2005
Pagpapatawad
Nobyembre 2005


Pagpapatawad

Kahit paano ang pagpapatawad, na may pagmamahal at pagpapasensya, ay nagbubunga ng mga himala na di mangyayari sa ibang paraan.

Mga minamahal kong kapatid, nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit na pinahaba Niya ang aking buhay upang maging bahagi ng panahong ito na puno ng pagsubok. Pinasasalamatan ko Siya sa oportunidad na makapaglingkod. Wala na akong hangad pa kundi mapalaganap ang gawain ng Panginoon sa abot ng aking makakaya, na mapaglingkuran ang Kanyang matatapat na tao, at mamuhay na kasundo ang aking mga kapitbahay.

Kamakailan ay naglakbay ako sa buong mundo, sa layong mahigit sa 25,000 milya, at dinalaw ang Alaska, Russia, Korea, Taiwan, Hong Kong, India, Kenya at Nigeria, ang huling lugar kung saan naglaan kami ng bagong templo. Pagkatapos ay inilaan namin ang Newport Beach California Temple. Kagagaling ko lang sa Samoa sa dedikasyon ng isa pang templo, na 10,000 milya ang layo. Hindi ako nasisiyahan sa paglalakbay, pero hangad kong makahalubilo ang ating mga tao para maipaabot ko ang pasasalamat at panghihikayat, at magpatotoo sa kabanalan ng gawain ng Panginoon.

Madalas kong maisip ang isang tulang matagal ko nang nabasa. Ganito ang sabi ng tula:

Sa bahay sa tabi ng daan, hayaang ako’y manirahan,

Nagaganap doo’y paligsahan—

Ng mabubuti at masasama,

Na tulad ko rin naman.

Hindi ako mangungutya,

Ni mang-aalipusta;—

Sa bahay sa tabi ng daan, hayaang ako’y manirahan

At sa tao’y maging kaibigan.

(Sam Walter Foss, “The House By the Side of the Road,” sa James Dalton Morrison, ed., Masterpieces of Religious Verse [1948], 422)

Ganyan ang nadarama ko.

Malaki ang nagagawa ng edad sa tao. Dahil dito’y mas nauunawaan niyang kailangan ang kabaitan at kabutihan at pagtitiis. Hangad at dalangin niya na nawa’y sama-samang mamuhay ang mga tao sa kapayapaan nang walang digmaan at kaguluhan, argumento at awayan. Higit niyang nauunawaan ang kahulugan ng dakilang Pagbabayad-sala ng Manunubos, ang lalim ng Kanyang sakripisyo, at nagpapasalamat sa Anak ng Diyos na nag-alay ng Kanyang buhay upang tayo’y mabuhay.

Hangad kong magsalita ngayon tungkol sa pagpapatawad. Palagay ko ito ang pinakadakilang katangian sa mundo, at totoong kailangang-kailangan. Napakaraming kasamaan at pang-aabuso, di-pagpaparaya at poot. Kailangang-kailangan ang pagsisisi at pagpapatawad. Ito’y dakilang alituntunin na binigyang-diin, sa lahat ng banal na kasulatan kapwa sinauna at makabago.

Sa lahat ng ating sagradong literatura, wala nang gaganda pa sa kuwento ng pagpapatawad sa alibughang anak na matatagpuan sa ika-15 kabanata ng Lucas. Dapat basahin at pagbulay-bulayin ito ng lahat paminsan-minsan.

“At nang magugol na [ng alibughang anak ang] lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa lupaing yaon; at siya’y nagpasimulang mangailangan.

“At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy.

“At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy: at walang taong magbigay sa kaniya.

“Datapuwa’t nang siya’y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito’y namamatay ng gutom!

“Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin,

“Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan.

“At siya’y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa’t samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan.

“At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo” (Lucas 15:14–21).

At ipinag-utos ng ama na magkaroon ng malaking pagdiriwang, at nang magreklamo ang isa niyang anak, sinabi niya sa anak: “Datapuwa’t karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagkat patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan” (t. 32).

Kapag nakagawa ng pagkakamali at may pagsisisi, na sinundan ng pagpapatawad, ibig sabihin ay talagang natagpuan ang nagkasala na naligaw at siya na namatay ay muling nabuhay.

Kahanga-hanga ang mga pagpapala ng awa at pagpapatawad.

Ang Marshall Plan na kasunod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama ang handog na milyun-milyong dolyar, ay nakatulong sa pagbangon ng Europa.

