibig sabihin ng pahalagahan ang salita ng Panginoon sa inyong puso?

  • Paano makakatulong ang payo ng Panginoon sa mga talatang ito sa isang tao ngayon na naghahandang magmisyon? (Bagaman maaari silang gumamit ng iba’t ibang salita, dapat tukuyin ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay inihahanda ang mga missionary na ipangaral ang ebanghelyo nang may Espiritu at kapangyarihan.)

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong “[hangad] munang matamo ang [Kanyang] salita”?

Sabihin sa mga estudyante na buklatin sa pahina 205 ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talatang nagsisimula sa “Ang kakayahan mong magturo … nang may kapangyarihan.” Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mga ideya sa talatang ito ang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan para sa mga taong gustong maging epektibong mga missionary? (Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay inihahanda ang mga missionary na ituro ang ebanghelyo nang may kapangyarihan.)

Sabihin sa mga estudyante na ang nalalabing bahagi sa lesson ay magtutuon sa kung paano sila higit na makikinabang sa personal na pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan. Hikayatin ang mga estudyante na pagbulayan sa buong lesson kung paano ipamuhay ang natutuhan nila para maging mas epektibo ang pag-aaral nila ng kanilang mga banal na kasulatan at ng ebanghelyo.

Paggamit ng Study Journal

Sabihan ang klase na buklatin ang pahina x sa pambungad ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang dalawang talata sa “Study Journal” subsection. Pagkatapos magbasa ang mga estudyante, itanong:

  • Alinsunod sa bahaging ito, paano kayo matutulungan ng paggamit ng study journal sa pag-aaral ninyo ng ebanghelyo?

  • Bakit mahalagang itala ang mga ideya at damdaming natatanggap mo sa pag-aaral ng ebanghelyo?

Isiping itanong sa mga estudyante mo kung may study journal ang sinuman sa kanila, at anyayahan ang mga mayroon na ibahagi kung paano sila nakinabang sa kanilang journal. Hikayatin ang mga estudyante na magsimulang gumamit ng study journal kung hindi pa nila ito nagagawa. Ipaalala sa kanila na ang study journal ay maaaring kasing simple ng isang mumurahing bound journal, isang notebook, o mga pahinang naka-binder. Maaari din nilang gamitin ang notes and journal tools sa LDS.org o isang note-taking app sa isang electronic device. Hikayatin ang mga estudyante na magdala ng study journal sa bawat klase para itala ang mga ideya, damdamin, at pananaw nila sa oras ng klase.

Pagkatuto sa Pamamagitan ng Espiritu

Gawing pares-pares ang mga estudyante. Anyayahan silang pagtulungang basahin ang ikalawang talata sa pahina 19 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at talakayin pagkatapos kung ano ang kailangang gawin para magkaroon ng mga makabuluhang karanasan sa mga banal na kasulatan. Matapos talakayin ng mga estudyante ang talata, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang ilan sa mga pangunahing ideya mula sa kanilang talakayan. Maaari kang magtanong ng katulad nito:

  • Ano ang ibig sabihin ng mag-aral nang may “tunay na layunin”? (Ang ibig sabihin ng tunay na layunin ay layon nating sundin o ipamuhay ang natutuhan natin.)

  • Paano maaaring makaapekto ang pag-aaral nang may “tunay na layunin” at “pagkagutom at pagkauhaw sa kabutihan” sa pag-aaral ng ebanghelyo ng isang tao? (Kapag sumagot ang mga estudyante, isiping magtanong ng mga follow-up question upang hikayatin silang pag-isipan nang mas malalim ang kanilang mga sagot. Halimbawa, kung isagot ng mga estudyante na ang tunay na layunin ay mababanaag sa kung paano nagdarasal ang isang tao, maaari mong sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano maiiba ang mga panalangin ng isang tao. Kung sumagot ang isang estudyante na ipakikita nito ang kanilang mga hangarin, sabihin sa kanila na ipaliwanag pa ang ideyang iyon.)

