Mga Katangian ni Cristo—Ang Hangin sa Ilalim ng Ating mga Pakpak
Ang pamumuhay ayon sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ay magdudulot ng kapangyarihan, lakas, at espirituwal na pag-asa sa sarili sa buhay ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw.
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan: Noong propesyonal na piloto pa ako ng eroplano, kung minsa’y binibisita ng mga pasahero ang cockpit ng aking Boeing 747. Nagtatanong sila tungkol sa maraming switch, instrumento, sistema, at pamamaraan at kung paano makakatulong ang lahat ng teknikal na kagamitang ito sa paglipad ng gayong kalaki at kagandang eroplano.
Tulad ng lahat ng piloto, natuwa ako sa paghanga nila sa mukhang kumplikadong eroplanong ito at inisip nila kung gaano kagaling at katalino ang taong nagpapalipad nito! Sa bahaging ito ng kuwento ko, magiliw na sisingit ang asawa’t mga anak ko at sasabihin nang may kislap sa mga mata, “Hindi mayabang ang mga piloto, ‘no!”
Sa mga bisita sa cockpit ko, ipinaliliwanag ko na kailangan ng napakahusay na aerodynamic design, maraming auxiliary system at program, at malalakas na makina para matugunan ng eroplanong ito ang tungkuling dulutan ng ginhawa at kaligtasan ang mga sakay.
Para mas madaling magpaliwanag sa pagtutuon sa mahahalagang bagay, idinaragdag ko na ang kailangan lang talaga ay malakas na hatak pasulong, mapuwersang pag-angat, at wastong posisyon ng eroplano, at batas ng kalikasan upang makalipad ang 747 at mga pasahero nito nang ligtas patawid ng mga kontinente at karagatan, sa ibabaw ng matataas na kabundukan at mapanganib na mga bagyo patungo sa destinasyon nito.
Nitong mga huling taon, madalas kong maisip na sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inaanyayahan tayong itanong din iyon. Ano ang mahahalagang bagay, ang mga pangunahing alituntunin ng pagiging miyembro natin sa kaharian ng Diyos sa lupa? Pagkatapos ng lahat, ano ang talagang maghahatid sa atin sa oras ng pinakamatinding pangangailangan sa hangad nating destinasyon sa kawalang-hanggan?
Ang Simbahan, pati na ang buong istruktura ng organisasyon at mga programa nito, ay naghahandog ng maraming aktibidad para sa mga miyembro nito na layong tulungan ang mga pamilya at indibiduwal na maglingkod sa Diyos at sa isa’t isa. Gayunman, kung minsa’y parang mas malapit sa puso’t kaluluwa natin ang mga programa at aktibidad na ito kaysa sa mga pangunahing doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Makakatulong ang mga pamamaraan, programa, patakaran, at huwaran ng organisasyon sa ating espirituwal na pag-unlad dito sa lupa, ngunit huwag nating kalimutan na maaari itong magbago.
Taliwas naman dito, ang sentro ng ebanghelyo—ang doktrina at mga alituntunin—ay hinding-hindi magbabago. Ang pamumuhay ayon sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ay magdudulot ng kapangyarihan, lakas, at espirituwal na pag-asa sa sarili sa buhay ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw.
Ang pananampalataya ay tunay na alituntunin ng kapangyarihan. Kailangan natin ang pinagmumulan ng kapangyarihan na ito sa ating buhay. Kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan, ngunit ang kapangyarihang ito ay karaniwang ginagamit bilang tugon sa ating pananampalataya. “Ang pananampalataya na walang mga gawa, ay [patay]” (Santiago 2:20). Kumikilos ang Diyos ayon sa pananampalataya ng Kanyang mga anak.
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamumunuan nila ang kanilang sarili” (sinipi ni John Taylor, “The Organization of the Church,” Millennial Star, Nob. 15, 1851, 339). Para sa akin, maganda at prangka ang turong ito. Sa pagsisikap nating unawain, isaloob, at ipamuhay ang mga wastong alituntunin ng ebanghelyo, lalo tayong espirituwal na aasa sa sarili. Ang alituntunin ng espirituwal na pag-asa sa sarili ay nagmumula sa napakahalagang doktrina ng Simbahan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos na—kalayaan. Naniniwala ako na ang kalayaang moral ay isa sa mga pinakadakilang regalo ng Diyos sa Kanyang mga anak, kasunod ng buhay mismo.
