Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay
Bilang mga lider ninyo, nananawagan kami sa mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako na unahin ang pamilya at alamin ang mga partikular na paraan upang mapalakas ang kanilang sariling pamilya.
Kamakailan ay binisita ko at ng mga Kapatid ang ilan sa mga refugee center sa Louisiana, Mississippi, at Texas kung saan naroon ang mga biktima ng Hurricane Katrina na napinsala at nawalan ng tahanan habang nagsisikap silang ibalik sa dati ang kanilang buhay. Trahedya ang kanilang mga kuwento at sitwasyon at nakakalungkot sa maraming paraan; pero sa lahat ng narinig ko, ang labis na nakaantig sa akin ay ang paghahanap sa pamilya. “Nasaan ang nanay ko?” “Hindi ko makita ang anak ko.” “Nawawala ang kapatid ko.” Sila ang gutom at takot na mga taong nawalan ng lahat at kailangang makakain, magamot, at matulungan sa lahat ng bagay, pero ang gusto nila at kailangang-kailangan ay ang kanilang pamilya.
Ipinaaalala sa atin ng anumang krisis o pagbabago kung ano ang pinakamahalaga. Sa araw-araw na takbo ng buhay, madalas nating balewalain ang ating pamilya—mga magulang at anak at kapatid natin. Pero sa oras ng panganib at pangangailangan at pagbabago, walang dudang ang higit na inaalala natin ay ang ating pamilya! Titindi pa ito kapag nilisan natin ang buhay na ito at nakarating sa daigdig ng mga espiritu. Tiyak na ang unang mga taong hahanapin natin doon ay ang ama, ina, asawa, mga anak, at mga kapatid natin.
Naniniwala ako na ang layunin ng mortalidad ay maaaring “ang magtatag ng walang hanggang pamilya.” Sa daigdig na ito tayo’y nagpupunyaging maging bahagi ng malaking angkan na may kakayahang lumikha at bumuo ng sarili nating bahagi sa mga pamilyang iyon. Isa iyan sa mga dahilan kaya tayo ipinadala rito ng Ama sa Langit. Hindi lahat ay makapag-aasawa at magkakaroon ng pamilya sa mortalidad, pero bawat isa anuman ang kalagayan ay mahalagang miyembro ng pamilya ng Diyos.
Ngayong taong ito ang ikasampung anibersaryo ng pagpapahayag sa mundo tungkol sa mag-anak na ipinalabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1995. Ito’y panawagang inulit-ulit noon at magpahanggang ngayon na protektahan at palakasin ang mga pamilya at isang mahigpit na babala sa mundo kung saan nanganganib na wasakin ng pagwawalang-halaga at mga maling priyoridad ang lipunan sa pamamagitan ng pagpapahina sa pangunahing yunit nito.
Ang pagpapahayag ay isang dokumento ng propeta, hindi lang dahil ipinalabas ito ng mga propeta, kundi dahil nauna pa ito sa panahon nito. Nagbabala ito laban sa maraming bagay na mismong naglalagay sa panganib at nagpapahina sa mga pamilya sa huling dekada at panawagan sa priyoridad at pagbibigay-diin na kailangan ng mga pamilya kung sila ay mananatili sa isang kapaligirang mukhang higit na nakapipinsala sa tradisyonal na kasal at sa relasyon ng magulang sa anak.
Malaki ang kaibhan ng malinaw at simpleng wika ng pagpapahayag sa lito at kumplikadong mga ideya ng isang lipunang ni hindi magkasundo sa kahulugan ng pamilya, at ni hindi makapagbigay ng tulong at suportang kailangan ng mga magulang at pamilya. Pamilyar na kayo sa gayong mga kataga mula sa pagpapahayag tulad ng:
-
“Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos.”
-
“Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.”
-
“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak.”
-
“Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng bigkis ng kasal at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”
-
“Ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”
At ang mga huling kataga sa pagpapahayag ay nagsasabi ng simpleng katotohanan na ang pamilya ang “pangunahing yunit ng lipunan.”
Ngayo’y nananawagan ako sa mga miyembro ng Simbahang ito at sa matatapat na magulang, lolo’t lola, at mga kamag-anakan saanman na mahigpit na manangan sa dakilang pagpapahayag na ito, na iwagayway itong tila “bandila ng kalayaan” ni Heneral Moroni, at tapat na ipamuhay ang mga tuntunin nito. Dahil lahat tayo’y bahagi ng isang pamilya, para sa lahat ang pgpapahayag na ito.
