Pagiging Misyonero
Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang mensahe ng Panunumbalik… . Ang gawaing misyonero ay pagpapamalas ng ating espirituwal na identidad at pamana.
Lahat tayo na nakatanggap ng banal na priesthood ay may sagradong tungkulin na pagpalain ang mga bansa at pamilya ng mundo sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo at pag-imbita sa lahat na tanggapin sa pamamagitan ng wastong awtoridad ang mga ordenansa ng kaligtasan. Marami na sa atin ang naging full-time na misyonero, ang ilan ay kasalukuyang full-time na mga misyonero, at lahat tayo ay naglilingkod at patuloy na maglilingkod habambuhay bilang mga misyonero. Araw-araw tayo’y mga misyonero sa ating mga pamilya, paaralan, ating pinagtatrabahuhan, at ating komunidad. Kahit ano pa ang ating edad, karanasan, o katayuan sa buhay, tayong lahat ay mga misyonero.
Ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi isang aktibidad na paminsan-minsan at pansamantala lang nating gagawin. At ang mga pagsisikap natin bilang mga misyonero ay tiyak na hindi lamang nakaukol sa maikling panahon na inilalaan sa full-time na misyon sa ating kabataan o sa ating katandaan. Sa halip, ang obligasyong ipangaral ang ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay kaakibat ng sumpa at tipan ng priesthood na ating ginawa. Ang gawaing misyonero ay responsibilidad talaga ng priesthood, at lahat tayong maytaglay ng priesthood ang awtorisadong mga lingkod ng Panginoon sa lupa at mga misyonero sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar—at palagi tayong gayon sa tuwina. Ang atin mismong identidad bilang mga maytaglay ng priesthood at binhi ni Abraham ay malinaw na pahiwatig ng responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo.
Ang mensahe ko ngayong gabi ay angkop sa tungkulin nating lahat sa priesthood na ipangaral ang ebanghelyo. Ang talagang pakay ko sa miting na ito ng priesthood, gayunman, ay magsalita nang tuwiran sa mga kabataang lalaki ng Simbahan na naghahanda sa tawag na maglingkod bilang mga misyonero. Ang mga alituntuning tatalakayin ko sa inyo ay kapwa simple at mahalaga sa espirituwal, at dapat maging dahilan ito upang tayo’y magnilay-nilay, magsuri, at humusay pa lalo. Dalangin kong mapasaatin ang Espiritu Santo habang magkasama nating iniisip ang mahalagang paksang ito.
Ang Madalas Itanong
Sa pakikipagmiting sa mga kabataang miyembro ng Simbahan sa buong mundo, madalas kong imbitahan ang mga dumadalo na magtanong. Ang isang madalas itanong sa akin ng mga kabataang lalaki ay ito: “Ano po ang magagawa ko para makapaghandang mabuti na maglingkod bilang full-time na misyonero?” Ang gayon kataimtim na tanong ay kailangan ng taimtim na sagot.
Mahal kong mga batang kapatid, ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na maglingkod ay ang maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon. Sana’y pansinin ninyo na sa sagot ko’y mas binigyan ko ng diin ang pagiging kaysa pagpunta. Hayaan ninyong ipaliwanag ko ang gusto kong sabihin.
Sa nakaugalian na nating bokabularyo sa Simbahan, madalas nating banggitin ang pagpunta sa simbahan, pagpunta sa templo, at pagpunta sa misyon. Tahasan kong sasabihin na sa paulit-ulit nating pagbibigay-diin sa pagpunta ay hindi natin natutumbok ang talagang punto nito.
Hindi pagpunta sa Simbahan ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagsamba at pagpapanibago ng mga tipan habang nasa simbahan tayo. Hindi ang pagpasok sa templo ang isyu; sa halip ang isyu ay ang pagsasapuso natin ng diwa, ng mga tipan, at ordenansa ng bahay ng Panginoon. Hindi ang pagpunta sa misyon ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagiging misyonero at paglilingkod natin habambuhay nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas. Posibleng makapunta sa misyon ang isang kabataang lalaki at hindi naman maging misyonero, at hindi ito ang iniuutos ng Panginoon o kailangan ng Simbahan.
Taimtim kong inaasam sa bawat isa sa inyong mga kabataang lalaki na hindi lamang kayo magpunta sa misyon—kundi maging misyonero kayo bago pa ninyo ipadala ang inyong mga papeles sa misyon, bago pa ninyo matanggap ang tawag na maglingkod, bago pa kayo italaga ng inyong stake president, at bago pa kayo pumasok sa MTC.
