Ang Sakripisyo ay Isang Galak at Pagpapala
Dalangin ko na tayong lahat ay maging mga Banal na handang magsakripisyo at maging karapat-dapat sa mga espesyal na pagpapala ng Panginoon.
Mga kapatid, magandang hapon. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ang relihiyong hindi nangangailangan ng pag-aalay ng lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan upang magbunga ng pananampalatayang kinakailangan para sa buhay at kaligtasan” (Lectures on Faith [1985], 69). Kung ibubuod natin ang kasaysayan ng mga banal na kasulatan, masasabi natin na ito’y kasaysayan ng sakripisyo.
Makakakita tayo ng magagandang halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga nag-alay ng kanilang buhay para mapanatili ang kanilang pananampalataya at patotoo. Isang halimbawa nito ang kuwento tungkol kina Alma at Amulek nang kailanganin nilang masaklap na panoorin ang mga tao ni Ammonihas na sunugin at mamatay pero napanatili ang kanilang pananampalataya (tingnan sa Alma 14:7–13).
Naiisip din natin si Jesucristo, na nagpakababa upang pumarito sa lupa mula sa piling ng Kanyang Ama at magsakripisyo upang iligtas ang daigdig sa higit na pagpapakasakit kaysa tiniis ninuman.
Sa huling dispensasyong ito ng ebanghelyo, maraming pioneer na namatay at gumawa ng huling sakripisyo upang mapanatili ang kanilang pananampalataya.
Ngayon malamang na hindi tayo pagawin ng malaking sakripisyo tulad ng pag-aalay ng ating buhay, pero marami tayong makikitang halimbawa ng mga Banal na labis na nagpapakasakit para mapanatiling buhay ang kanilang pananampalataya at patotoo. Siguro mas mahirap gumawa ng maliliit na sakripisyo sa ating pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, maituturing na maliit na sakripisyo ang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, o magbayad ng ating ikapu. Pero ang mga sakripisyong ito ay hindi madaling gawin maliban kung may isip at determinasyon tayong isakripisyo ang kailangan upang masunod ang mga utos na iyon.
Kapag ginagawa natin ang maliliit na sakripisyong ito, mas maraming pagpapala ang ipinapalit ng Panginoon. Sabi ni Haring Benjamin, “At kayo ay may pagkakautang pa rin sa kanya, at mayroon, at magkakagayon magpakailanman at walang katapusan” (Mosias 2:24). At, tulad ng ginawa niya sa sarili niyang mga tao, hinihikayat tayo ni Haring Benjamin para dumami ang pagpapala sa atin sa patuloy na pagsunod sa salita ng Panginoon.
Palagay ko ang pinakaunang pagpapalang dumating mula sa sakripisyo ay ang galak na madarama natin kapag nagsakripisyo tayo. Marahil ang pag-iisip na ang mismong sakripisyo ay maaaring maging pagpapala ay nagiging pagpapala. Kapag inisip natin iyon at nagalak tayo, baka natanggap na natin ang pagpapala.
Kamakailan, natagpuan ko ang mabuting pagpapalang iyon mula sa mga banal sa Korea na lumahok sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng paglalaan ng Simbahan sa Korea at ang ika-200 anibersaryo ng kapanganakan ni Joseph Smith. Gusto kong ikuwento nang maikli sa inyo ang mga sakripisyo at galak at mga pagpapalang natanggap nila.
Para maipagdiwang ang ebanghelyo, na nagbigay ng pag-asa at tapang sa mga tao sa Korea na labis na nasaktan sa Digmaan sa Korea, nagsimulang maghanda ang mga miyembro para sa pagdiriwang na ito mahigit isang taon na ang nakararaan. Marami sa mga miyembro sa Korea—ang Primary, mga kabataan, mga young single adult, mga kapatid sa Relief Society at iba pa—ang nagtipon para magpraktis para sa pagdiriwang. Naghanda sila ng maraming tradisyonal na katutubong sayaw, kasama ang flower dance, circle dance, fan dance, at farmer dance. Tumugtog sila ng tambol; nagtanghal ng tae kwon do, drama, ballroom dance, at mga musikal na bilang; nagpakita ng animation, at nagtanghal ang koro.
