Upang Lahat Tayo’y Makaupo nang Magkakasama sa Langit
Kapag naging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos, ginagamit Niya tayo para gawin ang Kanyang gawain.
Mga kapatid, nakatipon tayo ngayong gabi sa isang pangkalahatang miting ng Relief Society. Napakagaganda ninyo. Habang nagmimiting tayo, hindi maalis sa isip ko ang unang miting na iyon sa Relief Society. Nakikinita kong nagsasalita si Propetang Joseph sa kababaihan at inihahanda sila sa kanilang papel sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Dinig ko ang mga dalangin sa puso ng kababaihan: “Nakipagtipan akong gawin ang Inyong gawain, ngunit tulungan po Ninyo ako ngayon, Panginoon, na maging kasangkapan sa Inyong mga kamay.” Ang dalangin nila ay ating dalangin.
Mortalidad ang panahon para ang bawat isa sa atin ay maging ang kasangkapang iyon.
Gustung-gusto ko ang mensahe ni Sister Lucy Mack Smith, na kahit mahina at iginugupo ng katandaan, ay tumayo para magsalita sa kanyang mga kapatid sa miting noon ng Relief Society sa Nauvoo. Gusto kong alalahanin ninyo, na ang babaeng ito ay naging makapangyarihan—isang magaling na lider. Siya ang uri ng babaeng nakikita ko sa Relief Society ngayon. Pero noong araw na iyon sinabi niya, “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, bantayan ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan upang lahat tayo ay makaupo nang magkakasama sa langit.”1
Ang mga salitang iyo’y patungkol sa pagiging “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos”2 ng kababaihan. Sino ba sa atin ang ayaw na mahalin, bantayan, aliwin, at maturuan sa mga bagay ng Diyos? Paano ito nangyayari? Isang kabaitan, isang pagpapakita ng pagmamahal at pag-aalala, isang pagtulong. Pero ang mensahe ko ay hindi sa mga nakatanggap ng gayong pagpapakita ng pagmamahal kundi sa ating lahat na dapat gumawa ng ganitong kabanalan araw-araw. Para makatulad ni Jesucristo, itinuro ni Propetang Joseph, “maging lalong mapagmahal sa iba.”3
Lahat tayo’y sabik maangkin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, na tinatawag na pag-ibig sa kapwa, pero ang ating pagiging tao—ang “likas na babae” sa atin—ang hadlang sa ating landas. Nagagalit tayo, nabibigo, kinagagalitan ang ating sarili at ang iba—at sa paggawa natin ng gayon, hindi tayo nagiging daluyan ng pagmamahal na dapat sanang mangyari para maging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Ama sa Langit. Ang kahandaang patawarin ang ating sarili at ang iba ay nagiging bahagi ng ating kakayahan na taglayin ang pagmamahal ng Panginoon sa ating buhay at gawin ang Kanyang gawain.
Nang simulan kong ihanda ang mensaheng ito, ginawa ko ang lahat ng alam kong dapat kong gawin: nagpunta ako sa templo, nag-ayuno, binasa ko ang mga banal na kasulatan, nanalangin ako. At sumulat ako ng isang mensahe. Ngunit, mga kapatid, kapag pinili ninyong magsulat tungkol sa pag-ibig ni Cristo, kailangang madama ninyo ito. Pero hindi ko ito madama. Kung kaya, matapos ang maraming panalangin at luha, napag-isip ko na kailangan kong humingi ng patawad sa mga tao na, walang kaalam-alam, sila ang dahilan ng aking di-mapagmahal na kaisipan. Mahirap gawin. Pero naghihilom na ang sugat. At pinatototohanan ko sa inyo na nagbalik ang Espiritu ng Panginoon.
Ang pagkakaroon palagi ng pag-ibig sa kapwa ay gawaing panghabambuhay, at bawat pagpapakita ng pagmamahal ay nagpapabago sa atin at sa mga taong nagkakaloob nito. Hayaang ikuwento ko sa inyo ang tungkol sa isang dalagang nakilala ko kamakailan. Si Alicia, noong tinedyer pa, ay napalayo sa Simbahan, pero sa huli’y nadama niyang dapat siyang bumalik. Madalas niyang bisitahin ang lolo niya sa retirement home tuwing Linggo. Sa isa sa mga araw na iyon ay nagpasiya siyang dumalo sa mga miting ng mga Banal sa mga Huling Araw roon. Binuksan niya ang pinto at naabutan ang Relief Society miting, pero walang bakanteng upuan. Paalis na sana siya nang senyasan siya ng isang babae at umusog para makaupo siya sa tabi nito. Sabi ni Alicia: “Inisip ko kung ano ang iisipin ng babae tungkol sa akin. Puno ako ng butas sa katawan, at amoy sigarilyo. Pero parang balewala lang sa kanya; basta pinaupo lang niya ako sa tabi niya.”
