2005
Matatamis na Sandali
Nobyembre 2005


Matatamis na Sandali

Kung hangad natin ang Panginoon at ang Kanyang patnubay, kung ang direksyon natin ay pabalik sa ating Ama sa Langit, darating ang pinakamatatamis na sandali.

Lubos tayong nagpapasalamat para sa ating buhay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, at sa kanyang mga salitang, “Pagpalain nawa ng Diyos ang Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”1 Lahat ng babae sa Simbahang ito ay kabilang sa Relief Society. Nadarama ng bawat isa sa atin ang saganang pagmamahal ng organisasyong ito na itinatag ng Diyos.

Nasasaktan ang puso ko para sa inyong mga babae na naapektuhang mabuti ng mga sakunang dulot ng kalikasan kamakailan. Nagagalak ako sa mga kuwento tungkol sa mabubuting babae na naglilingkod at pinaglilingkuran. Sa paglilingkod, nadarama kapwa ng naglilingkod at ng pinaglilingkuran ang pagmamahal ng Panginoon. Sa sandaling ito ng pagsubok, dalangin ko na madama ninyo ang Kanyang pagmamahal at ang pagmamahal ko at ng maraming kapatid sa Relief Society.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang landasin ng Relief Society nang sabihin niya sa mga kapatid na babae noong 1842: “Likas sa mga babae ang pagiging mapagkawanggawa—nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa habag na iyon na itinanim ng Diyos sa puso ninyo. Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito napakadakila at napakaluwalhati nito!”2

Ang mga kapatid na babae ng naunang Relief Society ay naganyak ni Propetang Joseph na kumilos. Ngayon, tayo rin ay may mga oportunidad na maging “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.”3

Ano ang simpleng kahulugan ng maging kasangkapan? Palagay ko ibig sabihin nito’y pangalagaan ang iba. Tinawag ito ni Joseph Smith na pagkilos “ayon sa habag na iyon” sa ating puso. Marami nang matatamis na sandali na nadama kong kinasangkapan ako ng Panginoon. Naniniwala ako na kayo man ay nagabayan at natulungan sa inyong pagtuturo, pag-aliw, at panghihikayat.

Subalit, bilang mga babae minamaliit natin ang ating sarili! Maniwala kayo sa akin na higit ang kakayahan ng bawat isa sa atin kaysa inaakala natin. Kailangan nating kilalanin at ipagdiwang ang tamang ginagawa natin. Parang maliit na bagay at walang kabuluhan ang karamihan sa ginagawa natin—basta bahagi lang ng pang-araw-araw na buhay. Kapag tayo’y “pinagsulit kay Jehova,”4 tulad ng payo ni Propetang Joseph, alam ko na marami tayong masasabi.

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Tinanong ko kamakailan si Elder William W. Parmley tungkol sa mga alaala niya sa kanyang inang si LaVern Parmley na 23 taong naglingkod bilang Primary General President. Wala siyang binanggit sa mga mensahe ng kanyang ina sa mga kumperensya o sa maraming programang ipinatupad nito. Binanggit niya ang isa sa kanyang mga pinakamatamis na alaala noong siya’y 17 anyos at naghahandang magkolehiyo. Naalala niyang katabi niya sa upuan ang nanay niya habang tinuturuan siya nitong magtahi ng butones. Sa mga bata, anuman ang edad, ang maliliit at simpleng bagay ay palagi nilang naaalaala.

Hindi lahat sa atin ay may mga anak na matuturuan ng pananahi. Iba-iba rin naman ang grupo ng naunang kababaihan gaya natin. Ang ilan ay may-asawa, ang ilan ay dalaga, ang ilan ay biyuda, pero iisa ang layunin nila. Nang makasama ko kayo sa maraming lupain at maraming lugar, nadama ko ang inyong pagmamahal. Mga kapatid, mahal ko kayo, at alam kong mahal din kayo ng Panginoon.

Ngayon marami sa inyo ang dalaga. Mga estudyante kayo; nagtatrabaho kayo; bago kayo sa Relief Society. Ang ilan sa inyo ay matagal nang miyembro. Maniwala sana kayo kapag sinabi ko na bawat isa sa inyo ay mahalaga at kailangan. Bawat isa sa inyo ay naghahatid ng pagmamahal, sigla, pananaw, at patotoo sa gawain. Pinagpapala tayong lahat ng pagsisikap ninyong mamuhay na malapit sa Espiritu dahil natuto na kayong umasa sa Espiritu para sa lakas at direksyon.

Isang gabi nadama ni Cynthia, isang dalaga, na dapat niyang dalawin ang isang babae na binibisita niya. Wala sa bahay ang babaing iyon. Habang naglalakad si Cynthia pauwi, napansin niya ang isang nars sa labas ng ospital na may kasamang dalawang bata, na kapwa malubha ang paso sa sunog. Nang marinig ni Cynthia ang pangalan ng bata na tinawag ng nars, nakilala niya ang dalawang bata: nakilala niya sila noong magmisyon siya sa Bolivia apat na taon na ang nakalilipas. Sa pag-uusap nila sa bakuran ng ospital, nakita niya na pisikal na gumagaling ang mga bata, ngunit dahil walang suporta ng pamilya, di maganda ang emosyonal nilang kalagayan. Sinimulang bisitahin ni Cynthia ang mga bata at arugain ang mga ito. Sa pagsunod niya sa bulong ng Espiritu, naging kasangkapan ng Diyos si Cynthia para mapagpala ang dalawang batang nangungulila.

Nagawa ba niya iyon dahil dalaga siya? Hindi. Iyo’y dahil nakinig siya sa Espiritu at isinuko ang kanyang puso sa Diyos. Kung nakikinig tayo sa Espiritu, kung hangad natin ang Panginoon at ang Kanyang patnubay, kung ang direksyon natin ay pabalik sa ating Ama sa Langit, darating ang pinakamatatamis na sandali. At pahahalagahan natin ang mga ito dahil naging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos.

Kung minsan may nangyayari sa buhay natin na di inaasahan, at kailangan nating baguhin ang plano mula “plan A” at gawing “plan B.” Isinulat ng isang dalaga: “Sa palagay ko naging tunay na maligaya lang ako nitong nagkaedad na ako nang napag-isip-isip kong ang kahalagahan ko bilang tao at bilang anak ng aking Ama sa Langit ay walang kinalaman sa kung may asawa man ako o wala. Mula noon, tumuon na ako sa espirituwal at personal kong pag-unlad at hindi sa kung makapag-aasawa pa ako.”5

Ganyan tayong natututo at umuunlad kapag nagbabahagi tayo ng patotoo sa isa’t isa na ang Panginoon ay buhay at mahal tayo. Tulad ng sinabi ko noon, kung may isang bagay man akong gustong mangyari sa bawat isa sa inyo, iyo’y ang madama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon sa inyong pang-araw-araw na buhay.

Kung minsan dumarating ang pagmamahal na iyan sa mga di inaasahang paraan. Tinatapos ni Kristen ang graduate degree at kapapanganak pa lang sa pangalawa niyang anak. Nadama niya na mas marami nang narating ang ibang nagtapos at atubili siyang dumalo sa graduation dinner. Natakot siya lalo nang sa hapunan ay ipinalista sa mga estudyante ang kanilang tagumpay sa propesyon. Naalala ni Kristen: “Bigla akong napahiya at nahiya. Wala akong maipagmalaki, walang mataas na posisyon, walang magandang titulo sa trabaho.” Ang masama pa, binasa ng propesor ang mga listahan habang ibinibigay niya ang diploma sa bawat estudyante. Ang babaeng sinundan ni Kristen ay marami nang nagawa: may PhD na siya, ikalawang master’s degree na ang tatanggapin niya at naging mayor pa nga siya! Pinalakpakan nang husto ang babae.

Si Kristen na ang kasunod. Iniabot niya sa propesor ang blangkong papel, at sinikap pigilin ang pag-iyak. Naging titser niya ang propesor at pinuri nito ang galing niya. Tiningnan nito ang blangkong papel. Walang alinlangang ipinahayag nito, “Hawak ni Kristen ang pinakamahalagahang papel sa buong lipunan.” Ilang sandali itong tumahimik at pagkatapos ay malakas na ipinahayag, “Siya ang ina ng kanyang mga anak.” Sa halip na kakaunting magalang na palakpak, nagtindigan ang mga tao. Iisa lang ang binigyan ng standing ovation nang gabing iyon; iyo’y para sa inang nasa silid.

Mga ina, kayo’y mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, na may banal na tungkuling turuan at arugain ang inyong mga anak. Kailangang-kailangan ng mga batang paslit ang inyong kabaitan at pagmamahal. Kapag inuna ninyo sila, gagabayan Niya kayo kung paano sila pinakamainam na mapaglilingkuran.

Lahat kayong may malalaki ng anak ay kailangan sa inyong tahanan. Oo nga’t may mga kabiguan, pero maraming kaligayahan. Hanapin ang mga ito! Sa pagpapalaki ko ng apat na masisipag na anak na lalaki, natutuhan ko kahit paano ang pagiging kasangkapan: Magalak sa sigla sa mga panahong ito! Gawing ligtas, masaya, at panatag na lugar ang inyong tahanan, kung saan tanggap ang mga kaibigan. Makinig, magmahal, ibahagi ang mga kuwento ng inyong kabataan at pagkatinedyer sa inyong mga anak.

