2005
Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan
Nobyembre 2005


Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan

Maraming pagkakatulad at ilang pagkakaiba sa paraan ng paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pamilya at sa Simbahan.

Ang paksa ko ay awtoridad ng priesthood sa pamilya at sa Simbahan.

I.

Namatay ang tatay ko noong pitong taon ako. Ako ang panganay sa tatlong maliliit na anak na pinaghirapang itaguyod ng aming nabiyudang ina. Nang maorden akong deacon, napakasaya raw niya na magkaroon ng isang maytaglay ng priesthood sa tahanan. Pero patuloy na ginabayan ni Inay ang pamilya, pati na kung sino sa amin ang magdarasal kapag sama-sama kaming nakaluhod tuwing umaga. Nalilito ako. Naturuan ako na ang priesthood ang namumuno sa pamilya. Siguro mayroon akong hindi alam kung paano sinusunod ang alituntuning ito.

Halos kasabay nito, may kapitbahay kaming lalaking dominante at kung minsa’y binubugbog ang asawa. Parang leon ang lalaki kung magalit, at parang tupang susukut-sukot ang babae. Kapag naglalakad sila papuntang simbahan, laging nasa likod ang babae. Ikinagalit iyon ng nanay ko. Matapang siya at hindi siya papayag na madomina, at nagalit siyang makita na inaapi nang ganoon ang ibang babae. Naiisip ko ang reaksyon niya tuwing makakakita ako ng mga lalaking inaabuso ang awtoridad nila para bigyang-kasiyahan ang kapalaluan o kontrolin o puwersahin ang kanilang asawa sa alinmang antas ng kasamaan (tingnan sa D at T 121:37).

Nakakita na rin ako ng ilang tapat na babae na mali ang pagkaunawa kung paano ginagamit ang awtoridad ng priesthood. Dahil sa pag-aalala sa relasyon nila sa asawa bilang magkatuwang sa pamilya, tinangkang saklawin ng ilang babae ang katungkulan sa priesthood ng kanilang asawa, tulad ng pagiging bishop o mission president. Taliwas dito, ang ilang babaeng inabuso ng asawa (tulad ng sa diborsyo) ay naipagkakamali ang priesthood na pang-aabuso ng lalaki at naghihinala na sa anumang awtoridad ng priesthood. Ang isang taong nagkaroon ng masaklap na karanasan sa kasangkapang de-kuryente ay hindi dapat tumigil sa paggamit ng kuryente.

Bawat sitwasyong inilarawan ko ay bunga ng maling pagkaunawa sa awtoridad ng priesthood at sa dakilang alituntunin na bagama’t ang awtoridad na ito ang namumuno kapwa sa pamilya at sa Simbahan, magkaiba naman ang gamit ng priesthood sa bawat isa sa kanila. Ang alituntuning ito ay nauunawaan at isinasagawa ng mahuhusay na lider sa Simbahan at pamilya na nakilala ko, pero bihira itong ipaliwanag. Kahit sa mga banal na kasulatan, na nagtatala ng iba’t ibang paggamit ng awtoridad ng priesthood, bihirang tukuyin kung aling mga alituntunin ang angkop lang sa paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pamilya o sa Simbahan at alin ang angkop sa dalawang ito.

II.

Sa paniniwala at kaugalian ng ating relihiyon, ang pamilya at Simbahan ay parehong nagpapatatag sa isa’t isa. Ang pamilya ay umaasa sa Simbahan para sa doktrina, mga ordenansa, at mga susi ng priesthood. Ang Simbahan ang nagbibigay ng mga aral, awtoridad at ordenansang kailangan para magpatuloy ang ugnayan ng mga pamilya sa kawalang-hanggan.

Mayroon tayong mga programa at aktibidad para sa pamilya at sa Simbahan. Lubhang magkaugnay ang dalawa kaya ang paglilingkod sa isa ay paglilingkod din doon sa isa. Kapag nakikita ng mga anak ang kanilang mga magulang na tapat na gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan pinatatatag nito ang mga ugnayan ng kanilang pamilya. Kapag matatag ang mga pamilya, matatag ang Simbahan. Nagtutulungan ang dalawa. Bawat isa’y mahalaga at kailangan, at bawat isa’y dapat pangasiwaan nang may malasakit sa isa pa. Ang mga programa at aktibidad ng Simbahan ay hindi dapat sumaklaw sa lahat na hindi na makukumpleto ang mga miyembro ng pamilya sa oras ng pamilya. At hindi dapat isabay ang iskedyul ng mga aktibidad ng pamilya sa sakrament miting o iba pang mahahalagang miting ng Simbahan.

