Paghahanap ng Tao sa Banal na Katotohanan
Ang pagsunod sa huwaran ng Panginoon na makinig at sundin ang banal na katotohanan ay makatutulong sa pagkakaroon ninyo ng personal at espirituwal na pundasyon at matutukoy ninyo kung ano ang kahihinatnan ninyo balang-araw.
Kasama sa maraming taong narito ngayong gabi ang tatlong espesyal na panauhin—tatlong minamahal na dating mga kaibigan sa eskuwela. Naglakbay sila nang malayo mula sa Belgium, ang bayan kong tinubuan, para makaparito upang ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng pagtatapos namin sa hayskul at dumalo sa kumperensyang ito. Sa kanila, sa inyong mga maytaglay ng priesthood, at lalo na sa inyong mga kabataang lalaking naghahandang maging misyonero, iniaalay ko ang mensaheng ito. Tungkol ito sa paghahanap ng tao sa banal na katotohanan. Kapag natagpuan, kailangan itong ipamuhay sa mundong ito na puno ng kalituhan sa relihiyon at gumuguho ang moralidad. Kailangang ito ang maging personal at espirituwal na pundasyong aakay sa atin tungo sa pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng kabutihan. Gaya ng sinabi ng Panginoon, “Sa kabutihan ikaw ay matatatag” (3 Nephi 22:14).
Saan matatagpuan ang banal na katotohanan? Iyo’y ang “[makinig] sa tinig ng Panginoon, … [makinig sa tinig ng] kanyang mga tagapaglingkod, … [tum]alima sa mga salita ng mga propeta at apostol” (D at T 1:14). Makinig at sumunod. Madali lang ang makinig. Ang pakinggan at isagawa ang narinig ang patuloy na hamon sa buhay.
Una, makinig sa tinig ng Panginoon. Ang komunikasyon mula sa Panginoon tungkol sa banal na katotohanan o espirituwal na kaalaman ay nasa mga banal na kasulatan. Tinatawag itong paghahayag—na ang ibig talagang sabihin ay “ipaalam o ihayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghahayag,” 179–180). Ibinibigay ito upang “malaman kung paano sumamba, at malaman kung ano ang sasambahin” (D at T 93:19). Sabi ni Elder Neal A. Maxwell, “Sa paghahayag lang natin magagawa ang gawain ng Panginoon ayon sa Kanyang kalooban, paraan, at panahon” (“Paghahayag,” Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 2003, 5). “Kung walang paghahayag, lahat ay magiging hula, kadiliman, at pagkalito” (Bible Dictionary, Revelation, 762).
Ikalawa, makinig sa tinig ng Kanyang mga lingkod. Ang paghahayag o banal na katotohanan ay ibinibigay ayon sa kalooban ng Panginoon sa Kanyang mga lingkod sa iba’t ibang paraan at panahon at matatagpuan din sa mga banal na kasulatan. “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7).
Ikatlo, tumalima sa mga salita ng mga propeta at apostol. Ang pagtalima ay lubos na pagtutuon ng pansin. Ito’y pakikinig sa mga tinawag ng Diyos na maging natatangi at buhay na mga saksi ni Jesucristo sa ating panahon. Ipinahihiwatig nito na kinikilala sila sa papel na ito, na tinutugon ang paanyaya nilang tanggapin ang personal at espirituwal na patunay na totoo ang kanilang mga turo, at mangangako tayong susundin ang mga ito.
Bilang buod, may huwaran ang Panginoon sa pagbabahagi ng banal na katotohanan sa mga propeta upang gabayan at pagpalain tayo sa mga hamon at kasamaan ng buhay: makinig at sumunod. Ang ating personal at espirituwal na pundasyon ay kailangang maitatag sa huwarang ito kung nais nating matamasa ang mga pagpapala ng Panginoon. Kaya nga hindi sapat na saliksikin ang mga banal na kasulatan para malaman ang isipan ng Panginoon. Dapat itong sundan ng pagsampalataya, ng pagtanggap sa kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos, bago natin matamasa ang mga pagpapala ng Panginoon. Ang personal at espirituwal na patunay ng prosesong ito ng pagtatanong at paniniwalang tatanggap tayo ang siyang nagiging patuloy na panalangin natin sa habambuhay.
Sa katunayan, ang komunikasyon o pakikinig sa banal na katotohanan ay maibubuod sa tatlong kataga: paghahayag, utos, pagpapala. Gayunman, magiging hamon habambuhay ang makinig muna at pagkatapos ay sumunod sa tinig ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod. Bakit? “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu” (Mosias 3:19). Kailangan muna natin ang espirituwal na paghahanda bago matanggap ang personal at espirituwal na paramdam. Nakasaad sa natitirang mga kataga sa talata na dapat tayong maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” at gayundin maging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa” kalooban ng Panginoon, ibig sabihi’y sa Kanyang mga utos. At sinabi ng Panginoon, “Kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala … , ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:21).
