Tinawag at Pinili
Ang mga tinawag, sinang-ayunan, at itinalaga ay nararapat sa ating pagsang-ayon.
Mahal kong mga kapatid sa priesthood, mangyaring tanggapin ninyo ang pasasalamat sa lahat ng inyong ginagawa na ipalaganap ang gawain ng Panginoon sa buong mundo. Hangad kong magsalita tungkol sa sagradong tungkulin ng mga lider ng priesthood na iyon na “tinawag at pinili”1 upang gabayan ang Simbahan sa panahong ito. Ito’y espesyal na taon sa dalawang kadahilanan: una, ipinagdiriwang natin ang ika-200 anibersaryo ng kapanganakan ni Propetang Joseph Smith sa darating na Disyembre, at pangalawa, ipinagdiwang ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang ika-95 kaarawan nitong nakalipas na Hunyo. Pinatototohanan ko na tinawag at pinili si Propetang Joseph Smith bilang unang propeta sa dispensasyong ito, at na si Pangulong Gordon B. Hinckley ang kasalukuyang Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag ng Simbahang ito.
Nang interbyuhin ni Mike Wallace si Pangulong Hinckley ilang taon na ang nakararaan para sa programa sa telebisyon na 60 Minutes sinabi niyang, “[Sasabihin ng mga tao] na ito’y simbahang pinamumunuan ng matatandang lalaki.” Sumagot si Pangulong Hinckley na, “Hindi ba’t napakahusay kung ang mamumuno’y may sapat na edad; isang taong matwid na hindi nadadala sa magkabikabila ng lahat ng hangin ng aral?”2 Kaya kung sinuman sa inyo ang nag-iisip na napakatanda na ng kasalukuyang pamunuan para pamahalaan ang Simbahan, mabibigyan kayo ni Pangulong Hinckley ng ilang karagdagang payo tungkol sa karunungang dulot ng katandaan!
Sa 102 mga Apostol na tinawag sa dispensasyong ito, 13 lamang ang naglingkod nang mas matagal kay Pangulong Hinckley. Mas matagal siyang naglingkod bilang Apostol kaysa kina Brigham Young, Pangulong Hunter, Pangulong Lee, Pangulong Kimball, at marami pang iba. Mabuti at nasa atin ang kanyang inspiradong pamumuno. Patawarin ninyo ako sa pagsasabing nadarama ko rin minsan na malapit na akong mamatay. Sa edad na 85, ako ang pangatlong pinakamatanda sa lahat ng nabubuhay pang general authority. Hindi ko hinangad ang karangalang ito. Nabuhay lang ako nang matagal.
Naniniwala ako na di kailanman nagkaroon sa kasaysayan ng Simbahan ng pagkakaisang hihigit kaysa pagkakaisa ng aking mga Kapatid sa Unang Panguluhan, sa Korum ng Labindalawa, at iba pang mga General Authority ng Simbahan, na tinawag at pinili at sa ngayo’y namumuno sa Simbahan. Naniniwala ako na may sapat na patunay tungkol dito. Ang kasalukuyang pamunuan ng kaharian ng Diyos dito sa lupa ay may pribilehiyo sa inspiradong patnubay ng Tagapagligtas na mas tumatagal kaysa anumang grupo. Tayo ang pinakamatandang grupo na namuno sa Simbahan.
Ang pakikisama ko sa ilan sa mga kalalakihang ito sa loob ng halos kalahating siglo ay nagbibigay-karapatan sa akin, palagay ko, para tiwalang sabihin na ang mga kapatid ko ay mabubuti, mararangal, at mapagkakatiwalang kalalakihan. Alam ko ang nasa puso nila. Sila’y mga alagad ng Panginoon. Ang hangarin lamang nila ay gawin ang kanilang dakilang mga tungkulin at itatag ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang ating mga Kapatid na naglilingkod ngayon ay tunay, subok na, at tapat. Ang ilan ay mahina na hindi tulad ng dati, subalit dalisay ang kanilang puso, napakaganda ng kanilang karanasan, napakalinaw ng kanilang isipan, at napakalalim ng kanilang espirituwal na karunungan kung kaya’t mapapanatag ka kapag kasama mo sila.