Kailangan natin kapwa ang mga aktibidad ng Simbahan at pamilya. Kung lahat ng pamilya ay kumpleto at perpekto, puwedeng bawasan ng Simbahan ang mga aktibidad. Ngunit sa ating daigdig kung saan marami sa ating kabataan ang lumaki sa tahanang iisa lang ang naroong magulang, na hindi miyembro, o kaya’y di-aktibo sa pamumuno sa ebanghelyo, kailangan talagang punan ng mga aktibidad ng Simbahan ang kakulangan. Matalinong nakita ng aming biyudang ina na mabibigyan ng mga aktibidad ng Simbahan ng mga karanasan ang kanyang mga anak na hindi niya maibigay dahil walang lalaking huwaran sa kanyang tahanan. Naaalala ko nang hikayatin niya akong pagmasdan at sikaping tularan ang mabubuting lalaki sa aming ward. Pinilit niya akong sumali sa Boy Scouts at sa iba pang mga aktibidad ng Simbahan na magbibigay ng ganitong oportunidad.

Sa isang simbahan kung saan maraming miyembrong wala pang asawa, na sa ngayon ay wala pang kasama sa buhay na siyang layon sana ng Panginoon para sa lahat ng anak niya, dapat ding magkaroon ng espesyal na malasakit ang Simbahan at mga pamilya nito sa pangangailangan ng mga walang asawang ito.

III.

Ang awtoridad ng priesthood ay ginagamit kapwa sa pamilya at sa Simbahan. Ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos na ginagamit para basbasan ang lahat ng Kanyang anak, na lalaki’t babae. Ang ilan sa mga pinaikli nating kataga, tulad ng “ang kababaihan at ang priesthood,” ay nagpapahiwatig ng maling ideya. Ang kalalakihan ay hindi “ang priesthood.” Ang miting ng priesthood ay miting ng mga maytaglay at gumagamit ng priesthood. Ang mga basbas ng priesthood, tulad ng binyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, endowment sa templo at walang hanggang kasal, ay makakamit kapwa ng kalalakihan at kababaihan. Ang awtoridad ng priesthood ay nagagamit sa pamilya at sa Simbahan, alinsunod sa mga alituntuning itinakda ng Panginoon.

Pagkamatay ng tatay ko, nanay ko ang namuno sa pamilya namin. Wala siyang katungkulan sa priesthood, pero dahil siya ang buhay na magulang siya ang naging pinunong opisyal sa kanyang pamilya. Kasabay nito, laging lubos ang paggalang niya sa awtoridad ng priesthood ng aming bishop at iba pang mga lider ng Simbahan. Siya ang namuno sa kanyang pamilya, pero sila ang namuno sa Simbahan.

IV.

Maraming pagkakatulad at ilang pagkakaiba sa paraan ng paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pamilya at sa Simbahan. Kung hindi natin makikilala at igagalang ang mga pagkakaiba, mahihirapan tayo.

Mga susi. Ang isang mahalagang pagkakaiba ng tungkulin nito sa Simbahan at sa pamilya ay ang katotohanan na lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay ginagamit sa pamamahala ng taong mayhawak ng angkop na mga susi ng priesthood. Taliwas dito, ang awtoridad na namumuno sa pamilya—ama man siya o inang nag-iisa—ay ginagamit sa mga bagay ukol sa pamilya nang hindi na kailangang humingi ng pahintulot kahit kanino na mayhawak ng mga susi ng priesthood. Kabilang sa awtoridad na ito sa pamilya ang pangangasiwa sa mga aktibidad ng pamilya, mga miting ng pamilya tulad ng family home evening, panalangin ng pamilya, pagtuturo ng ebanghelyo, at pagpapayo at pagdisiplina sa mga kapamilya. Kasama rin dito ang mga amang naorden na nagbibigay ng basbas ng priesthood.Gayunman, kailangan ang mga susi ng priesthood para mapahintulutan ang pag-oorden o pagtatalaga ng mga kapamilya. Ito’y dahil ang organisasyong ginawang responsable ng Panginoon sa pagsasagawa at pagtatala ng mga ordenansa ng priesthood ay ang Simbahan, hindi ang pamilya.

Mga sakop. Ang mga organisasyon ng Simbahan tulad ng mga ward, korum o auxiliary ay laging may mga hangganan ng nasasakupan na naglilimita sa responsibilidad at awtoridad ng mga katungkulang nauugnay rito. Taliwas dito, ang mga ugnayan at responsibilidad sa pamilya ay hindi nakadepende sa tirahan ng iba’t ibang miyembro ng pamilya.