Sabihin sa tatlong estudyante na halinhinang basahin nang malakas ang mga talata sa bahaging pinamagatang “Matuto sa Pamamagitan ng Espiritu Santo” sa pahina 20 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihin sa iba pang mga estudyante na sumabay sa pagbabasa at markahan ang mga pagpapalang dumarating sa atin kapag tinulungan tayo ng Espiritu Santo na matutuhan ang ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mga pagpapala ang maaaring dumating sa atin kapag ginabayan ng Espiritu Santo ang pag-aaral natin ng ebanghelyo? (Isiping isulat sa pisara ang alituntuning ito kapag sumagot ang mga estudyante: Kapag ginabayan ng Espiritu Santo ang pag-aaral natin ng ebanghelyo, tumatanggap tayo ng higit na kaliwanagan at pag-unawa.)

Para mas maipaunawa sa mga estudyante kung paano nila maaaring anyayahan ang Espiritu Santo na turuan sila habang nag-aaral ng ebanghelyo, basahin o idispley ang sumusunod na sipi mula kay Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Anyayahan ang iyong mga estudyante na hanapin kung ano ang magagawa nila para mas makinabang sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan.

Elder D. Todd Christofferson

“Para masulat sa inyong puso ang ebanghelyo, dapat ninyong malaman kung ano ito at lubos itong unawain. Ibig sabihin, pag-aralan ninyo ito. Kapag sinabi kong ‘pag-aralan,’ higit pa ito sa pagbabasa. Kung minsa’y magandang basahin ang isang aklat sa banal na kasulatan sa takdang haba ng panahon para maunawaan ang buong mensahe nito, ngunit sa pagbabalik-loob, mas mahalaga dapat ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kaysa sa dami ng nabasa ninyo sa oras na iyon. Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 11. Para sa iba pang mga ideya sa pag-aaral, tingnan sa Elder Richard G. Scott, “Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 45–47).

Tulungan ang mga estudyante na suriin ang pahayag ni Elder Christofferson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Anong mga hakbang ang tinukoy ni Elder Christofferson na maaaring humantong sa higit na pagkaunawa sa mga banal na kasulatan?

  • Paano mas napahihintulutang maturuan kayo ng Espiritu Santo sa paggawa ng mga hakbang na ito?

  • Paano kayo natulungan ng isa o mahigit pa sa mga hakbang na ito na palalimin ang inyong pag-unawa sa ebanghelyo?

Ipaliwanag na nakakatulong ito kapag nag-aaral ng mga banal na kasulatan para maunawaan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo. Pagtambal-tambalin ang mga estudyante (marahil ay iyong dati nang magkakapareha sa naunang aktibidad). Isulat ang sumusunod na mga reperensya sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa kanilang study journal o sa isang papel: Doktrina at mga Tipan 8:2–3; 9:7–8; 11:12–14; at 138:1–2, 11.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang mga talatang ito at markahan ang mga salita o pariralang naglalarawan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo. Maaari din silang sumulat ng ilang tala sa kanilang study journal tungkol sa natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-usapan nila ng kanilang kapareha ang minarkahan nila sa mga talatang ito at ang natutuhan nila. Matapos magbigay ng sapat na panahon, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga salita o parirala ang nakita ninyo na naglalarawan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo? (Isulat sa pisara ang sagot ng mga estudyante.)

  • Paano kayo naturuan ng Espiritu Santo sa isa sa mga paraang ito at napalalim ang pag-unawa ninyo sa isang doktrina o alituntunin ng ebanghelyo? Ano ang mga partikular na naranasan ninyo?

Anyayahan ang mga estudyante na buklatin sa pahina 24 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang apat na item na naka-bullet sa ilalim ng “Mga Ideyang Pag-aaralan at mga Mungkahi.” Isiping itanong ang mga sumusunod:

  • Paano maaaring maapektuhan ng mga rekomendasyong ito ang kakayahan ng isang missionary na epektibong maibahagi ang ebanghelyo sa iba?

  • Paano ninyo maiaakma ang mga ideyang ito at maipamumuhay ang mga ito ngayon bilang mga magiging missionary?

  • Paano makakatulong ang pagpapahusay ng inyong mga kasanayan at gawi sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa inyong tagumpay bilang mga missionary? (Malamang na magbigay ang mga estudyante ng isang alituntuning kahalintulad nito: Kapag nagkaroon ng mga gawi ang mga missionary sa epektibong pag-aaral ng ebanghelyo, tuturuan sila ng Espiritu, mas makikinabang sila sa kanilang karanasan, at magiging mas handa silang ituro ang ebanghelyo.)

