Institute
Lesson 10: Pagtuturo ng Plano ng Kaligtasan (Part 1)


10

Pagtuturo ng Plano ng Kaligtasan (Part 1)

Pambungad

Ang plano ng kaligtasan ay ang plano ng Ama sa Langit para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak. Ito ay nakasentro sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at nagtuturo kung bakit kailangan ang Pagbabayad-sala. Sinasagot din ng plano ng Ama sa Langit ang mga tanong na “Saan ako nanggaling?,” “Ano ang layunin ko sa buhay?,” at “Saan ako pupunta kapag namatay ako?” Dapat malinaw na nauunawaan ng mga prospective missionary ang doktrina ng plano ng kaligtasan at maging handang ipaliwanag ito sa simpleng paraan at patotohanan ito nang may kapangyarihan.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Buhay Bago Tayo Isinilang: Ang Layunin at Plano ng Diyos para sa Atin

Ipakanta sa klase ang himno na “Ako ay Anak ng Diyos” bilang bahagi ng pambungad na debosyonal. Para simulan ang lesson, iparepaso nang tahimik ang mga titik sa unang verse ng “Ako ay Anak ng Diyos,” at ipahanap sa kanila ang anumang doktrina o alituntuning matatagpuan sa mga titik ng awitin.

Ako ay anak ng Diyos,

Dito’y isinilang,

Handog sa ‘kin ay tahana’t

Mabuting magulang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin,

Nang S’ya’y makapiling.

(“Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.)

Pagkaraan ng ilang sandali, imbitahin ang mga estudyante na ipaliwanag ang anumang mahahalagang doktrina o alituntunin na natagpuan nila sa himno. Kung kailangan, maaari mong itanong ang sumusunod:

  • Ano ang ipinahihiwatig ng mga titik na ito tungkol sa ating buhay bago tayo pumarito sa lupa?

  • Ano ang ipinahihiwatig ng mga titik tungkol sa layunin ng buhay dito sa lupa?

Sabihin sa mga estudyante na bilang mga missionary, magkakaroon sila ng pagkakataong ituro ang tungkol sa layunin ng buhay. Ipabasa nang malakas sa isa o mas marami pang estudyante ang unang dalawang talata ng bahaging may pamagat na “Buhay Bago ang Buhay sa Mundo: Layunin at Plano ng Diyos para sa Atin” sa pahina 52 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Wala nang mas malalim na katotohanang ipinaalam sa atin sa panunumbalik kaysa sa kaalaman tungkol sa ating premortal na buhay. Walang ibang simbahan na nakaaalam o nagtuturo ng katotohanang ito. Ang doktrina ay ibinibigay lamang bilang outline, ngunit ang pinakamahahalagang impormasyon ay inulit nang madalas sa mga paghahayag para tiyakin sa atin ang ilang mahahalagang katotohanan” (Our Father’s Plan [1984], 14).

Itanong:

  • Paano nakapagbibigay ng higit na kahulugan sa ating buhay ang kaalaman tungkol sa buhay bago tayo isinilang at na namuhay tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit? (Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong bigyang-diin ang alituntuning ito: Kapag nauunawaan natin na tayo ay mga anak ng Ama sa Langit, nagiging mas makabuluhan ang ating buhay sa lupa.)

video iconPara matulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagkaunawa sa alituntuning ito, ipalabas ang video na “God Is Our Father” (3:05), at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga pagpapalang inilarawan ng mga tao sa video.

Matapos panoorin ng mga estudyante ang video, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang ilang pagpapalang inilarawan ng mga tao sa video na dumating dahil sa kaalaman na sila ay mga anak ng Diyos?

  • Paano nakatulong ang kaalaman na kayo ay anak ng Diyos sa pagkakaroon ninyo ng mas makabuluhang buhay?