Dahil masyadong maingay ang tambol ng mga binatilyo, nagreklamo ang mga kapitbahay, at napilitan silang tumigil sa pagpapraktis. Talagang mahirap magpraktis nang matagalan, pero masaya silang gawin ito. Wala akong makitang sinumang nagreklamo tungkol sa pagsisikap at sakripisyo nila nang kailanganin nilang gumising nang alas-4:00 ng madaling araw para sumakay ng bus patungo sa praktis. Lubos ang galak at pasasalamat nila para sa mga pagpapala ng Panginoon at sa oportunidad na maipakita ang kanilang pasasalamat.
Marami ring nakabalik nang mga misyonero mula sa ibang bansa na bumalik sa Korea kasama ang kanilang asawa’t mga anak para sa pagdiriwang. Nagsakripisyo sila nang magpunta sila sa Korea sa kanilang misyon matagal nang panahon ang nakaraan. Sa pagkakataong ito nagsakripisyo silang muli ng panahon at pera upang madala ang pamilya nila at makalahok sa pagdiriwang sa tag-init. Pero nagalak sila at nagpasalamat sa lahat ng pagdiriwang na nalahukan nila.
Para mahikayat ang mga banal na Koreano at iba pa ipinadala ng Panginoon ang kanyang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, sa Korea. Si Pangulong Hinckley mismo ay malaki ang sakripisyo sa biyaheng ito nang mag-iskedyul siya ng 13-na-araw na paglilibot sa buong mundo at pumunta sa Korea para makipagkita sa mga Banal na minahal niya nang maraming taon at personal na iparating ang espesyal na pagmamahal ng Panginoon. Walang nakaramdam na sakripisyo ito. Sa halip, naiyak kami sa galak at pasasalamat. Ito ang pagpapalang pinag-uusapan natin, hindi ba?
Mga kapatid, huwag matakot sa sakripisyo. Tamasahin lang ang kaligayahan at mga pagpapala mula mismo sa sakripisyo.
Paminsan-minsan may pagitan sa panahon ng sakripisyo at pagpapala. Maaaring gawin ang sakripisyo ayon sa panahong itinakda natin, pero maaaring hindi dumating ang pagpapala sa panahong inaasahan natin, kundi ayon sa panahon ng Panginoon. Dahil dito, inaaliw tayo ng Panginoon sa pagsasabing “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” (D at T 64:33).
Tiyak na dumarating sa atin ang mga pagpapala. Tandaan lang na ang sakripisyo mismo ay maaaring nasa anyo ng pagpapala. Gumawa tayo ng maliliit na sakripisyo.
Kapag binabasa natin ang Aklat ni Mormon habang nagkukusot ng antok nating mga mata, tandaan natin na sinusunod natin ang payo ng ating propeta at tinatanggap ang galak na nagmumula sa kaalamang iyon. Marami tayong dapat bayaran, pero kapag nagbabayad tayo ng ikapu, damhin natin ang galak sa pagkakaroon ng oportunidad na mag-ambag sa Panginoon.
At ibubuhos sa atin ang mas malalaking pagpapala. Magiging kagaya ito ng ating pagkagulat at saya kapag tumatanggap tayo ng isang di-inaasahang regalo.
Sabi nga ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Sa ating pagbibigay, nalalaman natin na ang sakripisyo ay naghahatid ng mga pagpapala ng langit! [“Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.] At sa huli, nalalaman natin na hindi naman pala ito sakripisyo” (“Becoming Pure in Heart,” Ensign, Mar. 1985, 5). Dalangin ko na tayong lahat ay maging mga Banal na handang magsakripisyo at maging karapat-dapat sa mga espesyal na pagpapala ng Panginoon. Babantayan tayo ng Panginoon upang hindi tayo mahirapan nang husto na tiisin ang anumang sakripisyo. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.