Hatiin ang klase sa tig-tatatlo o tig-aapat na grupo. Sabihin sa bawat grupo na paghatian nila ang anim na subsection sa ilalim ng “Mga Ideyang Pag-aaralan at mga Mungkahi” sa mga pahina 24–27 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipaaral sa magkakagrupo ang mga subsection na nakaatas sa kanila. Ang ilang miyembro ng grupo ay maaaring hindi lang isang subsection ang kailangang pag-aralan. Magtalaga ng isang lider sa bawat grupo na mamamahala sa isang talakayan tungkol sa natutuhan ng mga miyembro ng grupo at kung ano ang magagawa nila ngayon para maging mas mabisa at epektibo ang pag-aaral nila ng ebanghelyo. Matapos makapagtalakayan ang mga grupo, itanong sa klase:

  • Paano kayo natulungan ng mga kasanayan o kagawiang ito sa pag-aaral na mas epektibong pag-aralan ang mga banal na kasulatan?

Para matulungan ang mga estudyante na ipamuhay mismo ang natalakay, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Mga Kagawian sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.” Bigyan ng ilang minuto ang klase para kumpletuhin ang aktibidad sa handout.

Handout sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Matapos magbigay ng sapat na panahon, magpabahagi sa mga estudyante ng anumang mga kaisipan o pananaw na natamo nila mula sa pagsasanay na ito. Hikayatin silang sundan ito ng pagsasama ng pinili nilang mga kasanayan at gawi sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa personal nilang pag-aaral. Tiyakin sa kanila na kapag ginawa nila ito, paliliwanagin ng Espiritu Santo ang kanilang isipan at palalawakin ang pag-unawa nila sa ebanghelyo.

Ipaunawa sa klase na bukod pa sa kung paano sila nag-aaral, napakahalaga rin kung kailan at ano ang pinag-aaralan nila para makatulong sa kanila na maging epektibong mga missionary. Ipabuklat sa mga miyembro ng klase ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa pahina viii sa pambungad at ipabasa ang Iskedyul ng Misyonero sa Araw-Araw na matatagpuan sa bahaging “Personal na Pag-aaral, Pag-aaral ng Magkompanyon, mga District Meeting, at Zone Conference.” Pagkatapos ay itanong:

  • Paano inilalarawan ng Iskedyul ng Misyonero sa Araw-Araw ang kahalagahan ng pag-aaral ng ebanghelyo?

  • Paano kayo maihahanda ngayon ng tapat na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw para sa mahigpit na iskedyul na ito bilang missionary?

Pagmamarka ng mga Banal na Kasulatan

video iconKung may sapat na oras kang nalalabi, isiping ipalabas ang video na “Advice for Studying the Scriptures” (2:07) para tulungan ang klase na mag-isip ng mga paraan na mapagbubuti nila ang paraan ng pagmamarka nila sa kanilang mga banal na kasulatan.

Matapos ipalabas ang video, itanong:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula kay Elder Bednar na makakatulong para mapagbuti ninyo ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang layunin ng pagmamarka ng mga banal na kasulatan? (Para matulungan kayong maalala kalaunan ang natutuhan ninyo kapag kailangan ninyo itong muli.)

  • Bakit mahalagang magkaroon ng epektibong paraan ang mga missionary sa pag-alala sa natutuhan nila?

Ipamuhay ang Natutuhan Ninyo

Ipabasa sa klase sa isang estudyante ang unang talata sa ilalim ng “Ipamuhay ang Natututuhan Mo” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 21. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 7:17. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning itinuturo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at sa Juan 7:17 sa pagtatanong ng:

  • Ano ang kaibhan ng pagkaalam tungkol sa mga banal na kasulatan sa pamumuhay ayon sa mga turong matatagpuan sa mga banal na kasulatan? (Bagama’t maaari silang gumamit ng iba’t ibang mga salita, dapat maunawaan ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kapag namuhay tayo ayon sa mga turo ng ebanghelyo, patototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga alituntuning iyon at palalakasin ang ating pananampalataya, kaalaman, at patotoo.)

