Ang Aklat ni Mormon, ang Kasangkapan para Matipon ang Nakalat na Israel
Ibinigay sa atin ni Jesucristo ang Aklat ni Mormon bilang kasangkapan para matipon ang nakalat na Israel.
Tatlumpu’t anim na taon na ang nakalilipas nang magmisyon ako sa southeast Mexico. Wala pang mga stake noon, at dadalawa lamang ang branch sa malalaking lungsod na sakop ng misyon. Kakaunti lang ang oportunidad na makapag-aral at laganap ang kahirapan. Maliban sa dalawa o tatlo, lahat ng mga misyonero ay mula sa Estados Unidos.
Naaalala ko pa ang mga miyembro ng Nealtican branch. Lahat ng gusali sa bayan ay yari sa adobe, maliban sa simbahang Katoliko at sa kapilyang LDS. Natatandaan ko pa nang nakatayo ako sa maliit na bahay ng branch president na yari sa adobe. Lupa ang sahig nito, walang salamin ang mga bintana, at may maliit na alpombrang nakasabit sa pasukan. Walang kagamitan sa loob ng bahay. Walang sapatos ang kanyang pamilya.
Pero masasayang tao sila. Sinabi niya sa akin na ipinagbili nila lahat ng ari-arian nila para makabili ng tiket ng bus papunta sa templo sa Mesa, kung saan sila ibinuklod para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Marami sa mga miyembro ng branch ang gumawa rin nang gayon.
Pagkalipas ng isang buwan nagbalik ako sa Mexico para maglingkod sa Mexico North Area Presidency. Malaki ang pagkakaiba ng Mexico ngayon sa Mexico noong nakalipas na tatlumpu’t anim na taon. Ang Nealtican ang sentro ng lumalaking stake ng Sion. Ang Mexico ay may 200 stake at isang milyong miyembro ng Simbahan. Marami sa mga lider ng stake at ward ang may mataas na pinag-aralan at maginhawa sa buhay. Libu-libong kabataang lalaki at babae mula sa Mexico ang naglilingkod ngayon sa fulltime na misyon.
Tunay na natutupad ang pangitaing nakita ni Lehi at binigyang- kahulugan ni Nephi. “At sa araw na yaon ay malalaman ng labi ng ating mga binhi na sila ay kabilang sa sambahayan ni Israel, at na sila ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon; at pagkatapos makikilala nila at makararating sila sa kaalaman ng kanilang mga ninuno, at gayon din sa kaalaman ng ebanghelyo ng kanilang Manunubos, na kanyang ipinangaral sa kanilang mga ama; anupa’t makararating sila sa kaalaman ng kanilang Manunubos.”1
Tunay na ang mga tao sa Mexico at iba pang bansa sa Latin America ay kabilang sa mga inapo ng mga propeta. Ang Aklat ni Mormon ay pamana sa kanila. Si Jesucristo ay tunay na nagministeryo sa kanilang mga ninuno.
Matapos ang Kanyang pagkabuhay na muli, bumaba si Jesucristo mula sa langit, na nakadamit ng puting bata at tumayo sa gitna ng kanilang mga ninuno dito sa mga lupain ng Amerika. Iniunat Niya ang kanyang kamay at sinabing: “Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.
“… Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan.”2
“Samakatwid, itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas.”3
Sa Simbahan sa ating panahon, inulit ng Tagapagligtas ang payong iyon nang sabihin niyang, “Katotohanang sinasabi ko sa inyong lahat: Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.”4 Si Jesucristo ang ilaw na ating itinataas bilang pamantayan sa lahat ng bansa. Iniaalok natin ang karagdagang liwanag ni Jesucristo ayon sa pagkakahayag sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.
Hinamon tayo ni Pangulong Hinckley na basahin o muling basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon, bilang paggunita sa ika-200 anibersaryo ng pagsilang ni Propetang Joseph Smith. Sa pamamagitan nito, pinararangalan natin si Joseph Smith, na nagsalin ng Aklat ni Mormon “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”5
Nang magpakita ang sinaunang propetang si Moroni kay Joseph, sinabi niya sa kanya “na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa [kanya], at ang [kanyang] pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika, o magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao.”6
Natupad ang propesiyang iyon. Ang pangalan ni Joseph Smith ay nakilala at iginalang sa buong mundo, maging sa pinakaliblib na nayon ng Nealtican, Mexico.
Kamakailan, isang miyembro sa Monterrey, Mexico ang nagkuwento sa akin kung paano nabago ng Aklat ni Mormon ang kanyang buhay. Bilang isang tinedyer, si Jesús Santos ay hanga sa pananamit at pag-uugali ng mga misyonerong LDS na nakikita niyang naglalakad sa maalikabok na mga lansangan. Gusto niyang makipag-usap sa kanila tungkol sa kanilang simbahan, pero sinabihan siya ng isang kaibigan na kailangang hintayin niya na sila ang lumapit o kumontak sa kanya.
