2005
Mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos
Nobyembre 2005


Mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos

Hindi matatawaran at hindi mailalarawan ang mabuting impluwensya ninyo.

Binigyang-karapatan ako ni Pangulong Hinckley sa ngalan ng Unang Panguluhan na ipaabot ang aming pasasalamat sa lahat ng tumulong sa anumang paraan para magligtas ng buhay at ari-arian kasunod ng mga kalamidad kamakailan na nangyari at patuloy na nangyayari sa ating bansa.

Mahal kong mga kapatid, nagpapakumbaba ako sa malaking responsibilidad at pribilehiyong ito na magsalita sa inyo na mga anak ng Diyos sa maraming lupain. Napalakas at napasigla tayo sa maikling pagtatanghal sa video ni Pangulong Hinckley. Nagpapasalamat kami at narito ngayong gabi sina Pangulong Hinckley at Pangulong Monson. Pinalalakas tayo ng kanilang suporta at impluwensya. Nabigyang-inspirasyon tayo nina Sister Parkin, Sister Hughes, at Sister Pingree. Naantig ng Koro ang puso natin. Dama ko ang kabutihang nababanaag ko sa inyong mukha. Pinupuri ko ang bawat isa sa inyo sa kabutihang ginagawa ninyo araw-araw. Kahit kaunti lang ang nakaaalam sa inyong mga ginagawa, nakatala ito sa aklat ng buhay ng Cordero,1 na balang-araw ay mabubuksan upang saksihan ang inyong tapat na paglilingkod, debosyon, at mga ginawa bilang “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.”2

Sabi ni Elder Neal A. Maxwell: “Kakaunti ang alam natin … tungkol sa mga dahilan ng paghahati sa mga tungkulin ng babae at lalaki at maging sa pagiging ina at sa priesthood. Itinakda na ito sa langit noon sa ibang panahon at sa ibang lugar. Sanay tayong tumuon sa kalalakihan ng Diyos dahil sa kanila nakaatang ang priesthood at pamumuno. Pero katumbas ng impluwensyang ito ng awtoridad ang patuloy na pagdaloy ng kabutihang nagmumula at makikita sa kakaibang kababaihan ng Diyos na nabubuhay sa lahat ng panahon at dispensasyon, pati na ang sa atin. Ang kadakilaan ay hindi nasusukat sa haba ng naisulat tungkol sa isang tao o bagay, sa pahayagan man o sa mga banal na kasulatan. Ang kuwento tungkol sa kababaihan ng Diyos, samakatwid, hanggang sa ngayon, ay isang tagong yugto ng kuwento sa loob ng mas mahabang kasaysayan.”3

Siguro nakadarama ng kakulangan ang ilan sa inyo dahil parang hindi ninyo magawang lahat ang gusto ninyong gawin. Napakahirap maging ina at magulang. May tungkulin din kayo sa Simbahan na kayang-kaya at masigasig ninyong nagagampanan. Dagdag pa riyan, marami sa inyo, maliban pa rito, ang kailangan pang magtrabaho at nag-aasikaso ng pamilya. Naaawa ako sa mga biyuda at nag-iisang ina na umaako sa halos lahat ng responsibilidad ng isang magulang. Sa pangkalahatan kayong mararangal na kababaihan ay nagagampanan ang mga responsibilidad ninyo sa buhay at nagtatagumpay nang higit kaysa akala ninyo. Iminumungkahi kong isa-isa lamang ninyong harapin ang mga hamong ito. Gawin ang pinakamainam na magagawa ninyo. Tingnan ninyo ang lahat na isinasaalang-alang ang epekto nito sa kawalang-hanggan. Kung gagawin ninyo ito, mag-iiba ang pananaw ninyo sa buhay.

