“Alagaan Mo ang Aking mga Tupa”
Higit nating naiimpluwensyahan ang mga tao kapag nadarama nila na tunay natin silang mahal, at hindi lang dahil may tungkulin tayong dapat tuparin.
Sa isang pagkakataon tatlong beses tinanong ng Tagapagligtas si Pedro:
“Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi [ni Jesus] sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa.”1
Dahil masyado Siyang nag-aalala sa kapakanan ng mga anak ng ating Ama sa Langit, binigyan ng Panginoon si Pedro ng espesyal na tungkuling alagaan ang mga tupa. Inulit Niya ang pag-aalalang ito sa makabagong panahon sa isang paghahayag kay Joseph Smith:
“Ngayon, sinasabi ko sa iyo, at ang sinasabi ko sa iyo, ay sinasabi ko sa lahat ng Labindalawa: Bumangon at bigkisan ang iyong balakang, pasanin mo ang iyong krus, sumunod sa akin, at pakainin ang aking mga tupa.”2
Sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan, napapansin natin na nagministeryo ang Tagapagligtas sa mga tao ayon sa partikular nilang mga pangangailangan. Isang magandang halimbawa nito ang nangyari nang malapit na Siya sa Capernaum, at nagpatirapa si Jairo, pinuno ng sinagoga, sa paanan ni Jesus at nagsumamo sa Panginoon na pumunta sa bahay niya at basbasan ang kanyang anak na babaeng naghihingalo. Sumama si Jesus kay Jairo kahit nahirapan Siyang magmadali dahil sa siksikan.
At sinabi ng isang sugo kay Jairo na patay na ang kanyang anak. Kahit nagdadalamhati, nanatiling sumasampalataya si Jairo sa Panginoon, na umalo sa puso ng amang ito at nagsabi:
“Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya’y gagaling.
“At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.
“At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa’t sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka’t siya’y hindi patay, kundi natutulog… .
“… [At] tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.
“At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya’y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya’y bigyan ng pagkain.”3
Nagpasensya si Jesus at minahal ang lahat ng lumapit sa Kanya na naghahangad ng ginhawa sa kanilang pisikal, emosyonal, o espirituwal na karamdaman, at nanghihina at nabibigatan.
Para masunod ang halimbawa ng Tagapagligtas, bawat isa sa atin ay dapat tumingin sa paligid at tulungan ang mga tupang nahaharap sa gayong sitwasyon at tulungan sila at hikayating magpatuloy sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.
Ang pangangailangang ito ngayon ay singlaki o marahil ay mas malaki kaysa noong namuhay ang Tagapagligtas sa daigdig na ito. Bilang mga pastol kailangan nating maunawaan na dapat nating pangalagaan ang bawat isa sa ating mga tupa upang madala sila kay Cristo na siyang layunin ng lahat ng ginagawa natin sa Simbahang ito.
Anumang aktibidad, miting, o programa ay dapat tumuon sa adhikaing ito. Kapag alam natin ang mga pangangailangan ng mga tao, mapapalakas natin at matutulungan silang malabanan ang kanilang mga pagsubok, upang manatili silang matatag sa landas na magbabalik sa kanila sa piling ng ating Ama sa Langit at matulungan silang magtiis hanggang wakas.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tungkol sa mga tao, hindi sa mga programa. Kung minsan, sa pagmamadaling magampanan ang mga responsibilidad natin sa Simbahan, masyado tayong nakatuon sa mga programa, sa halip na sa mga tao, at nakakaligtaan natin ang tunay nilang mga pangangailangan sa bandang huli. Kapag nangyayari iyon, nalilimutan natin ang kahalagahan ng ating mga tungkulin, nakakaligtaan ang mga tao, at napipigil silang marating ang banal na potensyal nila na magtamo ng buhay na walang hanggan.
Nang malapit na akong mag-12, ininterbyu ako ng bishop ko at tinuruan akong maghanda na matanggap ang Aaronic Priesthood at maorden bilang deacon. Bago matapos ang interbyu, may hinugot siyang set ng mga form sa desk niya at hinamon akong punan ang mga ito. Mga papeles iyon para sa misyon. Nabigla ako. Kunsabagay, 11 pa lang ako noon. Pero nakinita ng bishop na iyon ang hinaharap at ang mga pagpapalang mapapasaakin kung maghahanda ako nang wasto para makapagmisyon pagdating ng tamang panahon.
Ipinakita niya na talagang nagmamalasakit siya sa akin. Sinabi niya ang mga hakbang na dapat kong gawin upang makapaghanda kapwa sa pinansyal at sa espirituwal para makapaglingkod sa Panginoon. Pagkaraan ng araw na iyon, ininterbyu niya ako, at pagkatapos ay ng bishop na humalili sa kanya, nang di kukulangin sa dalawang beses sa isang taon hanggang mag-19 ako at hinikayat ako na manatiling tapat sa aking paghahanda.
Itinago nila sa kanilang files ang mga form ko sa pagmimisyon at binabanggit ito tuwing magkakaroon kami ng interbyu. Sa tulong ng mga magulang ko at sa panghihikayat ng mapagmahal at matiyagang mga bishop, nagmisyon ako. Natulungan ako ng misyon na maunawaan ang mga pagpapalang inihanda ng Diyos para sa lahat ng nagtitiis hanggang wakas.
Hindi mahalaga kung bata ka man, kabataan, o matanda—lahat ay kailangang madama na sila’y minamahal. Pinayuhan tayo ilang taon na na magtuon sa pagtulong sa mga bagong binyag at di-gaanong aktibong mga miyembro. Mananatili sa Simbahan ang mga tao kapag nadarama nilang may nagmamalasakit sa kanila.
Kasama sa mga huling tagubiling ibinigay ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol, sabi Niya:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.
“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”4
Higit nating naiimpluwensyahan ang mga tao kapag nadarama nila na tunay natin silang mahal, at hindi lang dahil may tungkulin tayong dapat tuparin. Sa pagpapahayag natin ng tunay na pagmamahal sa mga tao, madarama nila ang impluwensya ng Espiritu at mahihikayat na sundin ang ating mga turo. Hindi laging madaling mahalin ang mga tao sapagkat sila’y sila. Ipinaliwanag ni propetang Mormon kung ano ang dapat nating gawin kung may mga ganitong pagsubok:
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay.”5
Si Cristo mismo’y nagministeryo sa mga tao, binuhat ang mabibigat na pasanin, binigyan ng pag-asa ang mga nanghihina, at naghahanap sa mga nawala. Ipinakita Niya sa mga tao kung gaano Niya sila kamahal at nauunawaan at gaano sila kahalaga. Kinilala Niya ang kanilang likas na kabanalan at walang hanggang kahalagahan. Kahit noong pinagsisisi ang mga tao, isinumpa Niya ang kasalanan nang hindi isinusumpa ang may-sala.
Sa una niyang sulat sa mga taga-Corinto, binigyang-diin ni Apostol Pablo ang pangangailangang ipahayag ang tunay na pagmamahal na ito sa bawat tupa ng kawan ng Panginoon:
“At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa’t wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin.
“Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.
“Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;
“Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;
“Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis… .
“Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang Pananampalataya ang pagasa, at ang pagibig; nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.”6
Kapag sinunod natin ang halimbawa at mga turo ng Tagapagligtas, matutulungan natin ang mga tao na gampanan ang kanilang misyon sa lupa at makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit.
Pinatototohanan ko ito sa inyo sa ngalan ni Jesucristo, amen.