Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot
Ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, patotoo at pananatili sa pagbabalik-loob ay humahantong sa kapangyarihang magpagaling ng Panginoon.
Pinakamamahal kong mga kapatid, ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pagbati sa inyong lahat. Sa ngalan ng mga Kapatid, pinasasalamatan ko ang inyong kabutihan, ang maraming bukas-palad ninyong kabaitan, ang inyong mga dalangin at nagpapalakas na impluwensya sa aming buhay. Magkatulad ang ating mga hamon. Lahat tayo’y daranas ng lungkot at pagdurusa, sakit at kamatayan. Sa lahat ng panahon, may problema man o wala, inaasahan ng Panginoon ang bawat isa sa atin na magtiis hanggang wakas. Sa pagsulong nating lahat sa Kanyang sagradong gawain, natatanto ng mga Kapatid ang kahalagahan ng inyong pag-aalala at malasakit sa amin, na napakagiliw ninyong iniaalay at buong pasasalamat naming tinatanggap. Mahal namin kayo at ipinagdarasal, tulad ng pagdarasal ninyo para sa amin.
Ipinahahayag ko ang espesyal na pasasalamat sa Panginoong Jesucristo. Nagpapasalamat ako sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at bukas na paanyayang lumapit sa Kanya.1 Ako’y nanggigilalas sa Kanyang walang kapantay na kapangyarihang magpagaling. Pinatototohanan ko si Jesucristo bilang Dalubhasang Manggagamot. Isa lang ito sa maraming katangiang naglalarawan ng Kanyang walang-katulad na buhay.
Si Jesus ang Cristo, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, ang Maylikha, ang dakilang Jehova, ang ipinangakong Emmanuel, ang nagbayad-salang Tagapagligtas at Manunubos natin, ang Tagapamagitan natin sa Ama, ang dakila nating Huwaran. At balang araw titindig tayo sa Kanyang harapan bilang matwid at maawain nating Hukom.2
Mga Himala ng Pagpapagaling
Bilang Dalubhasang Manggagamot, inutusan ni Jesus ang Kanyang mga kaibigan na “magsiparoon … at sabihin … ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, [at] ang mga patay ay ibinabangon.”3
Ang mga aklat nina Mateo,4 Marcos,5 Lucas,6 at Juan7 ay paulit-ulit na iniulat na si Jesus ay naglibot at ipinangaral ang ebanghelyo at pinagaling ang lahat ng uri ng karamdaman.
Nang magpakita ang nagbangong Manunubos sa mga tao ng sinaunang Amerika, buong habag Niyang inanyayahan ang mga “nahihirapan sa anumang dahilan”8 na lumapit sa kanya at mapagaling.
Kamangha-mangha, ang Kanyang banal na awtoridad na pagalingin ang maysakit ay iginawad sa mga karapat-dapat na maytaglay ng priesthood sa mga naunang dispensasyon9 at muli sa mga huling araw na ito, nang ipanumbalik ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo.10
Impluwensya ng Panalangin sa Pagpapagaling
Magagamit din natin ang kapangyarihan Niyang magpagaling sa pamamagitan ng panalangin. Hinding-hindi ko malilimot ang naranasan namin ni Sister Nelson tatlong siglo na ang nakararaan kasama sina Pangulong Spencer W. Kimball at ang pinakamamahal niyang si Camilla. Nasa Hamilton, New Zealand kami para sa isang malaking kumperensya kasama ang mga Banal. Hindi pa ako General Authority noon. Naanyayahan akong makibahagi rito at sa ganitong mga pulong sa iba pang mga Pulo ng Pasipiko habang naglilingkod bilang pangkalahatang pangulo ng Sunday School. At bilang isang doktor, maraming taon kong inalagaan sina Pangulo at Sister Kimball. Kilalang-kilala ko silang dalawa—loob at labas.
Naghanda ng programang pangkultura sa Sabado ng gabi ang mga kabataan ng Simbahan doon para sa kumperensyang ito. Sa kasamaang- palad, kapwa nagkasakit sina Pangulo at Sister Kimball, at parehong mataas ang lagnat. Matapos mabasbasan ng priesthood, nagpahinga sila sa kalapit na bahay ng pangulo ng New Zealand Temple. Hiniling ni Pangulong Kimball sa kanyang tagapayo, si Pangulong N. Eldon Tanner, na mangulo sa kaganapang pangkultura at pagpaumanhinan siya at si Sister Kimball.
Sumama si Sister Nelson kina Pangulo at Sister Tanner at iba pang mga lider sa kaganapan, habang binabantayan namin ng sekretaryo ni Pangulong Kimball na si Brother D. Arthur Haycock ang nilalagnat naming mga kaibigan.