Naniniwala ako na gusto ninyong lahat na lumigaya at madama ang kapayapaang ipinangako ng Tagapagligtas. Palagay ko marami sa inyo ang pilit na ginagampanan ang lahat ng responsibilidad ninyo. Hindi ko gustong saktan ang damdamin ninuman. Atubili akong banggitin ang isang bagay, ngunit palagay ko’y dapat itong sabihin. Kung minsan nagtatanim tayo ng mga sama ng loob sa nakasakit sa atin kahit matagal nang nangyari. Masyado nating iniisip ang mga bagay na nangyari na at hindi na mababago pa. Nahihirapan tayong lumimot at hayaang lumipas ang sakit. Kung, sa paglipas ng panahon, mapatawad natin ang nagdulot sa atin ng sakit, masusumpungan natin ang “ginhawang nagbibigay-buhay” sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at sa matamis na kapayapaang dulot ng pagpapatawad.4 May ilang kapinsalaang napakasakit at malalim kaya’t gumagaling lang ito sa tulong ng isang kapangyarihan at pag-asa sa ganap na katarungan at pagpapanauli sa kabilang buhay. Mga kapatid, makasusumpong kayo ng mas higit na kapangyarihan at makatatanggap ng malaking ginahawa at matamis na kapayapaan.

Nag-aalala ako na kayong mga kapatid ay hindi natatanto ang lawak ng impluwensya ng inyong kabutihan sa inyong pamilya, sa Simbahan, at sa lipunan. Hindi matatawaran at hindi mailalarawan ang mabuting impluwensya ninyo. Sinabi ni Pangulong Brigham Young: “Ang mga kapatid sa ating mga Relief Society ay malaking buti na ang nagawa. Masasabi ba ninyo ang malaking kabutihang nagagawa ng mga ina at anak na babae ng Israel? Hindi, imposible. At susundan sila ng kabutihang gagawin nila sa kawalang-hanggan.”5 Talagang naniniwala ako na kayo ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa marami ninyong tungkulin, lalo na sa pagiging ina.

Sa gawain ng kaharian, parehong mahalaga ang lalaki’t babae. Ipinagkatiwala ng Diyos sa kababaihan ang pagsilang at pag-aruga sa Kanyang mga anak. Walang ibang gawaing mas mahalaga rito. Napakahalaga sa kababaihan ang papel ng isang ina. Dumaloy sa buhay ko at sa aking pamilya ang mga sagradong pagpapala at mabuting impluwensya ng aking asawa, ng kanyang ina, ng sarili kong ina, mga lola, mga mahal kong anak, at mga apong babae. Hindi ko kayang sabihin kung gaano ko pinahahalagahan ang natatanging ugnayan ko sa bawat babae sa buhay ko. Totoo ito lalo na sa aking kabiyak sa kawalang-hanggan, si Ruth.

Nais naming malaman ninyo, mga dalagang kapatid, na mahal na mahal namin kayo. Maaari kayong maging mabibisang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang tumulong na maisagawa ang dakilang gawaing ito. Kayo’y mahalaga at kailangan. Ang ibang babae, kahit may asawa, ay maaaring hindi magkaanak. Sa mga nasa kalagayang ito, malaman sana ninyo na mahal kayo ng Panginoon at hindi kayo kinakalimutan. May magagawa kayo para sa iba na wala nang ibang makakagawa. May magagawa kayo para sa anak ng ibang babe na hindi niya kayang gawin. Naniniwala ako na gagantimpalaan sa buhay na ito at sa kabilang buhay ang mga kapatid na nasa ganoong kalagayan. Darating sa inyo ang mga pagpapala at nakaaaliw na kapayapaang ito kung mamahalin ninyo ang Diyos “ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”6 Lubos pa rin kayong magtatagumpay sa anumang ginagawa ninyo bilang mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.

Malaki ang epekto ng mga babae sa nangyayari sa mundo sa kabutihan man ito o hindi. Kahit paano, kontrolado ng mga maybahay at ina ang mga pagpapalang dumarating sa kanilang tahanan. Kapag sinuportahan ninyo ang inyong asawa sa mga katungkulan niya sa priesthood at hinikayat ang inyong mga anak na lalaki sa mga aktibidad nila sa priesthood, pagpapalain nang sagana ang inyong tahanan. Dapat din ninyong himukin ang inyong mga anak na tulungan ang ibang nangangailangan. Napagpala ang aming tahanan dahil sa pakikibahagi ng aking maybahay sa Relief Society sa buong panahon ng aming pagsasama. Ilang taon din siyang naglingkod bilang pangulo ng Relief Society kapwa sa ward at sa stake. Sa pagganap niya sa kanyang tungkulin at pagdalo sa mga miting, pinagpala ang aming tahanan sa matamis na diwa ng kanyang paglilingkod na dinadala niya sa aming tahanan.