Ipaliwanag na itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagkilos ayon sa ating natutuhan. Idispley ang sumusunod na sipi, at hilingin sa isang boluntaryo na basahin ito nang malakas sa klase:

Elder David A. Bednar

“Bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo, dapat tayong maging ‘tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang’ (Santiago 1:22). Nabubuksan ang ating mga puso sa impluwensya ng Espiritu Santo kapag ginamit natin nang wasto ang kalayaan at kumikilos ayon sa tamang mga alituntunin—at dahil diyan ating inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihang magturo at magpatotoo” (“Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 42).

  • Ano ang ibig sabihin ng maging tagatupad ng salita at huwag tagapakinig lamang?

  • Paano pinalalalim ng pagkilos “ayon sa tamang mga alituntunin” ang ating pag-unawa sa paraang hindi kaya ng pag-aaral lamang?

  • Paano kayo natulungan ng pagkilos ayon sa tamang mga alituntunin na magtamo ng mas malalim na pag-unawa at patotoo tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo na hangad ninyong ipamuhay?

Ipabasa sa isang estudyante ang ikalawang talata sa pahina 21 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo habang sumasabay ang klase, na naghahanap ng iba pang mga paraan na naaapektuhan ng pamumuhay ng ebanghelyo ang puso at kakayahan ng mga missionary. Matapos itong basahin, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong iba pang mga pagpapala ang dumarating sa mga missionary kapag ipinamuhay nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo na alam nilang totoo? (Tulungan ang mga estudyante na ipahayag ang alituntuning ito: Kapag ipinamuhay ng mga missionary ang ebanghelyo, pinag-iibayo ng Espiritu Santo ang hangarin at kakayahan nilang ibahagi ang ebanghelyo.)

  • Habang naghahanda kayo para magmisyon, paano napag-ibayo ng Espiritu Santo ang inyong hangaring maglingkod?

Pag-anyaya sa mga Investigator na Magsimba

Tinutulungan ng mga missionary ang mga investigator na mabinyagan sa paghihikayat sa kanila na tuparin ang kanilang mga pangako. Halimbawa, ipaliwanag sa mga estudyante na kapag nagsimba ang mga investigator, maaari silang tumanggap ng mas matinding paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo at hahangarin nilang mas mapalapit sa Diyos. Ang pagsisimba ay makakatulong sa mga investigator na magtamo ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at maghandang mabinyagan.

Ipamalas kung paano anyayahan ang isang tao na magsimba. Una, ibahagi nang maikli ang mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng pagsisimba. Pagkatapos ay gamitin ang missionary pamphlet na Ang Panunumbalik (mga pahina 22–23) para ipaliwanag ang nangyayari sa sacrament meeting. Pagkatapos ay ipamalas kung paano anyayahan ang isang investigator na dumalo sa mga miting ng Simbahan. Kasunod ng pagpapamalas mo, ipasadula sa mga estudyante ang mga hakbang na ipinamalas mo nang may kapareha. Hayaang magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa sa kanila na ibahagi nang maikli ang mga pagpapalang natatanggap nila sa pagsisimba, ipaliwanag ang nangyayari sa sacrament meeting, at anyayahan ang ibang tao na magsimba.

Patotohanan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na tinalakay sa lesson.

Mga Paanyayang Kumilos

Anyayahan ang mga estudyante na unahin ang personal na pag-aaral ng ebanghelyo sa paghahanda nilang magmisyon. Maaaring makatulong ang sumusunod na iminungkahing mga aktibidad na magtuon ang mga estudyante sa pag-aaral nang may Espiritu:

  • Kagawiang personal na pag-aralan ang ebanghelyo araw-araw, kabilang na ang pag-aaral at pagbubulay tungkol sa Aklat ni Mormon.

  • Manalangin sa simula ng personal na pag-aaral ninyo ng ebanghelyo para anyayahan ang Espiritu na tulungan kayo. Kung hindi pa ninyo nagagawa, magsimulang gumamit ng study journal sa inyong personal na pag-aaral ng ebanghelyo.

  • Pumili ng isa sa mga ideya at mungkahi sa pag-aaral ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga pahina 24–27 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at isama ito sa inyong personal na pag-aaral sa linggong ito.

Handout

Handout sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan