Pambungad na Pananalita
Pambihira ang pag-unlad ng Simbahan mula nang ito’y simulan hanggang marating ang kalagayan nito ngayon, at nagsisimula pa lang tayo.
Mga kapatid ko, idinaragdag ko ang aking pagbati sa inyo sa malaking pandaigdigang kumperensyang ito ng Simbahan. Punung-puno ang maluwang na Conference Center sa Salt Lake City, gayundin ang iba pang bulwagan sa lugar na ito. Nagsasalita kami hindi lang sa inyo rito ngayon kundi sa inyo ring nasa iba pang maraming lupain. Binabati namin kayong lahat. Mahal namin kayo bilang mga kapatid.
Nasa misyon ako sa British Isles mahigit 70 taon na ang nakararaan. Buo pa ang bahagi ng British Empire noon. Ang imperyong iyon ang may pinakamaraming bansang sakop ng kanilang pamahalaan sa balat ng lupa. Sinasabing kailanma’y hindi pa lumubog ang araw sa British Empire. Nakawagayway ang bandilang Union Jack sa buong mundo.
Maraming buting naidulot ang imperyong ito sa maraming lugar. Pero marami ding nagdusa. Resulta ito ng pananakop, pang-aapi, digmaan, at alitan. Nalibing ang mga labi ng mga sundalong British sa mga libingan sa buong mundo.
Ngayo’y wala nang lahat ito. Isinulat ni Rudyard Kipling ang pagkawala nito sa kanyang “Recessional:”
Tinawag sa malayo hukbo natin sa karagatan,
Sa buhangina’t dalampasigan, apoy dumadapo—
Masdan, ang lahat ng dating kayabangan
Tila katulad ng sa Ninive at Tiro!
(“God of Our Fathers, Known of Old,” Hymns, no. 80)
May isa pang imperyo ngayon. Ito ang imperyo ni Cristong Panginoon. Ito ang imperyo ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ito ang kaharian ng Diyos. At hindi lumulubog ang araw sa kahariang ito. Hindi ito resulta ng pananakop, ng alitan, o digmaan. Resulta ito ng mapayapang panghihikayat, patotoo, pagtuturo, isang tao rito at isa pa roon.
Tulad ng alam ninyong lahat, ipinagdiriwang natin ang ika-200 kaarawan ni Propetang Joseph Smith sa taong ito, at ang ika-175 anibersaryo ng organisasyon ng Simbahan.
Pambihira ang pag-unlad ng Simbahan mula nang ito’y simulan hanggang marating ang kalagayan nito ngayon, at nagsisimula pa lang tayo.
Ang pagtatayo ng mga templo ay pahiwatig ng pag-unlad na ito. Mayroon na tayo ngayong 122 gumaganang templo sa maraming bahagi ng mundo. Napakapalad ng ating mga tao dahil dito. Bawat taong karapat-dapat para sa rekomend sa templo ay isa ring tapat na Banal sa mga Huling Araw. Magbabayad siya ng buong ikapu, susunod sa Word of Wisdom, magkakaroon ng magandang relasyon sa kanyang pamilya, at magiging mabuting mamamayan sa komunidad. Paglilingkod sa templo ang kauuwian ng lahat ng ating pagtuturo at gawain.
Noong isang taon 32 milyong ordenansa ang naisagawa sa mga templo. Mas marami ito kaysa sa naisagawa sa alinmang taong nagdaan. Sa ngayon, ilan sa mga templo natin ang punung-puno at umaapaw na [sa mga dumadalo]. Kailangang tugunan ang mga pangangailangan at hangarin ng tapat nating mga Banal.
Naibalita na namin ang isang bagong templo sa timog-silangang bahagi ng Salt Lake Valley. May dalawa pa tayong magagandang pagtatayuan sa kanluran at timog-kanlurang bahagi ng lambak sa kagandahang-loob ng mga nagpapaganda sa mga pag-aaring ito. Ang unang pagtatayuan natin ay ang tinatawag na Daybreak development, at ngayong umaga ibabalita namin ito sa madla. Itatanong ninyo kung bakit gustung-gusto namin sa Utah. Ito’y dahil sa laki ng gawaing kakailanganin dito. Pero sinisimulan na rin natin ang mga bagong templo sa Rexburg at Twin Falls, Idaho; sa Sacramento, California; sa Helsinki, Finland; sa Panama City, Panama; sa Curitiba, Brazil; at sa isa pang hindi ko dapat banggitin ngayon dahil hindi pa ito naibabalita pero hindi na rin ito magtatagal. May iba pang iniisip ipagawa ngayon. Sa lahat ng binanggit ko, may lupa na tayo, at umuusad ang pagtatayo sa mga lugar na iyon.
Nagpapasalamat kami sa mga paglalaan ng ating mga tao na nagbigay-daan para mangyari ang mga gawaing ito.
Ang isa sa pinakamalalaking problema sa gawain natin sa templo ay nadodoble ang gawain para sa mga patay dahil sa pagdami ng mga templo sa buong mundo. Sabay-sabay na nagsasagawa ang mga tao sa iba’t ibang bansa para sa iisang angkan at magkakatulad ang mga pangalang natatagpuan nila. Hindi nila alam na iyon din ang ginagawa ng ibang taong nasa ibang lugar. Kaya naman kami’y matagal-tagal nang abala sa isang napakahirap na gawain. Para maiwasan ang gayong pagdodoble, ang solusyon ay nasa isang kumplikadong teknolohiya sa computer. May pahiwatig sa una na magtatagumpay ito, at kung magkagayon nga, talagang magiging isang kahanga-hanga ang magiging epekto nito sa buong mundo.
Ngayon, tulad ng alam ng marami sa inyo, nagdaraos kami ng mga stake conference gamit ang satellite transmission. Napakalaki na ng Simbahan kaya hindi na posibleng bisitahin ng mga miyembro ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, at iba pang General Authority ang bawat stake, liban na lang kung may mga reorganisasyon o paghahati. Sa pamamagitan ng satellite transmission makapagsasalita na kami mula sa Salt Lake City at maririnig at makikita sa mga stake center at iba pang gusali sa buong mundo. Isa itong mahimala at kahanga-hangang bagay.
Sa ganitong paraan din nakikibahagi ang marami sa inyo sa kumperensya natin ngayon. Pinagbubuklod tayo ngayon bilang isang malaking pandaigdigang pamilya sa musika at panalangin at sa tagubilin at patotoo ng ating mga Kapatid.
Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo, kahanga-hangang mga Banal sa mga Huling Araw. Salamat sa mga pagsisikap ng mga Area Seventy, bishopric at stake president, auxiliary leader, temple at mission presidency, at sa napakarami pang bukas-palad na nagbibigay ng oras, lakas, at kabuhayan, para isulong ang kaharian ng Diyos sa lupa.
Dalangin ko, mga kapatid ko, na mapasainyo ang mga piling pagpapala ng langit, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.