Ako’y napakumbaba at labis na namangha na matawag bilang Assistant sa Labindalawang Apostol 33 taon na ang nakararaan. Ilang araw makalipas iyon pinayuhan ako ni Pangulong Hugh B. Brown na ang pinakamahalagang bagay na dapat kong gawin ay makiisa palagi sa aking mga Kapatid. Hindi na iyon ipinaliwanag pa ni Pangulong Brown. Basta sabi niya, “Maging malapit ka sa mga Kapatid.” Ang kahulugan nito sa akin ay dapat kong sundin ang payo at tagubilin ng Pangulo ng Simbahan, ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Iyan ang bagay na gusto kong gawin nang buong puso.
Maaaring hindi sumang-ayon ang ibang tao sa payong iyan, subalit kailangan nito ng masusing pag-iisip. Naisip kong halos lahat ng espirituwal na patnubay ay nakasalalay sa pagiging kaisa sa Pangulo ng Simbahan, sa Unang Panguluhan, at sa Korum ng Labindalawa—lahat sila’y sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Hindi ko alam kung paano tayo lubos na makikiisa sa Espiritu ng Panginoon kung hindi tayo nakikiisa sa Pangulo ng Simbahan at sa iba pang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
Noong deacon pa ako, kami ng kuya ko ay isinasama ng aming Itay sa pangkalahatang pulong ng priesthood sa Tabernacle. Naalala kong napakasaya ko na makapiling ng Propeta ng Diyos, si Pangulong Heber J. Grant, at ng iba pang mga propeta at apostol. Nakinig akong mabuti sa kanilang mga mensahe at isinapuso ang mga bagay na sinabi nila. Sa pagdaan ng mga taon maraming beses na naulit ang kanilang mga paksa. Umaasa akong ang ilan sa mga ito ay mauulit pa sa kumperensyang ito. Mahalaga ang mga ito sa ating kaligtasan, at kailangang ulit-ulitin natin ito.
Sa simula pa lamang ng mundo, naitala na sa kasaysayan ang maraming halimbawa ng mga taong hindi nakikiisa sa mga propeta. Sa mga unang araw ng ating dispensasyon, ang ilan sa Labindalawa, ay nakapanghihinayang na hindi nanatiling tapat kay Propetang Joseph Smith. Isa sa mga ito si Lyman E. Johnson, miyembro ng orihinal na Korum ng Labindalawa na itiniwalag dahil sa masamang pag-uugali. Kalauna’y ikinalungkot niya nang labis ang kanyang espirituwal na pagbagsak. Sabi niya: “Hahayaan kong maputol ang aking kanang kamay, kung mapaniniwalaan ko itong muli. Kapag nagkagayon ako’y mapupuspos ng kagalakan at kasiyahan. Gaganda ang aking mga panaginip. Sa paggising ko sa umaga masigla ang aking espiritu. Masaya ako araw at gabi, puno ng kapayapaan at kagalakan at pasasalamat. Subalit ngayo’y kadiliman, pasakit, kalungkutan, sukdulang paghihirap. Mula noo’y di na ako nagkaroon ng masasayang sandali.”3 Namatay siya sa aksidente sa kareta noong 1856 sa edad na 45.
