Ang Kabanalan ng Katawan
Nais ng Panginoon na baguhin tayo—pero sa wangis Niya, hindi sa wangis ng daigdig, sa pagtanggap ng Kanyang larawan sa ating mukha.
Kagagaling ko lang sa pagbisita at pagbati sa pinakabagong silang naming apo na si Elizabeth Claire Sandberg. Kayganda’t kaylusog niya! Gulat na gulat ako, tulad ng dati tuwing may isisilang na sanggol, sa kanyang mga daliri sa kamay at paa, sa buhok, tumitibok na puso, at mga katangiang namana niya sa pamilya—ilong, baba, mga biloy. Tuwang-tuwa at nabighani rin ang mga kuya’t ate niya sa maliit at maganda’t malusog na kapatid nila. Para silang nakadama ng kabanalan sa kanilang tahanan sa selestiyal na espiritung naroon na bago pa lamang nabuklod sa dalisay na pisikal na katawan.
Sa mundo bago tayo isinilang nalaman natin na ang katawan ay bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos para sa atin. Tulad ng nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang [Walang Hanggang] Ama at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkamit ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad patungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49). Katunayan, tayo’y “[naghiyawan] sa kagalakan” (Job 38:7) na maging bahagi ng planong ito.
Bakit tayo galak na galak? Dahil naunawaan natin ang mga walang hanggang katotohanan tungkol sa ating katawan. Nalaman natin na ang ating katawan ay larawan ng Diyos. Alam nating tatahan ang ating espiritu sa ating katawan. Naunawaan din natin na ang ating katawan ay daranas ng sakit, karamdaman, kapansanan, at tukso. Ngunit handa tayo, at sabik pa nga, na tanggapin ang mga hamong ito dahil alam natin na kapag hindi mapaghiwalay ang espiritu at elemento, magiging katulad tayo ng ating Ama sa Langit (tingnan sa D at T 130:22) at “tatanggap ng ganap na kagalakan” (D at T 93:33).
Sa kabuuan ng ebanghelyo sa lupa, may pribilehiyo tayong muli na malaman ang mga katotohanang ito tungkol sa katawan. Itinuro ni Joseph Smith: “Pumarito tayo sa lupang ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa Kahariang Selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay nasa pagkakaroon ng katawan. Ang Diyablo ay walang katawan, at iyon ang parusa sa kanya” (The Words of Joseph Smith, inedit nina Andrew F. Ehat at Lyndon W. Cook [1980], 60).
Natutuhan din ni Satanas ang mga walang hanggang katotohanang iyon tungkol sa katawan, subalit parusa sa kanya ang di pagkakaroon nito. Dahil dito sinisikap niyang gawin ang lahat para kumbinsihin tayong abusuhin o gamitin sa mali ang mahalagang kaloob na ito. Pinupuno niya ang mundo ng kasinungalingan at panlilinlang tungkol sa katawan. Tinutukso niya ang marami na dumihan ang dakilang kaloob na katawan sa pamamagitan ng pagdungis sa puri, kahalayan, pagpapasasa sa sarili, at pagkalulong. Inaakit niya ang ilan na kamuhian ang kanilang katawan; ang iba nama’y tinutukso niyang sambahin ito. Alinman dito, tinutukso niya ang mundo na ituring na isang bagay lang ang katawan. Dahil sa napakaraming kasinungalingan ni Satanas tungkol sa katawan, gusto kong magsalita ngayon para suportahan ang kabanalan ng katawan. Nagpapatotoo ako na ang katawan ay isang kaloob, na dapat ipagpasalamat at igalang.
Ipinahayag sa mga banal na kasulatan na ang katawan ay templo. Si Jesus Mismo ang unang naghambing ng Kanyang katawan sa templo (tingnan sa Juan 2:21). Kalaunan ay ipinayo ni Pablo sa mga taga Corinto, isang masamang lungsod na puno ng lahat ng kahalayan at kalaswaan: “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios, sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo” (I Mga Taga Corinto 3:16–17).
Ano ang mangyayari kung talagang ituturing nating templo ang ating katawan? Dahil dito’y lubhang mag-iibayo ang kalinisang-puri, kahinhinan, pagsunod sa Word of Wisdom, at mababawasan naman ang mga problema sa pornograpiya at pang-aabuso, dahil tulad ng templo, ituturing natin ang katawan na sagradong kanlungan ng Espiritu. Dahil walang maruming bagay na makakapasok sa templo, hindi rin natin hahayaang makapasok ang anumang uri ng dumi sa templo ng ating katawan.
Gayundin, pananatilihin nating malinis at maganda ang panlabas na anyo ng templo ng ating katawan upang mabanaag ang kasagraduhan at kabanalan na nasa loob nito, tulad ng ginagawa ng Simbahan sa mga templo nito. Dapat tayong manamit at kumilos sa mga paraan na mababanaag ang sagradong espiritung nasa ating kalooban.
