2005
Ipinanumbalik na Katotohanan
Nobyembre 2005


Ipinanumbalik na Katotohanan

Ang plano ng Ama ukol sa kaligtasan at kaligayahan … ay makatutulong para malampasan ninyo ang bawat hamon sa buhay.

Nakikita natin sa paligid ang dumaraming paghahangad sa espirituwal na patnubay na ipinamamalas ng marami sa buong mundo bilang resulta ng dumarating na mga kalamidad na likha ng kalikasan at ng tao. Ang paghahangad na ito sa espirituwal na patnubay ay sanhi ng ating pagiging mga anak ng isang banal na Ama sa Langit. Nauunawaan natin na kapag nahaharap tayo sa kahirapan ay bumabaling tayo sa ating Manlilikha para humingi ng tulong. Alam ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na ang lumalalang kalagayan ng mundo, matitinding hamon, at kalamidad ang aakay sa Kanyang mga anak para hangarin ang Kanyang espirituwal na pagkalinga. Ang hamon ay kung paano ito matatagpuan nang wasto.

Namuhay tayo sa piling ng Diyos na ating Banal na Ama at ng Kanyang Minamahal na Anak na si Jesucristo sa buhay bago ang buhay na ito. Nagkaroon tayo doon ng pang-unawa sa Plano ng Kaligtasan ng Ama at sa pangakong tulong kapag naisilang na tayo bilang mga mortal sa mundo. Ang pangunahing layunin ng buhay ay ipinaliwanag doon. Sinabihan tayo na:

“Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

“At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan [ibig sabihin ay naging masunurin sa buhay bago ang buhay na ito] ay madaragdagan; … at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan [ibig sabihin ay Naging masunurin sa mortal na buhay] ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.”1

Ipinahihiwatig ng mga salitang iyon ang pinakapangunahing layunin ng inyong pagparito sa lupa. Ang layuning iyon ay ang patunayan na masunurin kayo sa mga utos ng Panginoon, at sa gayon ay madagdagan ang pang-unawa, kakayahan, at lahat ng marapat na katangian. Ito’y pagtanggap sa lahat ng kailangang ordenansa at gawin at tuparin ang lahat ng kailangang tipan. Ito ay pagbuo at pangangalaga sa isang pamilya. Kasama sa karanasang ito ang mga panahon ng pagsubok at kaligayahan na may layuning makabalik nang matagumpay matapos haraping mabuti ang mga hamon at oportunidad ng mortal na buhay para matanggap ang maluwalhating pagpapalang ipinangako sa gayong pagsunod.

Para maging lubos na kapaki-pakinabang ang panahon ng mortal na pagsubok at pag-unlad, tinuruan kayo doon at inihanda para sa mga kalagayang kakaharapin ninyo sa mortalidad. Ipinaliwanag ang huwaran ng Ama sa paggabay sa inyo sa mortal na buhay. Pipili Siya mula sa mga pinakamagiting at masunuring espiritung anak, ng mga propeta at iba pang awtorisadong tagapaglingkod na magtataglay ng Kanyang priesthood, na tuturuan ng Kanyang katotohanan at gagabayan sa pagpapalaganap ng katotohanan sa Kanyang mga anak sa lupa. Bibigyan ng Diyos ang bawat anak ng kalayaan, ng karapatang piliin ang Kanyang payo o balewalain ito. Lahat ay hihimukin ngunit hindi pipiliting sumunod. Naunawaan ninyo na bagamat maaari ninyong piliin ang landas na gusto ninyo sa buhay ay hindi ninyo maaaring piliin ang ibubunga ng inyong mga pagpili. Ang walang hanggang batas ang magpapasiya diyan.

Sakaling mayroong maging karapat-dapat sa lahat ng pinakamainam na pangakong biyaya pero dahil sa mga pangyayaring di niya kagustuhan ay hindi niya ito nakamit sa lupa, magkakaroon siya ng pagkakataong makamit ito sa kabilang buhay. Hindi ipapaalaala sa inyo ang buhay bago ang buhay na ito para matiyak na magiging makatwirang pagsubok ito ngunit kayo ay gagabayan para ipakita sa inyo kung paano mamuhay. Ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa buhay na ito kasama ang oportunidad na makabalik sa Kanya ay tatawaging ebanghelyo ni Jesucristo.

