2005
Gawin ang Inyong Tungkulin—Iyan ang Pinakamainam
Nobyembre 2005


Gawin ang Inyong Tungkulin—Iyan ang Pinakamainam

Ang pagkasaserdote ay higit pa isang kaloob. Ito ay matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyo na makahikayat, at isang pagkakataon para basbasan ang buhay ng iba.

Mga Kapatid sa priesthood, na nagtitipon sa Conference Center na ito at sa buong mundo, napapakumbaba ako sa responsibilidad kong magsalita nang kaunti sa inyo. Dalangin kong tulungan ako ng Espiritu ng Panginoon sa gagawin kong ito.

Alam ko na ang mga nagsidalo ngayong gabi ay mula sa kaoordena pa lang na mga deacon hanggang sa pinakamatandang high priest. Sa bawat isa, ang panunumbalik ng Aaronic Priesthood kina Oliver Cowdery at Joseph Smith sa pamamagitan ni Juan Bautista at ang Melchizedec priesthood kina Joseph at Oliver sa pamamagitan nina Pedro, Santiago at Juan ay sagrado at napakahalagang pangyayari.

Sa inyong mga deacon, hayaan ninyong gunitain ko ang sandali nang ordenan akong deacon. Binigyang-diin ng aming bishopric na sagradong responsibilidad namin na ipasa ang sakrament. Binigyang-diin nila ang wastong pananamit, pagkilos nang may dignidad at ang kahalagahan ng pagiging malinis sa loob at labas. Nang tinuturuan na kami ng paraan ng pagpapasa ng sakrament, sinabihan kami kung paano aalalayan si Louis McDonald, isang brother sa ward namin na paralisado, para magkaroon siya ng pagkakataong makabahagi sa mga sagisag ng sakrament.

Tandang-tanda ko pa nang ako ang pinagpasa ng sakrament sa kinauupuan ni Brother McDonald. Takot at atubili ako habang papalapit sa kahanga-hangang kapatid na ito. Nakita kong nakangiti siya at nababakas sa mukha ang pananabik at pasasalamat na makabahagi. Hawak sa kaliwang kamay ang tray, kumuha ako ng kapirasong tinapay at isinubo ito sa kanyang mga bibig. Ganoon ko rin isinilbi ang tubig. Dama kong nasa banal na lugar ako. At totoo naman. Ang pribilehiyong maipasa ang sakrament kay Brother McDonald ay nakapagpabuti sa amin bilang mga deacon.

Dalawang buwan pa lang ang nakalilipas, araw ng Linggo, Hulyo 31, dumalo ako sa sakrament ng Banal sa mga Huling Araw na ginanap habang nasa National Scout Jamboree, sa Fort A. P. Hill, Virginia. Pumunta ako roon para magsalita sa 5,000 binatilyong mga Banal sa mga Huling Araw na gumugol na ng isang linggo sa pagsali sa mga aktibidad ng Jamboree. Mapitagan silang nakaupo sa mababang entablado na naroon habang inaawit ng kahanga-hangang koro na binubuo ng 400 miyembro ng Aaronic Priesthood ang:

Batang Mormon, batang Mormon,

Ako’y batang Mormon;

Hari ma’y maiinggit.

Dahil ako’y batang Mormon.1

Binasbasan ang sakrament, na may 65 priest na nangangasiwa sa malalaking mesa na para sa sakrament na ipinuwesto para sa lahat ng nakatipon sa grupo. Kasunod noon, tinatayang 180 deacon ang nagpasa ng sakrament. Sa oras na gugulin sa pagpapasa ng sakrament sa isang kapilyang puno ng miyembro, nasilbihan ang malaking grupong ito ng mga tao. Kasiya-siyang makitang nakikibahagi ang mga kabataang ito ng Aaronic Priesthood sa banal na ordenansang ito nang umagang iyon.

