Isang Huwaran para sa Lahat
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay isang huwaran para sa lahat… . [Ito] ang mabuting balita—ang di kumukupas na doktrina at mga kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.
Kamakailan, isang kalahok sa programa sa radyo ang nagtanong kung bakit naaakit ang buong mundo sa Simbahan, samantalang sa New York ito nagsimula, nasa Utah ang headquarters nito, at ang Aklat ni Mormon ay kuwento ng sinaunang mga tao sa Amerika. Habang iniisip ko ang mga kaibigan ko sa Asia, Africa, Europa, at sa iba pang bahagi ng mundo, halatang hindi nauunawaan ng taong ito na para sa lahat ang ipinanumbalik na ebanghelyo o ang mga ordenansa, tipan, at mga pagpapala nito ay para sa lahat. Ang kahalagahan ng Unang Pangitain ni Propetang Joseph Smith at ng Aklat ni Mormon sa buong mundo ay hindi nasusukat sa pamamagitan lugar, kundi sa mensahe ng mga ito tungkol sa kaugnayan ng tao sa Diyos, sa pagmamahal ng Ama sa Kanyang mga anak, at sa banal na potensyal ng bawat nilikha.
Ang panawagan ng propeta sa lahat ng panahon ay, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32; tingnan din sa Mateo 5:48; Juan 10:10; 14:6), na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng Bugtong na Anak ng Ama (tingnan sa Juan 1:14, 18; D at T 29:42). Ang panawagan ay pangkalahatan at para sa lahat ng anak ng Diyos, sila man ay taga-Africa, Asia, Europa, o alinmang nasyonalidad. Tulad ng ipinahayag ni Apostol Pablo sa mga taga-Athens, lahat tayo’y “lahi ng Dios” (Mga Gawa 17:29).
Ang plano ng Ama ukol sa buhay, na nakasentro sa Pagbabayad-sala ni Cristo, ay inihanda bago pa nilikha ang mundo (tingnan sa Abraham 3:22–28; Alma 13:3). Ibinigay ito kina Adan at Eva, at inutusan silang ituro ito sa kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:6–12). Sa paglipas ng panahon, tinalikuran ng mga inapo ni Adan ang ebanghelyo, pero pinanibago ito sa pamamagitan ni Noe at pagkatapos ay sa pamamagitan ni Abraham (tingnan sa Exodo 6:2–4; Mga Taga Galacia 3:6–9). Inihandog ang ebanghelyo sa mga Israelita noong panahon ni Moises. Pero kinailangan ng mas mahigpit na paraan para ilapit sila kay Cristo makaraan ang mahabang panahon ng apostasiya (tingnan sa Exodo 19:5–6; D at T 84:19–24). Sa wakas ay ipinanumbalik mismo ng Tagapagligtas ang kaganapan ng ebanghelyo sa Israel sa kalagitnaan ng panahon.
Isa sa mga pinakamaliwanag na talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagkakasunod ng apostasiya at panunumbalik ay matatagpuan sa talinghaga ni Jesus tungkol sa masasamang magsasaka (tingnan sa Marcos 12:1–10). Sa talinghaga, pinaalalahanan ni Jesus ang mga tao na maraming propetang isinugo noon upang magtatag ng mabuting bansa. Pagkatapos ay sinabi niya kung paano paulit-ulit na tinanggihan ng mga tao ang mga sugo. Binugbog ang ilan at itinaboy nang walang dala. Ang iba’y pinatay. At nang ipropesiya ang sarili Niyang pagmiministeryo, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga tagapakinig na nagpasiya ang Ama na isugo ang Kanyang “isang anak, ang pinakamamahal niya,” (Joseph Smith Translation, Mark 12:7), na nagsasabing, “Igagalang nila ang aking anak” (Mateo 21:37).
Gayunpaman, batid ang sarili Niyang tadhana, sinabi ni Jesus:
“Datapuwa’t ang mga magsasakang yaon ay nangagsangusapan, Ito ang tagapagmana; halikayo, atin siyang patayin, at magiging atin ang mana.