Habang tulog si Pangulong Kimball, tahimik akong nagbasa sa kanyang silid. Biglang nagising si Pangulong Kimball. Nagtanong siya, “Brother Nelson, anong oras magsisimula ang programa ngayong gabi?”
“Alas-siyete po, Pangulong Kimball.”
“Anong oras na ba?”
“Mag-aalas-siyete na po,” sagot ko.
Mabilis na sinabi ni Pangulong Kimball, “Sabihin mo kay Sister Kimball pupunta tayo!”
Tiningnan ko ang temperatura ni Pangulong Kimball. Normal ito! Tiningnan ko rin ang temperatura ni Sister Kimball. Normal din ito!
Mabilis silang nagbihis at sumakay sa kotse. Inihatid kami sa istadyum ng Church College of New Zealand. Pagpasok ng kotse sa arena, biglang pumutok ang napakalakas na hiyawan. Talagang pambihira iyon! Pagkaupo namin, tinanong ko si Sister Nelson kung bakit biglang naghiyawan. Sabi niya nang simulan ni Pangulong Tanner ang miting, inihingi niya ng paumanhin sina Pangulo at Sister Kimball dahil maysakit nga. Pagkatapos tinawag ang isang kabataang taga-New Zealand para magdasal.
Malakas ang pananampalatayang nagbigay siya ng sa pagkakalarawan ni Sister Nelson ay may kahabaan ngunit nakaaantig na panalangin. Idinalangin niyang: “Tatlong libo kaming mga kabataan sa New Zealand. Nagtipon kami rito, at naghanda nang anim na buwan para umawit at sumayaw para sa Inyong propeta. Nawa’y pagalingin Ninyo siya at ihatid dito!” Matapos sambitin ang “amen,” pumasok ang kotseng naghatid kina Pangulo at Sister Kimball sa istadyum. Agad silang nakilala, at dagling naghiyawan sa galak ang lahat!11
Nasaksihan ko ang kapangyarihang magpagaling ng Panginoon! Nasaksihan ko rin ang paghahayag ayon sa pagkatanggap at pagtalima ng Kanyang buhay na propeta!
Alam ko na paminsan-minsan, parang hindi sinasagot ang ilan sa pinakataimtim nating mga dalangin. Nagtataka tayo, “Bakit?” Naramdaman ko iyan! Naramdaman ko ang takot at lungkot sa gayong mga sandali. Pero alam ko rin na hinding-hindi binabalewala ang ating mga dalangin. Laging pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa atin. Alam man natin ang ating mga problema at sakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal. Kung ipagdarasal nating malaman ang Kanyang kalooban at magpapasakop ditong taglay ang tiyaga at tapang, magaganap ang pagpapagaling ng langit sa sarili Niyang paraan at panahon.
Mga Hakbang Tungo sa Paggaling
Dumarating ang mga pasakit mula sa espirituwal at pisikal na mga dahilan. Naalala ng Nakababatang Alma na napakasakit ng kanyang kasalanan kaya ninais niyang siya’y “mawasak kapwa kaluluwa at katawan, upang hindi [siya] madalang tumayo sa harapan ng … Diyos, upang hatulan sa [kanyang] mga gawa.”12 Sa gayong mga pagkakataon, paano Niya tayo mapapagaling?
Mas ganap tayong makapagsisisi! Mas ganap tayong makapagbabalik-loob! Sa gayo’y mas lubos tayong mababasbasan ng nagpapagaling na kamay ng “Anak ng Kabutihan.”13
Sa pagsisimula ng Kanyang mortal na ministeryo, ipinahayag ni Jesus na siya ay isinugo “upang magpagaling ng mga bagbag na puso.”14 Saan man Niya sila tinuruan, hindi nagbago ang Kanyang huwaran. Habang binabanggit ko ang mga sinabi Niya sa apat na iba’t ibang pagkakataon at lugar, pansinin ang huwaran.