Kayo ay mga miyembro, tulad ng narinig natin ngayon, ng pinakadakilang samahan ng kababaihan sa mundo. At tulad ng kasasabi pa lang sa atin ni Pangulong Hinckley sa video, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na: “Ang Samahang ito ay tuturuan ayon sa kaayusang itinakda ng Diyos—sa pamamagitan ng mga inatasang mamuno—at isinasalin ko ngayon sa inyo ang susi sa ngalan ng Diyos, at ang Samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito—ito ang simula ng mas magagandang araw sa Samahang ito.”7 Mas marami pang oportunidad ang dumating sa kababaihan mula nang isalin ni Propetang Joseph Smith ang susi para sa kanila kaysa mula nang magsimula ang sangkatauhan sa mundo.8

Sa simula pa, ang kababaihan ng Simbahan ay mga kasangkapan na sa mga kamay ng Diyos. Noong itinatayo ang templo sa Kirtland sinuportahan ng kababaihan ang mga manggagawa, tulad ng iniulat ni Heber C. Kimball:

“Ang ating kababaihan ay nag-ikid at nag-knitting upang madamitan ang mga gumagawa sa gusali, at Panginoon lamang ang tanging nakaaalam sa mga kalagayan ng karalitaan, pagdurusa, at pagkabalisa na naranasan namin upang maisagawa ito. Buong tag-araw na nagtrabaho ang asawa ko sa pagtulong sa katuparan nito. May sandaang libra siya ng lana, at sa tulong ng isang batang babae, inikid niya ito para maigawa ng damit ang mga nagtatayo ng Templo, at kahit puwede niyang itabi ang kalahati ng lana para sa sarili niya, bilang kabayaran sa pagod niya, hindi siya nagtira ni kapiraso para makagawa man lang ng medyas para sa kanya; kundi ibinigay ito sa mga nagtatrabaho sa bahay ng Panginoon. Nag-ikid siya at naghabi at nagbuo ng tela, at tinabas ito at ginawang damit, at ibinigay ito sa kalalakihang nagtatrabaho sa Templo; halos lahat ng kababaihan sa Kirtland ay nag-knitting, nanahi, nag-ikid, atbp. para isulong ang gawain ng Panginoon.”9

Sang-ayon kay Polly Angell, asawa ng arkitekto ng Simbahan, sinabi daw ng Propeta sa kanila: “Mga kapatid, nariyan kayong lagi. Ang kababaihan ang laging nangunguna at pinakauna sa lahat ng mabubuting gawa. Si Maria [ang] una sa [puntod na nakakita sa nagbangong Panginoon]; at ang kababaihan naman ngayon ang unang nakapagtrabaho sa loob ng templo.”10

Kayong mga kapatid ay may mga banal na katangian ng katalasan ng pakiramdam at pagmamahal sa magaganda at nakasisiglang mga bagay. Ito ang mga kaloob na gamit ninyo na mas nagpapasaya sa buhay namin. Madalas kapag naghahanda at nagbibigay kayo ng leksyon naglalagay kayo ng magandang sapin at bulaklak sa mesa—isang pagpapakita na likas kayong maalaga at masinop. Kabaligtaran naman nito, kapag lalaki ang nagbibigay ng leksyon, ni hindi nila dinedekorasyunan ang mesa ng kahit man lang lantang bulaklak! Paminsan-minsan naman, masyado kayong mahigpit sa sarili ninyo. Akala ninyo kapag hindi maganda ang handog ninyo, hindi ito katanggap-tanggap. Gayunman, sinasabi ko sa inyo na kung nagawa na ninyo ang pinakamainam, na karaniwan ninyong ginagawa, ang abang handog ninyo, anuman ito, ay magiging katanggap-tanggap at kalulugdan ng Panginoon.

