2005
Tunay na Kaligayahan: Buo sa Loob na Pagpapasiya
Nobyembre 2005


Tunay na Kaligayahan: Buo sa Loob na Pagpapasiya

Ang kaligayahan ay kalagayan ng kaluluwa. Ang maligayang kalagayang ito na nagmumula sa mabuting pamumuhay.

“Kay inam ng buhay, kung mamumuhay tayo sa paraan na magiging gayon ito.” Bahagi ito ng isang nagbibigay-inspirasyong mensahe na nabasa ko maraming taon na ang nakalilipas. Ang sinasabi ng mensahe na, “mainam na buhay” ay bunga ng paraan ng paggawa natin ng mga bagay-bagay, ng mga salitang pinipili nating sabihin, at maging ng uri ng kaisipang pinipili nating isipin.

Hindi kailangang madama ng sinuman na siya’y nag-iisa sa landas ng buhay, dahil lahat tayo’y inaanyayahang lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya. Kaligayahan ang layunin ng ebanghelyo at ang layunin ng mapantubos na Pagbabayad-sala para sa lahat ng tao.

Maikli ang paliwanag na binanggit sa aklat ni Helaman: “Sa gayon makikita natin na ang Panginoon ay maawain sa lahat ng yaon na, sa katapatan ng kanilang mga puso, ay nananawagan sa kanyang banal na pangalan.

“Oo, sa gayon nakikita natin na ang pintuan ng langit ay bukas para sa lahat, maging sa mga yaong maniniwala sa pangalan ni Jesucristo, na siyang Anak ng Diyos

“Oo, nakikita natin na sinuman ang magnanais ay makayayakap sa salita ng Diyos, na buhay at makapangyarihan, na … akayin ang tao ni Cristo sa makipot at makitid na daan …

“At humantong ang kanilang mga kaluluwa, oo, ang kanilang mga walang kamatayang kaluluwa, sa kanang kamay ng Diyos sa kaharian ng langit.”1

Minamahal kong mga kapatid, kailangan nating matanto na ang “kagustuhan” ang dahilan na aakay sa atin na panghawakan ang salita ng Diyos at maging maligaya. Ang pagsisikap na gawin ang mga tamang desisyon ang umaakay sa atin sa kaligayahan.

Ang kaligayahan ay bunga ng ating pagsunod at lakas ng loob na palaging gawin ang kalooban ng Diyos, kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. Nang balaan ni propetang Lehi ang mga naninirahan sa Jerusalem, siya’y nilait nila, at, tulad ng ibang mga propeta noong una, tinangka nilang patayin siya. Babanggitin ko ang sinabi ni propetang Nephi: “Ako … ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas.”2

Noong misyonero pa ako sa hilagang Mexico, ilang araw matapos binyagan ang pamilyang Valdez, nakatanggap kami ng tawag sa telepono mula kay Brother Valdez na nagsasabing magpunta kami sa kanyang bahay. May mahalaga siyang itatanong sa amin. Ngayong alam na niya ang kalooban ng Panginoon tungkol sa Word of Wisdom, at kahit mahihirapan nang maghanap ng bagong trabaho, iniisip niya kung dapat ba siyang patuloy na magtrabaho sa kumpanya ng sigarilyo kung saan matagal na siyang nagtatrabaho. Mga ilang araw pa makalipas iyon hiniling muli ni Brother Valdez na dalawin namin siya. Nagpasiya siyang tumigil sa trabaho dahil ayaw niyang salungatin ang kanyang pinaniniwalaan. Pagkatapos, taglay ang ngiti at sa madamdaming tinig, sinabi niya sa amin na noong araw mismo na umalis siya sa kanyang dating trabaho, may isa pang kumpanya na nag-alok sa kanya ng mas magandang posisyon.

Oo, nagkakaroon tayo ng kaligayahan sa kabila ng pagsubok sa ating pananampalataya. Ipinamamalas ng Panginoon ang Kanyang Sarili sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mahabaging awa, na nadarama natin sa landas ng kaligayahan. Mas malinaw nating nakikita ang Kanyang kamay sa ating buhay.

Ang kaligayahan ay kalagayan ng kaluluwa. Ang maligayang kalagayang ito na nagmumula sa mabuting pamumuhay.3

Ilang taon na ang nakalilipas noong mission president pa ako, nasaksihan ng asawa kong si Evelia ang isang nakaaantig na tagpo ng kaligayahan nang makita niyang pumasok sa kapilya ang isang matapat na pamilya. Ang inang ito at ang dalawa niyang maliliit na anak ay naglakad mula sa kanilang abang tahanan papunta sa simbahan sa kabila ng matinding sikat ng araw nang araw na iyon. Hindi nila naisip na makikita nila si Elder Cruz, ang masigasig na misyonero na, noong nakaraang taon, ay nagbahagi sa kanila ng mensahe ng ibinalik na ebanghelyo. Ang kalugud-lugod na sorpresang ito ang susi sa pagkakilala nila sa malaking kaligayahang dulot ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Tumakbo ang mga bata para yakapin siya, at habang dumadaloy ang mga luha ng kagalakan sa pisngi ni Elder Cruz, mahigpit na hinawakan ng ina ang kanyang mga kamay at pinasalamatang mabuti sa lahat ng ginawa niya para pagpalain ang kanilang pamilya. Tunay na natagpuan nila ang kaligayahan na inihanda at inilaan para sa mga Banal.4

Sinabi ni propetang Joseph, “Kaligayahan ang pakay at layon ng ating pag-iral; at ito ang magiging katapusan nito, kung hahanapin natin ang landas patungo dito; at ang landas na ito ay ang kagandahang-asal, kabutihan, katapatan, kabanalan, at pagsunod sa lahat ng mga kautusan ng Diyos.”5

Matapos ang hirap na dinanas sa mahabang paglalakbay papunta sa lupang pangako at makalipas ang 30 taon ng matapat na pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos,6 ibinuod ng walang-pagod na si propetang Nephi ng Aklat ni Mormon ang kasaysayan ng kanyang mga tao sa pagsasabing, “At ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya.”7

Ang kaligayahan ay inilarawan ng propeta’t haring si Benjamin sa Aklat ni Mormon bilang “ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal.”8

Oo, minamahal kong mga kapatid, kay inam ng buhay, kung mamumuhay tayo sa paraan na maging gayon ito. Ang paniniwala, paghahangad, pagpapasiya, at pagpili nang wasto ang mga simpleng hakbang na naglalarawan sa dagdag na kaligayahan at dagdag na katiyakan sa kalooban na nangingibabaw sa buhay na ito.

Alalahanin natin na Mismong ang Panginoon pa rin ang tumatawag sa atin na nagsasabing, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”9 Alam kong Siya ay buhay at patuloy Siyang kumakatok sa ating pintuan. Ibinalik Niya ang Kanyang Simbahan at ang kaganapan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at paglabas ng Aklat ni Mormon. Maging sa ngayon Siya ang namamahala sa Kanyang Simbahan at kaharian sa pamamagitan ng ating minamahal na propetang si Gordon B. Hinckley.

Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at aking abang patotoo, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Helaman 3:27–30; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. 1 Nephi 1:20; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kagalakan,” 103.

  4. Tingnan sa 2 Nephi 9:43.

  5. History of the Church, 5:134–35.

  6. Tingnan sa 2 Nephi 5:10.

  7. 2 Nephi 5:27.

  8. Mosias 2:41.

  9. Mateo 11:28.