2005
Maging Handa … Maging Malakas Magmula Ngayon
Nobyembre 2005


Maging Handa … Maging Malakas Magmula Ngayon

Kailanma’y hindi nagtatagumpay ang trahedya kapag nanaig ang pansariling kabutihan.

Naranasan na ba ninyo na bigla kayong pinatigil sa pagsasalita samantalang mali ang intindi nila at kinukutya kayo sa inyong pananaw? Nangyari iyon sa akin halos 25 taon na ang nakalilipas, at naiisip ko pa rin hanggang ngayon ang kabiguan sa hindi tapos na pag-uusap na iyon.

Bilang mission president, inimbitahan ako, kasama ang iba pa sa Simbahan, na makipagkita sa mayor ng isa sa mga lungsod sa aming misyon. Malugod niya kaming tinanggap sa kanyang opisina. Napag-usapan namin ang mga problema noon. Sa huli, tinanong niya kung bakit may gawaing misyonero ang Simbahan sa kanyang lungsod.

Inasahan ko na ito. Ilang linggo bago iyon, naisip ko na na itatanong niya ito at naisip ko na rin ang isasagot ko. Sabi ko: “Nasa ebanghelyo ni Jesucristo ang sagot at solusyon sa lahat ng problema ng daigdig, pati na ang kinakaharap ng mabubuting tao sa inyong lungsod. Kaya narito kami.”

Lubos kong inasahan na magtatanong pa ang mayor. Sa halip, nagbago ang timplada niya. Una’y pagdududa, tapos ay pagbabalewala ang nakita sa kanyang mukha. Marami siyang sinabi at gusto pang iligaw ang pananaw ko sa simpleng pamamaraan ng pagharap sa mga hamon ng mundo at biglang tinapos ang pag-uusap namin. Hindi na kami hinayaang magpaliwanag pa.

Ngayong umaga, gusto kong kumpletuhin ang pag-uusap na iyon. Sana’y nakikinig ang butihing mayor, dahil ang sasabihin ko’y mahalaga sa isang magulong mundo.

Nalulungkot tayo sa nakakikilabot na mga kalamidad nitong mga nakaraang taon. Dumadalas ito at tumitindi. Mabangis ang dating ng galit ng kalikasan, walang awa ang pagpaslang ng tao sa kanyang kapwa, at ang di- masupil na mga hilig ng katawan ay nagbubunga ng kahalayan, krimen, at pagkawasak ng pamilya na parami nang parami. Ang tsunami sa katimugang Asia at ang mga buhawi sa Estados Unidos, na lumikha ng matitinding pinsala, ang pinakabagong mga kalamidad na pinagtuunan natin ng pansin. Nagkaisa ang mga tao sa buong mundo sa pagtulong sa mga lubhang naapektuhan. Sa maikling panahon nauwi sa habag at pagmamahal ang ating mga di-pagkakasundo.

May utang na loob tayo sa mga tao na, nang dumanas ng kalamidad, ay nagpapaalala sa atin ng pagsalig ng tao sa Diyos. Isang biyuda sa refugee camp, na nagdadalamhati sa malupit na pagpaslang sa kanyang mga anak, ang nananangis na, “Hindi ako dapat mawalan ng pananampalataya.” Ang mga nakaligtas, na labis na nabahala sa hagupit ni Katrina, ay nagsumamong, “Ipagdasal ninyo kami.”1

Ang mga sanhi ng gayong mga kalamidad ang paksa ng parang walang katapusang debate. Ang mga komentarista, pulitiko, siyentipiko, at marami pang iba ay may mga opinyon tungkol sa mga sanhi nito.

Sabi ng Panginoong Jesucristo, tungkol sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo:

“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan; …

“Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat.”2

Pagtuunan natin ng pansin ang mga dahilan o layunin ng gayong mga kalamidad. Sa kabutihang-palad, hindi kailangan ang debate rito dahil nasa atin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Cristo na maaasahan natin. Saliksikin ang mga salita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon at sa Biblia; basahin ang mga turo ni Jesucristo sa ika-24 na kabanata ng Mateo;3 pag-aralan ang mga paghahayag ng Panginoon sa mga huling araw sa Doktrina at mga Tipan.4 Dito natin malalaman ang mga layunin ng Diyos sa gayong mga bagay.

Ang mga kalamidad ay isang anyo ng paghihirap, at ang paghihirap ay isang bahaging kailangan sa plano ng Ama sa Langit para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak.