Sa Japan, matapos ang digmaan ding iyon, nakakita ako ng malalaking pabrika ng mga bakal na ang perang pinanggastos sabi sa akin ay mula sa Amerika, na dating kaaway ng Japan. Kayganda ng mundong ito dahil sa pagpapatawad ng isang bukas-palad na bansa alang-alang sa dati niyang mga kaaway.

Sa Sermon sa Bundok, itinuro ng Panginoon:

“Narinig ninyong sinabi, Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.

“At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal.

“At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

“Bigyan mo ang sa iyo’y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo’y nangungutang.

“Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway.

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig” (Mateo 5:38–44).

Mabibigat na salita ang mga ito.

Palagay n’yo ba’y masusunod ninyo ang utos na iyon? Ito ay mga salita mismo ng Panginoon, at palagay ko’y akma ang mga ito sa bawat isa sa atin.

Dinala ng mga eskriba at Fariseo sa harapan ni Jesus ang isang babaeng nagkasala ng pangangalunya nang sa gayo’y mapaglalangan nila Siya.

“Datapuwa’t yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa, [na parang di niya naririnig sila].

“Datapuwa’t nang sila’y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila’y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.

“At muli siyang yumuko, at sumulat sa kaniyang daliri sa lupa.

“At sila, nang ito’y kanilang marinig, [na nakokonsensya] ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, [maging] hanggang sa kahulihulihan; at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna.

“At umunat si Jesus, at sa kaniya’y sinabi, Babae, saan sila nangaroroon? Wala bagang taong humatol sa iyo?

“At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:6–11).

Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa pag-iwan sa siyamnapu’t siyam para hanapin ang nawawalang tupa, upang maganap ang pagpapatawad at pagsasauli.

Inihayag ni Isaias:

“Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan:

“Mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaing bao.

“Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon; bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa” (Isaias 1:16–18).

Ang huling pagpapakita ng dakilang pagmamahal ng Tagapagligtas ay noong mamamatay na Siya, at sinabi Niya, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).

Sa panahon natin ngayon sinabi ng Panginoon sa paghahayag:

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:9–10).

Nagbigay ang Panginoon ng kahanga-hangang pangako. Sabi niya: “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).

Napakarami sa panahon natin ngayon ang ayaw magpatawad at lumimot. Nag-iiyakan ang mga bata at tumatangis ang mga maybahay dahil patuloy pa ring isinusumbat ng mga ama at asawa ang maliliit na pagkakamali na hindi naman mahalaga. At napakaraming kababaihan ang pinalalaki pa ang maliliit na bagay na sinabi o ginawa ng iba.

Kamakailan lang, gumupit ako ng isang artikulo sa Deseret Morning News na isinulat ni Jay Evensen. Sa pahintulot niya ay babanggit ako ng isang bahagi nito. Isinulat niya:

“Ano ang madarama ninyo sa isang tinedyer na naghagis ng 20-libra ng nagyeyelong karne ng pabo mula sa humahagibis na sasakyan patungo sa bintana ng sasakyan na minamaneho ninyo? Ano ang madarama mo matapos pagtiisan ang anim na oras na operasyon gamit ang mga metal na kagamitan at iba pa para maibalik sa dati ang iyong mukha, at nalaman mong titiisin mo pa ang maraming taong gamutan bago maibalik sa dati—at masuwerte ka pa nga at di ka namatay o nagkaroon ng permanenteng pinsala sa utak?

“At ngayon ano ang madarama mo kapag nalaman mong kaya nakabili ng karne ng pabo ang maysala at mga kaibigan nito ay dahil nagnakaw sila ng credit card at walang patumanggang ginastos ito, dahil lamang sa sila’y nagkakatuwaan? …

“Ito ang uri ng nakapangingilabot na kasalanan na naglagay sa mga pulitiko sa kanilang katungkulan sa pangakong parurusahan ang mga nakagawa ng krimen. Ang bagay na ito ang nag-udyok sa mga mambabatas na makipag-unahan sa isa’t isa sa pagpapanukala ng bagong batas na magdaragdag ng kaparusahan sa paggamit ng nagyeyelong karne ng ibon sa paggawa ng krimen.

“Binanggit ng New York Times ang sinabi ng isang district attorney na ito ang uri ng krimen na para sa mga biktima ay walang sapat na kaparusahan. ‘Ni hindi nga sila kuntento sa parusang kamatayan,’ sabi nito.