Itatagal na panahon. Ang mga katungkulan sa Simbahan ay laging pansamantala, pero ang mga ugnayan sa pamilya ay panghabampanahon.

Pagtawag at pagre-release. May isa pang pagkakaiba hinggil sa pagsisimula at pagtatapos sa mga katungkulan. Sa Simbahan, ang isang lider ng priesthood na mayhawak ng mahahalagang susi ay may awtoridad na tawagin o i-release ang mga taong naglilingkod sa ilalim ng kanyang pamamahala. Maaari pa niyang pawalang-saysay ang pagiging miyembro nila at “ipabura” ang kanilang pangalan (tingnan sa Mosias 26:34–38; Alma 5:56–62). Taliwas dito, ang mga ugnayan ng pamilya ay napakahalaga kaya’t walang awtoridad ang padre-de-pamilya na baguhin ang pagiging miyembro ng pamilya. Magagawa lang iyan ng isang taong awtorisadong iakma ang mga ugnayan ng pamilya ayon sa mga batas ng tao o sa batas ng Diyos. Kaya nga, samantalang maire-release ng bishop ang Relief Society president, hindi naman niya maaalpasan ang kaugnayan niya sa kanyang asawa nang walang diborsyo sa ilalim ng batas ng tao. Muli, hindi maaaring wakasan ang pagkabuklod niya hanggang sa kawalang-hanggan nang hindi ito kinakansela sa ilalim ng batas ng Diyos. Gayundin, ang isang kabataang naglilingkod sa panguluhan ng isang klase o korum ay maaaring i-release ng awtoridad ng priesthood sa ward, pero hindi maaaring wakasan ng mga magulang ang kaugnayan sa isang anak na ang mga desisyon sa buhay ay nakakasakit sa kanila. Ang mga ugnayan ng pamilya ay mas nagtatagal kaysa mga ugnayan sa Simbahan.

Pakikipagtuwang. Ang pinakamahalagang pagkakaiba sa paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pamilya at sa Simbahan ay bunga ng katotohanan na ang pamilya ay pinamumunuan ng ama, samantalang ang pamahalaan ng Simbahan ay may linya ng awtoridad. Ang konsepto ng pagtutuwang ay magkaiba ang gamit sa pamilya at sa Simbahan.

Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay nagbibigay nitong magandang paliwanag sa ugnayan ng mag-asawa: Bagama’t magkahiwalay ang kanilang mga responsibilidad, “sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ito ang sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Kapag pinag-uusapan ang pag-aasawa bilang pagtutuwang, pag-usapan natin ito bilang ganap na pagtutuwang. Ayaw natin ang katuwang nating mga babaeng LDS na magsawalang-kibo na lang o malimita ang kilos sa walang hanggang tungkuling iyon! Tumulong naman sana kayo at maging ganap na katuwang” (The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball [1982], 315).

Sinabi rin ni Pangulong Kimball, “Narinig na natin na may kalalakihang nagsabi sa kanilang asawa na, ‘Taglay ko ang priesthood at kailangan mong sundin ang sasabihin ko.’” Tahasan niyang itinatwa ang pang-aabusong iyon ng awtoridad ng priesthood sa asawa, na sinasabing ang gayong lalaki ay “hindi dapat igalang sa kanyang priesthood” (The Teachings of Spencer W. Kimball, 316).

May mga kultura o tradisyon sa ilang bahagi ng daigdig na nagpapahintulot na apihin ng mga lalaki ang mga babae, pero hindi dapat gawin ang gayong mga pang-aabuso sa mga pamilya ng Simbahan ni Jesucristo. Alalahanin ang turo ni Jesus: “Narinig ninyong sinabi [ng matatanda], … datapuwa’t sinasabi ko sa inyo …” (Mat. 5:27–28). Halimbawa, sinalungat ng Tagapagligtas ang namamayaning kultura sa magiliw Niyang pakikitungo sa kababaihan. Gawin nating gabay ang kultura ng ebanghelyo na itinuro Niya.

Kung nais ng mga lalaki na pagpalain ng Panginoon ang pamumuno nila sa pamilya, kailangan nilang gamitin ang kanilang awtoridad sa priesthood alinsunod sa mga alituntunin ng Panginoon:

“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman” (D at T 121:41–42).