Kung ang ating mga puso ay nakaayon sa Diyos, ang paghihirap ay magtuturo sa atin ng aral, tutulungan tayong madaig ang ating likas na pagkatao, at pangangalagaan ang kabanalang nasa atin. Kung walang paghihirap, hindi natin malalaman kung paano “pipiliin ang magaling na bahagi.”5 Tinutulungan tayo ng kahirapan na makita ang kailangan nating pagsisihan, upang madaig natin ang ating pagiging makamundo, upang magpakabuti at tamasahin ang “katahimikan ng budhi.”6

Habang nananangan tayo sa kabutihan, lalo nating natatamasa ang mapag-alagang kalinga ng ating Tagapagligtas. Siya ang Maylikha at Panginoon ng sansinukob. Papayapain Niya ang mga hangin at alon.7 Pagagalingin ng Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala ang nagsisising kaluluwa. Siya ang Mesiyas o Tagapagligtas, at dahil sa Kanya, bawat isa sa atin ay maaaring pamahalaan ang sarili niyang mundo, sa kabila ng mga trahedyang dumarating sa atin. Pakinggan ang mga katotohanang ito:

“Ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang Kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog. At dahil sa sila ay tinubos mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos, maliban sa kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw, alinsunod sa mga kautusang ibinigay ng Diyos.

“Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad [ng diyablo] na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”8

Makabubuting tandaan natin na ang diyablo ay ang mangwawasak.

Totoong sa buhay na ito ay malaya lang tayo kung ipahihintulot ng ating mortal na mga kalagayan. Maaaring hindi natin mapatigil ang digmaan sa ibang mga lupain o mapigilan ng ating mahinang bisig ang haplit ng malalakas na bagyo o malayang makatakbo kapag nakaratay ang ating katawan sa banig ng karamdaman. Ngunit talagang totoo na hindi lubos na mapipigil ng mga bagay na iyon ang sarili nating mundo. Tayo ang gagawa niyon!

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith: “Kaligayahan ang pakay at layon ng ating pag-iral; at ito ang magiging katapusan nito, kung hahanapin natin ang landas patungo dito; at ang landas na ito ay ang kagandahang-asal, kabutihan, katapatan, kabanalan, at pagsunod sa lahat ng mga kautusan ng Diyos.”9

Kaya nga, kagalang-galang na mayor, tunay na nasa ebanghelyo ni Jesucristo ang sagot sa lahat ng problema ng mundo, dahil nilulunasan nito ang mga sakit ng bawat kaluluwang nabubuhay.

Tuwing dumarating ang kalamidad, may katumbas na sagradong obligasyon ang bawat isa sa atin na magpakabuti. Dapat nating itanong sa ating sarili, “Anong bahagi ng buhay ko ang dapat kong baguhin para hindi na ako maparusahan?”

Sa mga banal na kasulatan, nilinaw ng Panginoon ang inaasahan Niya sa atin kapag dumarating ang gayong mga paghatol. Sinabi Niya: “Bigkisan ang inyong mga balakang at maging handa. Masdan, ang kaharian ay inyo, at ang kaaway ay hindi mananaig.”10

Ang Simbahan at ang mga miyembro ay inutusang umasa sa sarili at magsarili.11 Ang paghahanda ay nagsisimula sa pananampalataya, na nagbibigay-daan para makayanan natin ang dumarating na mga problema. Ang tingin natin sa buhay sa mundo ay isa itong paghahandang paglalakbay. Ang pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo ay dumadaig sa takot at nagbubunga ng espirituwalidad.

Lumalago ang espirituwalidad kapag tayo’y “[n]analangin, at [n]agsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”12 Ito ang “pagkabatid na lubos nating masusupil ang ating sarili at nakakaugnay natin ang Diyos.”13

Ang pananampalataya, espirituwalidad, at pagsunod ay nagbubunga ng mga taong handa at umaasa sa sarili. Sa pagsunod natin sa batas ng ikapu, ligtas tayo sa paghihikahos at sa kapangyarihan ng mangwawasak. Kapag nag-ayuno tayo at bukas-palad na nagbigay sa iba, diringgin ang ating mga dalangin at mag-iibayo ang katapatan sa pamilya. Ito rin ang mga pagpapalang makakamit kapag sinunod natin ang payo ng mga propeta at namuhay ayon sa ating kinikita, umiwas sa pag-utang na hindi kailangan, at nag-imbak ng sapat na pangangailangan sa buhay upang matustusan ang sarili at pamilya kahit sa loob man lang ng isang taon. Maaaring hindi ito laging madali, pero gawin natin ang “pinakamainam”14 na magagawa natin, at hindi kukulangin ang ating imbakan—magkakaroon ng “sapat at matitira.”15