Ipinahihiwatig ng opinyon ng publiko na ang lahat ng tao ay karaniwang itinuturing ang pamilya bilang kanilang pinakamataas na priyoridad, subalit nitong mga nakaraang taon, parang binabalewala, o minamali ng lipunan ang kahulugan ng pamilya. Pag-isipan ang ilang pagbabago sa nakaraang ilang dekada:
-
Maraming mas malalaking pambansa at pandaigdigang institusyong dating sumusuporta at nagpapalakas sa mga pamilya ang ngayo’y nagtatangkang palitan at isabotahe pa nga ang mga pamilyang mismong dapat nilang paglingkuran.
-
Bilang “kaluwagan” pinalawak ang kahulugan ng pamilya na hindi na halos ito makilala sa puntong ang “pamilya” ay ang sinumang mga tao anuman ang kasarian na nagsasama nang mayroon o walang pangako sa isa’t isa o mga anak o pakialam sa kahihinatnan.
-
Ang laganap na materyalismo at pagkamakasarili ay nagpapaisip sa marami na ang mga pamilya, lalo na ang mga anak, ay pasanin at pabigat sa bulsa na sagabal sa kanila sa halip na isang sagradong pribilehiyo na magtuturo sa kanila na mas makatulad ng Diyos.
Gayunpaman karamihan ng mga magulang sa buong mundo ay patuloy na nalalaman ang kahalagahan at ang galak na kaakibat ng mga likas na pamilya. Iniulat sa akin ng mga kaibigan ko, na kababalik mula sa pakikipag-usap sa mga pamilya at magulang sa maraming kontinente, na ang mga pag-asa at problema ng mga magulang ay lubhang magkakatulad sa buong daigdig.
Sa India isang problemadong inang Hindu ang nagsabing “Ang nais ko lang ay ako ang higit na makaimpluwensya sa aking mga anak kaysa media at barkada.”
At isang inang Buddhist sa Malaysia ang nagsabing, “Gusto kong mamuhay ang mga anak kong lalaki sa mundo, pero ayaw ko silang maging makamundo.” Katulad din nating mga magulang sa Simbahan ang sinasabi at nararamdaman ng mga magulang sa lahat ng iba pang kultura at pananampalataya.
Kailangang malaman ng mundo kung ano ang itinuturo ng pagpapahayag dahil ang pamilya ang pangunahing yunit ng lipunan, ng ekonomiya, ng ating kultura, at ng ating gobyerno. At tulad ng alam ng mga Banal sa mga Huling Araw, pamilya rin ang magiging pangunahing yunit sa selestiyal na kaharian.
Sa Simbahan, nag-ugat ang paniniwala natin sa lubos na kahalagahan ng pamilya sa ipinanumbalik na doktrina. Alam natin ang kabanalan ng pamilya sa dalawang direksyon ng ating walang hanggang pag-iral. Alam natin na bago tayo isinilang nabuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang bahagi ng Kanyang pamilya, at alam natin na ang mga ugnayan ng pamilya ay mananatili hanggang sa kabilang buhay.
Kung mamumuhay tayo at kikilos ayon sa kaalamang ito, maaakit natin ang mundo. Ang mga magulang na ilalagay sa mataas na priyoridad ang kanilang pamilya ay maaakit sa Simbahan dahil pinatitibay nito ang pamilya, mga pinahahalagahan, doktrina, at walang hanggang pananaw na hinahanap at hindi nila makita sa ibang lugar.
Dahil sa pagsentro natin sa pamilya dapat magpunyagi ang mga Banal sa mga Huling Araw na maging pinakamahusay na mga magulang sa mundo. Dapat tayong bigyan nito ng malaking paggalang sa ating mga anak, na tunay nating mga kapatid sa espiritu, at dahil dito’y dapat tayong mag-ukol ng anumang oras na kailangan upang mapalakas ang ating pamilya. Tunay ngang walang higit na mahalagang nauugnay sa kaligayahan—kapwa sa atin at sa ating mga anak—kaysa kung gaano natin minamahal at sinusuportahan ang isa’t isa sa pamilya.
