Mga Pagpapalang Nagmumula sa Pagbabasa ng Aklat ni Mormon
Responsibilidad na natin ngayong pag-aralan ang Aklat ni Mormon at matutuhan ang mga alituntunin nito at ipamuhay ang mga ito.
Inaasam ko buwan-buwan ang pagdating ng napakagandang magasing ito, ang Ensign. Pinatitibay ako nito sa mga mensahe mula sa Unang Panguluhan, na nasa bawat isyu. May kasamang hamon sa Ensign at Liahona ng Agosto mula kay Pangulong Hinckley na basahin o muling basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon.
Bakit naniniwala si Pangulong Hinckley na malaki ang mapapakinabangan natin sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon? Sabi niya:
“Ang panawagan nito ay walang- hanggan tulad ng katotohanan, at singlawak ng sangkatauhan. Ito ang tanging aklat na may pangako na sa tulong ng banal na kapangyarihan ay matitiyak ng mambabasa ang katotohanan nito.
“Mahimala ang pinagmulan nito; sa unang pagkarinig sa pinagmulang iyon ng isang taong di pamilyar dito, halos hindi ito mapaniwalaan. Ngunit narito ang aklat para mahipo at mahawakan at mabasa. Hindi ito kayang pabulaanan ninuman… .
“Walang ibang nasusulat na tipan na malinaw na naglalarawan sa katotohanan na kapag ang mga tao at bansa ay may takot sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga utos, sila’y sumasagana at umuunlad, ngunit kapag binalewala nila Siya at ang Kanyang salita, nagkakaroon ng kabulukang hahantong sa pagkainutil at kamatayan kung hindi mapipigil ng kabutihan” (“Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 3–6).
Bakit mahalaga sa atin ngayon na basahin ang Aklat ni Mormon? Dahil ganap na naunawaan ng mga pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon na ang kanilang mga isinulat higit sa lahat ay para sa darating na henerasyon sa halip na sa sarili nilang henerasyon. Sumulat si Moroni sa ating henerasyon, “Ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto” (Mormon 8:35). Sabi ni propetang Nephi:
“Dahil dito, sa kadahilanang ito ay ipinangako sa akin ng Panginoong Diyos na ang mga bagay na ito na aking isinusulat ay itatago at iingatan, at ipapasa-pasa sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi, upang matupad ang pangako kay Jose, na ang kanyang mga binhi ay hindi masasawi habang nakatindig ang mundo” (2 Nephi 25:21).
Ang Aklat ni Mormon ay tinig ng babala sa henerasyong ito. Tingnan ninyo kung gaano kalinaw nitong inilalarawan ang mga kundisyon sa mundo ngayon:
“At walang sino mang kinakailangang magsabi na hindi ito darating, sapagkat tunay na ang mga ito ay darating, sapagkat ang Panginoon ang nagsabi niyon; sapagkat mula sa lupa ang mga ito ay lalabas, sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon, at walang makapipigil niyon; at ang mga ito ay darating sa araw na sasabihin na ang mga himala ay wala na; at ang mga ito ay darating maging tulad ng isang nagsasalita buhat sa mga patay.
“At ito ay mangyayari sa araw na ang dugo ng mga banal ay magsusumamo sa Panginoon, dahil sa lihim na pagsasabwatan at mga gawain ng kadiliman.
“Oo, ito ay mangyayari sa araw kung kailan ang kapangyarihan ng Diyos ay itatatwa, at ang mga simbahan ay magiging marumi at maaangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso; oo, maging sa isang araw na ang mga namumuno sa mga simbahan at guro ay lalantad nang may pagpapalalo sa kanilang mga puso, maging sa pagkainggit sa kanila na kabilang sa kanilang mga simbahan.
“Oo, ito ay mangyayari sa araw kung kailan ay makaririnig ng mga sunog, at unos, at ulap ng usok sa mga ibang lupain;
“At makaririnig din ng mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan, at lindol sa iba’t ibang dako.