Sabihan ang ilang estudyante na magpalitan sa pagbabasa nang malakas sa unang apat na talata sa pahina 53 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihan ang klase na hanapin ang mga doktrina at alituntunin na nagtuturo kung ano ang layunin ng Diyos para sa Kanyang mga anak at kung paano tinutupad ng plano ng kaligtasan ang layuning iyon. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang gagawin ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak? (Maaaring kabilang sa sagot ng mga estudyante ang doktrina na ginagawang posible ng plano ng kaligtasan na matamasa ng lahat ng anak ng Diyos ang mga pagpapala ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Kung kailangan ng paglilinaw, maaari mong banggitin ang kahulugan ng imortalidad at kadakilaan sa pahina 64 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Bigyang-diin na ang buhay na walang hanggan ay ang uri ng pamumuhay ng Diyos.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa at ipasaulo sa kanila ang Moises 1:39. Matapos silang magkaroon ng ilang sandali para magsaulo at magsanay sa pagbigkas ng talatang ito, itanong:

  • Paano makakaapekto sa mga pagpiling ginagawa sa araw-araw ng mga investigator ang pagtuturo sa kanila na ang layunin ng Diyos ay ang isakatuparan ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-isipang mabuti ang papel na ginagampanan ng mga missionary sa pagtulong sa Ama sa Langit sa Kanyang gawain “na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Imbitahin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga iniisip sa isa pang estudyante o isulat ang kanilang mga ideya sa isang study journal.

Ang Paglikha at ang Ating Pisikal na Katawan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahaging may pamagat na “Ang Paglikha” sa pahina 53 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kahalagahan ng Paglikha sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit itinuturing nating mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Diyos ang paglikha ng mundo? (Para umunlad at maging katulad ng Diyos, bawat isa sa atin ay kailangang pumarito sa lupa upang magkaroon ng katawan at subukin sa isang panahon ng pagsubok.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagtanggap ng pisikal na katawan, idispley at basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Sister Susan W. Tanner noong siya pa ang Young Women general president. Ipahanap sa mga estudyante ang dahilan kung bakit sabik ang bawat isa sa atin na tumanggap ng pisikal na katawan.

Susan W. Tanner

“Sa mundo bago tayo isinilang nalaman natin na ang katawan ay bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos para sa atin. Tulad ng nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: ‘Kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang Walang Hanggang Ama at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkamit ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad patungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.’ Katunayan, tayo’y naghiyawan sa kagalakan’ (Job 38:7) na maging bahagi ng planong ito.

“Bakit tayo galak na galak? Dahil naunawaan natin ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa ating katawan. Nalaman natin na ang ating katawan ay larawan ng Diyos. Alam nating tatahan ang ating espiritu sa ating katawan. Naunawaan din natin na ang ating katawan ay daranas ng sakit, karamdaman, kapansanan, at tukso. Ngunit handa tayo, at sabik pa nga, na tanggapin ang mga hamong ito dahil alam natin na kapag hindi mapaghiwalay ang espiritu at elemento, magiging katulad tayo ng ating Ama sa Langit (tingnan sa D at T 130:22) at ‘tatanggap ng ganap na kagalakan’ (D at T 93:33)” (“Ang Kabanalan ng Katawan,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 13).

Pagkatapos ay itanong:

  • Sa premortal na daigdig, anong mga katotohanan ang naunawaan natin para masabik tayong pumarito sa lupa at tumanggap ng pisikal na katawan?

  • Bakit tayo handa at sabik noon na pumarito sa lupa kahit alam natin na mahaharap tayo sa mahihirap na hamon sa buhay na ito?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-isipan ang sumusunod na tanong: Paano ninyo ipaliliwanag sa isang investigator kung paano tayo tinutulungan ng ating mortal na karanasan na umunlad para maging tulad ng ating Ama sa Langit? Kung may oras pa, anyayahan silang pag-aralan ang mga reperensya sa banal na kasulatan sa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa ilalim ng “Ang Paglikha” sa pahina 53 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkaraan ng isang minuto o mahigit pa, sabihin sa mga estudyante na bumaling sa katabi nila at ipaliwanag ang kanilang sagot sa tanong.