“At siya’y kanilang hinawakan, at siya’y pinatay, at itinaboy sa labas ng ubasan” (Marcos 12:7–8).
Kasunod ng pagkamatay ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol, binago ang mga doktrina at ordenansa, at muling umiral ang apostasiya. Sa pagkakataong ito tumagal nang daan-daang taon ang espirituwal na kadiliman bago muling sumilay ang liwanag sa lupa. Alam ni Apostol Pedro ang Apostasiyang ito at ipinropesiya kasunod ng pag-akyat sa langit ng Tagapagligtas na hindi babalik ang Panginoon para sa Kanyang Ikalawang Pagparito hangga’t walang “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” (tingnan sa Mga Gawa 3:19–21). Ipinropesiya rin ni Apostol Pablo ang panahon na “hindi titiisin [ng mga miyembro] ang magaling na aral” (II Kay Timoteo 4:3–4) at kasunod ng “pagtaliwakas” (II Mga Taga Tesalonica 2:2–3) ang Ikalawang Pagparito ni Cristo. Binanggit din niya ang “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay,” at sinabing ang Tagapagligtas “sa kaganapan ng mga panahon ay titipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo” (Mga Taga Efeso 1:10).
Pinamahalaan ng Panginoon ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” ay nagsimula sa Sagradong Kakahuyan nang magpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith. Sa pangitain, nalaman ni Joseph ang likas na katangian ng Diyos—na ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay, at sila’y mga maluwalhating personaheng may katawang laman at buto.
Sa simula ng karamihan sa mga dispensasyon, binibigyan ng isang aklat ang bagong hirang na propeta. Tumanggap ng mga tapyas na bato si Moises (tingnan sa Exodo 31:18). Binigyan ng babasahing aklat si Lehi tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem (tingnan sa 1 Nephi 1:11–14). Binigyan si Ezekiel ng “isang aklat na nakabalumbon” (Ezekiel 2:9–10) na naglalaman ng mensahe ng Panginoon para sa sangbahayan ni Judas noong panahon niya. Pinakitaan ng aklat na may pitong tatak si Juan na Tagapaghayag sa Pulo ng Patmos (tingnan sa Apocalipsis 5; D at T 77:6). Kataka-taka ba, kung gayon, na magbibigay ang Panginoon ng isang aklat na naglalaman ng kaganapan ng ebanghelyo bilang bahagi ng “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay”? Ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang ilapit ang lahat ng tao kay Cristo. Ang mga pagbanggit nito tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay napakalinaw na nakatala hinggil sa mga layunin at kapangyarihan nito.
Ibinulong ng Banal na Espiritu sa aking kaluluwa na nakita ni Joseph ang Ama at ang Anak sa Sagradong Kakahuyan at na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Nagpapasalamat ako sa karagdagang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na naroroon sa Aklat ni Mormon. Isa sa mga titulong ibinigay sa Tagapagligtas ay ang Bugtong na Anak ng Ama. Halimbawa, sinabi ni Apostol Juan sa kanyang Ebanghelyo na nakita niya ang karingalan at kaluwalhatian ng Panginoon sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at ang Kanyang kaluwalhatian ay gaya ng “bugtong na anak ng Ama” (Juan 1:14; tingnan din sa talata 18). Maraming ulit ding ginamit ng Aklat ni Mormon ang titulong ito.
Di gaya ng mga mortal na namamana ang binhi ng kamatayan mula sa mga magulang, si Jesus ay isinilang sa isang mortal na ina pero imortal ang Ama. Dahil sa binhi ng kamatayang namana kay Maria ay mamamatay Siya, pero pinamanahan Siya ng Kanyang Ama ng buhay na walang hanggan kaya mamamatay lang Siya kung nanaisin Niya. Sa gayon, sinabi ni Jesus sa mga Judio “Sapagka’t kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili; ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili” (Juan 5:26).
