Sa Burol ng Sion
Bawat kaluluwang handang magkaroon ng kaugnayan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at naghahangad na sundin ang mga alituntunin at ordenansa nito ay nakatayo “sa burol ng Sion.”
Matagal na rin akong nabubuhay at napagmasdan ko na unti-unti nang inaalis ang mga pamantayang kailangan para manatili ang isang sibilisasyon.
Nabubuhay tayo sa panahong kung kailan ang mga lumang pamantayan ng moralidad, kasal, tahanan, at pamilya ay palaging talunan sa mga hukuman at konseho, sa parliamentaryo at mga silid-aralan. Ang kaligayahan nati’y nakasalalay sa pamumuhay ng mga pamantayang iyon mismo.
Nagpropesiya si Apostol Pablo na sa panahon natin, sa mga huling araw na ito, ang mga tao ay magiging “masuwayin sa mga magulang, … walang katutubong pagibig, … hindi mga maibigin sa mabuti, … mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios” (2 Kay Timoteo 3:2–4).
At nagbabala siya na ang: “Masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya” (2 Kay Timoteo 3:13). Tama siya. Gayunman, kapag naiisip ko ang hinaharap, nag-uumapaw ang aking damdamin at umaasa ako sa mabuting ibubunga nito.
Sinabihan ni Pablo ang batang si Timoteo na magpatuloy sa mga bagay na natutuhan niya mula sa mga Apostol at sinabing maliligtas siya dahil “mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 3:15).
Mahalaga ang kaalaman sa mga banal na kasulatan. Mula sa mga ito ay nalaman natin ang tungkol sa espirituwal na paggabay.
Narinig ko nang sinabi ng mga tao na, “Handa sana akong tiisin ang pang-uusig at mga hamon kung namuhay lang sana ako noong bago pa ang Simbahan, noong patuloy pa ang daloy ng paghahayag na inilathala bilang banal na kasulatan. Bakit hindi ito nangyayari ngayon?”
Ang mga paghahayag na dumating sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na nailimbag bilang banal na kasulatan, ang naglatag ng permanenteng pundasyon para sa Simbahan at sa pamamagitan nito ay makahahayo ang ebanghelyo ni Jesucristo sa “bawat bansa” (2 Nephi 26:13).1
Ipinaliliwanag ng mga banal na kasulatan ang katungkulan ng Propeta at Pangulo at ng kanyang mga Tagapayo, ng Korum ng Labindalawang Apostol, mga korum ng Pitumpu, ng Presiding Bishopric, at ng mga stake at ward at branch. Ipinaliliwanag nito ang mga katungkulan sa Melchizedek at Aaronic Priesthood. Ang mga ito ang nagsisilbing daan kung saan dumadaloy ang inspirasyon at paghahayag sa mga lider at guro at magulang at indibiduwal.
Iba na ang oposisyon at mga pagsubok ngayon, ang ibig sabihin, mas matindi, mas mapanganib kaysa noon, at mas nakatuon na ito ngayon sa ating mga indibiduwal sa halip na sa Simbahan. Ang mga naunang paghahayag, na inilathala bilang banal na kasulatan para permanenteng magabayan ang Simbahan, ay naglalarawan sa mga ordenansa at tipan na ginagawa pa rin hanggang sa ngayon.
Ang isa sa mga pangako ng mga banal na kasulatang iyon ay, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (D at T 38:30).
Hayaan ninyong sabihin ko kung ano ang ginawa para maihanda tayo. Siguro’y mauunawaan na ninyo kung bakit hindi ako natatakot sa hinaharap, kung bakit gayon na lang ang tiwala ko.
Hindi ko mailarawan ang detalye o kahit ilista man lang ang lahat ng isinaayos ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol nitong mga nakaraang taon. Makikita ninyo dito ang patuloy na paghahayag, para sa Simbahan at sa bawat miyembro. Ilalarawan ko ang ilan sa mga ito.