Ang Alituntunin ng Pagkakaroon ng Kahihinatnan
Itinurong mabuti sa atin ni Elder Dallin H. Oaks ang hamon na magkaroon ng kahihinatnan sa halip na gawin lamang ang bagay na inaasahan o gawin ang ilang partikular na hakbang:
“Itinuro ni Apostol Pablo na ang mga turo at guro ng Panginoon ay ibinigay para makamtan nating lahat ‘ang sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo’ (Efe. 4:13). Hindi lamang pagtatamo ng kaalaman ang hinihingi ng prosesong ito. Ni hindi nga sapat lang na makumbinsi tayo sa ebanghelyo; kailangang kumilos at mag-isip tayo nang sa gayon mapabalik-loob tayo nito. Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig na nagtuturo sa atin na malaman ang isang bagay, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay humahamon sa atin na magkaroon ng kahihinatnan… .
“… Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at mga tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko upang makatanggap ng gantimpala sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin” (Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan, Elder Dallin H. Oaks, Liahona, Enero 2001, 40).
Mga kapatid, ang hamon na magkaroon ng kahihinatnan ay angkop at akmang-akma sa paghahanda sa misyon. Malinaw na sa proseso ng pagiging misyonero ay hindi kailangang magsuot araw-araw ng puting polo at kurbata ang isang batang lalaki sa paaralan, o sundin ang patakaran ng mga misyonero sa pagtulog at paggising, bagamat susuportahan ng karamihan sa mga magulang ang ganyang ideya. Subalit madaragdagan ninyo ang inyong hangarin na maglingkod sa Diyos (tingnan sa D at T 4:3), at maaari kayong magsimulang mag-isip na tulad ng mga misyonero, basahin ang binabasa ng mga misyonero, manalangin tulad ng mga misyonero, at madama ang nadarama ng mga misyonero. Maiiwasan ninyo ang mga makamundong impluwensya na dahilan ng paglayo ng Espiritu Santo, at madaragdagan ang inyong pagtitiwala sa pagkilala at pagtugon sa mga espirituwal na paramdam. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, unti-unti kayong magiging ang misyonerong pinapangarap ninyo at misyonerong inaasahan ng Tagapagligtas.
Hindi biglaan o parang madyik kayong magiging isang handa at masunuring misyonero sa araw na pumasok kayo sa pintuan ng Missionary Training Center. Kung ano kayo noong mga araw at buwan at taon na nagdaan bago kayo naglingkod bilang misyonero ay ganoon pa rin kayo pagpunta ninyo sa MTC. Sa katunayan, ang uri ng pagbabagong pagdaraanan ninyo sa MTC ang makapagsasabi talaga ng naging pag-unlad ninyo sa pagiging misyonero.
Pagpasok ninyo sa MTC, tiyak na mangungulila kayo sa inyong pamilya, at mababago at mapupuno ng hamon ang maraming aspeto ng inyong iskedyul sa araw-araw. Ngunit para sa isang kabataang lalaki na naghahandang mabuti para maging misyonero, ang pakikibagay sa kahigpitan ng gawaing misyonero at uri ng pamumuhay ay hindi napakalaki, napakabigat, o sapilitan. Kung kaya ang pangunahing elemento sa pagtataas ng pamantayan ay kinabibilangan ng pagsisikap na maging misyonero bago pa man magmisyon.
Mga ama, nauunawaan ba ninyo ang inyong papel sa pagtulong sa inyong anak na maging misyonero bago pa siya magmisyon? Malaki ang papel ninyong mag-asawa sa pagiging misyonero niya. Mga lider ng priesthood at auxiliary, alam ba ninyong tungkulin ninyong alalayan ang mga magulang at tulungan ang bawat kabataang lalaki na maging misyonero bago siya magmisyon? Itinaas din ang pamantayan para sa mga magulang at sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Ang mapanalanging pagninilay sa alituntunin na magkaroon ng kahihinatnan ay hihikayat ng inspirasyong aangkop sa partikular na mga pangangailangan ng inyong anak o ng kabataang lalaki na inyong pinaglilingkuran.
Ang paghahandang tinutukoy ko ay hindi lamang tungkol sa paglilingkod ninyo bilang misyonero na 19 o 20 o 21 taong gulang. Mga kapatid, naghahanda kayo para sa habambuhay na gawaing misyonero. Bilang mga maytaglay ng priesthood tayo’y mga misyonero palagi. Kung talagang sumusulong kayo sa proseso ng pagiging misyonero, kapwa bago magmisyon at kapag nasa misyon na, kapag dumating ang araw ng inyong honorable release o marangal na pagtatapos bilang full-time na misyonero, lilisanin ninyo ang larangan ng paggawa at babalik sa inyong pamilya—ngunit hindi kayo titigil sa paglilingkod bilang misyonero. Ang isang maytaglay ng priesthood ay misyonero sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ang misyonero ay kung sino at ano tayo bilang mga maytaglay ng priesthood at bilang binhi ni Abraham.
Ang Binhi ni Abraham
Ang mga tagapagmana ng lahat ng mga pangako at tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham ay tinatawag na ang binhi ni Abraham (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Binhi ni Abraham,” 29). Ang mga pagpapalang ito ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Mga kapatid, ang proseso ng pagiging misyonero ay direktang may kinalaman sa pagkaunawa kung sino tayo bilang binhi ni Abraham.
