Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan
Talagang wala tayong mas mahalagang magagawa para sa ating pamilya maliban sa palakasin sila sa mga banal na kasulatan.
Pinakiusapan tayo kamakailan ng mahal nating propeta na basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon. Nang tanggapin ko ang imbitasyong ito, nakatuklas ako ng bago at nakatutuwang mga bagay sa aklat na ito kahit nabasa ko na ito nang maraming beses. Halimbawa, natuklasan ko muli ang 2 Nephi 4:15, na sabi’y, “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon, at isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak.”
Itinuturo sa atin ng banal na kasulatang ito kung paano basahin ang Aklat ni Mormon. Binanggit dito ang tatlong mahahalagang ideya.
Una, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod.” Gustung-gusto ko ang mga katagang ito! Naisip ko ang pagkagutom at pagkauhaw sa kaalaman habang binabasa ko ang mga banal na kasulatan, ngunit kaiba ang malugod dito. Nalaman ko na ang natututuhan ko sa mga banal na kasulatan ay nakasalalay sa paghahanda ko. Tuwing babasahin ko ito, nagkakaroon ako kahit paano ng bagong pananaw sa karanasan. Ang buhay ko ngayon, ang mga karanasan ko, at pag-uugali ay umaapektong lahat sa kung gaano ako matututo. Mahal ko ang mga banal na kasulatan. Mahalaga sa akin ang mga katotohanang natatagpuan ko habang binabasa ko ito. Puno ng galak ang puso ko kapag nakakatanggap ako ng panghihikayat, direksyon, aliw, lakas, at sagot sa aking mga pangangailangan. Nagliliwanag ang buhay, nabubuksan ang landas para sa akin, at muli kong natitiyak ang pagmamahal at pagmamalasakit sa akin ng aking Ama sa Langit tuwing magbabasa ako. Talagang nakalulugod ito sa akin. Sabi nga ng isang batang lalaki sa klase ng Sunbeam, “Masaya ako sa mga banal na kasulatan!”
Ikalawa, “Ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon.” Gustung-gusto kong isapuso ang mga banal na kasulatan! Nananatili roon ang diwa ng binasa ko para maghatid sa akin ng kapayapaan at aliw. Ginagabayan at itinutuwid ako ng kaalamang natamo ko. Ang tiwala ko’y bunga ng pagsunod.
Kung minsan malaya akong magpakasubsob sa pagbasa ng mga banal na kasulatan. Kung minsan paunti-unti lang ang binabasa ko. Gayunman, di na mahalaga kung saan o kailan ako magbabasa ng mga banal na kasulatan; nasa puso ko pa rin ito. Nalaman ko na kapag binasa ito sa umaga ay napapasaakin ang impluwensya ng Espiritu sa buong maghapon. Kapag binabasa ko ito sa tanghali, karaniwa’y dahil may kailangan akong sagot at direksyong naroon na iimpluwensya sa aking mga pasiya at pagkilos. Kapag binabasa ko ito sa gabi, lumalagi ang matamis at nakaaaliw na mga mensahe mula sa Panginoon sa aking isipan sa aking paghiga. Maraming ulit akong nagigising sa gabi na puno ng mga ideya o kaisipang nagmumula sa mga salitang nabasa ko bago ako natulog. Maaaring maghapong napapadpad ang isip ko sa kung saan-saan, pero ligtas na nakayakap ang aking puso sa mga salita ng Panginoon na nasa mga banal na kasulatan at “nagbubulay sa mga yaon.”
Dahil dito nalaman ko na “kung ano ang iniisip [ng tao] sa loob niya, ay gayon siya” (Mga Kawikaan 23:7). Kapag pinag-iisipan kong mabuti ang mga banal na kasulatan, may nangyayari sa akin. Tumitindi ang hangarin kong mas mapalapit sa aking Ama sa Langit. Nasasabik akong paglingkuran Siya. Nais kong ipamuhay ang mga alituntuning natutuhan ko sa mga banal na kasulatan, at kapag ginagawa ko iyon, ang puso ko’y “isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak.”
