Mga Paghahanda para sa Panunumbalik at ang Ikalawang Pagparito: “Ang aking Kamay ang Gagabay sa Iyo”
Ang mga kamay [ng Panginoon] ay gumagabay na sa gawain ng Panunumbalik bago pa inilatag ang pundasyon ng mundong ito at magpapatuloy hanggang sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Sa taong ito ginugunita natin ang ika-200 kaarawan ni Propetang Joseph Smith. Sa mundo nagpapatotoo tayo na siya ang propeta ng Diyos na inorden noong una pa man na ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ginawa niya ito sa ilalim ng pamamahala ng ating Tagapagligtas, na nagsabi sa isang mas naunang propeta, “Ang pangalan ko ay Jehova, at nalalaman ko ang wakas mula sa simula; samakatwid, ang aking kamay ang gagabay sa iyo.”1
Kinikilala ko ang kamay ng Panginoon sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Sa mga inspiradong sakripisyo ng mga anak ng Diyos sa paglipas ng mga panahon, nailatag ang pundasyon ng Panunumbalik, at naghahanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Unang itinatag ang Kanyang ebanghelyo sa lupa mula pa kay Adan at naituro na sa bawat dispensasyon sa pamamagitan ng mga propetang tulad ni Enoc, Noe, Abraham, Moises, at iba pa. Bawat isa sa mga propetang ito ay ipinropesiya ang pagdating ni Jesucristo upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng mundo. Ang mga propesiyang iyon ay natupad. Talagang itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan. Tinawag Niya ang Kanyang mga Apostol at itinatag ang Kanyang priesthood. Higit sa lahat, ibinigay Niya ang Kanyang buhay at nabuhay na mag-uli upang lahat ay muling magbangon, sa gayo’y matupad ang nagbabayad-salang sakripisyo. Ngunit hindi pa iyon ang katapusan.
Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, inutusan Niya ang Kanyang mga Apostol na pamunuan ang Simbahan at pangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo. Tapat sa utos na ito, sila’y pinahirapan, at pinaslang pa ang iba kalaunan. Bunga nito, nawala ang awtoridad ng priesthood ng Panginoon sa daigdig, at nasadlak sa espirituwal na kadiliman ang mundo. Sa sumunod na mga siglo, ang mga anak ng Diyos ay nagkaroon ng Liwanag ni Cristo, makapagdarasal at madarama ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ngunit nawala na ang kaganapan ng ebanghelyo. Walang natira sa daigdig na may kapangyarihan at awtoridad na pamunuan ang Simbahan o magsagawa ng mga sagradong ordenansang tulad ng binyag, paggagawad ng kaloob na Espiritu Santo, at ng nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo. Halos lahat ay hindi makabasa ng mga banal na kasulatan, at karamihan ay hindi marunong bumasa’t sumulat.
Naging unang hakbang sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang pagpapadaling Makakuha ng mga banal na kasulatan at pagtulong sa mga anak ng Diyos na matutong basahin ito. Dati-rati’y nakasulat ang Biblia sa Hebreo at Griyego, mga wikang hindi alam ng karaniwang tao sa buong Europa. Pagkatapos, mga 400 taon pagkamatay ng Tagapagligtas, isinalin ni Jerome ang Biblia sa Latin. Pero mahirap pa ring makakuha ng banal na kasulatan. Kinailangan isulat-kamay ang mga kopya, kadalasa’y ng mga monghe, at bawat isa’y taon ang binilang bago natapos.
Pagkatapos, dahil sa impluwensya ng Espiritu Santo, nagkaroon ng interes na matuto ang mga tao. Ang Renaissance o “muling pagsilang” ay lumaganap sa buong Europa. Sa mga huling taon ng 1300, isang paring Nagngangalang John Wycliffe ang nagpasimula ng pagsasalin ng Biblia sa Ingles mula sa Latin. Dahil Ingles ang bagong wikang umiiral at hindi pino, naisip ng mga lider ng simbahan na hindi ito angkop gamitin para ipahayag ang salita ng Diyos. Ilang lider ang nakatiyak na kung mag-isang babasahin at uunawain ng mga tao ang Biblia, mapapasama ang doktrina nito; natakot ang iba na baka hindi na kailanganin ng mga taong madaling makakuha ng mga banal na kasulatan ang simbahan at itigil ang pagsuporta dito sa pera. Dahil dito, pinaratangang isang erehe si Wycliffe at itinuring siyang gayon. Nang mamatay at ilibing siya, hinukay ang mga buto niya at sinunog. Pero hindi mapigil ang gawain ng Diyos.
