Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro
Nawa’y ipamuhay natin ang mga banal na alituntuning napakaganda niyang naituro—sa kanyang halimbawa—na mas ganap nating ipamuhay mismo ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga kapatid ko, sa ika-200 taong anibersaryo ng kanyang pagsilang, gusto kong magsalita tungkol sa pinakamamahal nating si Propetang Joseph Smith.
Noong Disyembre 23, 1805, si Joseph Smith Jr. ay isinilang sa Sharon, Vermont, kina Joseph Smith, Sr., at Lucy Mack Smith. Sa araw ng kanyang pagsilang, habang nakatunghay sa kanya ang nagmamalaking mga magulang sa munting sanggol na ito, hindi nila alam kung gaano kalaki ang magiging impluwensya niya sa mundo. Isang piling espiritu ang dumating upang manahan sa katawang-lupa nito; inimpluwensyahan niya ang ating buhay at tinuruan tayo—sa sarili niyang halimbawa—ng mahahalagang leksyon. Gusto kong ibahagi sa inyo ngayon ang ilan sa mga leksyong iyon.
Nang anim na taong gulang pa lang si Joseph, sila ng kanyang mga kapatid na lalaki’t babae ay dinapuan ng tipos. Bagama’t madaling gumaling ang iba, naiwan kay Joseph ang isang masakit na sugat sa binti. Ginamot siya ng mga doktor, gamit ang pinakamahusay na gamot nila—subalit nanatili ang sugat. Para maisalba ang buhay ni Joseph, sabi nila, puputulin ang binti niya. Gayunman, salamat na lang at di naglaon pagkatapos ng pagsusuri, bumalik ang mga doktor sa bahay ng mga Smith at iniulat na may bagong prosesong maaaring magsalba sa binti ni Joseph. Nais nilang operahan siya kaagad at nagdala ng ilang taling ipantatali sa munting si Joseph sa kama para hindi siya maglilikot, dahil wala silang anumang pampamanhid. Gayunman, sabi sa kanila ni Joseph, “Huwag na ninyo akong itali.”
Iminungkahi ng mga doktor na uminom siya ng kaunting brandy o alak para mabawasan ang sakit. “Hindi,” sagot ng sais-anyos na si Joseph. “Kung uupo si Itay sa kama at yayakapin ako sa mga bisig niya, gagawin ko anuman ang kailangan.” Niyakap ni Joseph Smith, Sr., ang sais-anyos na anak, at inalis ng mga doktor ang may sirang bahagi ng buto. Kahit sumandaling lumakad nang paika-ika si Joseph pagkatapos noon, gumaling siya.1 Sa gulang na anim, at maraming beses pa sa buong buhay niya, itinuro sa atin ni Joseph Smith ang katapangan—sa kanyang halimbawa.
Bago sumapit ang ika-15 kaarawan ni Joseph, lumipat ang pamilya niya sa Manchester, New York. Kalauna’y inilarawan niya ang pagdami ng relihiyon sa halos lahat ng dako sa panahong ito at labis na inaalala ng halos lahat. Si Joseph mismo ay sabik malaman kung aling simbahan ang kanyang sasapian. Isinulat niya sa kanyang kasaysayan:
“Madalas kong sabihin sa aking sarili: … Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?
“Habang ako ay naghihirap sa ilalim ng masisidhing suliranin sanhi ng pagtutunggalian ng mga pangkat na ito ng mga relihiyoso, isang araw ako ay nagbabasa ng Sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata … : Kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya.”2
Iniulat ni Joseph na batid niya na kailangan niyang subukan ang Panginoon at tanungin Siya o piliing manatili sa kadiliman magpakailanman. Isang umaga pumasok siya sa isang kakahuyan, na tinatawag ngayong sagrado, at lumuhod at nagdasal, na sumasampalatayang pagkakalooban siya ng Diyos ng kaliwanagang hinahanap-hanap niya. Dalawang Katauhan ang nagpakita kay Joseph—ang Ama at ang Anak—at sinabihan siya, bilang sagot sa kanyang tanong, na huwag sasapi sa anumang simbahan, dahil walang alinman dito ang totoo. Itinuro sa atin ni Propetang Joseph Smith ang alituntunin ng pananampalataya—sa kanyang halimbawa. Ang simple niyang panalangin ng pananampalataya sa umagang iyon ng tagsibol noong 1820 ang siyang naghatid ng kamangha-manghang gawaing ito na patuloy ngayon sa buong mundo.
Ilang araw matapos siyang magdasal sa Sagradong Kakahuyan, ikinuwento ni Joseph Smith ang kanyang pangitain sa isang mangangaral na kakilala niya. Sa gulat niya, itinuring na “pag-aalipusta” ang kuwento niya, at “naging sanhi ng labis na pag-uusig, na patuloy na lumubha.” Gayunman, hindi nag-alinlangan si Joseph. Paglaon ay isinulat niya, “Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo… . Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”3 Sa kabila ng hirap ng katawan at isipan sa mga kamay ng kanyang mga kalaban na tiniis ni Propetang Joseph Smith sa buong buhay niya, hindi siya nagbago. Itinuro niya ang katapatan—sa kanyang halimbawa.