Mahalagang magabayan ang bawat deacon tungo sa espirituwal na kaalaman na sagrado ang tungkuling ibinigay sa kanya. Sa isang ward, mabisang naituro ang leksyong ito kaugnay ng pangongolekta sa mga handog-ayuno.

Sa araw ng ayuno, dinadalaw ang mga miyembro ng ward ng mga deacon at teacher para makapag-ambag ang bawat pamilya. Hindi ito gaanong ikinatutuwa ng mga deacon dahil kailangan nilang gumising nang mas maaga para gampanan ang tungkuling ito.

Dumating ang inspirasyon na dalhin ng bishopric ang isang bus na puno ng mga deacon at teacher sa Welfare Square sa Salt Lake City. Nakita rito ng mga kabataang ito ang mga batang dukha na tumatanggap ng mga bagong sapatos at mga damit. Dito’y nasaksihan nila ang mga walang lamang basket na pinupuno ng mga groseri. Walang bayad ito. May nagsabing: “Mga kabataan, ito ang naibibigay ng mga perang kinokolekta ninyo sa araw ng ayuno—mga pagkain, damit, at tirahan para sa mga nangangailangan.” Ang mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood ay lalong ngumiti, lalong nagpahalaga sa kanilang tungkulin, at lalong kusang naglingkod para gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Ngayon, tungkol sa mga teacher at priest, dapat maatasan ang bawat isa sa inyo na mag-home teach kasama ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Napakalaking oportunidad nito para makapaghanda sa misyon. Malaking pribelehiy o na matutuhan ang disiplina sa tungkulin. Ang isang kabataang lalaki ay biglang hindi na gaanong iintindihin ang sarili kapag inatasan siyang “pangalagaan” ang iba.2

Ipinayo ni Pangulong David O. Mckay: “Home teaching ang isa sa mga pinakakailangan at pinakanakasisiyang oportunidad para mangalaga at magbigay-inspirasyon, magpayo at pumatnubay sa mga anak ng ating Ama… . [Ito] ay paglilingkod at tungkuling mula sa langit. Tungkulin natin bilang mga Home Teacher na dalhin ang banal na espiritu sa bawat tahanan at puso.”3

Nasasagot ng home teaching ang maraming dalangin at pinahihintulutan tayong makita ang mga nagaganap na himala ngayon.

Kapag iniisip ko ang home teaching, naaalala ko ang isang lalaking nagngangalang Johann Denndorfer na taga Debrecen, Hungary. Ilang taon na siyang miyembro ng Simbahan sa Germany, at ngayon, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, natagpuan niyang bilanggo siya sa sarili niyang lupain sa Hungary. Gusto niyang makontak ang Simbahan. Kasunod niyo’y binisita siya ng kanyang mga home teacher. Pumunta si Brother Walter Krause at ang kanyang kompanyon sa Hungary mula pa sa hilagang silangang bahagi ng Germany sa pagtupad sa tungkulin nila bilang home teacher. Bago sila umalis sa kanilang bahay sa Germany, sinabi ni Brother Krause sa kompanyon niya, “Gusto mo bang sumama sa aking mag-home teaching sa linggong ito?”

Tanong ng kompanyon niya, “Kailan tayo aalis?”

Sagot ni Brother Krause: “Bukas.”

Sumunod ang tanong, “Kailan tayo babalik?”

Hindi nag-atubili si Brother Krause; sabi niya, “Ah, siguro pagtapos ng isang linggo.”

At umalis sila para bisitahin si Brother Denndorfer at ang iba pa. Walang home teacher si Brother Denndorfer bago magdigmaan. Ngayon, nang makita niya ang mga lingkod ng Panginoon, tuwang-tuwa siya. Hindi siya nakipagkamay sa kanila; sa halip ay pumunta sa kanyang kwarto at mula sa lihim na taguan kinuha niya ang kanyang ikapu na inipon niya sa loob ng maraming taon. Ibinigay niya ito sa kanyang mga home teacher, at pagkatapos ay sinabi niyang, “Ngayon puwede na akong makipagkamay sa inyo.”