Habang ang ilan ay inspiradong isalin ang Biblia, ang iba naman ay inspiradong maghanda ng paraan para mailathala Ito. Pagsapit ng 1455 nakaimbento na si Johannes Gutenberg ng limbagang puwedeng ilipat-lipat, at isa ang Biblia sa mga unang aklat na inilimbag niya. Sa kauna-unahang pagkakataon naging posibleng ilimbag ang maramihang kopya ng mga banal na kasulatan at sa halagang kaya ng marami.
Samantala, napasa mga explorer din ang inspirasyon ng Diyos. Noong 1492 nilisan ni Colombo ang Espanya para humanap ng bagong landas patungong Far East. Inakay ng kamay ng Diyos si Colombo sa kanyang paglalakbay. Sabi niya, “Binigyan ako ng Diyos ng pananampalataya, at ng katapangan.” 2
Ang mga imbensyon at tuklas na ito ang nagbigay-daan sa iba pang mga kontribusyon. Noong mga unang taon ng 1500 nag-aral ang batang si William Tyndale sa Oxford University. Doo’y pinag-aralan niya ang gawa ng dalubhasa sa Biblia na si Erasmus, na naniwalang ang mga banal na kasulatan ay “pagkain ng kaluluwa [ng tao]; at … dapat tumimo sa kaibuturan ng [kanyang] puso’t isipan.”3 Sa kanyang pag-aaral, nagkaroon si Tyndale ng pag-ibig sa salita ng Diyos at ng hangarin na mismong lahat ng anak ng Diyos ay magpakabusog dito.
Sa panahong ito, natukoy ng isang pari at propesor na Aleman na nagngangalang Martin Luther ang 95 mali sa simbahan noong panahon niya, na matapang niyang ipinadala sa isang liham sa mga nakatatanda sa kanya. Sa Switzerland, naglimbag si Huldrych Zwingli ng 67 artikulo tungkol sa reporma. Sina John Calvin sa Switzerland, John Knox sa Scotland, at marami pang iba ang tumulong sa pagsisikap na ito. Nagsimula ang isang repormasyon.
Samantala, nagsanay sa pagkapari si William Tyndale at naging matatas sa walong wika. Naniwala siya na mas tumpak at madaling basahin ang tuwirang pagsasalin sa Ingles mula sa Griyego at Hebreo kaysa sa pagsasalin ni Wycliffe mula sa Latin. Kaya isinalin ni Tyndale, na naliwanagan ng Espiritu ng Diyos, ang Bagong Tipan at isang bahagi ng Lumang Tipan. Minsan, habang nakikipagtalo sa isang taong may pinag-aralan, sabi niya, “Kung pahahabain ng Diyos ang buhay ko ipaaalam ko sa isang batang lalaking nag-aararo ang mas maraming banal na kasulatan kaysa sa iyo.”4
Kalaunan si Tyndale, gaya ng iba, ay pinatay dahil sa kanyang mga ginawa—sinakal at sinunog sa isang tulos malapit sa Brussels. Ngunit hindi nawala ang paniniwalang pinag-alayan niya ng buhay. Milyun-milyon ang dumating para maranasan nila mismo ang itinuro ni Tyndale sa buong buhay niya: “Ang katangian ng salita ng Diyos ay, na sinuman ang bumasa nito, … agad nitong sisimulang pabutihin siya araw-araw, hanggang maging perpekto siyang tao.”5
Nagkaroon ng pagbabago dahil sa mga panahon ng kaguluhan sa pulitika. Dahil sa isang pakikipag-alitan sa simbahan sa Roma, hinirang ni King Henry VIII ang sarili niya na pinuno ng simbahan sa England at pinalagyan ng mga kopya ng Bibliang Ingles ang bawat parokya ng simbahan. Gutom sa ebanghelyo, dumagsa ang mga tao sa mga simbahang ito, binasa ang mga banal na kasulatan sa isa’t isa hanggang maubusan sila ng boses. Ginamit ding pangunahing babasahin ang Biblia sa pagtuturo ng pagbabasa. Kahit patuloy ang pagpatay sa mga martir sa buong Europa, palipas na ang panahon ng apostasiya. Ipinahayag ng isang mangangaral bago siya sinunog, “Sa araw na ito, sa Awa ng Diyos, sisindihan namin ang isang kandilang gayon sa England, na tiwala akong hinding-hindi mapapatay.”6
Pinasasalamatan ko ang lahat ng tumira sa England at sa buong Europa na tumulong na mapaningas ang ilaw na iyon. Sa tulong ng Diyos, nagliwanag ang ilaw na iyon. Batid ang mga salungatan sa sarili niyang bansa, pumayag ang Hari ng England na si King James I sa isang bagong opisyal na bersyon ng Biblia. Tinantya na mahigit 80 porsiyento ng mga pagsasalin ni William Tyndale ng Bagong Tipan at malaking bahagi ng Lumang Tipan (ang Pentateuch, o Genesis hanggang Deuteronomio, at Josue hanggang Mga Cronica) ay pinanatili sa King James Version.7 Dumating ang panahon na nakarating ang bersyong iyon sa isang bagong lupain at nabasa ng 14-anyos na batang magsasaka na Nagngangalang Joseph Smith. Nakakapagtaka ba na ang King James Version ang inaprubahang Bibliang Ingles ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngayon?