Pagkaraan ng dakila at unang pangitain, tatlong taong walang natanggap na karagdagang komunikasyon si Propetang Joseph. Gayunman, hindi siya nagtaka, nagtanong, o nagduda sa Panginoon. Matiyaga siyang naghintay. Itinuro niya sa atin ang makalangit na katangiang pagtitiyaga—sa kanyang halimbawa.
Kasunod ng mga pagbisita ng anghel na si Moroni sa batang si Joseph, at sa pagtatamo niya ng mga lamina, nagsimula siya sa mahirap na pagsasalin. Hindi maiiwasan ng isang tao na isipin ang tungkol sa paglalaan, debosyon at pagsisikap na kinailangan para maisalin nang wala pang siyamnapung araw ang talaang ito na may mahigit 500 pahina na sumasaklaw sa 2,600 taon. Gustung-gusto ko ang mga salitang ginamit ni Oliver Cowdery upang ilarawan ang panahong ginugol niya sa pagtulong kay Joseph sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon: “Ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan—ang maupo sa ilalim ng tinig na dinidiktahan ng inspirasyon sa langit, pinukaw ng isang sukdulang pasasalamat ang pusong ito!”4 Itinuro sa atin ni Propetang Joseph Smith ang kasipagan—sa kanyang halimbawa.
Ayon sa pagkakaalam natin, nagpadala ng mga misyonero si Propetang Joseph Smith para ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Siya mismo ay nagmisyon sa Upper New York at sa Canada kasama si Sidney Rigdon. Hindi lang niya binigyang-inspirasyon ang iba na boluntaryong magmisyon, kundi itinuro din niya ang kahalagahan ng gawaing misyonero—sa kanyang halimbawa.
Palagay ko isa sa pinakamagagandang aral na itinuro ni Propetang Joseph, subalit isa sa pinakamalungkot, ay nangyari noong mamamatay na siya. Nakita niya sa pangitain ang paglisan ng mga Banal sa Nauvoo at pagtungo sa Rocky Mountains. Ginusto niyang ilayo ang kanyang mga tao sa mga nang-aapi sa kanila patungo sa ipinangakong lupaing ito na ipinakita ng Panginoon sa kanya. Walang duda na sabik siyang makapiling sila. Gayunman, ipinadakip siya dahil sa mga maling paratang. Sa kabila ng maraming pagsamo kay Governor Ford, hindi itinigil ang demanda. Nilisan ni Joseph ang kanyang tahanan, asawa, pamilya at mga tao at sumuko sa mga awtoridad, batid na posibleng hinding-hindi na siya makababalik pa.
Ito ang mga salitang binitiwan niya habang papunta sa Carthage: “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao.”5
Ikinulong siya sa Carthage Jail kasama ang kapatid niyang si Hyrum at iba pa. Noong Hunyo 27, 1844, magkakasama sina Joseph, Hyrum, John Taylor, at Willard Richards nang salakayin ng galit na mga mandurumog ang bilangguan, umakyat sa hagdan at nagsimulang barilin ang pintuan ng silid na kinaroroonan nila. Napatay si Hyrum at nasugatan si John Taylor. Ang huling dakilang ginawa ni Joseph Smith dito sa lupa ay pagiging di-makasarili. Tinawid niya ang silid, malamang na “nag-iisip na maliligtas ang buhay ng kanyang mga kapatid sa silid kung makakatakas siya, … at tumalon sa bintana, nang dalawang bala ang tumama sa kanya mula sa pintuan, at isa ang pumasok sa kanyang kanang dibdib mula sa labas.”6 Ibinigay niya ang kanyang buhay; naligtas sina Willard Richards at John Taylor. “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.”7 Itinuro sa atin ni Propetang Joseph Smith ang pag-ibig—sa kanyang halimbawa.
Gunitain natin, mahigit 160 taon na ang nagdaan, na kahit nauwi sa trahedya ang mga kaganapan noong Hunyo 27, 1844, inaliw tayo ng pagkaalam na ang pagkamartir ni Joseph Smith ay hindi huling kabanata sa kasaysayan. Kahit ipinalagay ng mga nagtangkang pumatay sa kanya na babagsak ang Simbahan kapag nawala siya, ang makapangyarihang patotoo niya sa katotohanan, mga turong isinalin niya, at pagpapahayag ng mensahe ng Tagapagligtas ay patuloy ngayon sa puso ng mahigit labindalawang milyong miyembro sa buong mundo na nagpapahayag na siya’y propeta ng Diyos.
Ang patotoo ni Propetang Joseph ay patuloy na nagpapabago ng mga buhay. Maraming taon na ang nakararaan naglingkod ako bilang pangulo ng Canadian Mission. Sa Ontario, Canada, dalawang misyonero namin ang nagbahay-bahay isang malamig at maniyebeng hapon. Hindi sila nagtagumpay. May katagalan na sa misyon ang isang elder; ang isa’y baguhan.