Sa mga priest naman sa Aaronic Priesthood, may pagkakataon kayong basbasan ang sakrament, ipagpatuloy ang mga tungkulin sa home teaching, at makibahagi sa sagradong ordenansa ng binyag.

Limampu’t limang taon na ang nakararaan, may nakilala akong binatilyo, si Robert Williams, na priest sa Aaronic Priesthood. Bilang bishop, ako ang quorum president niya. Kapag nagsasalita siya, nauutal at nabubulol si Robert at di niya mapigilan. Dahil mahiyain, takot sa sarili at sa iba, nakapanlulumo para sa kanya ang kapansanang iyon. Bihira siyang tumanggap ng tungkulin; hindi siya kailanman makatingin nang diretso sa iba; lagi siyang nakatingin sa ibaba. Ngunit isang araw, dahil sa di pangkaraniwang sitwasyon, tinanggap niya ang asaynment na magbinyag.

Umupo ako sa tabi ni Robert sa baptistry ng Salt Lake Tabernacle. Alam kong kailangan niya ang lahat ng tulong na kailangan niya. Nakasuot siya ng puting-puting damit, handa na para sa ordenansang gagawin niya. Tinanong ko siya kung ano ang nadarama niya. Tumingin siya sa ibaba at halos di makontrol ang pagkautal na ikinahiya niya nang husto.

Ipinagdasal naming dalawa nang taimtim na magampanan niya ang tungkulin niya. Pagkatapos ay sinabi ng klerk, “Bibinyagan na ngayon si Nancy Ann McArthur ni Robert Williams, isang priest.”

Umalis si Robert sa tabi ko, nagpunta sa harapang lugar na pinagbibinyagan, hinawakan ang kamay ng munting si Nancy at tinulungan siyang lumusong sa tubig na nakalilinis ng buhay ng tao at naglalaan ng espirituwal na pagsilang na muli. Sinambit niya ang mga salitang, “Nancy Ann McArthur, bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, Amen.”

At bininyagan niya si Nancy. Hindi siya nautal ni minsan! Hindi siya nagkamali ni minsan! Isang makabagong himala ang nasaksihan. Pagkatapos ay isinagawa ni Robert ang ordenansa ng binyag sa dalawa o tatlo pang bata sa ganoon ding pamamaraan.

Sa bihisan, nagmamadali kong binati si Robert. Inakala kong maririnig ko ang gayunding diretsong pagsasalita. Nagkamali ako. Tumingin siya sa ibaba at pabulol na nagpasalamat.

Pinatototohanan ko sa inyo na nang kumilos si Robert sa awtoridad ng Aaronic Priesthood, nagsalita siya nang may kapangyarihan, nang may pananalig, at may tulong mula sa langit.

Mahigit dalawang taon pa lang ang nakararaan ay nagkaroon ako ng pagkakataong magsalita sa burol ni Robert Williams at magpugay sa matapat na maytaglay na ito ng priesthood na ginawa ang lahat ng makakaya niya sa kanyang buong buhay para igalang ang kanyang priesthood.

Maaaring ang ilan sa inyong kabataan na narito ngayong gabi ay likas na mahiyain o iniisip na wala kayong sapat na kaalaman para gampanan ang isang tungkulin. Tandaan na hindi lamang sa inyo o sa akin ang gawaing ito. Maaari tayong tumingala at humingi ng tulong sa langit.

Tulad ng ilan sa inyo, alam ko ang pakiramdam ng isang batang bigo at napahiya. Noong bata pa ako, naglaro ako ng softball sa elementarya at junior high school. Dalawang team captain ang pinili, at pumili naman sila ng gusto nilang isama sa team. Siyempre, unang pinili ang pinakamagaling maglaro, sumunod ang pangalawa at pangatlo. Hindi na gaanong masama kung mapili kang pang-apat o panlima, pero ang huli kang mapili at ipuwesto sa pinakaayaw na posisyon sa outfield ay talaga namang nakakahiya. Alam ko; doon kasi ako napuwesto.

