2005
Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot
Nobyembre 2005


Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot

Mamuhay tayo nang matwid upang makahingi tayo sa Panginoon ng proteksyon at patnubay… . Hindi natin maaasahan ang Kanyang tulong kung hindi tayo handang sumunod sa Kanyang mga utos.

Mahal kong mga kapatid sa priesthood, saanman kayo naroon sa malawak na mundong ito—napakalaking grupo na ninyo ngayon, mga kalalakihan at batang lalaki ng bawat lipi at lahi, kabahaging lahat ng pamilya ng Diyos.

Napakahalaga ng Kanyang kaloob sa atin. Ibinigay niya sa atin ang isang bahagi ng Kanyang banal na awtoridad, ang walang hanggang priesthood, ang kapangyarihang gamit Niya para maisakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Tama lang na kapag maraming ibinigay sa atin ay marami ring hihingin sa atin (tingnan sa Lucas 12:48; D at T 82:3).

Alam kong hindi tayo perpekto. Alam natin ang perpektong paraan, pero hindi tayo palaging kumikilos ayon sa ating kaalaman. Pero palagay ko mas madalas nating pagsikapan ito. Sinisikap nating maging uri ng lalaking nais ng ating Ama sa Langit. Napakatayog na adhikain nito, at pinupuri ko kayong lahat na nagsisikap na marating ito. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon sa paghahangad ninyo na mamuhay nang uliran sa lahat ng aspeto.

Ngayon, tulad ng alam nating lahat, ang Gulf States area ng Estados Unidos ay labis na napinsala kamakailan dahil sa malalakas na hangin at ulan. Marami ang nawalan ng lahat- lahat. Napakalaki ng pinsala. Talagang milyun-milyon ang nagdusa. Takot at pangamba ang bumalot sa puso ng marami. Maraming buhay ang nasawi.

Sa lahat ng ito, dumagsa ang napakaraming tulong. Nabagbag ang mga puso. Maraming nagbukas ng kanilang tahanan. Gustung-gustong pag-usapan ng mga kritiko ang mga kabiguan ng Kristiyanismo. Sinumang gayon ay dapat tingnan ang nagawa ng mga simbahan sa mga sitwasyong ito. Kahanga-hanga ang nagawa ng maraming relihiyon. At di magpapahuli rito ang sarili nating Simbahan. Malaking bilang ng ating kalalakihan ang naglakbay nang malayo, dala ang kanilang mga gamit at tolda at maningning na pag-asa. Gumugol ng libu-libong oras ang kalalakihan ng priesthood sa rehabilitasyon. Sa panahong iyon may tatlo at apat na libong kalalakihan ang gumagawa. Narito ang ilan doon ngayong gabi. Walang tigil ang pasasalamat namin sa kanila. Damhin sana ninyo ang aming pasasalamat, pagmamahal, at dalangin para sa inyo.

Dalawa sa ating Area Seventy, sina Brother John Anderson, na nakatira sa Florida, at Brother Stanley Ellis, na nakatira sa Texas, ang nangasiwa nang husto sa gawaing ito. Pero sila ang unang magsasabi na ang papuri ay nararapat ibigay sa napakaraming kalalakihan at batang lalaki na tumulong. Marami ang naka-t-shirt na may tatak na, “Mormon Helping Hands.” Natamo nila ang pagmamahal at paggalang ng mga taong natulungan nila. Natulungan nila hindi lang ang mga miyembro ng Simbahan na nangangailangan, kundi napakarami ring mga taong hindi bumanggit ng relihiyon.

Sinunod nila ang halimbawa ng mga Nephita na nakatala sa aklat ni Alma: “Hindi nila itinaboy ang sino mang mga hubad, o mga gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, o mga hindi nakandili; at hindi nila inilagak ang kanilang mga puso sa mga kayamanan; anupa’t sila ay naging mapagbigay sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan, walang itinatangi sa mga tao hinggil sa mga yaong nangangailangan” (Alma 1:30).

Ang kababaihan at mga batang babae sa maraming bahagi ng Simbahan ay nagpakahirap sa paghahanda ng libu-libong kit para sa kalusugan at kalinisan ng katawan. Ang Simbahan ay nagbigay ng mga kagamitan, pagkain, tubig, at ginhawa.

Nag-ambag tayo ng malalaking halaga sa Red Cross at iba pang ahensya. Milyun-milyong dolyar ang naibigay natin mula sa mga handog-ayuno at pondong pangkawanggawa. Nagpapasalamat ako sa bawat isa sa inyo sa ngalan ng mga natulungan ninyo at salamat sa ngalan ng Simbahan.