Karapatang Pumili at ang Pagkahulog nina Adan at Eva

Isulat ang kasunod na mga pamagat sa pisara:

Ang maaaring gawin nina Adan at Eva sa Halamanan

Ang hindi maaaring gawin nina Adan at Eva sa Halamanan

Imbitahin ang mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 2:22–25 at ang bahaging “Karapatang Pumili at ang Pagkahulog nina Adan at Eva” sa pahina 54 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Habang binabasa nila, pagawin ang kalahati ng klase ng listahan ng maaaring gawin nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden (maaari silang mabuhay magpakailanman sa inosenteng kalagayan, maaari nilang gamitin ang kanilang kalayaan sa paggawa ng mga desisyon). Pagawin ang natitirang kalahati ng klase ng listahan kung ano ang hindi maaaring gawin nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden (hindi sila maaaring umunlad o dumanas ng oposisyon, hindi sila makakaranas ng galak o kalungkutan o pasakit o dusa, hindi sila maaaring magkasala, hindi sila daranas ng sakit o paghihirap, hindi sila maaaring magkaroon ng mga anak). Pagkaraan ng ilang minuto, ipabahagi sa mga estudyante ang napag-alaman nila. Sa pagsagot nila, ipasulat sa isang miyembro ng klase ang sagot ng mga estudyante sa pisara.

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga katagang pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan sa pahina 54 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Siguro mauunawaan ng lahat ng estudyante na ang pisikal na kamatayan ay tumutukoy sa kamatayan ng katawan. Tulungan silang maunawaan na ang espirituwal na kamatayan ay tumutukoy sa pagkawalay sa piling ng Diyos. Ang kapwa kamatayang ito ay resulta ng Pagkahulog ni Adan. Sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo natin mapagtatagumpayan ang dalawang kamatayan.

Mapapalalim mo ang pang-unawa ng mga estudyante na mahalaga ang Pagkahulog sa plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdidispley ng sumusunod na sipi mula kay Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) at sa pagpapabasa dito ng malakas ng isang estudyante:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Nang si Adan ay itinaboy palabas ng Halamanan ng Eden, siya ay hinatulan ng Panginoon. Sa ilang tao ang kahatulang iyon ay isang kakila-kilabot na bagay. Hindi iyon kakila-kilabot; iyon ay isang pagpapala. Hindi ko alam na totoong maituturing itong nakabalatkayong kaparusahan.

“Upang matamo ng sangkatauhan ang kaligtasan at kadakilaan kailangan silang magkaroon ng katawan sa mundong ito, at malampasan ang mga karanasan at pag-aaral na tanging sa mortalidad matatagpuan. Sinabi ng Panginoon na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay, ‘isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ (Moises 1:39). Kung walang mortalidad ang dakilang pagpapalang ito ay hindi maisasakatuparan. Kaya nga, ang mga daigdig ay nilikha at tinirahan ng mga anak ng Diyos, at pinagkalooban sila ng pribilehiyo na maranasan ang mabuhay sa mundo, taglay ang dakilang kaloob na kalayaang pumili. Sa pamamagitan ng kaloob na ito pinipili nila ang mabuti o masama, at sa gayon ay tatanggap ng gantimpala sa darating na mga kawalang-hanggan. Dahil sa paglabag ni Adan narito tayo sa mortal na buhay. …

“Ang pagkahulog ng tao ay isang pagpapalang nakabalatkayo, at ito ang paraan upang maisulong ang mga layunin ng Panginoon sa pag-unlad ng tao, sa halip na maging hadlang sa kanila” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:113–14).

Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit angkop na ituring ang Pagkahulog nina Adan at Eva na mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Diyos? (Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ang nagtulot sa mga espiritung anak ng Diyos na magkaroon ng pisikal na katawan at ginawa nitong posible ang kanilang pag-unlad at maging katulad Niya.)