Si Alicia, na napasigla ng pagmamahal ng matandang babaeng ito, ay muling naging aktibo. Nakapagmisyon siya at ngayo’y nagmamahal din nang gayon sa ibang kababaihan. Naunawaan ng matandang babaeng nagpatabi sa kanya sa upuan na may puwang ang lahat ng babae sa Relief Society. Mga kapatid, nagtitipon tayo para mapalakas, pero dala nating lahat ang sarili nating mga kahinaan at kakulangan.
May sinabi sa akin si Alicia na di ko malilimot kailanman. Sabi niya: “Isang bagay lang ang ginagawa ko para sa sarili ko tuwing magsisimba ako: nagsasakrament ako para sa akin. Sa natitirang oras ay minamasdan ko ang mga taong nangangailangan sa akin at sinisikap kong tulungan at palakasin sila.”
Kapag naging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos, ginagamit Niya tayo para gawin ang Kanyang gawain. Gaya ni Alicia, kailangan nating tingnan ang mga nakapaligid sa atin at humanap ng mga paraan para makapangalaga at makatulong tayo. Isipin natin ang mga nasa may pintuan na nakasilip at palapitin sila sa atin—upang lahat tayo’y makaupo nang magkakasama sa langit. Hindi lahat sa ati’y nag-iisip na may puwang pa para sa isang tao sa ating upuan, pero laging makahahanap ng mga upuan kung may puwang sa ating puso.
Noong 1856, ang magkapatid na Julia at Emily Hill, na sumapi sa Simbahan sa England noong tinedyer pa lang sila at itinakwil ng kanilang pamilya ay nagkaroon ng sapat na pera para makapunta sa Amerika at halos abot-kamay na ang kinasasabikang Sion. Tinatawid na nila ang kapatagan ng Amerika kasama ang Willie Handcart Company nang sila at maraming iba pa ay naantala sa daan ng maagang bagyo sa buwan ng Oktubre. Napanaginipan ni Sister Deborah Christensen, apo-sa-tuhod ni Julia Hill, ang nakaaantig na tagpong ito tungkol sa kanila. Sabi niya:
“Nakita ko sina Julia at Emily na nalagay sa kagipitan sa niyebe sa mahanging taluktok ng Rocky Ridge kasama ng Willie Handcart company. Wala silang damit pangginaw. Nakaupo sa niyebe si Julia, na nanginginig. Hindi na niya kaya. Batid ni Emily, na nangingiki rin sa ginaw, na mamamatay si Julia kung hindi niya ito tutulungang tumayo. Nang yakapin ni Emily ang kanyang kapatid para itindig, nagsimulang umiyak si Julia—pero walang tumulong luha, kundi ungol lamang. Dahan-dahan silang nagpunta sa kanilang kariton. Labintatlo ang namatay noong nakakikilabot na gabing iyon. Nakaligtas sina Julia at Emily.”4
Mga kapatid, kung hindi dahil sa isa’t isa, patay na siguro ang mga babaing ito. Bukod pa rito, tinulungan din nilang makaligtas ang iba sa mapanganib na bahaging ito ng paglalakbay, pati na ang isang batang ina at mga anak nito. Si Emily Hill Woodmansee ang kalauna’y sumulat ng magagandang titik sa awiting “Bilang mga Magkakapatid sa Sion.” Ang talatang, “Handog ay ginhawa sa naghihirap”5 ay magkakaroon ng bagong kahulugan kapag inisip ninyo ang kanyang karanasan sa nagyeyelong kapatagan.
Tulad ng magkapatid na Hill, hindi malalampasan ng marami sa atin ang mga pagsubok sa ating buhay kung walang tulong ng iba. At totoo rin: sa pagtulong sa kapwa natin napananatiling masigla ang ating espiritu.
Nadama ni Lucy Mack Smith at ng kababaihan sa Relief Society noon ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang pag-ibig sa kapwa na walang hangganan. Nasa kanila ang mga katotohanan ng ebanghelyo para gabayan ang kanilang buhay; mayroon silang buhay na propeta; mayroon silang Ama sa Langit na nakinig at sumagot sa kanilang mga dalangin. Tayo rin naman, mga kapatid. Sa binyag tinaglay natin ang pangalan ni Jesucristo. Taglay natin sa araw-araw ang pangalang iyon, at ipinadarama sa atin ng Espiritu na mamuhay alinsunod sa mga turo ng Tagapagligtas. Sa paggawa nito, nagiging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos. At iniaangat tayo ng Espiritu sa mas mataas na antas ng kabutihan.
Ang pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ibinigay sa atin bilang isang regalo. Kailangan ng masigasig nating paghahangad sa kaloob na ito hindi lamang ang kahandaan nating tanggapin ito, kundi ang ibahagi rin ito. Sa pagbabahagi natin ng pag-ibig na ito sa iba, tayo’y nagiging “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, upang gawin ang dakilang gawaing ito.”6 Magiging handa tayo at ang ating mga kapatid na umupo sa langit—nang magkakasama.
Pinatototohanan ko ang Tagapagligtas, na Siya ay buhay at mahal Niya tayo. Alam Niya kung ano ang maaari nating marating—sa kabila ng mga kakulangan natin ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.