Ang Liwanag sa Kanilang mga Mata
Isang banal na liwanag ang mapapasaating mata at mukha kapag may personal tayong ugnayan sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Anak.
Mahal kong mga kapatid, at kaibigan sa buong mundo, mapagpakumbaba kong hinahangad ang inyong pag-unawa at tulong ng Espiritu ng ating Ama sa pagsasalita ko ngayong umaga.
Malaki ang pasasalamat ko sa maikling mensahe ng propetang si Pangulong Hinckley sa simula ng kumperensyang ito. Pinatototohanan ko na si Pangulong Hinckley ay ating propeta, na saganang tinatamasa ang patnubay ng Pinuno ng Simbahang ito, na ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Kamakaila’y naalala ko ang makasaysayang pulong sa Jerusalem, mga 17 taon na ang nakararaan. Ito’y tungkol sa pag-upa sa lupang kalauna’y pinagtayuan ng Brigham Young University sa Jerusalem Center para sa Near Eastern Studies. Bago napirmahan ang dokumento sa pag-upa, nakipagkasundo sina Pangulong Ezra Taft Benson at Elder Jeffrey R. Holland, na noon ay pangulo ng Brigham Young University, sa gobyerno ng Israel sa ngalan ng Simbahan at unibersidad na hindi tayo mangangaral ng ebanghelyo sa Israel. Magtataka siguro kayo kung bakit pumayag tayong huwag mangaral. Kinailangan nating gawin iyon para makakuha ng pahintulot na maitayo ang maringal na gusaling iyon na nasa makasaysayang lungsod ng Jerusalem. Sa pagkakaalam namin maingat na tinupad ng Simbahan at BYU ang pangakong hindi mangaral ng ebanghelyo roon. Matapos pirmahan ang dokumento sa pag-upa, naisip sabihin ng isa sa mga kaibigan natin, “Ah, alam naming hindi kayo mangangaral, pero ano ang gagawin ninyo sa liwanag na nasa mga mata nila?” Tinutukoy niya ang mga estudyante natin na nag-aaral sa Israel.
Ano ba iyong liwanag sa mga mata nila na kitang-kita ng kaibigan natin? Ang Panginoon Mismo ang sumagot: “At ang liwanag na nagniningning, na nagbibigay sa inyo ng liwanag, ay sa pamamagitan niya na nagbibigay-liwanag sa inyong mga mata, na siya ring liwanag na nagpapabilis ng inyong mga pang-unawa.”1 Saan nagmula ang liwanag na iyon? Muli sumagot ang Panginoon: “At ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”2 Ang Panginoon ang tunay na liwanag, at “ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.”3 Nababanaag ang liwanag na ito sa ating mukha gayundin sa ating mga mata.
Si Paul Harvey, isang sikat na news commentator, ay bumisita sa isa sa mga kampus ng paaralan ng ating Simbahan ilang taon na ang nakararaan. Kalaunan ay napuna niya: “Bawat … mukha ng kabataan ay tila nasasalaminan ng … katiyakang mula sa langit. Sa mga panahong ito maraming mata ng kabataan ang tila matanda na dahil sa paulit-ulit na di pagsunod sa kanilang konsensya. Subalit [ang mga kabataang ito] ay may nakaiinggit na kalamangan na dulot ng disiplina, katapatan, at paglalaan.”4
Ang mga yaong tunay na nagsisisi ay tinatanggap ang Espiritu ni Cristo at nabinyagan sa Simbahang ito tungo sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Ipinatong ang mga kamay sa kanilang uluhan at sa pamamagitan ng priesthood ng Diyos natanggap nila ang Espiritu Santo.5 Ito ay “kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya.”6 Tulad ng paglalarawan dito ni Elder Parley P. Pratt, ang kaloob na Espiritu Santo ay, “tulad ng dati… . kagalakan sa puso, [at] liwanag sa mga mata.”7 Ang Espiritu Santo ang Mangaaliw na iyon na ipinangako ng Tagapagligtas bago Siya ipinako sa krus.8 Binibigyan ng Espiritu Santo ang mga karapat-dapat na Banal ng kapwa espirituwal na patnubay at proteksyon. Pinalalawak nito ang ating kaalaman at pang-unawa sa “lahat ng bagay.”9 Napakahalaga nito sa panahong parami nang parami ang hindi nakauunawa sa mga bagay na espirituwal.