“Oo, ito ay mangyayari sa araw na magkakaroon ng malaganap na karumihan sa balat ng lupa; magkakaroon ng mga pagpaslang, at panloloob, pagsisinungaling, at panlilinlang, at pagpapatutot, at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain; kung kailan marami ang magsasabi, Gawin ninyo ito, o gawin ninyo iyon, at walang anuman iyon, sapagkat sasang-ayunan ng Panginoon ang gayon sa huling araw. Ngunit sa aba nila, sapagkat sila ay nasa kasukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan” (Mormon 8:26–31).
Pinagtibay ni Pangulong Ezra Taft Benson ang katotohanan na lalong mahalaga ang Aklat ni Mormon sa panahon natin nang sabihin niyang:
“Isinulat ang Aklat ni Mormon para sa atin ngayon. Ang Diyos ang may-akda ng aklat. Ito’y talaan ng mga taong nagkasala, tinipon ng mga taong binigyang-inspirasyon para sa pagpapala natin ngayon. Hindi kailanman napasa mga taong iyon ang aklat—para lang iyon sa atin. Pinaikli ni Mormon, na sinaunang propeta at sa kanya nakapangalan ang aklat, ang mga talaan ng maraming siglo. Sinabi sa kanya ng Diyos, na nakaaalam ng wakas mula sa simula, kung ano ang isasama sa kanyang pinaikling talaan na kakailanganin natin sa ating panahon” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Mayo 1975, 63).
Kaydalas nating basahin ang talaan bilang kasaysayan ng mga taong nagkasala, na kinalilimutan na ito’y tinipon ng mga binigyang-inspirasyong mga propeta para sa layuning tulungan tayong lumapit kay Cristo. Hinding-hindi nilayon ng mga pangunahing manunulat sa Aklat ni Mormon na maging aklat ito ng kasaysayan. Katunayan, sabi ni Jacob inutusan daw siya ng kapatid niyang si Nephi na “hindi ko dapat talakayin, maliban kung bahagya lamang, ang hinggil sa kasaysayan ng mga taong ito” (Jacob 1:2).
Tuwing babasahin natin ang aklat dapat natin sigurong itanong sa ating sarili, “Bakit pinili ng mga manunulat na isama sa talaan ang mga kuwento o pangyayaring ito? Ano ang halaga nito sa atin sa ngayon?”
Kasama sa mga leksyong natututuhan natin sa Aklat ni Mormon ang dahilan at epekto ng digmaan at ang mga kundisyong nagbigay-katarungan dito. Binabanggit dito ang mga kasamaan at panganib ng mga lihim na sabwatan, na itinatag para magkamit ng kapangyarihan at makalamang sa mga tao. Binabanggit dito ang katotohanan ni Satanas at nagpapahiwatig ng ilan sa mga paraang ginagamit niya. Pinapayuhan tayo rito tungkol sa matalino at wastong paggamit ng kayamanan. Narito ang malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo at ang katotohanan at kabanalan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa buong sangkatauhan. Ipinaaalam nito sa atin ang pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw. Sinasabi sa atin dito ang layunin at mga alituntunin ng gawaing misyonero. Binabalaan tayo nito laban sa kapalaluan, pagwawalang- bahala, pagpapaliban, mga panganib ng mga maling tradisyon, pagkukunwari, at kahalayan.
Responsibilidad na natin ngayong pag-aralan ang Aklat ni Mormon at matutuhan ang mga alituntunin nito at ipamuhay ang mga ito.
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa magandang kuwento tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon at paggamit ng banal na kasulatan ng mga pamilya. Binalaan si Lehi, isang propetang ama, na may mga taong tangka siyang patayin dahil sa mga ipinahayag niya tungkol sa kasamaan nila. Pinagbilinan siyang isama ang kanyang pamilya at tumakas.
“At ito ay nangyari na, na siya ay lumisan patungo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mahahalagang bagay, at wala siyang dinala maliban sa kanyang mag-anak, at mga panustos, at mga tolda, at lumisan patungo sa ilang” (1 Nephi 2:4).