-
Sa mga tao sa banal na lupain, sinabi ng Panginoon na ang Kanyang mga tao ay dapat na “mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng kanilang mga tainga, at mangakaunawa ng kanilang puso, at muling mangagbalik loob, at sila’y aking paga[ga]lingin.”15
-
Sa mga tao sa sinaunang Amerika, ipinaabot na nabuhay ng mag-uling Panginoon ang paanyayang ito: “[Magbalik] sa akin, … [magsisi] sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo.”16
-
Sa mga lider ng Kanyang Simbahan, itinuro Niya, “Kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila.”17
-
Kalaunan, sa oras ng “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay,”18 tinuruan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith hinggil sa mga pioneer, “Matapos ng kanilang mga tukso, at maraming pagdurusa, masdan, ako, ang Panginoon, ay maaawa sa kanila, at kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin.”19
Mahalaga ang pagkakasunud-sunod ng huwaran Niyang ito. Ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, patotoo, at pananatili sa pagbabalik-loob ay humahantong sa kapangyarihang magpagaling ng Panginoon. Ang binyag ay isang pakikipagtipan—isang tanda ng katapatan at pangako. Nagkakaroon ng patotoo kapag nagpapatunay ang Espiritu Santo sa pinakamasigasig na naghahangad ng katotohanan. Nagpapaibayo ng pananampalataya ang tunay na patotoo; naghihikayat ito ng pagsisisi at pagsunod sa mga utos ng Diyos. Pinatitindi ng patotoo ang kasiglahang maglingkod sa Diyos at kapwa-tao.20 Ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob ay “bumaling sa.”21 Ang pagbabalik-loob ay pagbaling mula sa mga makamundong pamamaraan tungo at pananatili sa mga pamamaraan ng Panginoon. Kasama sa pagbabalik-loob ang pagsisisi at pagsunod. Ang pagbabalik-loob ay naghahatid ng malaking pagbabago ng puso.22 Sa gayon, ang tunay na nagbalik-loob ay “i[pina]nganak na muli,”23 na nagbabago ng buhay.24
Bilang tunay na mga nagbalik-loob, nagaganyak tayong gawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon25 at maging katulad ng gusto Niyang kahinatnan natin.26 Ang pagbabayad sa mga kasalanan, na naghahatid ng kapatawaran ng langit, ay nagpapagaling sa espiritu.
Paano natin malalaman na tunay tayong nagbalik-loob? Masusuri natin ang ating sarili ayon sa nakasaad sa mga banal na kasulatan. Isa rito ang sumusukat sa antas ng pagbabalik-loob na kailangan sa binyag.27 Ang isa pa’y sinusukat ang kahandaan nating paglingkuran ang iba. Sa disipulo Niyang si Pedro, sinabi ng Panginoon, “Ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papatibayin mo ang iyong mga kapatid.”28 Ang kahandaang maglingkod at palakasin ang iba ay nagsisilbing sagisag ng kahandaan ng isang tao na mapagaling.
Kahalagahan ng Kanyang Pagpapagaling
Ipinahayag ni Juan na Pinakamamahal, “Masdan ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!”29 Kaylaking kapangyarihan! Tanging ang Dalubhasang Manggagamot lang ang makapag-aalis ng mga kasalanan ng mundo. Hindi matatawaran ang utang natin sa Kanya.
Tandang-tanda ko pa ang karanasan ko nang magsalita ako sa grupo ng mga misyonero. Matapos ko silang pagtanungin, tumayo ang isang elder. Luhaan ang mga matang itinanong niya, “Bakit kailangang magdusa nang lubos si Cristo?” Pinabuklat ko sa elder ang kanyang aklat ng mga himno at pinabigkas ang mga salita sa “Dakilang Diyos.” Binasa niya:
“Di ko lubos na nauunawaan,
“Na Diyos Ama, Anak N’ya’y nilaan,
Upang sa krus pasanin ko’y akuin,
S’ya’y pumanaw nang tayo’y sagipin.”30
Pagkatapos ay pinabasa ko sa elder na ito ang “Mapitagan at Aba.” Masidhi ang mga salitang ito dahil isinulat ang mga ito ayon sa maaaring sagot ng Panginoon sa mismong tanong na ito:
“Ako ay gunitain;
At ang aking gawain,
Pagbuhos ng aking dugo,
Pawis ng pagdurusa ko,
Sa aking pagkapako
Ikaw ay tinubos ko.
Lubos na nagdusa si Jesus dahil mahal na mahal Niya tayo! Gusto Niya tayong magsisi at magbalik-loob upang ganap Niya tayong mapagaling.
Kapag dumating sa atin ang mga pagsubok,32 panahon na para palakasin ang pananampalataya natin sa Diyos, magsumigasig, at maglingkod sa iba. Pagkatapos ay pagagalingin Niya ang ating mga bagbag na puso. Gagawaran Niya tayo ng personal na kapayapaan33 at aliw.34 Ang mga dakilang handog na iyon ay hindi masisira, maging ng kamatayan.
Pagkabuhay na Mag-Uli—ang Pinakadakilang Pagpapagaling
Ang handog na pagkabuhay na mag-uli ang pinakadakilang pagpapagaling ng Panginoon. Salamat sa kanya, bawat katawan ay maibabalik sa kanyang wasto at ganap na anyo.35 Salamat sa Kanya, may pag-asa ang lahat ng kalagayan. Salamat sa Kanya, maganda ang kinabukasan, ngayon at sa kabilang buhay. Tunay na kaligayahan ang naghihintay sa atin—pagkatapos ng pagdurusang ito.
Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo—ang Dalubhasang Manggagamot—sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.