Si Luke S. Johnson ay tinawag din sa orihinal na Korum ng Labindalawa noong 1835. Humina ang kanyang espirituwal na patotoo dahil sa ilang sitwasyong pinansyal noong 1837. Sabi niya sa kanyang pagbabalik-tanaw: “Nagdilim ang aking isipan, at naiwan akong mag-isa na hinahanap ang landas na aking tatahakin. Wala na sa akin ang Espiritu ng Diyos, at pinabayaan ko ang aking tungkulin; ang bunga niyon, [sa] isang Kumperensyang ginanap sa Kirtland, Setyembre 3, 1837, … ay itiniwalag ako sa Simbahan.” Noong Disyembre 1837, sumama siya sa mga tumiwalag sa hayagang pagtalikod sa Simbahan, at itiniwalag siya dahil sa pagtalikod sa katotohanan noong 1838. Walong taon siyang nagtrabaho bilang doktor sa Kirtland. At noong 1846, siya at ang kanyang pamilya ay bumalik sa pakikipagkapatiran ng mga Banal. Sabi niya: “Tumigil ako sa tabing daan at nanatiling di kabilang sa gawain ng Panginoon. Ngunit ang puso ko’y nasa mga tao. Gusto kong makasama ang mga banal; sumama sa kanila at patuloy na makasama nila hanggang wakas.” Siya’y muling nabinyagan noong Marso 1846, at naparito sa kanluran kasama ang orihinal na grupo ng mga pioneer noong 1847. Namatay siya sa Salt Lake City noong 1861 na aktibong miyembro ng Simbahan sa edad na 54.4
Ang payo ko sa mga miyembro ng Simbahan ay suportahan ang Pangulo ng Simbahan, ang Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, at iba pang mga General Authority nang ating buong puso at kaluluwa. Kung gagawin natin ito, tayo’y maliligtas.
Sinabi ni Pangulong Brigham Young naaalala niyang maraming beses na sinabi ni Propetang Joseph Smith na siya ay kailangang manalangin sa tuwina, manampalataya, ipamuhay ang kanyang relihiyon, at tumupad sa kanyang tungkulin, upang magtamo ng mga pagpapahayag mula sa Panginoon, upang siya ay manatiling matatag sa kanyang pananampalataya.5 Lahat tayo’y daranas ng ilang pagsubok sa ating pananampalataya. Ang mga pagsubok na ito ay maaaring dumating sa iba’t ibang paraan. Maaaring hindi ninyo maibigan tuwina ang payo na ibinibigay sa inyo ng mga lider sa Simbahan. Hindi nila tinatangkang maging popular. Gusto lang nilang tulungan tayo na maiwasan ang mga kapahamakan at kalungkutan na dulot ng pagsuway sa mga batas ng Diyos.
Kailangan din nating suportahan at sang-ayunan ang ating mga lokal na lider, sapagkat sila rin ay “tinawag at pinili.” Bawat miyembro ng Simbahang ito ay maaaring tumanggap ng payo mula sa bishop o branch president, stake o mission president, at sa Pangulo ng Simbahan at sa kanyang mga kasama. Walang sinumang perpekto. Gayunpaman sila’y mga alagad ng Panginoon, na tinawag Niya sa pamamagitan ng mga taong karapat- dapat na mabigyang-inspirasyon. Ang mga tinawag, sinang-ayunan, at itinalaga ay nararapat sa ating pagsang-ayon.
Hinahangaan at iginagalang ko ang naging mga bishop ko. Sinisikap kong huwag mag-alinlangan sa kanilang paggabay at nadama kong sa pagsang-ayon at pagsunod sa kanilang payo ay naprotektahan ako laban sa “mga daya ng mga tao, sa katusuhan.”6 Ito’y dahil ang bawat isa sa tinawag at piniling mga lider ay may karapatan sa paghahayag ng Diyos na kaugnay ng tungkuling iyon. Ang di paggalang sa mga espirituwal lider ay nagpapahina at nagpapabagsak sa espirituwalidad. Dapat nating ipagpaumanhin ang anumang nakikitang mga kakulangan, kamalian, o kapintasan ng mga lalaking tinawag na mangulo sa atin, at sang-ayunan ang tungkuling hawak nila.
Maraming taon na ang nakararaan karaniwan nang nangangalap kami ng pera sa aming mga ward bilang pambayad sa mga pasilidad at iba pang mga lokal na gastusin at aktibidad na ngayo’y binabayaran ng pangkalahatang pondo ng Simbahan at ng badget ng lokal na yunit. Dati’y mayroon kaming mga bazaar, fair, hapunan, at iba pang mga aktibidad sa pangangalap ng pondo. Noong panahong iyon ang bishop namin sa ward ay kahanga-hanga, tapat, mapagkakatiwalaan.