Nang makapaglakbay nang kaunti, nanaginip si Lehi na sinabi ng Panginoon na huwag silang magpakalayo nang hindi bumabalik sa Jerusalem at nakukuha ang talaan ng kanyang mga ninuno na nakaukit sa mga laminang tanso. Naglalaman din ang mga laminang ito ng mga salita ng mga propeta at mga utos ng Panginoon. Inutusan ang apat na anak na lalaki ni Lehi na bumalik para kunin ang talaan.
Pagdating sa Jerusalem, nagbunutan sila para desisyunan kung sino ang pupunta sa bahay ni Laban at hihingi sa mga laminang tanso. Si Laman ang nakabunot. Nilapitan niya si Laban, “at masdan, ito ay nangyari na, na si Laban ay nagalit, at ipinagtulakan siyang palabas mula sa kanyang harapan; at ayaw niyang mapasakanya ang mga talaan. Anupa’t sinabi niya sa kanya: Masdan, ikaw ay isang tulisan, at papatayin kita” (1 Nephi 3:13). Nakatakas si Laman pero hindi dala ang mga laminang tanso.
Napansin ko sa unang pagtatangkang ito na parang walang magandang plano ang magkakapatid. Itinuro nito sa atin ang isang mahalagang leksyon na magagamit natin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ipakita natin ang katapatan sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pag-aaral na may tiyak na plano.
Sa artikulo niya sa Ensign at Liahona, nagsabi si Pangulong Hinckley na “hinahamon ko ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo at mga kaibigan natin sa lahat ng dako na basahin o muling basahin ang Aklat ni Mormon.” Pagkatapos ay binigyan niya tayo ng plano para maisagawa ang hamong iyon: “Kung mahigit isa’t kalahating kabanata ang babasahin ninyo araw-araw, matatapos ninyo ang aklat bago matapos ang taong ito” (Liahona, Ago. 2005, 6). Nakaraan na ang Agosto at Setyembre. Ayon sa plano ni Pangulong Hinckley dapat ay binabasa na natin ang aklat ni Alma sa ngayon—sa pagitan ng mga kabanata 4 at 12. Nauuna ba kayo o nahuhuli?
Nang mabigo ang unang tangkang makuha ang mga laminang ginto, gusto nang sumuko at bumalik ng mga kapatid ni Nephi sa kanilang pamilya sa ilang. Pero hinikayat sila ni Nephi na magsikap pa at nagmungkahi ng isa pang paraan para makuha ang talaan: “Samakatwid, tayo ay magpakatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon; kaya nga, tayo ay bumaba sa lupaing mana ng ating ama, sapagkat masdan kanyang iniwan ang ginto at pilak, at lahat ng uri ng kayamanan. At ang lahat ng ito ay kanyang ginawa dahil sa mga kautusan ng Panginoon… .
“At ito ay nangyari na, na kami ay pumasok patungo kay Laban, at hiniling sa kanyang ibigay niya sa amin ang mga talaan … , na bilang kapalit ay ibibigay namin sa kanya ang aming mga ginto, at ang aming mga pilak, at ang lahat ng aming mahalagang bagay” (1 Nephi 3:16, 24).
Tinuruan tayo ng halimbawa ni Nephi na ang mga pagpapala ng mga banal na kasulatan ay higit pang mahalaga kaysa ari-arian at iba pang makamundong bagay. Ang pagnanasa sa mga bagay sa mundo kung minsan ay naghahatid sa atin ng panandaliang kasiyahan pero hindi nagtatagal na galak at kaligayahan. Kapag naghangad tayo ng mga bagay ng Espiritu, walang hanggan ang mga gantimpala at magdudulot sa atin ng kasiyahang hangad natin sa buong karanasan natin sa buhay na ito.