Kapag ginamit ang awtoridad ng priesthood sa gayong paraan sa pamilyang pinamumunuan ng ama, nakakamtan natin ang “ganap na pagtutuwang” na itinuro ni Pangulong Kimball. Tulad ng nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak:

“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, [at] awa” (Liahona, Oct. 2004, 49).

Ang mga tungkulin sa Simbahan ay isinasagawa alinsunod sa mga alituntuning sumasakop sa atin sa pagkilos sa ilalim ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan. Kabilang sa mga alituntuning ito ang paghihikayat at kahinahunan na itinuro sa ika-121 bahagi, na lalong kailangan sa organisasyon ng Simbahan na may linya ng awtoridad.

Ang tinukoy kong mga alituntunin para sa paggamit ng awtoridad ng priesthood ay mas madaling unawain at tanggapin ng isang babaeng may-asawa kaysa isang walang-asawa, lalo na ng isang dalagang hindi pa nakapag-asawa kailanman. Hindi pa niya nararanasan ang awtoridad ng priesthood sa ugnayang magkatuwang ng mag-asawa. Ang mga karanasan niya sa awtoridad ng priesthood ay sa pamumuno lang ng mga awtoridad sa Simbahan, at dama ng ilang dalaga na wala silang bahagi sa gayong mga ugnayan. Samakatuwid, kailangan talagang magkaroon ng epektibong ward council, kung saan regular na nagsasanggunian ang mga lalaki’t babaeng pinuno sa ward sa ilalim ng namumunong awtoridad ng bishop.

V.

Magtatapos ako sa ilang pangkalahatang komento at personal na karanasan.

Ang teolohiya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakasentro sa pamilya. Ang kaugnayan natin sa Diyos at layunin ng buhay sa mundo ay ipinaliwanag patungkol sa pamilya. Tayo ang mga espiritung anak ng mga magulang sa langit. Ipinatutupad ang plano ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga pamilya sa mundo, at ang pinakamataas nating mithiin ay ipagpatuloy ang mga ugnayang iyon ng pamilya hanggang sa kawalang-hanggan. Ang pinakamisyon ng Simbahan ng ating Tagapagligtas ay tulungan tayong magkamit ng kadakilaan sa kahariang selestiyal, at magagawa lang iyan sa ugnayan ng pamilya.

Hindi nakapagtatakang kilala ang Simbahan natin na isang simbahang nakasentro sa pamilya. Hindi nakapagtatakang naliligalig tayo sa kasalukuyang kabulukan ng batas at kultura patungkol sa kasal at pag-aanak. Sa panahon na tila hindi na nauunawaan ng mundo ang layunin ng kasal at ang kahalagahan ng pag-aanak, mahalagang hindi malito ang mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa mga bagay na ito.

Ang tapat na biyudang ina na nagpalaki sa amin ay hindi nalito tungkol sa walang hanggang katangian ng pamilya. Iginalang niya tuwina ang posisyon ng pumanaw naming ama. Siya ang tumayong ama sa aming tahanan. Binanggit niya ang kawalang-hanggan ng kanilang kasal sa templo. Madalas niyang ipaalala sa amin ang gustong ipagawa sa amin ni Itay para makamtan namin ang pangako ng Tagapagligtas na maaari kaming maging walang hanggang pamilya.

Naaalala ko pa ang isang karanasan na nagpapakita ng epekto ng kanyang mga turo. Minsan bago sumapit ang Pasko, nagpatulong sa akin ang bishop namin, noong deacon pa ako, na maghatid ng mga Pamaskong basket sa mga biyuda ng ward. Nagdala ako ng isang basket sa bawat pintuan kalakip ang kanyang pagbati. Nang ihatid niya ako pauwi, may isang basket pang natira. Iniabot niya iyon sa akin at sinabing para iyon kay Inay. Habang papalayo siya, naiwan akong nakatayo sa gitna ng umuulang niyebe na nagtataka kung bakit may basket para sa nanay ko. Hindi niya itinuring ang sarili na biyuda kahit kailan, at hindi rin iyon pumasok sa isipan ko. Sa isang 12-anyos na bata, hindi siya biyuda. May asawa siya, at nagkaroon kami ng isang ama. Lumayo lang siya sandali.

Umaasa ako na maluwalhating darating ang araw na iyon na ang mga nagkawalay ay muling magsasama at lahat tayo’y gagawing ganap tulad ng pangako ng Panginoon. Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang kanyang awtoridad ng priesthood, at ang Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ang nagbigay-daan sa lahat, sa ngalan ni Jesucristo, amen.