Ang sekularismo ay mas lumalawak sa mundo ngayon. Ibig sabihin ng sekularismo ay “pagwawalang-bahala sa o pagtanggi o di pagtanggap sa relihiyon o sa mga ideyang pangrelihiyon.”10 Hindi tinatanggap ng sekularismo ang maraming bagay bilang mga alituntuning hindi kailanman nagbabago. Ang pangunahing mga layunin nito ay kasayahan at sariling interes. Kadalasan ang mga yaong yumayakap sa sekularismo ay kakaiba. Tulad ng obserbasyon ni Isaias, “Ang kaanyuan ng kanilang pagmumukha ay sumasaksi laban sa kanila.”11
Bagama’t laganap ang sekularismo sa mundo marami pa ring tao ang nagugutom at naghahangad ng mga bagay ng Espiritu at pagdinig sa salita ng Panginoon. Tulad ng ipinropesiya ni Amos: “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong Dios, na ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ng Panginoon:
“At sila’y magsisilaboy sa dagat at dagat, at mula sa hilagaan hanggang sa silanganan; sila’y magsisitakbo ng paroo’t parito upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi masusumpungan.”12
Saan natin maririnig ang mga salita ng Panginoon? Maririnig natin ito sa ating propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley, sa Unang Panguluhan, sa Korum ng Labindalawang Apostol, at sa iba pang mga General Authority. Maririnig din natin ito sa mga stake president at bishop natin. Maririnig ito ng mga misyonero sa kanilang mission president. Mababasa natin ito sa mga banal na kasulatan. Maririnig din natin ang marahan at banayad na tinig na nagmumula sa Espiritu Santo. Ang pakikinig sa mga salita ng Panginoon ay nagpapalis sa espirituwal na kabulagan natin “hanggang sa kaniyang kagila-gilalas na kaliwanagan.”13
Ano ang ginagawa natin para mapanatiling nagniningning ang liwanag sa sarili nating mga mata at mukha? Malaking bahagi ng liwanag na iyon ang nagmumula sa ating disiplina, katapatan, at paglalaan14 sa ilang mahahalaga at tiyak na katotohanan. Ang pinakauna sa mga katotohanang ito ay may Diyos na Ama ng ating mga kaluluwa na pagsusulitan natin ng ating mga ginawa. Pangalawa, na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pangatlo, na sa dakilang plano ng kaligtasan kailangan nating sundin ang mga utos ng Diyos. Pang-apat, na ang pinakadakilang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan.15
May iba pang mga pagpapalang nagdaragdag sa liwanag sa ating mga mata. Ito’y ang mga kaloob ng Espiritu na nagmumula sa Tagapagligtas.16 Kagalakan, kaligayahan, katuparan, at kapayapaan ang mga kaloob ng Espiritu na nagmumula sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Tungkol naman sa kaligayahan dito at sa kawalang-hanggan, marami tayong pinaniniwalaan na kahanga- hanga. Napakahalaga nito, at ilan dito’y natatangi sa ating pananampalataya. Ang mahahalagang paniniwalang ito ay batay sa ating katapatan at kabilang ang mga ito, na ang pagkakasunud-sunod ay hindi ayon sa kahalagahan nito:
-
Ang Diyos at ang Kanyang Anak ay mga niluwalhating katauhan. Ang Diyos Ama ang ating buhay na Maylikha, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos.17 Alam natin ito dahil nakita Sila ni Joseph Smith, nakipag-usap Sila sa kanya, at siya’y nakipag-usap sa Kanila.18
-
Ang mga pagpapala sa templo ay nagbubuklod sa mag-asawa, hindi lang sa buhay na ito kundi sa kawalang-hanggan. Mapagsasama-sama ang mga anak at inapo sa pagbubuklod na ito.
-
Bawat karapat-dapat na miyembrong lalaki ng Simbahan ay maaaring magtaglay at gumamit ng priesthood ng Diyos. Magagamit niya ang banal na awtoridad na ito sa kanyang pamilya at sa Simbahan kapag tinawag ng isang taong may awtoridad.
-
Ang karagdagang mga banal na kasulatan ay kinabibilangan ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.
-
Sinasambit ng mga buhay na apostol at propeta ang salita ng Diyos sa ating panahon, sa pamamahala ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na siyang propeta, tagakita, at tagapaghayag, ang pinagmumulan ng patuloy na paghahayag sa ating panahon.
-
Makakamtan ng lahat ng miyembro ang kaloob na Espiritu Santo. Nang itanong ni Propetang Joseph Smith kung “ano ang ipinagkaiba ng [Simbahang LDS] sa iba pang mga relihiyon sa ngayon,” sumagot siya na ito’y nasa “kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, … [at] ang iba pang konsiderasyon ay saklaw ng kaloob na Espiritu Santo.”19
-
Ang pagkadakila ng pagiging babae. Ang kababaihan ay ganap na kapantay sa karapatan ng mga lalaki sa harap ng Panginoon. Likas na kakaiba ang tungkulin ng mga babae sa mga lalaki. Napasaatin ang kaalamang ito sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa kaganapan ng panahon, na kinikilala na ang kababaihan ay pinagkalooban ng mga dakilang responsibilidad ng pagiging ina at pag-aaruga. Mas maraming oportunidad ang dumating sa mga babae mula noong 1842, nang ipagkaloob ni Propetang Joseph Smith ang susi, sa ngalan ng Diyos, alang-alang sa kanila kaysa nang magsimula ang sangkatauhan sa mundo.20
Ilang taon na ang nakararaan, si Constance, isang student nurse, ay itinalagang subukan at tulungan ang isang babaeng nasugatan ang binti sa isang aksidente. Ayaw magpagamot ng babae dahil may naranasan siyang hindi maganda sa isang tao sa ospital. Natakot siya at halos ayaw magpakita. Sa unang pagbisita ni Constance, pinaalis siya ng babaeng sugatan. Nang subukan niya ulit, pinapasok na nito si Constance. Noo’y nagnanaknak na ang mga sugat ng babae sa binti, at may parte ng laman na nabubulok na. Pero ayaw pa rin nitong magpagamot.