Bago pa man likhain ang mundong ito ay nagkaroon na ng rebelyon laban sa plano ng ating Ama na pinasimulan ng isang matalino ngunit masamang espiritu na kilala natin ngayon bilang Lucifer o Satanas. Nagmungkahi siya ng pagbabago sa mga bagay na kailangan. Kapani-paniwala ang kanyang argumento kung kaya’t sangkatlo ng mga espiritung anak ng Ama ang sumunod kay Satanas at itinaboy sila. Nawala sa kanila ang pambihirang pagkakataong umunlad at ang napakahalagang kapakinabangan ng katawang mortal.

Natanto ng ating Banal na Ama, na lubos na nakakikilala sa bawat isa sa Kanyang mga anak, na marami ang matutukso pagdating ng panahon, magiging makamundo, at di tatanggapin ang patotoo at mga turo ng Kanyang mga propeta. Papalitan ng espirituwal na kadiliman ang liwanag ng katotohanan sa kalagayan na tinatawag na apostasiya. Ang panahon mula sa pagpapakilala ng katotohanan hanggang sa pangkalahatang pagkawala nito dahil sa kasalanan ay ituturing na isang dispensasyon. Pipili ng mga propeta sa sunud-sunod na mga dispensasyon para panatilihin sa lupa ang katotohanan para sa matatapat kahit na binago na ito o tinanggihan ng marami.

Nalaman ninyo na ang Liwanag ni Cristo ang magbibigay ng patnubay na iyon. Ito ang nagbibigay ng liwanag at buhay sa lahat ng bagay. Ito ang nagpaparamdam sa mga tao sa buong mundo para makilala ang katotohanan sa kamalian, ang tama sa mali. Ang Liwanag ni Cristo ay hindi isang tao. Ito ay kapangyarihan at impluwensyang nagmumula sa Diyos na ating Ama sa pamamagitan ng Kanyang Anak, si Jesucristo at, kapag sinunod ay maaakay nito ang isang tao na maging marapat sa mas malinaw na paggabay at inspirasyon ng Espiritu Santo. Sinabihan kayo na pahihinain ng paglabag ang impluwensya ng Espiritu Santo ngunit maaari itong maibalik ng angkop na pagsisisi. Nagalak kayo na malaman na ang masunurin na tatanggap ng angkop na mga ordenansa kasama ang mahahalagang tipan at mananatiling tapat, ay magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal at makakapiling ng Ama at ng Kanyang Anak hanggang sa kawalang-hanggan.

Paano natin malalaman ang mga katotohanang ito? Paano ninyo mapatutunayan ang katotohanan nito? Nakikita ninyo sa paligid ang malaking kalituhan ukol sa katangian ng Diyos, Kanyang mga turo, at sa layunin ng buhay. Kung gayon, paano ginagabayan ng Diyos, na ating Ama sa Langit, ang Kanyang mga anak sa lupa? Paano Niya ipinaaalam ang katotohanan at ang Kanyang kalooban upang ang matatapat at naniniwalang mga anak Niya ay makagawa ng mga tamang pagpili at matanggap ang mga pagpapalang gusto ng Ama sa Langit na mapasakanila? Ipaliliwanag ko ito.

Mula pa sa pagkakatatag ng mundong ito matapat na sinunod ng Diyos na ating Ama ang Kanyang plano na inilarawan ko kanina lang. Kumilos si Adan para ibahagi ang plano ng ating Ama sa kanyang mga anak at mga inapo. Marami ang naniwala at pinagpala. Ngunit pinili ng marami na gamitin ang banal na kaloob ng kalayaan para tanggihan ang Kanyang mga turo at ebanghelyo. Tinanggihan ng mga suwail ang katotohanan, binago ang mga turo at ordenansa, at lumayo sa Diyos. Dumating ang panahon na pinalitan ng espirituwal na kadiliman ang liwanag ng katotohanan at ang priesthood at ang tunay na Simbahan ay nawala sa kalipunan ng mga tao.