Siyempre naman, hindi ako sumusulat ng mga banal na kasulatan na tulad ni Nephi, pero kapag binabasa ko ito at ipinamumuhay ang mga alituntuning natutuhan ko, nagiging bahagi iyon ng buhay ko. Umaayon ang mga kilos ko roon at naisasabuhay ko para makita at sundan ng mga anak ko. Magkakaroon ako ng pamana, isang tradisyon ng mabuting pamumuhay, ayon sa mga alituntuning natutuhan ko sa mga banal na kasulatan.
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 93:39–40: “At yaong masama ay dumating at kinuha ang liwanag at katotohanan, sa pamamagitan ng pagsuway, mula sa mga anak ng tao, at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama.
“Subalit ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.”
Sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, tiyak na malalaman ko ang “liwanag at katotohanan” na magpapala sa akin at sa aking pamilya. Kapag alam ko na ang gagawin, maiaakma ko na ang aking mga kilos—mga “tradisyon”—sa nalalaman ko. At hindi ililigaw ng halimbawa ko ang aking mga anak, sa halip ay aakayin sila nito sa mga banal na kasulatan at sa katotohanang naroon.
Gustung-gusto ko ang awit sa Primary na nagtuturong:
Nalaman ko na kapag nagdarasal ako hindi lang para magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng mga banal na kasulatan kundi para mapasaakin din ang Espiritu habang nagbabasa, nadaragdagan ang talas ng pakiramdam ko, at mas nakakaunawa ako. Nakikita ko ang katayuan ko sa buhay at kung ano ang nais ng aking Ama sa Langit na marating ko. Nauunawaan ko ang mga alituntunin ng katotohanan, at kung paano ko babaguhin ang aking buhay. Nakatitiyak ako na tutulungan at palalakasin ako ng Panginoon para magampanan ko ang gawain. Kaya nga nagiging bahagi ng buhay ko ang mga banal na kasulatan.
Kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan naririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas. Nariyan lang Siya sa buhay natin. Nariyan Siya sa mga talata nitong mga banal na aklat. Sinabihan tayo ng ating propeta na mas mapalapit sa Tagapagligtas sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
At paano naman ang ating mga anak? Napakapalad ng anak na ang buhay ng mga magulang ay nakaayon sa mga turo sa mga banal na kasulatan! Talagang wala tayong mas mahalagang magagawa para sa ating pamilya maliban sa palakasin sila sa mga banal na kasulatan. Mga magulang, tipunin ang inyong pamilya para magbasa ng mga banal na kasulatan, at gawin ito sa kabila ng abalang iskedyul ng inyong pamilya. Mga anak, mabilis at masayang tumugon kapag tinawag kayo para mag-aral ng mga banal na kasulatan.
Inanyayahan tayo ni Pangulong Hinckley, pero nag-iwan din siya ng mga pangako kung pipiliin nating tanggapin ito. Ipinangako niya “ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos.”2
Sabi sa akin ng isa sa mga anak kong babae, na nasa panahon ng buhay niya na ang pinakamalaking pagpapala niya ay ang pinakamatitinding hamon niya sa buhay (may tatlong musmos na mga anak siya), “Ma, ginagawa ko na. Binabasa ko na ang Aklat ni Mormon. At pinanghahawakan ko ang napakagagandang pangako roon. Iyon mismo ang kailangan ko ngayon sa buhay ko.”
Ang mga pagpapalang ito ba ang kailangan ninyo sa buhay ninyo? Nariyan lang ang mga ito. Isa-isa nating ipangako na sundin ang propeta. Bilang pamilya, angkinin natin ang ating mga pagpapala. Pangulong Hinckley, mahal namin kayo, narinig namin ang inyong tinig, at susunod kami.
Ako’y nagpapatotoo na alam ko na ang Ama sa Langit ay buhay at mahal tayo. Alam ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Alam ko na totoo ang mga banal na kasulatan. Ang mga ito’y salita ng Diyos. Alam ko na si Gordon B. Hinckley ang ating propeta ngayon. Alam ko na kung susundin natin siya, tatanggap tayo ng mga dakilang pagpapala mula sa ating Ama sa Langit. Labis akong nagpapasalamat sa patotoong ito. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.