Imbitahin ang mga estudyante na repasuhin ang kahon na “Pagtuturo Tungkol sa Pagkahulog” sa pahina 54 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag sa sarili nilang mga salita ang doktrina ng Pagkahulog sa katabi nilang estudyante.

Ang Ating Buhay sa Lupa

video iconIpalabas ang video na “The Plan of Salvation” (4:30) o ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula kay Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipahanap sa mga estudyante ang mga paraan na ang tatlong-yugtong dula-dulaan ay sumasagisag sa plano ng kaligtasan:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang plano ng pagtubos, na may tatlong bahagi, ay maitutulad sa malaking tatlong-yugtong dula-dulaan. Ang yugto 1 ay pinamagatang ‘Buhay Bago Tayo Isinilang.’ Inilalarawan ito ng mga banal na kasulatan bilang una nating kalagayan (tingnan sa Judas 1:6; Abraham 3:26, 28). Ang yugto 2, mula pagsilang hanggang pagkabuhay na mag-uli, ang ‘Ikalawang Kalagayan.’ At ang yugto 3 ay tinatawag na ‘Kabilang Buhay’ o ‘Buhay na Walang Hanggan.’

“Sa mortalidad, para tayong mga artistang pumapasok sa isang teatro pagkataas ng kurtina sa ikalawang yugto. Nalagpasan natin ang yugto 1. Ang produksyon ay maraming malalaki at maliliit na planong magkakaugnay, na nagpapahirap na maisip kung sino ang nauugnay kanino at ano ang nauugnay saan, sino ang mga bida at sino ang mga kontrabida. Mas kumplikado pa nga dahil hindi lang tayo manonood; kasama tayo sa mga tauhan, sa entablado, sa gitna ng mga pangyayari!

“Bilang bahagi ng walang hanggang plano, ang alaala ng ating buhay bago tayo isinilang, yugto 1, ay natatabingan. Yamang pumapasok tayo sa mortalidad sa simula ng yugto 2 nang walang alaala ng yugto 1, hindi kataka-taka na mahirap maunawaan ang nangyayari. …

“Kung kaginhawahan at kapayapaan at kaligayahan lamang ang inaasahan ninyo sa yugto 2, tiyak na mabibigo kayo. Kakatiting ang mauunawaan ninyo tungkol sa nangyayari at kung bakit tinutulutang magkaganito ang mga bagay-bagay.

“Tandaan ninyo ito! Ang linyang ‘At sila ay nabuhay nang maligaya magpakailanman’ ay hindi kailanman isinulat sa ikalawang yugto. Ang linyang ito ay nasa ikatlong yugto, kapag nalutas na ang mga hiwaga at naitama na ang lahat. …

“May kung anong iskrip na sinusunod ang malaking dula-dulaang ito, ang dula ng mga panahon. Binabalangkas nito, nang maikli kahit paano, kung ano ang nangyari sa yugto 1—ang buhay bago tayo isinilang. Bagama’t walang masyadong detalye, nililinaw ng iskrip ang layunin ng lahat ng ito, at sapat ang inihahayag nito ukol sa plano upang tulungan kayong maunawaan kung tungkol saan ang buhay.

“Ang iskrip na iyon, na dapat ay alam na ninyo, ay ang mga banal na kasulatan—ang mga paghahayag. Basahin ang mga ito. Pag-aralan ang mga ito. Sinasabi nito sa inyo kung ano ang tao, kung bakit ‘inaalala siya’ ng Diyos, at kung bakit tayo naging ‘mas mababa kaysa mga anghel’ at ‘maputungan … nang may kaluwalhatian at karangalan’ (Mga Awit 8:4–5).

“Ang mga banal na kasulatan ay nagsasabi ng katotohanan. Mula sa mga ito, sapat na ang malalaman ninyo tungkol sa lahat ng tatlong yugto para mabuhay ayon sa mga katotohanan at magabayan sa inyong buhay. Inihahayag dito na ‘kayo rin sa simula ay kasama ng Ama; na yaong Espiritu, maging ang Espiritu ng katotohanan;

“‘At ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa’ (D at T 93:23–24)” (Boyd K. Packer, “The Play and the Plan” [Church Educational System fireside, Mayo 7, 1995], 2–3; si.lds.org).