Talagang inisip ko na huwag mapunta sa puwesto ko ang bola, dahil siguradong mailalaglag ko ito, makakaiskor ang ibang koponan, at pagtatawanan ako ng ka-team ko.

Parang kahapon lang, natatandaan ko pa ang sandali nang magbago ang lahat sa buhay ko. Nagsimula ang laro gaya nang inilarawan ko: ako ang huling napili. Malungkot akong pumunta sa puwesto na malayung-malayo sa right field at nanood habang pumupuwesto ang mga tagatakbo ng kabilang team sa mga base nila. Dalawang tao ang halinhinang pumalo ng bola pero hindi ito tinamaan. Biglang-bigla, pinalo nang malakas ng sumunod na manlalaro ang bola. Narinig ko pa ngang sinabi niyang, “Home run na ito.” Nakakahiya talaga dahil papunta sa direksyon ko ang bola. Kaya ko bang saluhin? Tumakbo ako sa lugar na inisip kong pagbabagsakan ng bola, nagdarasal nang tahimik habang tumatakbo, at inilahad ang nakasapo kong kamay. Nagulat ako sa sarili ko. Nasapo ko ang bola! Nanalo ang team namin.

Dahil sa karanasang ito ay lumaki ang tiwala ko sa sarili, nagkaroon ako ng inspirasyon na magpraktis, at mula sa puwesto na huling pinipili ay nalipat ako ng puwesto at naging tunay na nakapag-ambag sa team.

Mararanasan natin ang biglang pagdating na iyon ng tiwala sa sarili. Maipagmamalaki natin ang ating ginawa. Makakatulong sa atin ang pormulang ito na tatlong salita: Huwag kailanman susuko.

Sa dulang Shenandoah ay may sinambit na linya na nagbibigay-inspirasyon: “Kung hindi tayo magsisikap, di tayo gagawa; at kung hindi tayo gagawa, bakit pa tayo narito?”

Ang mga himala ay matatagpuan kahit saan kapag ang mga tungkulin sa pagkasaserdote ay ginagampanan. Kapag pinalitan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, kapag inalis ng mapagparayang paglilingkod ang sakim na paghahangad, ang kapangyarihan ng Diyos ay magsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Ang pagkasaserdote ay higit pa sa isang kaloob. Ito ay matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyo na makahikayat, at isang pagkakataon para basbasan ang buhay ng iba.

Ang tawag ng tungkulin ay darating nang dahan-dahan habang tayo na nagtataglay ng pagkasaserdote ay tumutugon sa mga tungkuling ibinibigay sa atin. Si Pangulong George Albert Smith, ang mahinahon, ngunit epektibong pinuno ay nagpahayag, “Tungkulin muna ninyo na pag-aralan ang nais ng Panginoon at pagkatapos sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas ng [inyong] banal na Pagkasaserdote, gawin ang inyong tungkulin sa harap ng inyong kapwa sa paraang ang mga tao ay magagalak na sumunod sa inyo.”4

At paano gagampanang mabuti ng isang tao ang kanyang tungkulin? Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkuling nauugnay dito. Ginagawa ng isang elder ang inordenang tungkulin ng elder sa pamamagitan ng pag-aaral ng kanyang mga tungkulin bilang elder at pagkatapos, ay isakatuparan ang mga ito. Tulad ng sa isang elder, ay gayundin sa isang deacon, teacher, priest, bishop, at bawat isa na maytaglay ng tungkulin ng pagkasaserdote.