Kamakailan lang nang bisitahin ko ang isa sa malalaking lungsod sa mundo na puno ng turista, labis kong ikinalungkot na napakaraming tao sa mundo na nalinlang ni Satanas na ang ating katawan daw ay isang bagay lang na dapat ipagpasikat at ipaglantaran. Isipin ninyo ang pagkakaiba at malaking tuwa ko nang pumasok ako sa silid-aralan ng mga dalagitang mahinhin at angkop ang pananamit at nahahayag ang kabutihan sa mukha. Naisip ko, “Narito ang walong magagandang babae na marunong gumalang sa kanilang katawan at alam kung bakit nila ginagawa iyon.” Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan sinasabing: “Ang inyong katawan ay sagradong likha ng Diyos. Igalang ito bilang isang regalong mula sa Diyos, at huwag itong dungisan sa anumang paraan. Sa pamamagitan ng inyong pananamit at kaanyuan maipakikita ninyo sa Panginoon na alam ninyo kung gaano kahalaga ang inyong katawan… . Mababanaag sa inyong pananamit ang uri ng inyong pagkatao” ([2001], 14–15).
Ang kahinhinan ay higit pa sa pag-iwas sa malaswang pananamit. Hindi lang haba ng palda o lalim ng leeg ng blusa ang inilalarawan nito kundi saloobin ng ating puso. Ang katagang kahinhinan ay nangangahulugang “wasto.” Nauugnay ito sa katamtaman. Nagpapahiwatig ito ng “kadisentehan at kaangkupan … sa isip, salita, pananamit, at pag-uugali” (Daniel H. Ludlow, ed., Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo [1992], 2:932).
Ang pagiging katamtaman at angkop ay dapat pumigil sa lahat ng ating pagnanasa. Binigyan tayo ng mapagmahal na Ama sa Langit ng pisikal na kagandahan at kasiyahan “kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso” (D at T 59:18), ngunit may paalala: na ang mga ito ay “ginawa upang gamitin nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan” (D at T 59:20). Ginamit ng aking asawa ang banal na kasulatang ito upang ituro sa aming mga anak ang batas ng kalinisang-puri. Sabi niya ang literal na kahulugan ng “salitang pamimilit … ay ‘ipihit paayon [o pasalungat]’. Ang paggamit ng … katawan ay hindi dapat ipihit [pasalungat] sa mga layuning inorden ng langit na siyang dahilan kaya [ito] ibinigay. Ang kasiyahan ng katawan ay mabuti kung nasa tamang panahon at lugar, magkagayunman hindi natin ito dapat idolohin” (John S. Tanner, “The Body as a Blessing,” Ensign, Hulyo 1993, 10).
Ang mga kasiyahan ng katawan ay maaaring laging sumagi sa isipan ng ilan; gayundin ang sobrang pag-uukol natin ng pansin sa ating pagpapaganda. Kung minsan dahil sa pagkamakasarili sumosobra tayo sa ehersisyo, diyeta, pagpaparetoke, at paggastos sa pinakahuling uso (tingnan sa Alma 1:27).
Nag-aalala ako sa nakaugaliang sobrang pagpapaganda. Ang kaligayahan ay nagmumula sa pagtanggap sa katawang ibinigay sa atin bilang mga banal na regalo at pagpapaibayo ng ating mga likas na katangian, hindi mula sa pagpapabago ng ating katawan ayon sa wangis ng mundo. Nais ng Panginoon na baguhin tayo—pero sa wangis Niya, hindi sa wangis ng daigdig, sa pagtanggap ng Kanyang larawan sa ating mukha (tingnan sa Alma 5:14, 19).
Tandang-tanda ko na hiyang-hiya ako noong tinedyer ako dahil ang lalaki ng tagihawat ko. Sinikap kong alagaang mabuti ang balat ko. Tinulungan akong magpagamot ng mga magulang ko. Maraming taon pa nga akong hindi kumain ng tsokolate at mamantikang pagkain sa restawran na madalas kainan ng mga kabataan, pero wala ring nangyari. Mahirap noon para sa akin na lubos na magpasalamat para sa katawang ito na nagbibigay sa akin ng maraming problema. Pero tinuruan ako ng butihin kong ina ng mas mataas na tuntunin. Paulit-ulit niyang sinabi sa akin: “Gawin mo ang lahat para mapaganda ang hitsura mo, pero paglabas mo sa pintuan, kalimutan mo ang sarili mo at simulan mong isipin ang iba.”