At muli’y sinabi ng Panginoon, “Samakatwid, kayo ay maging malakas magmula ngayon; huwag matakot, sapagkat ang kaharian ay inyo.”16

Ang lakas at dunong na makibagay ay nagmumula sa matwid na pamumuhay. Hindi matwid ang isang tao kung banal lang siya kapag Linggo pero pabaya sa ibang araw. Ang di-masupil na mga hilig ay nakakapahamak at nagiging dahilan para “lapastanganin [ng mga tao] … ang mga bagay na banal.”17 Itinuro ni Pangulong Brigham Young, “Ang kasalanang tataglayin ng lahat ng inapo nina Adan at Eva ay, na hindi sila nagpakahusay nang ayon sa nalalaman nila.”18

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang landas tungo sa kabutihan. Kailanma’y hindi nagtatagumpay ang trahedya kapag nanaig ang pansariling kabutihan. Kung gayon, sundin natin ang payo ni Apostol Pablo:

“Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.

“Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan.

“Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.”19

Tungkulin natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw na ihanda ang ating sarili, ang mundong ito, at ang mga naninirahan dito para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo. Ang pagiging handa at malakas tulad ng turo sa ebanghelyo ay tumitiyak sa kaligayahan dito at sa kabilang buhay at ginagawang posible itong “dakilang misyon sa milenyo.”

Ipinayo ng pinakamamahal nating si Pangulong Hinckley: “Ngayon, mga kapatid ko, panahon na para lalo tayong manindigan, upang lawakan ang ating pang-unawa sa dakilang misyon sa milenyo nitong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngayon tayo kailangang maging malakas. Ngayon tayo kailangang sumulong nang walang pag-aalinlangan, dahil alam na nating mabuti ang kahulugan, lawak, at kahalagahan ng ating misyon. Panahon na para gawin ang tama anuman ang maging bunga nito. Panahon na para ipakitang sinusunod natin ang mga utos. Panahon na para tulungan nang buong kabaitan at pagmamahal ang mga naliligalig at mga nangangapa sa dilim at nagdurusa. Panahon na para isaalang-alang ang iba at maging mabuti, disente at mapitagan sa bawat isa sa lahat ng ating pakikitungo. Sa madaling salita, maging higit na katulad ni Cristo.”20

Itinuturo sa atin ng payong ito ng propeta ng Panginoon kung paano malalampasan ang nakababagabag na panahong ito. Sa lahat ng mga nagdurusa, nahahabag kami sa inyo. Nawa’y pagaanin ng Ama sa Langit, sa Kanyang walang hanggang awa, ang inyong mga pasanin at punuin ang inyong buhay ng kapayapaang iyon na “di masayod ng pag-iisip.”21 Hindi kayo nag-iisa. Nakikiisa sa inyo ang aming pagmamahal at pananampalataya at dalangin. Magpatuloy sa kabutihan at magiging maayos ang lahat.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Sinipi sa “The Lost City,” ni Evan Thomas, Newsweek, Set. 12, 2005, 44.

  2. D at T 1:17, 37.

  3. Tingnan din sa Joseph Smith—Mateo.

  4. Tingnan sa D at T 45; 88; 101; at 133.

  5. “Ama, Kami’y Nananalig,” Mga Himno, blg. 106.

  6. Mosias 4:3.

  7. Tingnan sa Mateo 8:25–27; Marcos 4:39.

  8. 2 Nephi 2:26–27; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  9. History of the Church, 5:134–35.

  10. D at T 38:9.

  11. Tingnan sa D at T 78:13–14; Providing in the Lord’s Way: A Leader’s Guide to Welfare (hanbuk ng welfare, 1990), 5.

  12. D at T 68:28.

  13. David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1969, 8.

  14. Tingnan sa “Pagiging Matatag at Di Natitinag,” ni Gordon B. Hinckley, Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 10, 2004, 21.

  15. D at T 104:17.

  16. D at T 38:15.

  17. D at T 6:12.

  18. Discourses of Brigham Young, tinipon ni John A. Widtsoe (1954), 89.

  19. Mga Taga Roma 13:12–14.

  20. “This Is the Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 71; tingnan din sa “Pambungad na Pananalita,” Liahona, Mayo 2005, 4.

  21. Mga Taga Filipos 4:7.