Bigyan ninyo ng tungkulin ang inyong mga anak. May curfew kami at sinabihan namin ang aming mga anak na lalaki na natutulog ang Espiritu Santo pagsapit ng hatinggabi. Kapag hindi sila umuwi, ilang beses akong sinabihan ng Espiritu Santo na lumabas at hanapin sila. Ikinagulat iyon ng ilang kadeyt nila! Natatawa na lang kami tungkol diyan ngayon—pero aaminin ko, hindi ito nakakatawa noon.

Dapat nasa tabi kayo ng inyong mga anak. Umupo sa kama at makipag-usap sa kanila hanggang hatinggabi—sikaping manatiling gising! Ipagdasal na bigyang-inspirasyon kayo ng Panginoon. Magpatawad nang madalas. Piliin ang mga bagay na kailangan ninyong ipatupad. Madalas na magpatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang kabutihan at sa Panunumbalik. At higit sa lahat, ipaalam sa kanila ang tiwala ninyo sa Panginoon.

Kung malalaki na ang inyong mga anak at wala na sa inyong piling; kung kayo’y dalaga, diborsyada, o biyuda, huwag hayaang diktahan ng inyong sitwasyon ang kahandaan ninyong magbahagi ng mga karanasan ninyo sa buhay. Kailangan kayong magsalita.

Sa isang lesson sa araw ng Linggo sa Relief Society sa ward namin, tinalakay namin ang mga dahilan ng magandang pagsasama ng mag-asawa. Sabi ng isang kapatid, si Lisa: “Siguro hindi ako dapat magsalita dahil diborsyada ako. Pero, ang nagpapasigla sa akin ay ang mga tipan ko sa templo.” Pagkatapos ng lesson, tinanong ko sa ilang bagong young adult sa Relief Society kung anong bahagi ng lesson na ito ang may koneksyon sa kanila. Sabi nila, “Tumimo sa amin ang sinabi ni Lisa.”

Ngayon, mahal kong nakatatandang mga kapatid, nakikita ko ang larawan ng Diyos sa mararangal ninyong mukha. Maraming buhay ang naantig sa inyong karunungan, pagtitiyaga, at karanasan! Madalas sabihin ng kamangha-mangha kong biyenan na si Mary na mahigit 90 anyos na, “Akala ng mga tao dahil matanda na ako’y wala na akong alam.” Sasabihin ko sa inyo ang nalalaman at ginagawa niya. Habang nasa isang tahanan ng matatanda, tinanong ni Mary ang manedyer kung puwede nilang gamitin ang isang silid para sa mga miting ng simbahan. Hindi ang sagot sa kanya dahil walang kinikilingang relihiyon ang sentro. Ayaw niyang tanggapin ang sagot nito! Kasama ang ilan pang matatandang kapatid na babae, nagpumilit si Mary hanggang sa maglaan ng isang silid ang kumpanya. Di naglaon, naorganisa ang isang branch at nagmiting doon ang mga miyembro tuwing Linggo para mag-sakrament at alalahanin ang kanilang mga tipan. Hindi sagabal ang edad sa pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.

Maraming paraan para maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Halimbawa, maging ang uri ng visiting teacher na gusto ninyo; tanungin ang isang dalaga kung ano ang gusto niyang gawin sa halip na kung bakit hindi pa siya nag-aasawa; magbahagi sa halip na magpayaman; maingat na piliin ang inyong pananamit, pananalita, at libangan; ngitian ang asawa o anak na alam na nagdulot sila ng lungkot at nakasakit ng damdamin; akbayan ang isang kabataang babae; masayang magturo sa nursery; ipakita sa inyong ugali na nagagalak kayo sa buhay. Ganito ang sabi ni Propetang Joseph sa gayong mga pagsisikap, “Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makahalubilo sa inyo.”6

Pinatototohanan ko na ginagawa natin ang gawain ng Diyos. Salamat sa inyong katapatan sa inyong mga pamilya, sa Relief Society, at sa Simbahan. Salamat sa pagiging kasangkapan ninyo sa mga kamay ng Panginoon upang maisagawa ang dakilang gawaing ito. Nawa’y madama ninyo ang pagmamahal ng Diyos sa inyong buhay at maibahagi nawa ninyo ang pagmamahal na iyan sa iba. Ito ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos (video na ipinalabas sa 2005 na pangkalahatang miting ng Relief Society).

  2. Relief Society Minutes, Abr. 28, 1842, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 38.

  3. Alma 26:3.

  4. Relief Society Minutes, Abr. 28, 1842, 34.

  5. Personal na liham.

  6. Relief Society Minutes, Abr. 28, 1842, 38.