Hinikayat tayo ni Pangulong Hinckley na basahin ang Aklat ni Mormon upang ilayo tayo sa mga bagay ng mundo, para tamasahin ang mga bagay ng Panginoon. Sabi niya, “Walang alinlangan kong ipinangangako sa inyo na kung susundin ng bawat isa sa inyo ang simpleng programang ito, kahit ilang beses na ninyong nabasa ang Aklat ni Mormon, darating sa inyo at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (Liahona, Ago. 2005, 6). Ang mga pagpapalang ito ay higit pang mahalaga kaysa mga materyal na pag-aari.
Nang ialok ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ang kanilang kayamanan bilang kapalit ng mga laminang tanso, ninakaw ni Laban ang mga ari-arian nila at tinangka silang patayin. Sirang-sira ang loob matapos ang isa pang bigong pagtatangka, gustong isuko ulit nina Laman at Lemuel ang sa tingin nila’y imposibleng gawin. Gayunman, matatag si Nephi sa pangako niyang sundin ang utos ng Panginoon. Nangatwiran siya sa mga kapatid nang ganito: “Tayo nang umahon muli sa Jerusalem, at tayo ay maging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon; sapagkat masdan, siya ay higit na makapangyarihan kaysa lahat ng sangkatauhan, kung gayon bakit hindi siya magiging higit na makapangyarihan kaysa kay Laban at sa kanyang limampu, oo, maging sa kanyang sampu-sampung libo?” (1 Nephi 4:1).
Pagsunod sa utos nang may pananampalataya sa Panginoon ang naghatid ng hangad na resulta. Nang humayo si Nephi para kunin ang mga talaan, na inaakay ng Espiritu, ibinigay si Laban sa kanyang mga kamay. Dahil sa kanyang pananampalataya at pagsunod, nakamtan mismo ni Nephi at ng kanyang pamilya ang biyaya ng pagkakaroon ng mga banal na kasulatan. Ngayong nasa kanila na ang mga laminang tanso, si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay makababalik na sa kanilang ama sa ilang at maitutuloy ang kanilang paglalakbay.
Kung tutugon tayo sa hamon ni Pangulong Hinckley nang may pananampalataya, tiyak ang pangako sa atin ng ating propeta na tatanggap tayo ng mga pagpapala sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon. Malalaman natin, tulad ni Nephi at ng kanyang pamilya, na ang mga banal na kasulatan ay “kanais-nais; oo, maging napakahalaga para sa amin” (1 Nephi 5:21). Matatanggap din natin ang mga pagpapalang ipinangako ni Moroni nang tapusin niya ang mga isinulat niya sa Aklat ni Mormon:
“Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo; at kung sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, wala kayong dahilang magtatwa sa kapangyarihan ng Diyos” (Moroni 10:32).
Ipinagdiriwang natin ngayong taon ang ika-200 anibersaryo ng pagsilang ni Propetang Joseph Smith. Naglaan ang Aklat ni Mormon ng nakakukumbinsing ebidensya ng ministeryo ni Propetang Joseph at ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Ganito ang sinabi ni Pangulong Hinckley tungkol sa Aklat ni Mormon sa huling pangkalahatang kumperensya noong Abril: “Nahahawakan ito, nababasa, nasusubukan… . Palagay ko’y hahangarin at tatanggapin at yayakapin ito ng buong Kristiyanismo bilang isang malakas na patotoo. Kumakatawan ito sa isa pang dakila at mahalagang kontribusyong dumating bilang paghahayag sa Propeta [na si Joseph]” (“Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” Liahona, Mayo 2005, 80).
Dalangin kong nawa’y basahin ng bawat isa sa atin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon bilang tugon sa hamon ng kasalukuyan nating propeta, si Gordon B. Hinckley, na parangalan ang propeta ng panunumbalik, si Joseph Smith. Nawa’y magkaroon tayo ng plano na susunod tayo nang may pananampalataya upang matikman natin at mapuspos tayo ng bagay na iyon na walang-katapusan at walang hanggan ang halaga, maging ang salita ng Diyos na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, ang mapakumbaba kong dalangin sa ngalan ni Jesucristo, amen.