Unawain natin ngayon ang huwarang ito sa isang halimbawa kamakailan ng pakikinig at pagkatapos ay pagsunod sa mga salita ng mga propeta at apostol sa ating panahon. Kamakaila’y inanyayahan ng Unang Panguluhan ang lahat ng miyembro ng Simbahan na basahin ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo bago matapos ang taon. Nagwakas ang hamon sa isang pangako: “Darating sa [inyo] at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa pagpapasiya ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (liham ng Unang Panguluhan, Hulyo 25, 2005).
Bakit kailangan tayong magkaroon ng mas malakas na patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos tulad ng nakasulat sa Aklat ni Mormon? Matindi ngayon ang kalituhan ng mga Kristiyano tungkol sa doktrina ni Cristo—hindi lang sa Kanyang kabanalan kundi maging sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli, Kanyang ebanghelyo, at lalo na sa mga utos na nauugnay rito. Ang resulta ay paniniwala sa taong nagngangalang Cristo na may sariling husay, isang popular na Cristo, at isang tahimik at nakapakong Cristo. Ang maling paniniwala ay humahantong sa mga maling asal sa relihiyon.
Ang personal at espirituwal na pundasyon ay maaari at dapat isalig sa personal at espirituwal na patunay ng Espiritu Santo na tunay na buhay si Jesucristo, ang mga propeta, at ang mga banal na kasulatan na naglalaman ng mga paghahayag ng Panginoon. Mas partikular dito, ang katunayan na buhay si Cristo ay nauugnay sa panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo at ng mensahe nito “na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang kanyang tagapaghayag at propeta nitong mga huling araw, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo” (Pambungad, Aklat ni Mormon).
Ang espirituwal na patunay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay ibinigay na may kundisyon ng Panginoon sa lahat ng handang humiling nang may pananampalataya, naniniwala na darating ang sagot sa pamamagitan ng kapangyarihang iyon. Nagsisimula ito sa pakikinig sa tinig ng Panginoon, sa Kanyang mga lingkod, sa Kanyang mga propeta at apostol, at patuloy ito sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga salita. Ang espirituwal na kaalaman tungkol sa Panunumbalik ay nangangailangan ng pananampalataya.
Ihahalimbawa ko ang personal at espirituwal na karanasan ko bilang napabalik-loob sa espirituwal na prosesong ito. Nang dumating ang mga misyonero sa aming tahanan, nais kong pakinggan ang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Pag-uusisa ang talagang nagtulak sa akin noon. Sa pagsisimba, mas marami akong narinig na bagong espirituwal na kaalaman. Nakakatuwa at gusto ko iyon, pero nawawala ang pinakamahalaga: ang pakikinig. Kinailangan kong magkaroon ng personal at espirituwal na pundasyon tungkol sa katunayan na buhay si Cristo at patunay na si Joseph Smith ang Propeta ng Panunumbalik. Dumating lang ang patunay na iyon nang makinig ako at subukan ang nagsisimula kong pananampalataya sa Aklat ni Mormon, ang pisikal na ebidensya ng makabagong paghahayag.
Gayunman, hindi sapat ang pagkakaroon ng kaalamang iyon; kinailangan itong sundan ng pangakong tiyaking nananampalataya ako na totoo ang Aklat ni Mormon at na si Joseph Smith ay propeta. Wala akong duda kailanman sa pananampalataya ko kay Cristo. Nagtiwala ako sa Panginoon at sa Kanyang pangako. Kapayapaan sa aking isipan, kapayapaan ng kalooban, ang sagot—wala nang iba pang tanong. Itinakda ang espirituwal na pundasyon at sinundan ng pangako sa puso ko na tanggapin ang tipan ng binyag. Pagkatapos ay dumating ang kaloob na Espiritu Santo upang gabayan ako at tulungang gumawa ng mabubuting desisyon na magtiis hanggang wakas. Nabatid ko mula noon kung ano ang gagawin ko sa hinaharap sa buhay na ito.
Subukan ninyo ang banal na paghahayag. Pakinggan ang tinig ng Panginoon. Tunay ito, personal ito, totoo ito. Hindi mahahalinhan at hindi makakayang halinhan ng katwiran ang paghahayag. Sabi ni Pangulong James E. Faust, “Huwag hayaang ilayo kayo ng inyong pag-aalinlangan sa banal na pinagmumulan ng kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako; Tulungan Mo ang Kakulangan Ko ng Pananampalataya,” Liahona, Nobyembre 2003, 19).
Subukan at damhin ang makapangyarihang epekto sa inyong isipan ng salita ng Diyos na ibinigay ng mga lingkod ng Panginoon (tingnan sa Alma 31:5).
Subukan, humiling at tumanggap nang may pananampalataya, pagkatapos ay sundin ang mga salita ng mga propeta at apostol, at kayo’y “makatatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan” (D at T 20:14).
Ngayon, tandaan lang, bilang pangwakas, na ang pagsunod sa huwaran ng Panginoon na makinig at sundin ang banal na katotohanan ay makatutulong sa pagkakaroon ninyo ng personal at espirituwal na pundasyon at matutukoy ninyo kung ano ang kahihinatnan ninyo sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.