2005
Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy
Nobyembre 2005


Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy

Ang mabigat na pagsubok ng buhay ay ang makita kung diringgin at susundin natin ang mga utos ng Diyos sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.

Naisip na ng karamihan sa atin kung paano maghahanda sa mga unos. Nakita at nadama natin ang hirap na dinanas ng mga kababaihan, kalalakihan, at mga bata, at ng matatanda at mahihina, na nasalanta ng mga buhawi, tsunami, digmaan, at tagtuyot. Ang isang reaksyon ay itanong ito: “Paano ako magiging handa?” At magmamadali nang bumili at magtabi ng inaakala ng mga tao na maaari nilang kailanganin sa araw na haharap sila sa gayong mga kalamidad.

Ngunit may isa pang mas mahalagang paghahanda na kailangan nating gawin sa mga pagsubok na tiyak na darating sa bawat isa sa atin. Ang paghahandang iyon ay kailangang simulan nang maaga dahil mangangailangan iyon ng panahon. Ang kakailanganin natin sa sandaling iyon ay hindi maaaring bilhin. Hindi iyon maaaring hiramin. Hindi iyon naiimbak. At kailangan itong gamitin nang regular at madalas.

Ang kakailanganin natin sa araw ng ating pagsubok ay espirituwal na paghahanda. Iyon ay ang pagkakaroon ng napakalakas na pananampalataya kay Jesucristo para makapasa tayo sa pagsubok ng buhay na pagbabatayan ng lahat ng bagay na para sa atin sa kawalang-hanggan. Ang pagsubok na iyon ay bahagi ng layunin sa atin ng Diyos sa paglikha.

Ibinigay sa atin ni Propetang Joseph Smith ang paglalarawan ng Panginoon sa pagsubok na ating kinakaharap. Nilikha ng ating Ama sa Langit ang daigdig kasama ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Narito ang mga salitang nagsasabi sa atin ng layon ng paglikha: “Bababa tayo, sapagkat may puwang doon, at tayo ay magdadala ng mga sangkap na ito, at tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan; At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”1

Kaya nga, ang mabigat na pagsubok ng buhay ay ang makita kung diringgin at susundin natin ang mga utos ng Diyos sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Hindi ito pagtitiis sa bagyo, kundi pagpili ng tama habang humahagupit ito. At ang trahedya ng buhay ay ang hindi pagpasa sa pagsubok na iyon, at dahil dito’y maging hindi karapat-dapat na bumalik nang may kaluwalhatian sa ating tahanan sa langit.

Tayo ang mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Minahal Niya tayo at tinuruan bago pa tayo isinilang sa mundong ito. Sinabi Niya sa atin na nais sana Niyang ibigay sa atin ang lahat ng mayroon Siya. Para maging marapat sa regalong iyon kinailangan nating tumanggap ng mga katawang mortal at subukan. Dahil sa mga katawang mortal na ito daranas tayo ng sakit, karamdaman, at kamatayan.

Mapapailalim tayo sa mga tukso dahil sa mga pagnanasa at kahinaang kaakibat ng ating katawang mortal. Tutuksuhin tayo ng mapanlinlang at makapangyarihang puwersa ng kasamaan para sumuko sa mga tuksong iyon. Magkakaroon ng mga unos sa buhay kung saan kakailanganin nating pumili gamit ang pananampalataya sa mga bagay na hindi nakikita ng ating likas na mga mata.

Pinangakuan tayo na si Jehova, si Jesucristo, ang magiging ating Tagapagligtas at Manunubos. Titiyakin Niya na mabubuhay tayong muli. At gagawin Niya itong posible para makapasa tayo sa pagsubok ng buhay kung mananampalataya tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagiging masunurin. Sumigaw tayo sa galak dahil sa mabuting balitang ito.

Isang talata mula sa Aklat ni Mormon, isa pang saksi kay Jesucristo, ang naglalarawan kung gaano kahirap ang pagsubok at ano ang kailangan para makapasa rito:

“Samakatwid, magalak sa inyong mga puso, at tandaan ninyo na kayo ay malayang makakikilos para sa inyong sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan.

“Samakatwid, mga minamahal kong kapatid, makipagkasundo kayo sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng diyablo at ng laman; at tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kayo ay maliligtas.