Kapag pinag-aaralan at iniisip kong mabuti ang kalayaang moral at ang mga walang hanggang ibubunga nito, natatanto ko na tayo’y tunay na mga espiritung anak ng Diyos at samakatwid ay dapat kumilos nang marapat. Ipinaaalala rin sa akin ng pagkaunawang ito na bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bahagi tayo ng malaking pamilya ng mga Banal sa buong mundo.
Ang istruktura ng organisasyon ng Simbahan ay umaakma ayon sa laki, huwaran ng pag-unlad, at mga pangangailangan ng ating mga kongregasyon. Nariyan ang pangunahing programa ng yunit na napakasimple ng istruktura ng organisasyon at kakaunti ang mga miting. May malalaki rin tayong ward na maraming mapagkukunan para mapaglingkuran ang isa’t isa. Lahat ay itinatag batay sa inspiradong mga programa ng Simbahan para tulungan ang mga miyembro na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Pantay-pantay ang banal na kahalagahan ng magkakaibang opsiyong ito dahil pare-pareho ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat yunit. Nagpapatotoo ako bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo na Siya ay buhay, na ang ebanghelyong ito ay totoo, at may sagot ito sa lahat ng personal at karaniwang hamon ngayon sa mga anak ng Diyos sa lupa.
Nitong tag-init binisita naming mag-asawa ang mga miyembro ng Simbahan sa maraming bansa sa buong Europa. Sa ilang bahagi ng Europa, maraming taon nang umiiral ang Simbahan, noon pa mang 1837. May dakilang pamana ng matatapat na miyembro sa Europa. Sa kasalukuyan, mahigit 400,000 na ang mga miyembro natin sa Europa. Kung titingnan natin ang lahat ng henerasyon na nandayuhan sa Amerika mula sa Europa noong ika-labingsiyam at ika-dalawampung siglo, madaling paramihin nang ilang beses ang kabuuang bilang na iyon.
Bakit nilisan ng napakaraming matatapat na miyembro ang kanilang bansa noong bago pa lang ang Simbahan? Maraming dahilang mababanggit: para matakasan ang pang-uusig, para tumulong sa pagtatatag ng Simbahan sa Amerika, para gumanda ang kanilang kabuhayan, sa hangaring mapalapit sa templo, at marami pang iba.
Dama pa rin ng Europa ang bunga ng exodong ito ng marami. Ngunit ang lakas na nagmumula sa ilang henerasyon ng matatapat na miyembro ng Simbahan ay higit nang nakikita ngayon. Mas marami tayong nakikita ngayong mga kabataang lalaki’t babae at mga mag-asawa na nagmimisyon para sa Panginoon; mas marami tayong nakikita ngayong ikinakasal sa templo; higit ngayon ang nakikita nating tiwala at tapang ng mga miyembro na ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa mga tao sa Europa at sa marami pang bahagi ng mundo, may espirituwal na kahungkagan ng mga tunay na turo ni Cristo. Ang kahungkagang ito ay kailangan at kayang punuin, at mapupuno ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo habang ipinamumuhay at ipinangangaral ng magagaling nating mga miyembro ang ebanghelyong ito nang may dagdag na tapang at pananampalataya.
Sa paglaganap ng Simbahan sa Europa, may mga bansa na ngayon kung saan wala pang 15 taon ang Simbahan. Kinausap ko ang isang mission president na naglilingkod sa kanyang sariling bayan sa Russia na pitong taon pa lang naging miyembro. Sabi niya sa akin, “Sa buwan ng binyag ko’y nahirang din akong branch president.” Nabigatan ba siya sa tungkuling iyon kung minsan? Oo naman! Sinikap ba niyang ipatupad ang buong programa ng Simbahan? Hindi nga lang! Paano siya tumatag nang husto sa gayon kaliit na kongregasyon, sa napakaikling panahon? Paliwanag niya, “Buong kaluluwa kong alam na totoo ang Simbahan. Pinuspos ng doktrina ng ebanghelyo ang aking puso’t isipan. Nang sumapi kami sa Simbahan, nadama naming bahagi kami ng isang pamilya. Nadama namin ang mainit na pagtanggap, tiwala, at pagmamahal. Kakauti lang kami, pero sinikap naming lahat na sundin ang Tagapagligtas.”