Pagkatapos ay magtanong ng gaya ng mga sumusunod:

  • Sa paanong paraan isinasagisag ng isang tatlong-yugtong dula ang ilan sa mga elemento ng plano ng kaligtasan?

  • Ayon sa analohiyang ito, bakit mahirap maunawaan ng maraming tao ang layunin ng buhay sa lupa?

  • Ayon sa analohiyang ito, saan natin matatagpuan ang iskrip para sa malaking tatlong-yugtong dulang ito?

  • Paano matutulungan ng mga banal na kasulatan ang mga anak ng Diyos na mas maunawaan ang kanilang layunin sa plano ng Diyos?

Ipaliwanag sa mga estudyante na kapag itinuturo ng mga missionary ang plano ng kaligtasan, tinutulungan nila ang mga investigator na mas maunawaan ang layunin ng mortalidad at kung paano tayo makakabalik sa piling ng Ama sa Langit (tingnan sa Alma 12:32–34). Ipabasa sa mga estudyante ang bahaging may pamagat na “Ang Ating Buhay sa Lupa” sa pahina 55 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Matapos silang magkaroon ng sapat na panahon para basahin ang bahagi, itanong:

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang layunin ng buhay na ito sa isa o dalawang pangungusap?

Sabihin sa mga estudyante na mahalagang maunawaan ng mga investigator na ang paghahanda natin sa pagbalik sa piling ng Diyos ay nakasalalay sa mga desisyong ginagawa natin sa ating buhay sa lupa. Ang mga desisyon na sundin ang mga utos ng Diyos ay makakatulong sa atin na mas mapalapit sa ating Ama sa Langit, samantalang ang paglabag sa mga utos ng Diyos ay humahadlang sa pagbalik natin sa Kanyang piling. Isulat sa pisara ang sumusunod:

Mga bunga ng kasalanan:

Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang mga bunga ng kasalanan? (Kung kinakailangan, hikayatin ang mga estudyante na repasuhin ang ikalawang talata ng “Ang Ating Buhay sa Lupa” sa pahina 55 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Bagama’t gagamit sila ng medyo kakaibang mga salita, dapat maunawaan ng mga estudyante ang mga katotohanang ito: Ang kasalanan ay humahantong sa kalungkutan at nagdudulot ng pagkakonsiyensya at kahihiyan. Ginagawa tayo nitong marumi at di-karapat-dapat na pumasok sa kinaroroonan ng Diyos. Pinipigilan tayo ng kasalanan sa pagbalik sa ating Ama sa Langit maliban kung tayo ay pinatawad.)

  • Paano nakatutulong ang pag-unawa sa mga bunga ng kasalanan sa paghahanda sa mga investigator na tanggapin ang mensahe ng Pagbabayad-sala?

Ipaalala sa mga estudyante na sa buhay na ito daranas tayo ng espirituwal na kamatayan—nakawalay tayo sa piling ng Diyos. Itanong sa mga estudyante:

  • Paano tayo tinutulungan ng ebanghelyo ni Jesucristo na madaig ang kamatayang espirituwal at makabalik sa piling ng Diyos? (Habang sumasagot ang mga estudyante maaari ninyong itanong sa kanila kung paano nakakatulong ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at ang kaloob na Espiritu Santo sa bawat isa sa atin na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog at ihanda tayo sa pagbalik sa piling ng Diyos.)

Mahalagang bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magpraktis na ipaliwanag ang mga elemento ng plano ng kaligtasan na tinalakay sa lesson na ito. Makatutulong ito para mas maunawaan nila ang mga doktrina at alituntunin na ituturo nila sa mga investigator.