“Samakatwid, nawa ay ibangon kayo ng Diyos mula sa kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, at mula rin sa walang hanggang kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala, upang kayo ay matanggap sa walang hanggang kaharian ng Diyos, upang inyong papurihan siya sa pamamagitan ng dakilang biyaya. Amen.”2

Kailangan ang di-natitinag na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo para mapili ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Sa paggamit ng pananampalatayang iyon natin malalaman ang kalooban ng Diyos. At sa pamumuhay sa pananampalatayang iyon tayo magkakaroon ng lakas para gawin ang kalooban ng Diyos. At sa pananampalatayang iyon kay Jesucristo natin malalabanan ang tukso at magkakaroon tayo ng kapatawaran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.

Kailangang matagal na tayong mayroon at napalago na natin ang pananampalataya kay Jesucristo bago pa man tayo salakayin ni Satanas, tulad ng gagawin niya, gamit ang mga pagdududa, at pang-aakit sa ating mga makamundong nasain, at mga kasinungalingan na nagsasabing mabuti ang masama at walang kasalanan. Ang mga espirituwal na unos ay humahagupit na ngayon. Makaaasa tayong titindi lalo ang mga ito hanggang sa pagbabalik ng Tagapagligtas.

Gaano man kalaki ang pananampalataya natin ngayon sa pagsunod sa Diyos, kailangan pa rin nating patuloy na palakasin ito at sariwain ito palagi. Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagpapasiya ngayon na mas mabilis na sumunod at maging mas determinadong magtiis. Ang pagkatutong magsimula nang maaga at magpatuloy ang mga susi sa espirituwal na paghahanda. Ang pagpapaliban at pagbabagu-bago ang mga mortal na kaaway nito.

Hayaang magmungkahi ako sa inyo ng apat na bagay para masanay sa mabilis at palagiang pagsunod. Isa na ang utos na magpakabusog sa salita ng Diyos. Ang pangalawa ay laging manalangin. Ang pangatlo ay ang utos na magbayad ng buong ikapu. At ang pang-apat ay iwasan ang kasalanan at ang masasamang epekto nito. Bawat isa sa kanila ay nangangailangan ng pananampalataya para makapagsimula at magsumigasig. At madaragdagan ng lahat ng ito ang inyong kakayahan na malaman at sundin ang mga utos ng Panginoon.

Nasa inyo na ang tulong ng Panginoon para makapagsimula. Noong Agosto, natanggap ninyo ang pangakong ito mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley na kung babasahin ninyo ang Aklat ni Mormon hanggang sa katapusan ng taon ay: “Walang alinlangan kong ipinangangako sa inyo na kung susundin ng bawat isa sa inyo ang simpleng programang ito, kahit ilang beses na ninyong nabasa ang Aklat ni Mormon, darating sa inyo at sa inyong tahanan ang dagdag pang impluwensiya ng Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos.”3

Iyan ang pangako ng dagdag na pananampalataya na kailangan natin para maging handa sa espirituwal. Ngunit kung hindi tayo agad magsisimulang sumunod sa inspiradong imbitasyong iyon madaragdagan ang mga pahinang babasahin natin sa bawat araw. At kapag hindi tayo nakapagbasa kahit sa loob lang ng ilang araw, malamang na mabigo tayo. Kaya nga pinili kong mauna na sa pagbabasa kaysa sa plano ko sa araw-araw para matiyak na magiging kwalipikado ako sa ipinangakong mga biyaya ng Espiritu ng katatagan ng pasiya at patotoo kay Jesucristo. Kapag natapos na ang Disyembre, natutuhan ko na ang tungkol sa pagsisimula kaagad sa sandaling mag-utos ang Diyos at patuloy na sumunod.