Binanggit ni Pangulong Harold B. Lee ang Simbahan bilang napakahalagang “andamyo” na tutulong sa atin na patatagin ang indibidwal at ang pamilya (tingnan sa Conference Report, Okt. 1967, 107). Ang Simbahan ang kaharian ng Diyos sa lupa, ngunit sa kaharian ng langit, mga pamilya ang kapwa pagmumulan ng ating walang hanggang pag-unlad at galak at orden ng ating Ama sa Langit. Gaya ng laging ipinaaalala sa atin, mare-release tayo balang araw sa ating mga katungkulan sa Simbahan; pero kung tayo ay karapat-dapat, hinding-hindi tayo mare-release sa mga relasyon natin sa ating pamilya.
Sabi ni Joseph F. Smith, “Walang tunay na kaligayahang hiwalay at bukod sa tahanan, at ang bawat pagsisikap na ginawa upang pabanalin at pangalagaan ang impluwensiya nito ay nagpapasigla sa mga nagpakahirap at nagsakripisyo sa pag[ta]tatag nito. Ang mga kalalakihan at kababaihan ay kadalasang naghahangad na palitan ng ibang pamumuhay ang yaong ginagawa sa tahanan; pinapaniwala nila ang mga sarili na ang tahanan ay nangangahulugan ng pagpigil; na ang pagiging lubusang malaya ang pinakamimithing pagkakataon na makakilos ayon sa kanilang kagustuhan. Walang kaligayahan kung walang paglilingkod, at walang paglilingkod na mas hihigit pa sa tahanang ginawang dakilang institusyon, na siyang magpapaunlad at mangangalaga sa buhay ng pamilya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 382).
Ngayon, maaaring may magtanong, Paano natin poprotektahan at iingatan at palalakasin ang ating tahanan at pamilya sa isang mundong naghahatakan sa magkaibang direksyon? Hayaan ninyong magbigay ako ng tatlong simpleng mungkahi:
-
Maging tapat sa pagdaraos ng pang-araw-araw na panalangin ng pamilya at lingguhang mga family home evening. Kapwa inaanyayahan nito ang Espiritu ng Panginoon na nagbibigay ng tulong at kapangyarihang kailangan nating mga magulang at pinuno ng pamilya. Maraming magagandang ideya sa kurikulum at mga magasin ng Simbahan para sa family home evening. Pag-isipan ding magdaos ng family testimony meeting kung saan maipapahayag ng mga magulang at mga anak sa isa’t isa ang kanilang paniniwala at damdamin nang sarilinan at personal.
-
Ituro ang ebanghelyo at mga pangunahing pinahahalagahan sa inyong tahanan. Matutong mahalin ang mga banal na kasulatan sa pagbabasa rito nang sama-sama. Napakarami sa ating mga magulang ang naglilipat ng responsibilidad na ito sa Simbahan. Kahit mahalagang pandagdag ang seminary, mga auxiliary, at mga korum ng priesthood sa pagtuturo ng ebanghelyo ng magulang, nasa tahanan ang pangunahing responsibilidad. Maaari kayong pumili ng isang paksa sa ebanghelyo o pinahahalagahan ng pamilya at maghintay ng mga pagkakataong maituro ito. Maging matalino at huwag isali ang mga bata o sarili ninyo sa napakaraming aktibidad sa labas ng tahanan na napakaabala na ninyo para hindi makilala o madama ang Espiritu ng Panginoon na nagbibigay sa inyo ng ipinangakong patnubay para sa inyo at sa inyong pamilya.
-
Lumikha ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa pamilya na nagbibigay ng identidad sa inyong mga anak na mas matibay kaysa sa makikita nila sa barkada, sa eskuwela, o saanman. Magagawa ito sa pamamagitan ng mga tradisyon ng pamilya para sa mga kaarawan, sa mga okasyon, sa hapunan, sa mga araw ng Linggo. Magagawa rin ito sa pamamagitan ng mga patakaran at tuntuning pampamilya na may likas at lubos na nauunawaang kahihinatnan. Magkaroon ng simpleng sistema ng pamamahala sa pamilya kung saan may partikular na gawain o tungkulin ang mga bata at mapupuri sila o tatanggap ng ibang gantimpala ayon sa kanilang ginawa. Ituro sa kanila ang kahalagahan ng pag-iwas sa utang at ng pagkita, pag-iimpok, at matalinong paggastos ng pera. Tulungan silang matuto ng responsibilidad na umasa sa sarili sa temporal at espirituwal.