Nagpatuloy ang pang-aapi ng relihiyon sa England sa ilalim ni Charles na anak ni James, at maraming naghangad ng kalayaan sa ibang lupain. Kasama rito ang mga Pilgrim, na humantong sa mga lupain ng Amerika noong 1620, ang mismong bahagi ng mundo na ginalugad ni Colombo mahigit 100 taon na ang nakalilipas. Agad sumunod ang iba pang mga mananakop, pati na ang mga gaya ni Roger Williams, tagapagtatag at, kalauna’y gobernador ng Rhode Island, na patuloy na naghanap sa tunay na Simbahan ni Cristo. Sabi ni Williams, walang regular na naitatag na simbahan ni Cristo sa lupa, ni sinumang awtorisadong mangasiwa sa anumang ordenansa ng simbahan, at hindi magkakaroon nito hanggang magsugo ng mga bagong apostol ang dakilang Pinuno ng simbahan na ang pagdating ay kanyang hinahangad.”8
Pagkaraan ng mahigit isang siglo, ang damdaming iyon tungkol sa relihiyon ay gumabay sa mga nagtatag ng bagong bansa sa kontinente ng Amerika. Sa kamay ng Diyos, nakakuha sila ng kalayaan sa relihiyon para sa lahat ng mamamayan sa tulong ng inspiradong Bill of Rights. Labing-apat na taon pagkaraan, noong Disyembre 23, 1805, isinilang si Propetang Joseph Smith. Malapit nang matapos ang paghahanda para sa Panunumbalik.
Noong binatilyo pa siya, si Joseph “ay natawag sa matamang pagmumuni-muni”9 sa paksa ng relihiyon. Dahil isinilang sa isang lupaing malaya sa relihiyon, maitatanong niya kung alin sa mga simbahan ang tama. At dahil naisalin na sa Ingles ang Biblia, mahahanap niya ang kasagutan mula sa salita ng Diyos. Binasa niya ang aklat ni Santiago, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios,”10 at sinunod niya ito. Bilang sagot sa panalangin ni Joseph, nagpakita sa kanya ang Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.11 Ang mapakumbabang batang magsasakang ito ang propetang pinili ng Diyos na magpanumbalik ng sinaunang Simbahan ni Jesucristo at ng Kanyang priesthood sa mga huling araw na ito. Ang panunumbalik na ito ang magiging huli, ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, na nagbalik ng lahat ng basbas ng priesthood na maaaring angkinin ng tao sa lupa. Sa banal na utos na ito, ang kanyang gawain ay hindi ireporma ni tutulan ang umiiral na sa daigdig. Iyo’y ang ipanumbalik ang dating nasa daigdig na nawala.
Ang Panunumbalik, na nagsimula sa Unang Pangitain noong 1820, ay nagpatuloy sa paglabas ng Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Noong Setyembre 21, 1823, binisita si Joseph Smith ng anghel na si Moroni na nagturo sa kanya ng sinaunang talaang naglalaman ng “kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo … bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Mesiyas.”12 Nakatala sa mga laminang ginto, ang Aklat ni Mormon ay nagsasalaysay ng ministeryo ni Cristo sa Western Hemisphere, gaya ng pagkatala sa Biblia ng Kanyang buhay at ministeryo sa Banal na Lupain. Natanggap ni Joseph ang mga laminang ginto apat na taon makalipas iyon at, noong Disyembre ng 1827, sinimulan niyang isalin ang Aklat ni Mormon.13
Habang nagsasalin, binasa nina Joseph Smith at ng kanyang eskribang si Oliver Cowdery ang tungkol sa binyag. Ang hangad nilang matanggap ang pagpapalang ito para sa kanilang sarili ang nag-udyok sa panunumbalik ng Aaronic Priesthood noong Mayo 15, 1829, sa mga kamay ni Juan Bautista.14
Sumunod ang panunumbalik ng Melchizedek Priesthood, na ipinagkaloob kina Joseph at Oliver nina Apostol Pedro, Santiago, at Juan, na mayhawak ng mga susi. Pagkaraan ng mga siglo ng espirituwal na kadiliman, ang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa ngalan ng Diyos, magsagawa ng mga sagradong ordenansa, at pamunuan ang Kanyang Simbahan ay muling ipinanumbalik sa lupa.