Natuklasan ng isang miyembro sa kalapit na ward na ang dunking machine ay matagumpay na aktibiti sa pangangalap ng pondo. Ang mga kalahok ay magbabayad para maghagis ng mga bola sa partikular na target. Kapag natamaan ng bola ang target, ang taong nakaupo sa taas ng tub ay babagsak sa malamig na tubig. Nagdesisyon ang aming ward na gamitin ang makinaryang ito at may nagmungkahing maraming tao ang magbabayad para sa mga bola na ihahagis kung gugustuhin ng bishop na maupo sa dunking seat. Maginoo ang aming bishop, at dahil responsibilidad niya ang pagkalap ng pera, pumayag siyang maupo sa dunking seat. Kaagad bumili ang ilang tao ng mga bola at pinuntirya ang target. May ilang nakatama, at basang-basa si bishop. Makalipas ang kalahating oras, nagsimula na siyang ginawin.
Samantalang inaakala ng maraming tao na napakasaya nito, lubhang nasaktan ang damdamin ng aking ama sa kawalang-galang sa katungkulan ng bishop at ginawa itong katawa-tawa o hinamak. Kahit na ang nakalap na pera ay para sa mabuting layunin, naaalala ko pa ring nahihiya ako dahil ang ilan sa mga tao namin ay hindi nagpakita ng higit na paggalang kapwa sa katungkulan at sa taong naglingkod nang mabuti sa amin araw at gabi bilang aming mabuting pastol. Bilang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos, dapat tayong magpakita ng halimbawa ng pagsang-ayon sa pamunuan ng Simbahan, sa ating pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan.
Ang mga banal na kasulatan, gayundin ang mga lokal at General Authority ng Simbahan, ay kapwa nagbibigay ng pananggalang na payo at patnubay para sa mga miyembro ng Simbahan. Halimbawa, sa buong buhay ko ang mga Kapatid mula rito at sa iba pang mga pulpito ay tumatayo para hikayatin ang ating mga tao na mamuhay ayon sa kanilang kinikita, huwag mangutang, at mag-impok para sa mga panahon ng kagipitan, dahil dumarating sa tuwina ang kagipitan. Nabuhay ako sa panahon ng matinding kahirapan sa ekonomiya, tulad ng Great Depression at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa mga naranasan ko, dapat kong gawin ang makakaya ko para protektahan ang aking sarili sa mga ibubunga ng ganitong kalamidad. Nagpapasalamat ako sa mga Kapatid sa matalinong payo na ito.
Hindi ililigaw ng Pangulo ng Simbahan ang mga tao ng Simbahan. Hindi ito kailanman mangyayari. Titiyakin ito ng Panginoon. Sinang-ayunan nang lubos si Pangulong Hinckley ng kanyang mga tagapayo tulad ng Korum ng Labindalawa, ng mga korum ng Pitumpu, at ng Presiding Bishopric. Bunga nito, isang natatanging pagmamahal at pagkakaisa ang namamayani sa mga nangungulong konseho ng Simbahan para sa ating Pangulo at sa isa’t isa.
Ang priesthood ng Diyos ay isang kalasag o pananggalang. Pananggalang ito laban sa mga kasamaan ng mundo. Kailangang laging malinis ang pananggalang na ito; kung hindi, ang pananaw natin sa ating layunin at sa mga panganib na nakapaligid sa atin ay hindi natin makikita lahat. Ang panlinis dito ay ang personal na kabutihan, ngunit hindi lahat ay handang gawin ito para manatiling malinis ang kanilang mga pananggalang. Sinabi ng Panginoon, “Sapagka’t marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahirang.”7 Tinatawag tayo kapag ipinatong ang mga kamay sa ating mga uluhan at binigyan tayo ng priesthood, ngunit hindi tayo napili hangga’t hindi natin naipapakita sa Diyos ang ating kabutihan, ating katapatan, at ating katatagan.
Mga kapatid, totoo ang gawaing ito. Nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak, at narinig niya at sinunod ang Kanilang tagubilin. Iyon ang simula ng dakilang gawaing ito, na ang responsibilidad ay nakaatang ngayon sa atin. Taimtim akong nagpapatotoo sa kabanalan nito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.