Mga kapatid , nasa paggawa—hindi lang sa pangangarap—pinagpapala ang mga buhay, ang iba’y ginagabayan, at ang mga kaluluwa’y naililigtas. “Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili,”5 ang payo ni Santiago.

Nawa kayong lahat na nakikinig sa aking mensahe ay pag-ibayuhin ang pagsisikap na maging marapat sa paggabay ng Panginoon sa ating buhay. Marami ang sumasamo at nagdarasal ng tulong. May mga pinanghihinaan ng loob at kailangan ng tulong.

Maraming taon na ang nakalilipas noong bishop pa ako, pinanguluhan ko ang isang malaking ward na may mahigit 1,000 miyembro, kabilang ang 87 balo. May isang pagkakataon na binisita namin ng isa sa mga tagapayo ko ang isang balo at kanyang may kapansanang anak. Nang umalis na kami sa kanilang apartment, isang babae sa kabilang apartment ang nakatayo sa pintuan niya at pinahinto kami. Nagsalita siya na may puntong banyaga at tinanong kung bishop ako; sabi ko’y oo. Sinabi niyang madalas niya ako napapansing bumibisita sa iba. Pagkatapos ay sinabi niya, “Walang bumibisita sa amin ng nakaratay kong asawa. May panahon ba kayong bisitahin kami, kahit hindi kami miyembro ng simbahan ninyo?”

Sa pagpasok namin sa apartment nila, napuna naming nakikinig silang mag-asawa sa Mormon Tabernacle Choir sa radyo. Nakipag-usap kami sandali sa mag-asawa at pagkatapos ay binasbasan ang lalaki.

Kasunod ng unang pagbisitang iyon, dumaraan ako roon nang madalas sa abot-kaya ko. Di nagtagal nagpaturo ang mag-asawa sa mga misyonero, at nabinyagan si Angela Anastor. Kalaunan, namatay ang asawa niya, at nagkaroon ako ng pagkakataong mangasiwa at magsalita sa kanyang burol. Si Sister Anastor, na marunong ng wikang Griyego, ang nakapagsalin kalaunan sa madalas gamiting polyeto na, Joseph Smith Tells His Own Story sa wikang Griyego.

Gusto ko ang motto na: “Gawin ang tungkulin [mo]: Iyan ang pinakamainam; Bahala na [ang] Panginoon sa iba!”6

Ang aktibong paglilingkod sa Aaronic Priesthood ang maghahanda sa inyong mga kabataan sa pagtangggap ng Melchizedek Priesthood, sa pagmimisyon, at pagpapakasal sa banal na templo.

Lagi ninyong maaalala ang inyong mga adviser sa korum sa Aaronic Priesthood at kapwa miyembro sa korum, at sa gayon ay mararanasan ang katotohanang, “Binigyan tayo ng Diyos ng mga alaala, upang sa mga huling taon ng ating buhay, ay maalaala natin ang magagandang bagay ng ating kabataan.”7

Mga kabataan ng Aaronic Priesthood, naghihintay sa inyo ang inyong hinaharap; paghandaan ito. Nawa’y lagi kayong gabayan ng Ama sa Langit sa paghahandang ito. Nawa’y gabayan Niya tayong lahat sa ginagawa nating paggalang sa priesthood na ating taglay at gampanang mabuti ang ating mga tungkulin, ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Evan Stephens, “A Mormon Boy,” ni Jack M. Lyon at ng iba pa, eds., Best-Loved Poems of the LDS People (1996), 296.

  2. Tingnan sa D at T 20:53.

  3. Priesthood Home Teaching Handbook, binagong edisyon (1967), ii–iii.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1942, 14.

  5. Santiago 1:22.

  6. Henry Wordsworth Longfellow, “The Legend Beautiful,” sa The Complete Poetical Works of Longfellow (1893), 258.

  7. Pag-uulit sa sinabi ni James Barrie, sa Peter’s Quotations: Ideas for Our Time, tinipon ni Laurence J. Peter (1977), 335.