Ngayon, hindi ko sinasabi, at mariin kong inuulit na hindi ko sinasabi o ipinahihiwatig, na ang nangyari’y parusa ng Panginoon. Maraming mabubuting tao, pati na ilan sa ating matatapat na Banal sa mga Huling Araw, ang kasamang nagdusa. Nabanggit ko na rin lang, hindi ako mag-aalangang sabihin na ang mundong ito ay marami nang naranasang kalamidad at kapahamakan. Tayong mga nagbabasa at naniniwala sa mga banal na kasulatan ay batid ang mga babala ng mga propeta tungkol sa mga kapahamakang nangyari na at mangyayari pa.

Nagkaroon ng malaking Baha, nang tabunan ng mga tubig ang lupa at, tulad ng sabi ni Pedro, “walong kaluluwa [lang], ang nangaligtas” (I Ni Pedro 3:20).

Kung may sinumang duda tungkol sa mga kakila-kilabot na bagay na kayang pahirapan at pahihirapan ang sangkatauhan, ipabasa sa kanya ang ika-24 na kabanata ng Mateo. Kabilang sa mga sinabi ng Panginoon na:

“Mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan… .

“Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako.

“Lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan… .

“Datapuwa’t sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon! …

“Sapagka’t kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo’y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.

“At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa’t dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon” (Mateo 24:6–8, 19, 21–22).

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang di-maubos-maisip na pagkawasak sa Western Hemisphere nang mamatay ang Tagapagligtas sa Jerusalem. Muli kong babanggitin:

“At ito ay nangyari na, na sa ikatatlumpu at apat na taon, sa unang buwan, sa ikaapat na araw ng buwan, ay nagkaroon ng isang malakas na bagyo, na hindi pa kailanman naranasan sa buong lupain.

“At nagkaroon din ng isang malakas at kakila-kilabot na unos; at nagkaroon ng kakila-kilabot na kulog, kung kaya nga’t niyanig nito ang buong lupa na parang ito ay mabibiyak.

“At nagkaroon ng lubhang matatalim na kidlat, na hindi pa kailanman nakita sa buong lupain.

“At ang lunsod ng Zarahemla ay nag-apoy.

“At ang lunsod ng Moroni ay lumubog sa kailaliman ng dagat, at ang mga naninirahan doon ay nangalunod.

“At ang lupa sa lunsod ng Moronihas ay tumaas, kung kaya’t sa kinalalagyan ng lunsod ay nagkaroon ng isang malaking bundok… .

“… Ang ibabaw ng buong lupa ay nabago, dahil sa unos at mga buhawi, at mga pagkulog at pagkidlat, at sa labis na lakas ng pagyanig ng buong lupa;

“At ang mga lansangang-bayan ay nangawasak, at ang mga pantay na daan ay nasira, at maraming patag na lugar ang naging baku-bako.

“At maraming malaki at kilalang lunsod ang lumubog, at marami ang nasunog, at marami ang nayanig hanggang sa ang mga gusali roon ay bumagsak sa lupa, at ang mga naninirahan doon ay nangamatay, at ang mga pook ay iniwang mapanglaw” (3 Nephi 8:5–10, 12–14).

Kakila-kilabot na pagkawasak na iyon.

Ang salot o Black Death ng ikalabing-apat na siglo ay kumitil sa maraming buhay. Ang iba pang salot na sakit, tulad ng bulutong, ay nagdulot ng di-mailarawang paghihirap at kamatayan sa nagdaang mga siglo.

Noong taong A.D. 79 nawasak ang malaking lungsod ng Pompeii nang pumutok ang Bulkang Vesuvius.

Ang Chicago ay tinupok ng naglalagablab na apoy. Inilubog ng malalaking alon ang mga pook sa Hawaii. Niyanig ng lindol ang lungsod ng San Francisco noong 1906 at mga 3,000 katao ang namatay. Ang buhawing tumama sa Galveston, Texas, noong 1900 ay pumatay ng 8,000 katao. At kamakailan lang, tulad ng alam ninyo, ay nangyari ang kahila-hilakbot na tsunami sa Southeast Asia, kung saan libu-libo ang nasawi at hanggang ngayo’y kailangan pa rin ng tulong.

Napakahalaga ng mga salita ng paghahayag na matatagpuan sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan hinggil sa mga kalamidad na sasapit matapos magpatotoo ang mga elder. Sabi ng Panginoon:

“Sapagkat pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang patotoo ng mga paglindol, na magiging sanhi ng mga pagdaing sa gitna niya, at ang mga tao ay babagsak sa lupa at hindi makatatayo.

“At sasapit din ang patotoo ng tinig ng mga kulog, at ang tinig ng mga kidlat, at ang tinig ng mga unos, at ang tinig ng mga alon sa dagat na iaalon nito ang sarili na lagpas sa mga hangganan nito.

“At lahat ng bagay ay magkakagulo; tiyak magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao” (D at T 88:89–91).