Pinanibago ng mga propetang tulad nina Enoc, Noe, Abraham, Moises ang katotohanan para sa kanilang dispensasyon ngunit dumating ang oras na hindi tinanggap ng marami ang kanilang pinagpaguran. Sa kalagitnaan ng panahon si Jesucristo, ang Minamahal na Anak ng Diyos, ay isinilang sa mundo. Ibinalik Niya ang katotohanan at nagministeryo nang may pagmamahal at habag. Itinatag Niyang muli ang Kanyang Simbahan sa lupa na may mga apostol at propeta. Sa matinding pagdurusa ay tinupad Niya ang banal na utos ng Kanyang banal na Ama na maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Hinayaan Niyang maipako Siya sa krus. Siya’y nabuhay na muli at nadaig ang pisikal na kamatayan. Ang Kanyang walang hanggang sakripisyo ng pagbabayad-sala ay isang banal na kaloob na nagpapahintulot sa nagsisisi na mapatawad sa mga kasalanan at maging marapat sa buhay na walang hanggan. Ngunit sa kabila nito ang Anak ng Diyos ay tinanggihan ng lahat maliban lamang ng iilan. Ang Kanyang mga Apostol at mga miyembro ng Simbahan ay inusig at marami ang napatay. Ang mundo ay dumanas nang matagal at nakakasindak na panahon ng napakatinding espirituwal na kadiliman.

Nakatala sa mga banal na kasulatan na sa buong kasaysayan, maliban sa ilang mahahalagang pagkakataon, ang tinig ng Diyos Ama ay narinig. May ilang pagkakataon na nagpakita mismo si Jesucristo sa ilang piling mga indibiduwal. Gayunman isa lang ang banal at espesyal na pagkakataon na alam nating personal na nagpakita ang Diyos Ama. Ginawa Niya ito kasama ang Kanyang mahal na Banal na Anak, na si Jesucristo, sa iisang tao lamang. Ang taong iyon ay ang batang si Joseph Smith, Jr., isang di-pangkaraniwang espiritu, na inihanda bago pa ang pagkakatatag ng mundo. Siya ang magiging pinakadakilang propetang isinugo sa lupa. Paparating na rin ang pagbabalik ng awtoridad ng priesthood, ang kumpletong Panunumbalik ng Simbahang itinatag ng Tagapagligtas, na may karagdagang banal na kasulatang kailangan sa ating panahon na ibinigay ng patuloy na paghahayag mula sa Tagapagligtas.

Ang ating butihing Ama ay naparito sa mundong ito mula sa Kanyang likhang napakalawak para linawin ang katotohanan, bawiin ang makapal na ulap ng espirituwal na kadiliman, ipakita ang Kanyang tunay na pagkatao, ibalik ang buong katotohanan, at ituro ang daan para makamtan ang tiyak na espirituwal na patnubay. Ang napakahalagang panunumbalik na ito ay nagsimula sa simpleng kataga ng Ama “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”2 Kasunod nito’y ang Panunumbalik ng katotohanan, ng priesthood, mga sagradong ordenansa, at ng tunay na Simbahan kasama ang plano ng Ama ukol sa kaligtasan at kaligayahan. Kapag ipinamuhay ang planong iyon makatutulong iyon para malampasan ninyo ang lahat ng hamon sa buhay. Tutulungan kayo nitong maging marapat, sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod, na kamtin ang banal na espirituwal na patnubay na kailangan ninyo. Ang suportang iyan ang magbibigay sa inyo ng lakas upang mamuhay nang tama, kahit gaano pa kalala ang kalagayan ng mundo.

Ano bang okasyon ang gayon na lamang kahalaga at lubhang kagila-gilalas para maging makatwiran ang walang kaparis na pagbisitang ito ng Diyos Ama? Ito ang panimula ng “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon” na ipinropesiya ng mga propeta noon sa luma at bagong tipan. Dumating na ang panahon para tipunin ng Ama ang “lahat ng bagay kay Cristo,”3 ipagkatiwala ang lahat ng mga susi ng kaharian at ibalik ang karunungang ipinaalam sa mga nagdaang dispensasyon4 nang itatag Niya ang huling dispensasyon ng ebanghelyo para sa mundong ito.