Sa mga panahong ito, maraming buti ang nagagawa ng mga visiting teacher. Labindalawang taon na ang nakalilipas tinawag na visiting teacher ni Dora si Suzy. Isang biyudang walang anak, mahirap lapitan si Dora at ayaw makihalubilo sa iba. Nang unang bisitahin ni Suzy si Dora, sinalubong siya nito sa pintuan pero hindi pinapasok. Lumipas ang ilang buwan, dinalhan ni Suzy ng pasalubong si Dora, pero sabi ni Dora, hindi niya matatanggap iyon. Nang itanong ni Suzy kung bakit, sagot niya, “Kasi hahanapan mo ako ng kapalit.” Tiniyak sa kanya ni Suzy na, “Gusto lang kitang maging kaibigan.” Pagkatapos noon, dumali na ang pagbisita. Unti-unting nakahanap si Suzy ng magagawa para kay Dora at nakikinig siya kung kailangan. Ikinukuwento rin niya rito ang mababait na tao sa ward, ang mga leksyon, at kumperensya, kaya nadarama nitong kabilang siya sa ward. Nang magkasakit si Dora, araw-araw nang bumisita si Suzy, at naging matalik silang magkaibigan. Nang mamatay si Dora, pinarangalan ni Suzy ang babaeng itinuring ng iba na “mahirap lapitan” bilang isang “pambihirang babae” at “mahal na kaibigan.”11 Nakilala niya si Dora tulad ng iilang tao dahil sa paglilingkod niya bilang visiting teacher.

Ang Relief Society ay kapatiran at lugar kung saan tinuturuan ang kababaihan na patatagin ang kanilang pananampalataya at gumawa ng mabuti. Tulad ng madalas sabihin ni Pangulong Hinckley, kailangan nating lahat ng kaibigan. Napupuspos tayo ng saya at pagmamahal sa pagkakaibigan. Hindi lang ito para sa bata o matanda, mayaman o mahirap, sa di-kilala o tanyag. Anuman ang ating kalagayan kailangan nating lahat ng taong makikinig sa atin nang may pag-unawa, tatapikin tayo sa likod kapag kailangan nating sumigla, at hihikayatin tayong gumawa ng mas mainam at maging mas mabuti. Layon ng Relief Society na maging isang pangkat ng pagkakaibigan, puno ng mga pusong maunawain na naghihikayat ng pagmamahal at tagumpay dahil, higit sa lahat, ito ay kapatiran.

Ang miting na ito ng Relief Society ay nakabrodkast sa maraming bansa sa buong mundo. Masayang isipin na nagtitipon ang kababaihan sa iba’t ibang dako upang makibahagi sa mensaheng ito na pinakikinggan natin at magkakasama-sama tayo bilang magkakaibigan. Isang kapatid mula sa Ethiopia ang dumalo sa gayong pagtitipon sa Fredericksburg, Virginia, at nagsabing, “Naupo kami bilang magkakaibigan, mga ina at anak, ngunit magkakapatid na nang magtayuan.”12

Sumulat ang isang misyonerang naglilingkod sa Thailand tungkol sa pagsama niya sa pakikinig sa mga kababaihan sa Bangkok sa brodkast noong isang taon. Sabi niya, “Napalakas ako ng maliit na grupong ito ng kababaihang Thai, na ginagawa ang lahat para masunod ang payo ng kababaihan sa Salt Lake na di pa nila nakakadaup-palad kahit kailan.”13 Nakamamanghang madama ang bigkis ng kapatiran na tumatawid ng mga karagatan at mga ilog sa maraming bansa habang sama-sama tayong dumadalo sa miting na ito! Tunay ngang isinalin ni Propetang Joseph Smith ang susi nang pulungin niya ang maliit na samahang iyon ng kababaihan sa Nauvoo upang itatag ang Relief Society noong 1842!”

At ngayon, bilang pangwakas, may ilan akong gustong sabihin sa inyong nakababatang mga kapatid. Mahalaga ang inyong papel sa dakilang kapatirang ito. Karamihan sa inyo ay biniyayaan ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa patotoong iyan, at sa lakas, impluwensya, at katalinuhan ninyo sa edad na iyan, matatanggap ninyo ang mga pagpapalang dumarating sa pagtupad sa responsibilidad na “maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.”