Sinuportahan nila ang isa’t isa, ginawa nila ang lahat ng kaya nila, at batid nilang totoo ang Simbahan. Hindi ang organisasyon ang nakaakit sa kanya, kundi ang liwanag ng ebanghelyo, at pinatatag ng liwanag na ito ang mabubuting miyembrong iyon.
Sa maraming bansa nagsisimula pa lang ang Simbahan, at kung minsa’y malayo pa sa pagkaperpekto ang sitwasyon ng organisasyon. Gayunman, ang mga miyembro ay maaaring magkaroon ng ganap na patotoo sa katotohanan sa kanilang puso. Kung mananatili ang mga miyembrong ito sa kanilang bansa at itatatag ang Simbahan, sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya at kahirapan, magpapasalamat ang darating na mga henerasyon sa matatapang na pioneer na ito sa panahong ito. Sinusunod nila ang magiliw na imbitasyon ng Unang Panguluhan na ibinigay noong 1999:
“Sa ating panahon, nakita ng Panginoon na angkop na ibigay ang mga pagpapala ng ebanghelyo, pati na ang pagdami ng mga templo, sa maraming bahagi ng mundo. Dahil dito, nais naming ulitin ang matagal nang payo sa mga miyembro ng Simbahan na manatili sa kanilang sariling bayan sa halip na mandayuhan sa Estados Unidos… .
“Sa pananatili ng mga miyembro sa buong mundo sa kanilang sariling bayan, na gumagawa sa ikatatatag ng Simbahan sa kanilang bayang sinilangan, malalaking pagpapala ang darating sa bawat isa sa kanila at sa Simbahan sa kabuuan” (Liham ng Unang Panguluhan, Dis. 1, 1999).
Nais kong idagdag ang babala sa atin na nasa malalaking ward at stake. Kailangan nating tiyakin na ang sentro ng ating patotoo ay hindi nakabatay sa mga pakikisalamuha natin sa Simbahan o sa magagandang aktibidad, programa, at organisasyon ng ating mga ward at stake. Lahat ng ito ay mahalagang mapasaatin—ngunit hindi sapat ang mga ito. Kahit pagkakaibigan ay hindi sapat.
Alam nating nabubuhay tayo sa panahon ng kaguluhan, kapahamakan, at digmaan. Dama natin at ng marami pang iba na talagang kailangan ng isang “kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa” (D at T 115:6). Paano natin matatagpuan ang gayong ligtas na lugar? Itinuro ng propeta ng Diyos, maging si Pangulong Hinckley, na: “Ang kaligtasan nati’y nakasalalay sa kabutihan ng ating buhay. Ang lakas nati’y nakasalalay sa ating kabutihan” (“Hanggang sa Muling Pagkikita,” Liahona, Ene. 2002, 105).
Gunitain natin kung paano pinagbilinan ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol, nang malinaw at tuwiran, sa simula ng Kanyang mortal na ministeryo, “[Halina], magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mat. 4:19). Ito rin ang simula ng ministeryo ng Labindalawang Apostol, at palagay ko’y dama nila ang kanilang kakulangan, tulad ng nadama ko, dahil natawag din ako sa banal na gawaing ito. Gusto kong sabihin na ang Tagapagligtas Mismo ang nagtuturo sa atin dito ng isang aral tungkol sa mahalagang doktrina at mga priyoridad sa buhay. Kailangan munang “sumunod sa Kanya” ang bawat isa sa atin, at sa paggawa nito, pagpapalain tayo ng Tagapagligtas nang higit pa sa ating kakayahang maging tulad ng nais Niyang kahinatnan natin.
Ang pagsunod kay Cristo ay pagiging higit na katulad Niya. Ito’y pagkatuto mula sa Kanyang pagkatao. Bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, talagang mayroon tayong potensyal na ilakip sa ating buhay at pagkatao ang mga katangian ni Cristo. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na matutuhan ang Kanyang ebanghelyo sa pamumuhay ng Kanyang mga turo. Ang pagsunod sa Kanya ay paggamit ng mga wastong alituntunin at masasaksihan natin mismo ang kasunod na mga pagpapala. Ang prosesong ito’y kapwa napakakumplikado at napakasimple. Inilarawan ito ng sinauna at makabagong mga propeta sa apat na salita: “Sundin ang mga utos”—walang labis, walang kulang.
