Pagbabasbas
Ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay… . Si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng sangkatauhan. Ipinanumbalik Nila ang Kanilang gawain sa huli at pangwakas na dispensasyong ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph.
Ngayon, mga kapatid ko, pambihira ang kumperensya nating ito. Naging literal na piging ito sa hapag ng Panginoon na nagbigay-inspirasyon. Ang musika, mga panalangin, at pananalita ay sadyang kahanga-hanga. Tayo ay natagubilinan at nabigyang-inspirasyon; ang ating pananampalataya ay napalakas.
Malinaw na nakita ang pag-unlad ng Simbahan sa katotohanan na ang ating mga salita ay isinalin sa 80 wika at ang ating mensahe ay naiparating sa tulong ng satellite sa buong mundo at narinig ng mga miyembro sa napakaraming lupain. Lahat ng ito ay kahanga-hangang bunga ng mga salitang binigkas ni Moroni sa batang propeta noong gabi ng Setyembre 21, 1823.
Isa siyang binatilyo noon, isang mahirap na magbubukid na mababa lang ang pinag-aralan. Walang-wala siya. Walang-wala rin ang mga magulang niya. Nakatira siya sa isang nayon, na di-gaanong pamilyar sa mga tagalabas. Gayunma’y sinabi ng anghel sa kanya na “siya’y isang sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos … ; na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa [kay Joseph]; at ang [kanyang] pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan … ng lahat ng tao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33).
Paano mangyayari ang bagay na ito? ang naisip siguro ni Joseph. Tiyak na labis siyang nagulat.
Subalit nangyari itong lahat. At higit na dakila pang mga propesiya ang mangyayari.
Sa Disyembre 23 ng taong ito, 2005, layon naming parangalan ang kanyang kaarawan sa isang malaking pagdiriwang bilang papuri sa kanya.
Layon ko, kung maaari, na magtungo sa lugar na kanyang sinilangan upang ulitin ang ginawa ni Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, noong Disyembre 23, 1905, isang siglo na ang nakalilipas. Sa okasyong iyon inilaan niya ang bantayog na palatandaan ng lugar na sinilangan ng Propeta at kung saan itinayo rin ang isang maliit na bahay bilang pag-alaala sa kanya.
Habang nasa Vermont ako, narito sa Conference Center sina Pangulong Monson at Faust, kasama ang iba pang mga General Authority. Mapupuno ang malaking bulwagang ito, at ang programa ay isasahimpapawid sa pamamagitan ng satellite. Magkakaroon ng angkop na musika at mga salita ng papuri kapwa sa South Royalton at sa Salt Lake City para sa dakilang propeta ng dispensasyong ito.
Ang inawit ng koro nang buong husay kaninang umaga bilang papuri sa Propeta ay dress rehearsal lang para sa okasyon sa Disyembre. Inaasam namin ito at sana’y makasama namin kayong lahat sa oras na iyon.
Iniiwan namin ang aming patotoo sa kabanalan ng gawaing ito. Kahanga-hangang gawain ito. Napakahungkag ng ating buhay kapag wala ito. Ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay. Mahal Niya tayo. Binabantayan Niya tayo. Si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng sangkatauhan. Ipinanumbalik Nila ang Kanilang gawain sa huli at pangwakas na dispensasyong ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph. Pinatototohanan ko ito nang buong taimtim at iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas, pinakamamahal kong mga kapatid sa mapagpasalamat na Simbahang ito. Pagpalain kayong lahat ng Diyos.
Ngayon sa pagtatapos, nais kong pasalamatan kayong lahat na napakalaki ng nagawa sa dakilang kumperensyang ito, ang marami na nagtrabaho sa likod ng tabing, upang maging posible ang lahat ng ito. Nagtrabaho sila gabi’t araw upang maghatid ng magandang resulta—ang mga usher, mga technician, mga security, first-aid people, mga traffic officer, mga tagasalin, mga sekretaryang nagpagod sa paghihintay sa aming mga pananalita at pagmamakinilya nito lagi-lagi.
Pagpalain nawa tayong lahat ng Diyos, ang mapakumbaba kong dalangin. Nawa’y magsumikap tayong lumakad sa kabutihan sa Kanyang harapan, ang mapakumbaba kong pakiusap, at iniiwan ko ang aking basbas sa inyo sa sagrado at banal na pangalan ng ating Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.