Maraming beses siyang pumupunta sa mga gusali ng Simbahan at tinatanaw ang mga misyonero sa bakod na bakal at ang mga kabataan ng mutual na naglalaro. Para bang napakababait nila, at gusto niyang mapabilang sa kanila. Ipinapatong niya ang kanyang baba sa bakod, na umaasang mapapansin nila siya at yayain siyang makisali sa kanila. Hindi ito kailanman nangyari.
Nang ikuwento ito sa akin ni Jesús, sabi niya, “Nakakalungkot. Tinedyer pa lang ako noon at sana’y nakapagmisyon ako nang full-time.”
Lumipat siya sa Monterrey, Mexico. Makalipas ang siyam na taon habang dinadalaw niya ang isang kaibigan sa kabilang baryo ay kumatok sa pinto ang mga misyonero. Gusto silang itaboy ng kanyang kaibigan. Nakiusap si Jesús sa kanyang kaibigan na hayaang makipag-usap sa kanila ang mga misyonero kahit dalawang minuto lang. Pumayag ang kanyang kaibigan.
Binanggit ng mga misyonero ang tungkol sa Aklat ni Mormon, kung paano naglakbay ang pamilya ni Lehi mula Jerusalem papuntang Amerika, at kung paano binisita ng nabuhay na muling Jesucristo ang mga inapo ni Lehi sa Amerika.
Marami pang gustong malaman si Jesús. Nakatawag lalo ng kanyang pansin ang larawan ng pagpapakita ni Cristo sa Amerika. Ibinigay niya sa mga misyonero ang kanyang address. Naghintay siya ng ilang buwan, pero hindi sila kailanman nakipagkita sa kanya.
Tatlong taon pa ang lumipas. May ilang kaibigang nag-imbita sa kanyang pamilya sa isang family home evening. Binigyan nila siya ng kopya ng Aklat ni Mormon.
Kasisimula pa lang niyang basahin ang Aklat ni Mormon, alam na niyang totoo ito. Sa wakas, 12 taon makalipas ang una niyang pagkarinig tungkol sa Simbahan, siya at ang kanyang asawa ay nabinyagan. Napakaraming taon ang nasayang. Kung kinausap lang sana siya ng mga misyonero, kung napansin lang sana ng mga kabataan sa mutual ang malungkot na tinedyer na nakatanaw sa bakod, kung natagpuan lang sana siya ng mga misyonero sa Monterrey sa kanyang tahanan, disin sana’y kaiba ang naging buhay niya sa loob ng 12 taong iyon. Salamat na lamang at inimbita siya ng mga kapitbahay na miyembro sa isang family home evening at ibinahagi sa kanya ang aklat na iyon na may napakalakas na kapangyarihang magpabalik-loob, ang Aklat ni Mormon.
Ngayon, si Jesús Santos ang Pangulo ng Monterrey Mexico Temple.
Ibinigay sa atin ni Jesucristo ang Aklat ni Mormon bilang kasangkapan para matipon ang nakalat na Israel. Noong magpakita Siya sa Amerika, sinabi Niya sa mga tao, “At kapag ang mga bagay na ito ay mangyari na, ang iyong mga binhi ay magsisimulang malaman ang mga bagay na ito—ito ay magiging palatandaan sa kanila, upang kanilang malaman na ang gawain ng Ama ay nagsimula na tungo sa pagtupad ng tipang kanyang ginawa sa mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel.”7
Ang Aklat ni Mormon ay ang mismong saksi sa mga tao sa Latin America at sa lahat ng bansa. Ang paglabas ng aklat sa mga huling araw na ito ay nagpapatotoo na minsan pa’y muling sinisimulang tipunin ng Diyos ang nakalat na Israel.
Para ko pa ring nakikinita si Jesús Santos na isang nanlilimahid na 18- taong-gulang na nakatanaw sa bakod ng kapilya. Nakikita ba ninyo siya? Maaari ba ninyo siyang anyayahan at ang iba pang katulad niya na makiisa sa atin? Sino ang kakilala ninyo na maaaring magpaunlak sa inyong paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon? Aanyayahan ba ninyo sila? Huwag nang maghintay pa.
Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik. Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, ang siyang paraan para matipon ang lahat ng mga tao sa lahat ng bansa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang Simbahang ito’y nakatatag sa pundasyon ng mga apostol at propeta, tulad noong unang panahon. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang hinirang na propeta ng Panginoon sa mundo ngayon. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Ito ang Kanyang Simbahan at Kaharian. Siya ang ating Haring Emanuel. Ito ang aking patotoo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.