Ipinagdasal ito ni Constance, at sa loob ng isa o dalawang araw dumating ang sagot. Nagdala siya ng kaunting foaming hydrogen peroxide sa sumunod niyang pagbisita. Dahil wala itong hapdi, pumayag ang matandang babae na ipahid niya ito sa kanyang binti. Tapos pinag-usapan nila ang mas seryosong gamutan sa ospital. Tiniyak ni Constance dito na pasasayahin ng ospital ang pananatili niya hangga’t maaari. Sa loob ng isa o dalawang araw lumakas ang loob ng babae na magpaospital. Nang bisitahin siya ni Constance, nakangiti ang babae nang sabihin nitong, “Nakumbinsi mo ako.” Tapos, di-inaasaha’y tinanong niya si Constance, “Saang simbahan ka kabilang?” Sinabi sa kanya ni Constance na siya ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi ng babae: “Sabi ko na nga ba. Alam kong sugo ka sa akin sa unang araw pa lang na makita kita. May liwanag sa iyong mukha na napansin ko sa ibang mga kamiyembro mo. Kinailangan kong magtiwala sa iyo.”
Sa loob ng tatlong buwan ang nagnananang binti ay lubusan nang gumaling. Pinaganda ng mga miyembro ng ward na kinaroroonan ng matandang babae ang kanyang tirahan at inayos ang kanyang bakuran. Nakipagkita ang mga misyonero sa kanya, at di naglao’y nabinyagan siya.21 Lahat ng ito’y dahil napansin niya ang liwanag sa mukha ng batang student nurse.
Nang tanunging minsan si Pangulong Brigham Young kung bakit tayo nag-iisa kung minsan at madalas malungkot, ang tugon niya’y dapat matuto ang tao na “kumilos nang malaya … alamin ang kanyang gagawin … at subukin ang kanyang kalayaan—na maging mabuti sa kadiliman.”22 Nagiging mas madaling gawin iyan kapag nakikita natin ang “liwanag ng ebanghelyo … na nababanaag sa … taong naliwanagan.”23
Ang paglilingkod sa Simbahang ito ay malaking pagpapala at pribilehiyong nagdudulot ng liwanag sa ating mga mata at mukha. Ayon sa mungkahi ng Tagapagligtas, “Samakatuwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”24 Hindi maipaliwanag sa mga salita ang mga pagpapalang dumarating sa atin sa pamamagitan ng paglilingkod sa Simbahang ito. Ipinangako ng Panginoon na kung gagampanan natin ang ating mga tungkulin tayo’y liligaya at magagalak.
Itinanong ni Alma kung tinanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mga mukha.25 Isang banal na liwanag ang mapapasaating mata at mukha kapag may personal na ugnayan tayo sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa ugnayang ito mababanaag sa ating mukha iyong “makalangit na katiyakan”26 na Siya ay buhay.
Personal kong pinatototohanan ang kabanalan ng banal na gawaing ito na ginagawa natin. Ang mga patotoo ay nagmumula sa paghahayag.27 Ang nagpapatotoong paghahayag na ito ay napasa puso ko noong bata pa ako. Wala akong maalalang anumang partikular na pangyayaring nag-udyok sa nagpapatibay na paghahayag na ito. Basta tila naging bahagi na ito ng aking kamalayan sa tuwina. Nagpapasalamat ako sa nagpapatibay na kaalamang ito na nakatulong para makayanan ang hirap ng buhay na dumarating sa ating lahat.
Tayo’y naantig at maaantig ng mga nagpapatotoong mensahe ng mga Kapatid at kababaihan sa kumperensyang ito. Naniniwala ako na ang nagpapatibay na karanasang ito ay dapat ninyong maranasan. Makabubuting makatanggap kayo ng patibay na ang nabanggit ay totoo. Itinuro ni Brigham Young, “Hindi lamang ang mga Banal na narito, … kundi ang mga nasa bawat bansa, kontinente, o pulo na ipinamumuhay ang relihiyong itinuro ng ating Tagapagligtas at kanyang mga Apostol, at maging ni Joseph Smith, … ay gayon din ang patotoo, ang kanilang mga mata ay pinagliwanag ng Espiritu ng Diyos, at iisa ang kanilang pananaw, ang kanilang puso ay pinasigla, at pareho ang kanilang damdamin at pang-unawa.”28
Alam ko nang buong puso at kaluluwa na ang Diyos ay buhay. Naniniwala ako na liliwanagan Niya ang ating buhay sa pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin kung sisikapin nating maging karapat-dapat sa pagmamahal na iyon, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.