Kailan lang ay isang kabataang babae ang nagbahagi ng damdamin niya tungkol sa Relief Society. Sabi niya lumaki siya sa isang ward kung saan inalagaan siya nang husto ng kababaihan, kahit noong nasa Young Women pa lang siya, kaya nang lumipat na siya sa Relief Society, tuwang-tuwa siya at gayundin sila. Napansin niya ang “iba’t ibang personalidad, hilig, pinagmulan at edad sa Relief Society na iyon,” at nasambit niya, “Ako ngayon … ay may grupo na ng mga kaibigang iba’t iba ang edad—mula tinedyer hanggang mga lola-sa-tuhod at lahat ng edad sa pagitan niyon.”14

Maganda ang kinabukasang naghihintay sa inyo, mga kabataan. Maaaring hindi ito ayon sa plano ninyo, pero magiging kasiya-siya ito at malaking buti ang magagawa. Kapwa oportunidad at pagpapala ang makasama ninyong mga kadalagahan ang nasa mga kapatid na husto nang pag-iisip, mayaman sa karanasan, at mababait.

Malinaw itong ipinarating ng pinakamamahal na asawa ni Pangulong Hinckley, si Marjorie Pay Hinckley, nang sabihin niyang: “Lahat tayo’y kabilang dito. Kailangan natin ang isa’t isa. O, kailangan natin ang bawat isa. Kailangan naming matatanda kayong mga bata. At, [sana], kailangan ninyong mga bata pa ang ilan sa amin na matatanda na. Isang katotohanan sa lipunan na kailangan ng kababaihan ang kapwa kababaihan. Kailangan natin ang nakasisiya at tapat na pagkakaibigan ng bawat isa. Kailangan ang pagkakaibigang ito para mapagkunan ng lakas. Kailangan nating palakasin ang ating pananampalataya araw-araw. Kailangan tayong magkapit-bisig at tumulong sa pagtatayo ng kaharian upang lumaganap ito at mapuno nito ang buong mundo.”15

Mahal kong mga kapatid, pinakamamahal naming mga kapwa manggagawa sa kaharian, na ang mga pangalan ay nakatala sa aklat ng buhay ng Cordero,16 nawa’y patuloy kayong sumulong. Sumulong nang may pananampalataya at kapakumbabaan. Huwag kayong magpaimpluwensya kay Satanas o sa alinmang mapang-akit niyang kasamaan. Huwag bigyan ng oportunidad ang kaaway17 ni tulutan siyang maliitin ang inyong kakaibang pagdamdam sa Espiritu ng Panginoon na bigay ng Diyos. Nawa’y gabayan kayong lagi ng Espiritung iyon na madama ang kabanalan sa bawat iniisip at ginagawa ninyo sa pagtulong ninyo sa iba nang may pagmamahal at awa, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Apocalipsis 21:27.

  2. Alma 26:3.

  3. “The Women of God,” Ensign, Mayo 1978, 10.

  4. Tingnan sa “My Journey to Forgiving,” Ensign, Peb. 1997, 43.

  5. Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe (1954), 216.

  6. Lucas 10:27.

  7. Relief Society Minutes, Abr. 28, 1842, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 40.

  8. Tingnan sa George Albert Smith, “Address to Members of the Relief Society,” Relief Society Magazine, Dis. 1945, 717.

  9. “History of Joseph Smith,” Times and Seasons, Abr. 15, 1845, 867.

  10. Sinipi sa Edward W. Tullidge, Women of Mormondom (1877), 76.

  11. Liham na pag-aari ng tanggapan ng Relief Society.

  12. Liham na pag-aari ng tanggapan ng Relief Society.

  13. Liham na pag-aari ng tanggapan ng Relief Society.

  14. Liham na pag-aari ng tanggapan ng Relief Society.

  15. Sa Virginia H. Pearce, ed., Glimpses into the Life and Heart of Marjorie Pay Hinckley (1999), 254–55.

  16. Tingnan sa Mga Taga Filipos 4:3.

  17. Tingnan sa 1 Kay Timoteo 5:14.