“Na dahilan kung bakit talagang kakaiba ang tunay na nangyari. Ang biktima, si Victoria Ruvolo, edad 44 na dating manedyer ng isang kompanya sa paniningil, ay mas interesadong iligtas ang buhay ng 19-na-taong gulang na umatake sa kanya, si Ryan Cushing, kaysa humingi ng anumang uri ng paghihiganti. Inabala niya ang mga taga-usig para humingi ng impormasyon tungkol sa kanya, sa buhay niya, paano siya pinalaki, atbp. Tapos iginiit niyang magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng tagausig at ng akusado na aminin ng akusado ang kasalanan para mabawasan ang kaparusahan. Mabibilanggo lang si Cushing nang anim na buwan sa lokal na bilangguan at 5 taong ilalagay sa probation kung aamin siya sa krimeng may mas mababang kaparusahan.

“Kung siya’y mahatulan ng pinakamabigat na kaso ng pagsalakay—ang bintang na pinakaakma sa krimen— siya’y mabibilanggo ng 25 taon, at pagkatapos ay ibabalik sa lipunan na matanda na at walang mga kasanayan o pag-asa.

“Kalahati pa lang ito ng kuwento. Ang natitirang bahagi nito, na naganap sa hukuman, ay talagang kahanga-hanga.

“Ayon sa ulat sa New York Post, dahan-dahan at maingat na lumapit si Cushing sa kinauupuan ni Ruvolo sa korte at luhaang bumulong at humingi ng patawad. ‘Sori po sa nagawa ko sa inyo.’

“At tumayo si Ruvolo, at nagyakap ang biktima at akusado, na umiiyak. Hinaplos niya ang ulo nito at tinapik-tapik ang likod habang umiiyak, at ang mga saksi, kabilang na ang reporter ng Times, ay naulinigan ang sinabi ni Ruvolo, ‘Okay lang. Gusto ko lang na pagbutihin mo ang iyong buhay hangga’t maaari.’ Ayon sa mga pahayag, ang mababagsik na taga-usig, at maging ang mga reporter, ay nagpipigil sa pag-iyak” (“Forgiveness Has Power to Change Future,” Deseret Morning News, Ago. 21, 2005, p. AA3).

Napakagandang kuwento, napakaganda dahil tunay itong nangyari, at naganap ito sa siyudad pa ng New York. Wala kayong ibang madarama kundi paghanga sa babaeng ito na nagpatawad sa binata na muntik nang nakapatay sa kanya.

Alam ko na napakaselan at sensitibo ng bagay na sasabihin ko. May mga pusakal na kriminal na kailangang ikulong. May mga karumal-dumal na krimen, tulad ng sadyang pagpatay at panggagahasa, na makatwiran lamang parusahan nang mabigat. Subalit may ilang taong maaaring mailigtas mula sa mahaba at walang-saysay na taon sa kulungan dahil sa pabigla-bigla at hangal na pagkilos. Kahit paano ang pagpapatawad na may pagmamahal at pagpapasensya, ay nagbubunga ng mga himala na di mangyayari sa ibang paraan.

Ang dakilang Pagbabayad-sala ang sukdulang hakbang ng pagpatawad. Ang kahalagahan ngPagbabayad-salang iyon ay hindi natin kayang arukin nang lubusan. Ang alam ko lang ay nangyari ito, at ito’y para sa akin at sa inyo. Napakatindi ng pagdurusa, sukdulan ang paghihirap, kung kaya wala ni isa man sa atin ang makauunawa dito nang ialay ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili bilang pantubos sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.

Sa pamamagitan Niya tayo’y napapatawad. Sa pamamagitan Niya dumarating ang partikular na pangako na mabibigyan ang lahat ng tao ng mga pagpapala ng kaligtasan, lakip ang pagkabuhay na muli mula sa mga patay. Sa pamamagitan Niya at sa kanyang dakila at napakahalagang sakripisyo kung kaya tayo nabigyan ng pagkakataon, sa pamamagitan ng pagsunod, ng kadakilaan at buhay na walang hanggan.

Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na maging mas mabait, at magpakita ng higit na pagtitiis, maging mapagpatawad, mas handang lumakad ng dalawang milya, magpakita ng awa at tulungan ang mga taong nagkasala ngunit nangagbunga ng karapat-dapat na pagsisisi, kalimutan ang dating hinanakit at huwag na itong palakihin pa. Ito ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa banal na pangalan ng ating Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.