Mahigit 40 taon na ang nakalilipas, napagpasiyahan na gawing mabilis at madaling mapag-aralan ng bawat miyembro ang doktrina sa pamamagitan ng paghahanda ng Banal sa mga Huling Araw na edisyon ng mga banal na kasulatan. Sinimulan naming gawan ng cross-reference ang King James na Biblia sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at sa Mahalagang Perlas. Walang binago sa teksto ng King James na Biblia.
Daan-daang taon na ang nakalilipas nang gawin ang paghahanda para sa ating panahon. Siyamnapung porsiyento ng King James na Biblia ang isinalin nina William Tyndale at John Wycliffe. Malaki ang utang na loob natin sa mga naunang tagapagsaling iyon, sa mga martir na iyon.
Sinabi ni William Tyndale, “Gagawan ko ng paraan para mas dumami ang kaalaman sa Banal na Kasulatan ng batang tagabukid na nag-aararo kaysa [sa pari].”2
Si Alma ay dumanas ng malalaking pagsubok at naharap sa mas malalaki pa. At binanggit sa talaan “At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila— anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).
Iyan mismo ang nasa isip namin nang simulan ang proyekto ng banal na kasulatan: na mapag-aralan ng bawat miyembro ng Simbahan ang mga banal na kasulatan at maunawaan ang mga alituntunin at doktrina na matatagpuan dito. Ginawa namin sa panahon natin ang bagay na ginawa nina Tyndale at Wycliffe noong kapanahunan nila.
Kapwa pinagmalupitang mabuti sina Tyndale at Wycliffe. Si Tyndale ay nakulong sa nagyeyelong bilangguan sa Brussels. Nagkapunit-punit ang kanyang suot na damit, at ginaw na ginaw. Sumulat siya sa mga obispo at hiningi ang kanyang amerikana at sumbrero. Nagmakaawa siyang bigyan ng kandila, na nagsasabing, “Talaga palang nakapanghihina ang maupo nang mag-isa sa dilim.”3 Lubha nilang ikinagalit ang kahilingang ito kung kaya’t inilabas siya sa bilangguan at, sa harap ng maraming tao, iginapos siya sa isang poste at sinunog.
Nakaligtas si Wycliffe sa kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog, ngunit nang siya ay mamatay ay ipinahukay ng Council of Constance ang kanyang katawan, iginapos sa isang poste at sinunog, at ikinalat ang kanyang abo.4
Hiniram ni Propetang Joseph Smith ang mga tomo ng Book of Martyrs na gawa ng ministrong Ingles na si John Foxe ng ika-16 na siglo, mula sa ina ni Edward Stevenson ng Pitumpu. Matapos basahin ang mga iyon, sinabi niyang, “Nakita ko, sa pamamagitan ng Urim at Tummim, ang mga martir na iyon, at sila’y matatapat at debotong alagad ni Cristo, batay sa pagkaunawa at katotohanang taglay nila, at sila’y maliligtas.”5
Ang pag-cross-reference ng mahigit 70,000 mga talata ng banal na kasulatan at maglagay ng mga talababa at mga pantulong ay malaki at napakahirap na trabaho, baka imposible pa nga. Ngunit nasimulan iyon. Kinailangan ang 12 taon at ang tulong ng mahigit 600 katao para makumpleto iyon. Ang ilan ay mga eksperto sa Griyego, Latin, at Hebreo o may alam tungkol sa mga sinaunang manuskrito. Gayunpaman karamihan sa kanila ay mga ordinaryo at matatapat na miyembro ng Simbahan.
Ang diwa ng inspirasyon ang nangibabaw sa gawain.
Imposible sanang gawin ang proyekto kung wala ang kompyuter.
Isang kagila-gilalas na sistema ang dinisenyo para maisaayos ang libu-libong mga talababa para mabuksan ang mga banal na kasulatan sa bawat batang tagabukid na nag-aararo.