Makatawag-pansin ang mga paglalarawan sa tsunami at sa kadaraang mga buhawi sa salitang ginamit sa paghahayag na ito: “Ang tinig ng mga alon sa dagat na iaalon nito ang sarili na lagpas sa mga hangganan nito.”

Ang kalupitan ng tao sa kanyang kapwa na ipinakita sa labanan noon at ngayon ay nagdulot at patuloy na nagdudulot ng napakaraming pagdurusa. Sa Darfur region ng Sudan, sampu-sampung libo ang namatay at mahigit isang milyon ang nawalan ng tahanan.

Ang mga dinanas natin noon ay ipinropesiyang lahat, at hindi pa ito ang katapusan. Tulad ng mga kalamidad na nagdaan, asahan nating mas marami pang darating sa hinaharap. Ano ang gagawin natin?

May nagsabing hindi umuulan nang gawin ni Noe ang arka. Pero ginawa pa rin niya iyon, at bumuhos ang ulan.

Sabi ng Panginoon, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (D at T 38:30).

Ang pinakamahalagang paghahanda ay inilahad din sa Doktrina at mga Tipan, na nagsabi:

“Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating” (D at T 87:8).

Tayo ay umaawit ng:

Pag nagsimula’ng pagguho,

Pangamba ay pawiin;

Kung hatol N’yo’y ang paggunaw,

Sa Sion kami’y dalhin.

(“Gabayan Kami, O Jehova,” Mga Himno, blg. 45).

Mamuhay tayo nang matwid upang makahingi tayo sa Panginoon ng proteksyon at patnubay. Ito ang unang priyoridad. Hindi natin maaasahan ang Kanyang tulong kung hindi tayo handang sumunod sa Kanyang mga utos. Tayo sa Simbahang ito ay may sapat na katibayan ng mga parusa sa pagsuway sa mga halimbawa kapwa ng mga bansang Jaredita at Nephita. Bawat isa ay nagtamasa muna ng kaluwalhatian hanggang sa lubusang pagkalipol dahil sa kasamaan.

Siyempre, alam natin na bumabagsak ang ulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap (tingnan sa Mateo 5:45). Bagama’t namatay ang mabubuti hindi sila nawala, kundi naligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Manunubos. Sabi ni Pablo sa mga taga Roma, “Sapagka’t kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo’y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo’y nangamamatay” (Mga Taga Roma 14:8).

Masusunod natin ang mga babala. Sinabi sa atin na maraming babala ang ibinigay hinggil sa pagiging masyadong lantad ng New Orleans sa kalamidad. Sinabihan tayo ng mga seismologist na ang Salt Lake Valley ay posibleng tamaan ng lindol. Ito ang pangunahing dahilan kaya lubos nating inaayos ang Tabernacle sa Temple Square. Ang makasaysayan at malaking gusaling ito ay dapat patibayin upang makayanan ang pagyanig ng lupa.

Nagtayo tayo ng imbakan ng mga butil at mga bodega at inimbakan ang mga ito ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay sakaling may dumating na kalamidad. Ngunit ang pinakamahusay na imbakan ay ang imbakan ng pamilya. Sabi ng Panginoon sa mga salita ng paghahayag: “Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang lahat ng kinakailangang bagay” (D at T 109:8).

Ang ating mga tao ay pinayuhan at hinikayat sa loob ng tatlong-kapat ng isang siglo na gumawa ng gayong paghahanda na titiyak sa kaligtasan sakali mang may kalamidad.

Makapagtatabi tayo ng tubig, pangunahing pagkain, gamot, mga pangginaw. Dapat may ipon din tayong pera sa panahon ng kagipitan.

Ngayon hindi kayo dapat mataranta sa pagbili sa tindahan dahil sa mga sinabi ko. Ang sinabi ko ay nabanggit na noon pa man.

Unawain natin ang panaginip ni Faraon tungkol sa bakang matataba at payat, uhay na mabubuti, at uhay na tuyo; ang kahulugan nito ay ipinaliwanag ni Jose na tumutukoy sa mga taon ng kasaganaan at mga taon ng kagutuman (tingnan sa Genesis 41:1–36).

Sumasampalataya ako, mahal kong mga kapatid, na pagpapalain tayo ng Panginoon, at babantayan tayo, at tutulungan tayo kung tayo ay susunod sa Kanyang liwanag, sa Kanyang ebanghelyo, at Kanyang mga kautusan. Siya ang ating Ama at ating Diyos, at tayo’y mga anak Niya, at dapat ay maging karapat-dapat tayo sa Kanyang pagmamahal at malasakit sa lahat ng oras. Magawa nawa natin ang mga ito, ang dalangin ko, sa ngalan ni Jesucristo, amen.