Ang mga unang nailimbag na kopya ng Aklat ni Mormon ay inilathala noong Marso 26, 1830. Ilang araw ang lumipas, noong Abril 6, muling nabuo ang totoong Simbahan ni Cristo sa mga huling araw na ito sa bahay ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Sa paglalarawan ng mga epekto ng mga pangyayaring ito sa mundo, isinulat ni Elder Parley P. Pratt:
Umaga na, anino’y napawi
Ating masdan ang bandila ng Sion.
Sa pagsikat ng umagang maningning, …
Dakilang magliliwanag ang mundo ngayon.15
Nagwakas din ang mahabang gabi, at dumaloy ang paghahayag, na naghatid ng karagdagang banal na kasulatan. Tinanggap ng Simbahan ang Doktrina at mga Tipan noong Agosto 17, 1835. Ang pagsasalin ng aklat ni Abraham sa Mahalagang Perlas ay nagsimula sa taon ding iyon.
Sumunod kaagad ang karagdagang awtoridad na kumilos sa ngalan ng Panginoon. Inilaan ang Kirtland Temple noong Marso 27, 1836.16 Sa templong iyon, nagpakita ang Tagapagligtas kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, na sinundan ng pagpapakita nina Moises, Elias, at Elijah na nagbigay ng karagdagang mga susi ng priesthood sa Propeta.17
Hinding-hindi na muling babawin ang liwanag ng ebanghelyong ito sa lupa. Noong 1844 iginawad ni Joseph Smith ang lahat ng susi ng priesthood kina Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at kapwa nila mga Apostol. Sabi ng Propeta: “Nabuhay ako hanggang sa abutin ko ang pasaning ito, na nakaatang sa aking mga balikat, na inilipat sa mga balikat ng ibang mga lalaki; … ang mga susi ng kaharian ay nakatatag sa lupa upang hindi na muling bawiin magpakailanman… . Anuman ang mangyari sa akin.”18 Nakakalungkot, tatlong buwan ang lumipas, noong Hunyo 27, pinaslang si Joseph Smith ang Propeta at kanyang kapatid na si Hyrum sa Carthage, Illinois.
Si Elder John Taylor, na kasama ng Propeta nang ito’y paslangin, ay nagpatotoo sa kanya: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito.”19
Pinatototohanan ko na ang gawain ni Propetang Joseph Smith ay gawain ng Tagapagligtas. Sa paglilingkod sa Panginoon hindi laging madali ang daan. Madalas ay kailangan ng mga sakripisyo, at malamang na dumanas tayo ng paghihirap. Ngunit sa paglilingkod sa Kanya, matutuklasan natin na ang Kanyang kamay ay tunay na gumagabay sa atin. Gayon din ang nangyari kina Wycliffe, Tyndale, at libu-libo pang iba na naghanda ng daan para sa Panunumbalik. Gayon din ang nangyari kay Propetang Joseph Smith at sa lahat ng tumulong na simulan ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayon din ang mangyayari sa atin.
Inaasahan ng Panginoon na tayo’y magiging tapat, deboto, matapang na tulad ng mga nauna sa atin. Tinawag sila upang ialay ang kanilang buhay para sa ebanghelyo. Tinawag tayo upang mamuhay para sa layunin ding iyon. Sa mga huling araw na ito may espesyal na dahilan tayong gawin ito.
Bago ang sagradong gabing iyon sa Betlehem, ang mga pangyayari sa kasaysayan at mga salita ng mga propeta ng lahat ng dispensasyon ang naghanda ng daan para sa unang pagdating ng Panginoon at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Gayundin, kasaysayan at propesiya ang naglatag ng pundasyon para sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. May mga mata ba tayong nakakakita na ang mga pangyayari at propesiya sa ating panahon ay naghahanda sa atin para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
Espesyal ang aking patotoo na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay buhay. Pinatototohanan ko na ang Kanyang kamay ay gumagabay na bago pa inilatag ang pundasyon ng mundong ito at magpapatuloy hanggang sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Na bawat isa sa atin ay ihahanda ang ating sarili na batiin Siya ang mapakumbaba kong dalangin. Sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.