Sa isa pang pagkakataon, sinabi Niya:
“Dahil dito’y sinisinta ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.
“Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama” (Juan 10:17–18).
Ang kawalang-kamatayang natanggap mula sa Kanyang Ama ay nagbigay kay Jesus ng kapangyarihang isagawa ang Pagbabayad-sala, na magdusa para sa kasalanan ng lahat. Itinuro ni Propetang Alma sa Aklat ni Mormon na hindi lang mga kasalanan natin ang pinagdusahan ni Jesus kundi pati ang ating mga pasakit, paghihirap, at tukso. Ipinaliwanag din ni Alma na pinasan ni Jesus ang ating mga sakit, kamatayan at kapansanan. (Tingnan sa Alma 7:11–13.) Ginawa Niya ito, sabi ni Alma, upang ang Kanyang “sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:12).
Sinabi pa ni Propetang Abinadi na “matapos magawang pinakahandog ang kanyang kaluluwa para sa kasalanan ay makikita niya ang kanyang binhi” (Mosias 15:10). Pagkatapos ay sinabi ni Abinadi na ang binhi ng Tagapagligtas ay ang mga propeta at mga sumusunod sa kanila. Maraming taon kong inisip ang karanasan ng Tagapagligtas sa halamanan at sa krus kung saan napakaraming kasalanang ibinunton sa Kanya. Gayunman, sa pamamagitan ng mga salita nina Alma, Abinadi, Isaias, at iba pang mga propeta, nagbago ang pananaw ko. Sa halip na isang bunton ng mga kasalanan, may mahabang pila ng mga tao, habang nadarama ni Jesus ang “ating mga kahinaan” (Mga Hebreo 4:15), “[pinasan] ang ating mga karamdaman, … dinala ang ating mga kapanglawan … [at] nabugbog dahil sa ating mga kasamaan” (Isaias 53:4–5).
Ang Pagbabayad-sala ay personal na karanasan kung saan nalaman ni Jesus kung paano tutulungan ang bawat isa sa atin.
Itinuturo sa Mahalagang Perlas na ipinakita kay Moises ang lahat ng nabuhay sa lupa, na “di mabilang gaya ng buhangin sa dalampasigan” (Moises 1:28). Kung nakita ni Moises ang lahat ng kaluluwa, kung gayo’y makatwirang isipin na may kapangyarihan ang Lumikha ng sansinukob na personal na makilala ang bawat isa sa atin. Alam Niya ang mga kahinaan ko at ang sa inyo. Naranasan Niya ang inyong paghihirap at dusa. Naranasan Niya ang sa akin. Nagpapatotoo ako na kilala Niya tayo. Alam Niya kung paano natin harapin ang mga tukso. Alam Niya ang ating mga kahinaan. Ngunit higit pa riyan, bukod sa pagkilala sa atin, alam Niya kung paano tayo tutulungan kung lalapit tayo sa Kanya nang may pananampalataya. Kaya nga biglang natanto ng isang dalagang Espanyola na higit pa siya sa isang tuldok sa kalawakan nang patotohanan sa kanya ng Banal na Espiritu ang Panunumbalik. Nadama niya ang pagmamahal ng Diyos, na siya’y anak Niya at natanto na kilala siya ng Diyos. Ipinaliliwanag din nito kung bakit parang pamilyar ang plano ng kaligtasan sa kaibigan kong Hapones nang turuan siya ng mga misyonero at patunayan ng Banal na Espiritu ang mga layunin niya sa lupa at ang maaari niyang marating.
Pinatototohanan ko na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay isang huwaran para sa lahat. Hindi ang lugar ng pinangyarihan ang mahalaga; kundi ang mabuting balita— ang di kumukupas na doktrina at mga kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Pinatototohanan kong buhay Siya, na Siya ang Cristo. Pinatototohanan ko na ang ebanghelyong ibinalik sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith ay ang “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” na binanggit ni Pedro. Pinatototohanan ko na si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta ng Panginoon ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.