Kumatok ang dalawa sa bahay ni Mr. Elmer Pollard, at dahil sa awa sa halos naninigas sa lamig na mga misyonero, pinapasok niya ang mga ito. Ipinarinig nila ang kanilang mensahe at itinanong kung puwede siyang sumali sa pagdarasal. Pumayag siya, sa kundisyong siya ang magdarasal.
Nagulat ang mga misyonero sa panalanging sinambit niya. Sabi niya, “Ama sa Langit, basbasan po Ninyo ang dalawang sawimpalad at naliligaw na mga misyonerong ito, para makauwi na sila sa kanilang tahanan at hindi mag-aksaya ng oras sa kasasabi sa mga taga-Canada ng isang di kapani-paniwalang mensahe na kakatiting lang ang alam nila.”
Pagtindig nila mula sa pagkakaluhod, sinabi ni Mr. Pollard sa mga misyonero na huwag nang babalik sa bahay niya. Paglisan nila, pakutyang sinabi nito sa kanila, “Huwag ninyong sabihin sa akin na talagang naniniwala kayo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos!” at ibinagsak niya ang pinto.
Hindi pa gaanong nakakalayo ang mga misyonero nang sabihin ng junior companion na, “Elder, hindi natin sinagot si Mr. Pollard.”
Tumugon ang senior companion, “Tinanggihan na tayo. Tumuloy na lang tayo roon sa mas tatanggapin tayo.”
Gayunman, mapilit ang batang misyonero, at nagbalik ang dalawa sa pintuan ni Mr. Pollard. Nagbukas si Mr. Pollard at galit na sinabi, “Akala ko sinabihan ko na kayong huwag nang babalik!”
Pagkatapos ay sinabi ng junior companion, nang buong katapangan, “Mr. Pollard, nang lisanin namin ang pintuan ninyo, sabi ninyo na hindi kami talagang naniniwala na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Gusto kong patotohanan sa inyo, Mr. Pollard, na alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na sa pamamagitan ng inspirasyon isinalin niya ang sagradong talaang tinatawag na Aklat ni Mormon, na totoong nakita niya ang Diyos Ama at si Jesus na Kanyang Anak.” Pagkatapos ay lumisan na ang mga misyonero.
Narinig kong ikinuwento ng Mr. Pollard na ito sa isang testimony meeting ang naranasan niya sa di malilimutang araw na iyon. Sabi niya, “Noong gabing iyon, hindi ako makatulog. Pabiling-biling ako. Paulit-ulit kong narinig sa aking isipan, ‘Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Alam ko ito … alam ko … alam ko.’ Hindi ako makapaghintay na mag-umaga. Tinawagan ko ang mga misyonero, gamit ang numerong nakasulat sa maliit na tarhetang may Mga Saligan ng Pananampalataya. Nagbalik sila, at sa pagkakataong ito kasama ko ang aking asawa’t pamilya sa talakayan bilang tapat na naghahanap ng katotohanan. Dahil dito, tinanggap naming lahat ang ebanghelyo ni Jesucristo. Walang katapusan ang pasasalamat namin sa patotoo sa katotohanan na inihatid sa amin ng dalawang matapang at mapakumbabang mga misyonerong iyon.”
Sa ika-135 bahagi ng Doktrina at mga Tipan mababasa natin ang mga salita ni John Taylor tungkol kay Propetang Joseph: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito.”8
Gustung-gusto ko ang mga salita ni Pangulong Brigham Young, na nagsabing, “Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naiisip kong nakilala ko si Joseph Smith, ang Propetang hinirang at inordenan ng Panginoon, at kung kanino ibinigay Niya ang mga susi at kapangyarihang itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa.”9
Sa mga akmang papuring iyon sa pinakamamahal nating si Joseph, idaragdag ko ang sarili kong patotoo na alam ko na siya’y propeta ng Diyos, na pinili upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw na ito. Dalangin ko na sa pagdiriwang natin ng ika-200 niyang kaarawan, matuto sana tayo sa kanyang buhay. Nawa’y ipamuhay natin ang mga banal na alituntuning napakaganda niyang naituro—sa kanyang halimbawa—na mas ganap nating ipamuhay mismo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nawa’y mabanaag sa ating buhay ang kaalaman natin na ang Diyos ay buhay, na si Jesucristo ang Kanyang Anak, at si Joseph Smith ay propeta at pinamumunuan tayo ngayon ng isa pang propeta ng Diyos—maging si Pangulong Gordon B. Hinckley.
Ang kumperensyang ito ang ika-42 taon mula nang matawag ako sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sa una kong miting sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa sa templo, ang himnong inawit namin, na papuri kay Joseph Smith, ang Propeta, ay paborito ko. Magtatapos ako sa isang talata sa himnong iyon:
Purihin s’yang kaniig ni Jehova!
Hinirang ni Cristo na propeta.
Huling dispensasyon, sinimulan n’ya,
Mga hari’y pupuri sa kanya.10
Pinatototohanan ko ang banal na katotohanang ito, sa ngalan ni Jesucristo, amen.