Nalalaman na mahihirapan ang marami na maniwala na nangyari ang gayon kaluwalhating Panunumbalik, nagbigay ng nahahawakang katibayan ang Tagapagligtas para itatag ang katotohanan nito, ito’y ang Aklat ni Mormon. Ang paraan para mapatunayan ang katotohanan ng Panunumbalik ay nakasaad sa mga pahina nito. Ibinigay rin Niya ang karagdagang banal na kasulatan na magbibigay-linaw, ang Doktrina at mga Tipan at ang Mahalagang Perlas sa pamamagitan ni Joseph Smith. Kaya hindi nakapagtataka na marami sa ministeryo ng Tagakitang iyon ay nakatuon sa Tagapagligtas, sa Kanyang Pagbabayad-sala at doktrina.

Habang ipinangangaral sa buong mundo ang napakahalagang mensaheng ito, napakaepektibo naman ni Satanas sa pagkumbinsi sa mga tao na balewalain ito. Ang karamihan sa mga anak ng Ama ay hindi lamang nalimutan ang kanilang Ama sa Langit at ang layunin ng mortal na buhay, kundi bihira rin nilang isipin Siya at nilay-nilayin ang layunin kung bakit narito sila sa mortalidad. Masyado silang abala sa mga bagay na hindi mahalaga na naglalayo sa kanila sa kung ano ang tunay na mahalaga. Huwag ninyong gagawin ang pagkakamaling iyon.

Bilang lingkod ni Jesucristo, pinatototohanan ko na ang inilarawan ko ay totoo. Hindi sapat ang magkaroon ng malabong pagkaunawa sa katotohanan o sa katunayan ng Ama at ng Kanyang Anak na ating Tagapagligtas. Kailangang malaman ng bawat isa sa atin kung sino Sila talaga. Kailangang madama ninyo kung gaano Nila kayo kamahal. Kailangang magtiwala kayo na kapag palagi ninyong ipinamumuhay ang katotohanan, tutulungan Nila kayong matanto ang layunin ng inyong buhay sa lupa at patatatagin kayo para maging marapat sa mga ipinangakong biyaya. Para masunod ang mga utos ng Diyos ay kailangang maunawaan ang mga ito. Kailangang manampalataya sa mga ito. Ang pagkaunawang iyan ay nakakamtan sa personal na pag-aaral ng doktrina. Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit noong Hulyo ng taong ito ay inanyayahan ni Pangulong Hinckley at ng kanyang mga tagapayo ang lahat ng miyembro na basahin nang buo ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon. Ipinangako nila na, “Ang mga nagbabasa ng Aklat ni Mormon ay bibiyayaan ng dagdag na Espiritu ng Panginoon, ng mas matatag na pasiyang sundin ang Kanyang mga utos at ng mas malakas na patotoo sa katotohanang buhay ang Anak ng Diyos.”5 Nasubukan ko na at napatunayan ang pangakong iyan sa buhay ko mismo at napatunayan kong totoo ito. Kung buong kalooban ninyong sinunod ang payong iyon, alam na ninyo ang ibig kong sabihin. Kung hindi pa ninyo nasimulan, may pagkakataon pa kayong pagyamanin ang inyong buhay sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga pahina ng Aklat ni Mormon. Pakiusap, gawin ninyo ito.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, taimtim kong pinatototohanan na isinakatuparan ng ating Diyos Ama at ni Jesucristo sa pamamagitan ni Joseph Smith ang Panunumbalik na aking binanggit. Ang maningning na liwanag ng katotohanan at ang Simbahan ni Jesucristo ay nasa lupa muli, na ang tunay na pagkatao ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak ay inihayag muli at ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay makakamit ng lahat na buong katapatang maghahangad nito. Yakapin ninyo ito. Ipamuhay ito para na rin sa inyong kapayapaan at kaligayahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Abraham 3:24–26.

  2. Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.

  3. Mga Taga Efeso 1:10.

  4. Tingnan sa D at T 128:18–21.

  5. Tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Hulyo 25, 2005.