Ganoon na nga. Itinuturo niya sa akin ang alituntunin ng pagkakait sa sarili na katulad ni Cristo. Ang pag-ibig sa kapwa, o dalisay na pag-ibig ni Cristo, ay “hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili” (Moroni 7:45). Kapag mas iniisip natin ang iba kaysa ating sarili, nagkakaroon tayo ng panloob na kagandahan ng espiritu na nababanaag sa panlabas nating kaanyuan. Ganito tayo tumutulad sa larawan ng Panginoon sa halip na sa larawan ng mundo at natatanggap ang Kanyang larawan sa ating mukha. Binanggit ni Pangulong Hinckley ang ganitong uri mismo ng kagandahan na dumarating kapag natuto tayong gumalang sa katawan, isipan, at espiritu. Sabi niya:
“Sa lahat ng nilikha ng Makapangyarihan, wala nang mas maganda pa, o higit na nagbibigay-sigla kaysa sa kaibig-ibig na anak na babae ng Diyos na namumuhay nang mabuti at nauunawaan kung bakit dapat niyang gawin ang gayon, na nagpapahalaga at gumagalang sa kanyang katawan bilang sagrado at banal na bagay na nagpapayaman sa kanyang isipan at patuloy na pinalalawak ang kanyang pang-unawa, na pinakakain ng walang hanggang katotohanan ang kanyang espiritu” (“Pag-unawa sa Ating Banal na Katangian,” Liahona, Peb. 2002, 24; “Our Responsibility to Our Young Women,” Ensign, Set. 1988, 11).
Taimtim kong dinarasal na hangarin nawa ng lahat ng lalaki at babae ang kagandahang pinuri ng propeta—kagandahan ng katawan, isipan, at espiritu!
Itinuturo ng ibinalik na ebanghelyo na likas na magkakaugnay ang katawan, isipan, at espiritu. Sa Word of Wisdom, halimbawa, magkasama ang espirituwal at pisikal. Kapag sinusunod natin ang batas ng Panginoon para sa kalusugan ng ating katawan, pinangangakuan din tayo ng karunungan sa ating espiritu at kaalaman sa ating isipan (tingnan sa D at T 89:19–21). Tunay na magkakaugnay ang espirituwal at pisikal.
Naaalala ko ang isang pangyayari sa bahay namin noong bata pa ako nang maapektuhan ng sobrang pagbibigay-layaw sa katawan ang sensitibong espiritu ng aking ina. Sinubukan niyang sundin ang bagong resipe ng sweet roll. Malalaki ito at napakatamis—at nakakabusog. Kahit mga kapatid kong binatilyo ay hindi makakain ng mahigit sa isa. Nang gabing iyon si Inay ang pinagdasal ni Itay sa pamilya. Isinubsob niya ang kanyang ulo at hindi kumibo. Magiliw siyang kinalabit ni Itay, “May problema ba?” Sa huli’y sinabi ni Inay, “Pakiramdam ko wala sa akin ang espiritu ngayong gabi. Kakakain ko lang ng tatlong sweet roll na mabigat sa tiyan.” Palagay ko paminsan-minsay nasasaktan ng marami sa atin ang ating espiritu sa gayong paraan dahil sa sobrang pagbibigay-layaw sa katawan. Masama ang epekto sa katawan at nagpapamanhid sa pakiramdam ng ating espiritu lalo na ang mga sangkap na ipinagbabawal sa Word of Wisdom. Hindi maaaring balewalin ng kahit sino sa atin ang pagkakaugnay na ito ng ating espiritu at katawan.
Ang mga sagradong katawang ito, na lubos nating ipinagpapasalamat, ay may mga likas na limitasyon. May mga taong ipinanganak na may kapansanan, at tinitiis ng ilan ang sakit na dulot nito habambuhay. Lahat tayo’y nakakaramdam na habang tumatanda tayo ay unti-unting nanghihina ang ating katawan. Kapag nangyari ito, inaasam natin na sana ay gumaling at lumakas ang ating katawan balang-araw. Umaasa tayo sa Pagkabuhay na Muli na ginawang posible ni Jesucristo, na “ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala; kundi lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23). Alam ko na sa pamamagitan ni Cristo makararanas tayo ng lubos na kagalakang madarama lang kapag ang espiritu at elemento ay hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan (tingnan sa D at T 93:33).
Ang katawan natin ay ating templo. Higit tayong katulad ng Ama sa Langit dahil tayo’y may katawan. Pinatototohanan ko na tayo’y Kanyang mga anak, nilikha sa Kanyang larawan, na may potensyal na maging katulad Niya. Lubos nating pangalagaan ang banal na kaloob na katawang ito. Balang-araw, kung tayo’y karapat- dapat, tatanggap tayo ng perpekto at niluwalhating katawan—dalisay at malinis gaya ng bagong silang kong apo, maliban sa hindi na ito maihihiwalay sa espiritu. At tayo’y maghihiyawan sa galak (tingnan sa Job 38:7) na matanggap na muli ang kaloob na ito na ating inaasam (tingnan sa D at T 138:50). Nawa’y igalang natin ang kabanalan ng katawan sa buhay na ito nang sa gayo’y pabanalin at dakilain ito ng Panginoon sa kawalang-hanggan. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.