Hindi lang iyan, habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, idadalangin ko na tulungan ako ng Espiritu Santo na malaman ang gustong ipagawa sa akin ng Diyos. May pangakong masasagot ang pagsamong iyon sa aklat mismo: “Samakatwid, sinasabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”4

Kaagad kong susundin ang sasabihin sa akin ng Espiritu Santo na dapat kong gawin habang binabasa ko at pinag-iisipan ang Aklat ni Mormon. Kapag natapos ko ang proyekto sa Disyembre, marami na akong karanasan sa pagdaragdag ng aking pananampalataya para maging masunurin. At titibay ang aking pananampalataya. At malalaman ko sa sariling karanasan ko kung ano ang bunga ng maaga at palagiang pagbubuklat ng mga banal na kasulatan para malaman ang nais ipagawa ng Diyos sa akin at pagkatapos ay gawin ito. Kapag ginawa natin ito, mas magiging handa tayo sa mas malalaking unos kapag dumating na ang mga ito.

Pagkatapos ay mapipili na natin ang nais nating gawin makaraan ang Enero 1. Maaari tayong mapabuntung-hininga nang buong ginhawa at sabihin sa ating sarili: “Nakalikha ako ng malaking imbakan ng pananampalataya sa pamamagitan ng maagang pagsisimula at patuloy na pagsunod. Itatabi ko ito para sa oras ng mga pagsubok.” May mas mabuting paraan para makapaghanda, dahil hindi nagtatagal ang malaking pananampalataya. Maaari tayong magpasiyang patuloy na pag-aralan ang mga salita ni Cristo sa mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga buhay na propeta. Ganito ang gagawin ko. Babalikan ko ang Aklat ni Mormon at pag-aaralan pa itong mabuti at madalas. At pagkatapos ay magpapasalamat ako sa nagawa ng hamon at pangako ng propeta para maturuan ako kung paano magkaroon ng dagdag na pananampalataya at panatilihin ito.

Mapatatatag din ng personal na panalangin ang ating pananampalatayang gawin ang ipinag-uutos ng Diyos. Inutusan tayong magdasal palagi para hindi tayo madaig. Ang ilan sa mga proteksyong kailangan natin ay ang direktang pamamagitan ng Diyos. Ngunit mas marami pang darating dahil sa pananampalataya nating sumunod. Maaari tayong manalangin araw-araw para malaman ang gustong ipagawa sa atin ng Diyos. Maaari tayong mangakong simulan ito kaagad kapag dumating ang sagot. Batay sa karanasan ko lagi Niyang sinasagot ang gayong mga kahilingan. At maaari nating piliing sumunod. Kapag ginawa natin ito, magiging sapat ang pananampalataya natin kaya’t di tayo madadaig. At magkakaroon tayo ng pananampalatayang paulit-ulit na bumalik para sa dagdag na tagubilin. Kapag dumating ang mga unos, magiging handa tayong humayo at gawin ang ipinag-uutos ng Panginoon.

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang dakilang halimbawa ng gayong panalangin ng pagkamasunurin. Nagdasal Siya sa Halamanan ng Getsemani nang isinasagawa Niya ang Pagbabayad-sala para magawa ang kagustuhan ng Kanyang Ama. Alam Niyang kagustuhan ng Kanyang Ama na gawin Niya ang napakasakit at nakapanghihilakbot na bagay na hindi natin kayang arukin. Hindi lang Niya ipinagdasal na matanggap ang kagustuhan ng Ama kundi ang gawin din ito. Ipinakita Niya sa atin kung paano manalangin nang ganap at lubusang sumunod.

Ang alituntunin ng maaga at palagiang pananampalataya ay angkop din sa utos na magbayad ng ikapu. Hindi natin dapat hintayin pa ang taunang tithing settlement para magdesisyon na magbayad ng buong ikapu. Maaari tayong magpasiya ngayon. Kailangan ng panahon para matutuhan nating kontrolin ang ating paggastos nang may pananampalataya na mula sa Diyos ang lahat ng nasa atin. Kailangan ng pananampalataya para mabayaran ang ating ikapu sa takdang oras at hindi na ipagpaliban pa ito.

Kung magdedesisyon tayo ngayon na magbayad ng buong ikapu at patuloy nating babayaran ito, buong taon na bubuhos ang mga biyaya, kahit sa oras ng tithing settlement. Sa pagdedesisyon natin ngayon na magbayad ng buong ikapu at sa patuloy na pagsisikap na sundin ito, mapapalakas ang ating pananampalataya at, darating ang panahon na lalambot ang ating mga puso. Dahil sa pagbabagong iyon sa ating puso na dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na higit pa sa pagbibigay ng ating salapi at iba’t ibang bagay, ay nagiging posible na mangako ang Panginoon, sa mga nagbabayad ng buong ikapu, ng proteksyon sa mga huling araw.5 Makakaasa tayong magiging marapat tayong mabiyayaan ng proteksyon kung mangangako tayo ngayong magbayad ng buong ikapu at patuloy na gagawin ito.