Sa mundo ngayon, kung saan laganap ang pag-atake ni Satanas sa pamilya, dapat gawin ng mga magulang ang lahat ng makakaya nila upang patibayin at ipagtanggol ang kanilang pamilya. Ngunit baka hindi sapat ang kanilang mga pagsisikap. Kailangang-kailangan ng tulong at suporta ng pinakapangunahing institusyon ng pamilya mula sa kamag-anakan at mga pampublikong institusyong nakapaligid sa atin. Mga kapatid, maaaring makagawa ng malaking kaibhan ang mga tiya’t tiyo, mga lolo’t lola at mga pinsan sa buhay ng mga bata. Alalahanin na ang pagpapahayag ng pagmamahal at panghihikayat mula sa isang kamag-anakan ay madalas maglaan ng tamang impluwensya at tulong sa oras ng pangangailangan.
Ang Simbahan mismo ay patuloy na magiging una at pinakamahalagang institusyon—ang “andamyo” mismo upang tumulong na magtatag ng malalakas na pamilya. Titiyakin ko sa inyo na malaki ang malasakit ng mga namumuno sa Simbahang ito tungkol sa kapakanan ng inyong pamilya, at sa gayo’y makikita ninyo ang ibayong pagsisikap na unahin at pagtuunan ang mga pangangailangan ng pamilya. Pero bilang mga lider ninyo, nananawagan kami sa mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako na unahin ang pamilya at alamin ang mga partikular na paraan upang mapalakas ang kanilang sariling pamilya.
Bukod pa rito nananawagan kami sa lahat ng pampublikong institusyon na suriin ang kanilang sarili at bawasan ang mga makakasama sa mga pamilya at dagdagan ang makakatulong sa kanila.
Nananawagan kami sa media na dagdagan pa ang mga programang nagtataguyod ng mga pinahahalagahan ng tradisyonal na pamilya at nakasisigla at sumusuporta sa mga pamilya at bawasan ang nagpapauso ng karahasan, imoralidad, at materyalismo.
Nananawagan kami sa mga lider ng gobyerno at pulitika na unahin muna ang mga pangangailangan ng mga anak at magulang at isipin ang mga epekto sa pamilya ng gagawing batas at patakaran.
Nananawagan kami sa mga namamahala sa Internet at lumilikha ng Website na maging higit na responsable sa kanilang magiging impluwensya at mithiing protektahan ang mga bata sa karahasan, pornograpiya, kalaswaan at kababaang-uri.
Nananawagan kami sa mga organisasyong pang-edukasyon na magturo ng pandaigdigang mga pinahahalagahan at kasanayan sa pamilya at pagiging magulang, na sumusuporta sa mga magulang sa kanilang responsibilidad na palakihin ang mga anak upang maging mga lider ng pamilya sa mga darating pang henerasyon.
Nananawagan kami sa mga miyembro ng sarili nating Simbahan na tumulong nang may pagmamahal sa kapwa at mga kaibigang iba ang relihiyon at ipagamit sa kanila ang maraming materyal ng Simbahan para tulungan ang mga pamilya. Mas ligtas at matatag ang ating mga komunidad at kapitbahayan kung ang mga tao ng lahat ng relihiyon at kultura ay magtutulung-tulong para palakasin ang mga pamilya.
Mahalagang tandaan na lahat ng mas malalaking yunit ng lipunan ay umaasa sa pinakamaliit at pinakapangunahing yunit, ang pamilya. Sinuman o anupaman tayo, natutulungan natin ang ating sarili sa pagtulong sa mga pamilya.
Mga kapatid, sa pagwawagayway natin ng pagpapahayag sa mundo tungkol sa mag-anak at sa pamumuhay at pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo, maaabot natin ang hangganan ng paglikha sa atin dito sa lupa. Matatagpuan natin ang kapayapaan at kaligayahan dito at sa buhay na darating. Hindi natin dapat kailanganin ang isang buhawi o iba pang krisis upang ipaalala sa atin kung ano ang pinakamahalaga. Dapat tayong paalalahanan ng ebanghelyo at plano ng kaligayahan at kaligtasan ng Panginoon. Ang pinakamahalaga ay kung ano ang pinakanagtatagal, at ang ating pamilya ay hanggang sa kawalang-hanggan. Ito ang aking patotoo sa ngalan ni Jesucristo, amen.