Hindi madaling taglayin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo sa ating buhay, lalo na kapag hindi na mga ideya o ulirang sitwasyon lang ang pinag-uusapan, kundi tunay na buhay. Dumarating ang pagsubok sa pamumuhay natin ng ating itinuturo. Mapapatunayan ang ating pag-unlad kapag nakikita sa pamumuhay natin ang mga katangian ni Cristo—bilang asawa, magulang, anak, sa ating pakikipagkaibigan, sa trabaho, sa negosyo, at sa paglilibang. Makikita natin at ng mga nakapaligid sa atin na umuunlad tayo kapag unti-unti nating dinagdagan ang kakayahan nating “kumilos nang buong kabanalan sa harapan [Niya]” (D at T 43:9).
Inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang ilang katangian ni Cristo na kailangan nating taglayin sa buhay na ito. Kabilang dito ang kaalaman at kapakumbabaan, pag-ibig sa kapwa at pagmamahal, pagsunod at kasipagan, pananampalataya at pag-asa. Ang mga personal na katangiang ito ay walang kaugnayan sa katayuan ng organisasyon ng ating Simbahan at kabuhayan, sa sitwasyon ng ating pamilya, kultura, lahi, o wika. Ang mga katangian ni Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Hindi ito makakamit nang walang tulong mula sa Kanya. Ang tulong na kailangan nating lahat ay ibinigay sa atin nang libre sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nangangahulugan ng lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pag-ibig. Napapasaatin ang mga katangian ni Cristo sa matwid na paggamit ng ating kalayaan. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkilos. Kapag may pananampalataya tayo kay Cristo, sapat ang tiwala natin sa Panginoon para sundin ang Kanyang mga utos—kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito. Sa paghahangad na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangang regular nating suriin ang ating buhay at magtiwala, sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi, sa kabutihan ni Jesucristo at sa mga biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang pagkakaroon ng mga katangian ni Cristo ay mahirap na proseso. Kailangang handa tayong tumanggap ng direksyon at pagwawasto mula sa Panginoon at sa Kanyang mga alagad. Ang pandaigdigang kumperensyang ito pati na ang musika at binigkas na salita ay naghahandog ng espirituwal na kapangyarihan, direksyon, at pagpapala “mula sa kaitaasan” (D at T 43:16). Ito ang panahon kung kailan ang tinig ng pansariling inspirasyon at paghahayag ay magdudulot ng kapayapaan sa ating kaluluwa at ituturo sa atin kung paano maging higit na katulad ni Cristo. Ang tinig na ito’y magiging sintamis ng tinig ng isang mahal na kaibigan, at pupunuin nito ang ating kaluluwa kapag tunay na bagbag ang ating mga puso.
Sa pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas, madaragdagan ang kakayahan nating “managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Mga Taga Roma 15:13). Ating “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” (D at T 25:10).
Ibinabalik ako nito sa paghahambing ko sa aerodynamic sa simula. Binanggit ko na tumuon tayo sa mahahalagang bagay. Mga katangian ni Cristo ang mahahalagang bagay. Ito ang mga pangunahing alituntunin na lilikha ng “hangin sa ilalim ng ating mga pakpak.” Sa unti-unting pagkakaroon natin ng mga katangian ni Cristo sa sarili nating buhay, tayo’y “dadalhin [ng mga ito] tulad sa mga pakpak ng mga agila” (D at T 124:18). Ang pananampalataya natin kay Jesucristo ay magdudulot ng kapangyarihan at malakas na hatak pasulong; ang ating walang-maliw at aktibong pag-asa ay magbibigay ng mapuwersang pag-angat. Kapwa pananampalataya at pag-asa ang maghahatid sa atin patawid sa karagatan ng mga tukso, sa ibabaw ng kabundukan ng mga paghihirap, at ligtas tayong ibabalik sa ating walang-hanggang tahanan at patutunguhan.
Ito ay pinatototohanan ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.