Si Abraham ay dakilang propeta noon na naghangad ng kabutihan at naging masunurin sa lahat ng mga kautusang natanggap niya mula sa Diyos, pati na ang utos na ialay bilang hain ang kanyang mahal na anak na si Isaac. Dahil sa kanyang katatagan at pagiging masunurin, si Abraham ay madalas banggitin bilang ama ng matatapat, at ang Ama sa Langit ay nakipagtipan at nangako ng malalaking pagpapala kay Abraham at sa kanyang mga inapo:
“Sapagka’t ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak:
“Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin ng langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway;
“At pagpapalain ng iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig (Genesis 22:16–18).
Dahil dito, pinangakuan si Abraham ng malaking angkan at ang mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng angkang iyon.
Paano pinagpala ang mga bansa ng mundo sa pamamagitan ng binhi ni Abraham? Ang sagot sa mahalagang tanong na ito ay matatagpuan sa Aklat ni Abraham:
“At gagawin ko mula sa iyo [Abraham] ang isang dakilang bansa, at ikaw ay pagpapalain ko nang hindi masusukat, at padadakilain ang iyong pangalan sa lahat ng bansa, at ikaw ay magiging isang pagpapala sa iyong mga binhi na susunod sa iyo, na sa kanilang mga kamay ay dadalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa;
“At aking pagpapalain sila sa pamamagitan ng iyong pangalan; sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama” (Abraham 2:9–10).
Nalaman natin sa mga talatang ito na kakamtin ng matatapat na tagapagmana ni Abraham ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang awtoridad ng priesthood. Kung kaya, ang katagang “dalhin ang ministeryo at Priesthood na ito sa lahat ng bansa” ay nakapatungkol sa responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo at imbitahin ang lahat na tanggapin sa pamamagitan ng angkop na awtoridad ng priesthood ang mga ordenansa ng kaligtasan. Tunay na malaki ang responsibilidad na nakaatang sa binhi ni Abraham sa mga huling araw na ito.
Paanong angkop sa atin ngayon ang mga pangako at pagpapalang ito? Sa pamamagitan man ng lahi o pagkaampon, bawat lalaki at batang lalaki na nakaririnig sa aking tinig ngayong gabi ay karapat-dapat na tagapagmana sa mga pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham. Tayo ang mga binhi ni Abraham. Ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtanggap natin ng patriarchal blessing ay para tulungan tayong mas lubusang maunawaan kung sino tayo bilang inapo ni Abraham at matanto ang ating responsibilidad.
Mga kapatid, kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat pagpalain ang lahat ng tao sa lahat ng bansa sa mundo. Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang mensahe ng Panunumbalik. Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat imbitahin ang lahat na tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan. Ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi pansamantalang obligasyon ng priesthood. Hindi lang ito basta isang aktibidad na panandalian lang nating sinasalihan o asaynment na kailangan nating kumpletuhin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa halip, ang gawaing misyonero ay pagpapamalas ng ating espirituwal na identidad at pamana. Tayo’y inordena noon pa sa buhay bago ang buhay sa lupa at isinilang sa mortalidad para tuparin ang tipan at pangako ng Diyos na ginawa kay Abraham. Narito tayo ngayon sa lupa para gampanang mabuti ang ating tungkulin sa priesthood at ipangaral ang ebanghelyo. Iyan tayo, at iyan ang dahilan kung bakit narito tayo—ngayon at sa tuwina.
Maaaring nasisiyahan kayo sa musika, palakasan, o mahilig magmekaniko, at balang-araw maaaring makapagtrabaho kayo sa isang negosyo o magamit ang inyong propesyon o sa sining. Kahit gaano pa kahalaga ang gayong mga gawain o trabaho, hindi nito inilalarawan kung sino tayo. Una sa lahat, tayo’y mga espirituwal na nilalang. Tayo’y mga anak ng Diyos at binhi ni Abraham:
“Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.
“Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos” (D at T 84:33–34).
Mahal kong mga kapatid, napakarami ng ibinigay sa atin, at napakalaki ng inaasahan sa atin. Nawa’y mas lubusang maunawaan ninyong mga kabataang lalaki kung sino kayo bilang binhi ni Abraham at maging mga misyonero bago pa man kayo magmisyon. Kapag nakauwi na kayo sa inyong mga tahanan at pamilya, nawa kayong mga nakauwing misyonero ay patuloy na maging mga misyonero. At nawa lahat tayo’y magbangon bilang mga kalalakihan ng Diyos at pagpalain ang mga bansa ng mundo nang may higit na patotoo at espirituwal na kapangyarihan kaysa taglay natin noon.
Saksi ako na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam kong buhay Siya! At saksi ako na tayo, bilang mga maytaglay ng priesthood, ay Kanyang mga kinatawan sa maluwalhating gawain ng pangangaral ng Kanyang ebanghelyo, ngayon at sa tuwina. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.