Sa pamamagitan ng indese ng mga paksa, kayang hanapin ng isang miyembro ng Simbahan sa loob lamang ng ilang minuto ang mga salitang tulad ng pagbabayad-sala, pagsisisi, Espiritu Santo, at makita ang mga reperensya sa lahat ng apat na banal na kasulatan.
Nang mga ilang taon na ang proyekto, kinumusta namin ang nakapapagod at matrabahong gawain ng paglilista ng mga paksa ayon sa alpabetikong pagkakasunud-sunod nito. Isinulat nila na, “Natapos na namin ang Langit at Impiyerno, lampas na sa Pag-ibig at Pagnanasa, at ngayo’y nasa Pagsisisi na kami.”
Napasaatin ang orihinal na mga manuskrito ng Aklat ni Mormon. Dahil dito’y maaari nating itama ang mga pagkakamali ng mga palimbagan na hindi napupuna sa mga salin ng banal na kasulatan.
Ang katangi-tangi sa Topical Guide ay ang 18 pahinang single-spaced, at maliit ang pagkalimbag, sa ilalim ng pamagat na “Jesus Christ.” Ito ang pinaka-komprehensibong kalipunan ng impormasyon sa banal na kasulatan tungkol sa pangalang Jesucristo na nabuo sa kasaysayan ng mundo. Sundan ang mga reperensyang ito, at malalaman ninyo kung kanino ang Simbahang ito, ano ang itinuturo nito at sa pamamagitan ng anong awtoridad. Lahat ng ito’y nakabatay sa sagradong pangalan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Manunubos, na ating Panginoon.
Dalawa pang bagong paghahayag ang idinagdag sa Doktrina at mga Tipan—bahagi 137, isang pangitaing ibinigay kay Joseph Smith ang Propeta noong isagawa ang endowment, at bahagi 138, ang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa pagkatubos ng mga patay. At nang tatapusin na ang gawaing ito para mailimbag, ang kamangha-manghang paghahayag tungkol sa priesthood ay natanggap at inilahad sa isang Opisyal na Pahayag (tingnan sa D at T, Opisyal na Pahayag—2), bilang patunay na hindi roon nagtatapos ang mga banal na kasulatan.
At dumating ang malaking hamon ng pagsasalin sa mga wika ng Simbahan. Ngayon ang Tatluhang Kombinasyon, na may kasamang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ay nailathala na sa 24 na wika at may mga susunod pa. Ang Aklat ni Mormon ay nakalimbag ngayon sa 106 na wika. Apatnapu’t siyam na salin pa ang kasalukuyang ginagawa.
May iba pang ginawa. Ang Aklat ni Mormon ay binigyan ng pamagat—ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.
Dahil naisaayos na ang mga batayang doktrina na kasing-solido ng granito sa Salt Lake Temple at bukas na para sa lahat, mas marami ang makasasaksi sa patuloy na pagdaloy ng paghahayag sa Simbahan. “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
Habang patuloy ang paglalathala ng banal na kasulatan, isa pang malaking gawain ang sinimulan. Maraming taon din ang kailangan dito. Ang buong kurikulum ng Simbahan ay binago. Ang lahat ng kursong pinag-aaralan sa priesthood at sa mga organisasyon ng auxiliary—para sa mga bata, kabataan, at matatanda—ay binago para maisentro sa mga banal na kasulatan, maisentro kay Jesucristo, maisentro sa priesthood, at maisentro sa pamilya.
Daan-daang boluntaryo ang nagtrabaho sa paglipas ng mga taon. Ang ilan sa kanila ay mga dalubhasa sa pagsusulat, sa kurikulum, pagtuturo, at iba pang kaugnay na gawain, ngunit karamihan ay mga ordinaryo at karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan. Lahat ay nakasentro sa mga banal na kasulatan, na binibigyang-diin ang awtoridad ng priesthood at nakapokus sa banal na katangian ng pamilya.
Ipinalabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”6 Pagkatapos ay inilathala nila “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”7
Ang mga seminary at institute of religion ay laganap na sa buong mundo. Ang mga guro at estudyante ay natututo at nagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa D at T 50:17–22), at kapwa sila tinuturuan na maunawaan ang mga banal na kasulatan, ang mga salita ng mga propeta, ang plano ng kaligtasan, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Apostasiya at Panunumbalik, ang kakaibang katayuan ng ipinanumbalik na Simbahan, at para matukoy ang mga alituntunin at doktrinang matatagpuan sa mga ito. Hinihimok ang mga estudyante na ugaliin ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Inilaan ang gabi ng Lunes para sa family home evening. Lahat ng aktibidad ng Simbahan ay dapat iiskedyul sa ibang oras para magkasama-sama ang mga pamilya.
Sa likas na pagkakasunod-sunod, ang gawaing misyonero ay muling itinuon sa mga paghahayag sa ilalim ng pamagat na “Mangaral ng Aking Ebanghelyo.” Bawat taon mahigit 25,000 misyonero ang inire-release para makabalik sa kanilang mga tahanan sa 148 bansa, matapos gumugol ng dalawang taon sa pag-aaral ng doktrina at kung paano magturo sa pamamagitan ng Espiritu at pagbabahagi ng kanilang mga patotoo.
Ang mga alituntunin ng pamamahala ng priesthood ay nilinaw. Ang kinalalagyan ng mga korum ng priesthood—ang Aaronic at Melchizedek—ay pinagbuti. Sa tuwina, kahit saan, ay may mga lider na maytaglay ng mga susi—ang mga bishop at pangulo—para pumatnubay, liwanagin ang mga di nauunawaan, malaman at maiwasto ang mga maling doktrina.
Ang kursong pinag-aaralan ng matatanda sa Priesthood at Relief Society ay batay sa mga turo ng mga Pangulo ng Simbahan.
Binago ang disenyo ng mga magasin ng Simbahan at inilalathala ngayon sa 50 wika.
Ang kagila-gilalas na panahon ng pagtatayo ng mga templo ay nagpapatuloy, at ngayo’y 122 mga templo ang nakabukas para sa pagsasagawa ng ordenansa at dalawa pa ang ipinaalam kahapon.
Ang Genealogy ay pinangalanang “Family History.” Ang matatapat na miyembro ay tinutulungan ng pinakabagong teknolohiya para maihanda at makapagdala ng mga pangalan sa templo.
Lahat ng ito’y saksi sa patuloy na paghahayag. May iba pang mga bagay, napakarami para maibigay ang detalye.
Sa Simbahan ay may pinakasentrong pinagmumulan ng kapangyarihan na mas malalim kaysa mga programa o miting o samahan. Hindi ito nagbabago. Hindi ito maaaring gumuho. Ito’y tiyak at hindi nagbabago. Hindi ito nababawasan o kumukupas.
Kahit na ang Simbahan ay may mga kapilyang pinagdarausan ng mga pulong, ang Simbahan ay matatagpuan sa puso at kaluluwa ng bawat Banal sa mga Huling Araw.
Kahit saang dako sa mundo, ang mga mapagpakumbabang miyembro ay humuhugot ng inspirasyon mula sa mga banal na kasulatan na gagabay sa kanila sa habambuhay, kahit hindi lubos na nauunawaan na natagpuan nila ang “mahalagang perlas” (Mateo 13:46) na binanggit ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo.
Nang mangolekta ng mga himno para sa unang himnaryo si Emma Smith na asawa ni Propetang Joseph, isinama niya ang “Gabayan Kami, O Jehova,” na sa katunayan ay isang panalangin:
Pag nagsimula’ng pagguho,
Pangamba ay pawiin;
Kung hatol N’yo’y ang paggunaw,
Sa Sion kami’y dadalhin.8
Bawat kaluluwang handang magkaroon ng kaugnayan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at naghahangad na sundin ang mga alituntunin at ordenansa nito ay nakatayo “sa [burol ng] Sion.”
Bawat isa’y makatatanggap ng kasiguruhan na dumarating sa pamamagitan ng inspirasyon at nagpapatotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tulad ng ipinahayag Niya na, “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.