Gawing pares-pares ang mga estudyante. Bigyan ng sapat na oras ang mga pares para maghandang magturo ng lima- hanggang sampung-minutong lesson tungkol sa layunin ng ating buhay sa lupa. Iparebyu sa mga estudyante ang mga materyal sa mga pahina 53–55 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabilang na ang mga banal na kasulatan mula sa mga kahon ng Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan. Kung mayroon, maaari din nilang pag-aralan ang mga pahina 2–9 ng missionary pamphlet na may pamagat na Ang Plano ng Kaligtasan. Habang naghahanda ang mga estudyante, maglakad-lakad sa klase at tulungan silang maghanda ng simple at maiikling paliwanag tungkol sa mga elemento ng plano ng kaligtasan. Muling pagtibayin na ang paggamit ng mga talata ng banal na kasulatan sa kanilang mensahe at pagpapatotoo sa mga doktrina at alituntunin na itinuturo nila ay magdaragdag ng kapangyarihan sa kanilang mga lesson.

Matapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na oras para rebyuhin ang materyal at maghanda ng maikling lesson, atasan ang bawat pares ng mga estudyante na turuan ang isa pang pares. Pagkatapos ay sabihan silang magpalitan para magkaroon ang bawat pares ng pagkakataong makapagturo nang minsan. Sa pagtatapos ng karanasan sa pagtuturo ng bawat pares, sabihing talakayin nila sa mga estudyanteng tinuruan nila ang sumusunod:

  • Ano ang napakainam na ginawa ng mga guro?

  • Anong mga pamamaraan ang maaari sanang nakapagpalakas pa ng bisa ng presentation?

Pagkatapos magkaroon ang bawat pares ng pagkakataong magpraktis at mag-evaluate ng kanilang pagtuturo, anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi sa klase ng mga ideya mula sa kanilang mga karanasan.

Tapusin ang lesson sa pagsusulat ng sumusunod na pahayag sa pisara at paghiling sa mga estudyante na isipin kung paano madaragdagan ng mga alituntuning ito ang hangarin nilang magmisyon:

Bawat taong nakikilala ninyo ay anak ng Ama sa Langit at minamahal Niya.

Bawat taong nakikilala ninyo ay may nadaramang kalungkutan na dulot ng mga kasalanan na hindi pa nalulutas sa pamamagitan ng nakapaglilinis na Pagbabayad-sala ni Cristo.

Imbitahin ang ilang estudyante na ibahagi ang nadarama nila habang pinag-iisipan ang mga pahayag na ito. Isiping tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanilang gustong magpatotoo sa klase tungkol sa mga doktrinang nauugnay sa plano ng kaligtasan.

Mga Imbitasyon para Kumilos

Imbitahin ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagkaunawa sa plano ng kaligtasan at paghusayin ang kanilang kasanayan sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagpili ng isa sa sumusunod na mga aktibidad na gagawin sa labas ng klase:

  • Rebyuhin ang bahaging “Mahahalagang Depinisyon” sa mga pahina 64–65 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Magpraktis na ipaliwanag ang bawat isa sa mga salitang ito gamit ang simpleng pahayag ng katotohanan.

  • Repasuhin ang mga talata sa banal na kasulatan na matatagpuan sa mga kahon sa Pag-aaralang Banal na Kasulatan sa mga pahina 53–54 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pumili ng isa o dalawang talata na gusto mong gamitin upang ituro ang bawat isa sa iba’t ibang bahagi ng plano ng kaligtasan at markahan ang mga ito sa inyong banal na kasulatan. Isiping isaulo ang isa o higit pang mga talata.

  • Gumawa ng outline para sa pagtuturo ng plano ng kaligtasan. Isiping gamitin ang mga ideya sa lesson plan na nasa mga pahina 60–63 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang reperensya.

  • Isipin ang isang pagkakataon na pinagpala ng inyong kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ang inyong buhay. Ibuod ang karanasang iyon sa iyong study journal o ibahagi ito sa isang kaibigan.