Ang alituntunin ding ito ng maagang pagpili na manampalataya at masigasig na sumunod ay angkop sa pagkakaroon ng pananampalataya upang mapaglabanan ang tukso at magkaroon ng kapatawaran. Ang pinakamainam na sandali para labanan ang tukso ay gawin ito nang maaga. Ngayon ang pinakamainam na oras para magsisi. Kung anu-ano ang ipapasok sa ating isipan ng kalaban ng ating mga kaluluwa para tuksuhin tayo. Maaari tayong magdesisyon kaagad na magpakita ng pananampalataya para maitaboy ang masasamang kaisipan bago pa natin magawa ang mga ito. At maaari nating piliin kaagad na magsisi kapag nagkasala tayo, bago pa mapahina ni Satanas ang ating pananampalataya at maigapos tayo. Makabubuting humingi na ng tawad ngayon kaysa patagalin pa ito.

Noong malapit nang mamatay si Itay, tinanong ko siya kung hindi ba panahon na para magsisi at manalangin para humingi ng tawad sa anumang kasalanan na hindi pa napagsisihan sa Diyos. Siguro natunugan niya sa boses ko na iniisip ko na baka takot siyang mamatay at ang Paghuhukom. Medyo natawa siya, ngumiti sa akin, at sinabing, “Hindi, Hal, araw-araw akong nagsisisi.”

Ang mga desisyon ngayon na manampalataya at patuloy na sumunod ay magbubunga ng matatag na pananampalataya at katiyakan balang-araw. Iyan ang espirituwal na kahandaang kakailanganin nating lahat. At gagawin tayong marapat nito sa sandali ng krisis para matanggap ang pangako ng Panginoon na, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”6

Magkakatotoo iyan kapag naharap na tayo sa mga unos ng buhay at sa napipintong kamatayan. Ibinigay sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang lahat ng tulong na maibibigay Nila para makapasa sa pagsubok na ito ng buhay. Ngunit kailangan tayong magpasiyang sumunod at gawin ito. Pinatatatag natin ang pananampalataya para makapasa sa mga pagsubok ng pagsunod sa paglipas ng panahon at sa mga pagpili natin sa araw-araw. Maaari tayong magpasiya ngayon na gawin kaagad ang anumang hilingin sa atin ng Diyos. At maaari tayong magpasiya na maging matatag sa maliliit na pagsubok ng pagsunod na nagpapatatag sa pananampalataya na tutulong sa atin sa gitna ng malalaking pagsubok, na tiyak na darating.

Alam kong tayo ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Alam ko na ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay ang ating Tagapagligtas, at binayaran Niya ang halaga ng lahat ng ating kasalanan. Siya’y nabuhay na muli, at Siya at ang Ama sa Langit ay nagpakita sa batang si Joseph Smith. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay ang salita ng Diyos, na isinalin ayon sa kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Alam kong ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo.

Alam ko na sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay malalaman natin ang nais ipagawa sa atin ng Diyos. Pinatototohanan ko na mabibigyan Niya tayo ng kapangyarihang gawin ang ipinagagawa Niya sa atin, anuman ito at anuman ang dumating na mga pagsubok.

Dalangin ko na piliin nating sundin ang Panginoon nang agad-agad at palagi, sa panahon ng katahimikan at sa gitna ng mga unos. Kapag ginawa natin ito, lalakas ang ating pananampalataya, magiging payapa sa buhay na ito, at magkakaroon tayo ng katiyakan na tayo at ang ating mga pamilya ay magiging marapat sa buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Abraham 3:24–25.

  2. 2 Nephi 10:23–25.

  3. Pangulong Gordon B. Hinckley, “Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 6.

  4. 2 Nephi 32:3.

  5. Tingnan sa D at T 64:23.

  6. D at T 38:30.