Pagkaalam ng Kalooban ng Panginoon para sa Inyo
Nawa’y pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa inyo sa inyong personal na paghahangad na malaman ang Kanyang kalooban para sa inyo at isuko ang inyong kalooban sa Kanya.
Ang pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos ay malaking pribilehiyo at sagradong responsibilidad. Saanman tayo nakatira, anuman ang ating sitwasyon, may asawa man o wala, bata man o matanda, gusto ng Panginoon na gampanan ng bawat isa sa atin ang ating kakaibang bahagi sa pagtatatag ng Kanyang kaharian sa huling dispensasyong ito. Pinatototohanan ko na kaya nating malaman ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon—at maranasan “ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin, na tayo ay gawing mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.”1 Ang hangad ko ngayong gabi ay ikuwento ang bahagi ng napakapersonal na pagkaunawa ko sa kung paano tayo nagiging kasangkapang tulad niyon.
Magsisimula ako sa puntong nagkaroon na ako ng pag-unawa—sa dakilang katotohanang ito na itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Ang pagsusuko ng kalooban ang natatanging personal na bagay na maihahandog natin sa altar ng Diyos. Ang marami pang mga bagay na ‘ibinibigay’ natin … ay ang mga bagay na ibinigay o ipinahiram na Niya sa atin. Gayunman, kapag isinuko na natin ang ating sarili, sa pamamagitan ng pagpapailalim ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, talagang may ibinibigay na tayo sa Kanya! Ito ang tanging pag-aaring talagang atin na maibibigay natin!”2
Pinatototohanan ko, mahal kong mga kapatid, na para tunay tayong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, para ganap na maipagkaloob sa atin ang pagpapalang iyan sa “araw ng buhay na ito” upang ating “gampanan ang [ating] mga gawain,”3 kailangan nating “isuko ang ating sarili”4 sa Panginoon, tulad ng sabi ni Elder Maxwell.
Ang nakadadalisay na proseso sa buhay ko na nagbigay sa akin ng patotoo sa alituntuning ito ay di-inaasahang nagsimula nang matanggap ko ang patriarchal blessing ko noong mahigit 30 anyos na ako. Nag-ayuno ako at nagdasal bilang paghahanda, na nagtataka sa aking puso, “Ano ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon?” Puspos ng masayang pag-asa at akay-akay ang apat na musmos na anak ko, nagpunta kaming mag-asawa sa bahay ng matandang patriarch. Binigyang-diin ng basbas na ibinigay niya sa akin ang gawaing misyonero—nang paulit-ulit.
Ayaw ko mang aminin, nalungkot ako at nag-alala. Sa panahong iyon sa buhay ko, halos hindi ko nabasa ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas. Walang duda, hindi ako handang magmisyon. Kaya itinabi ko sa kahon ng mesa ang patriarchal blessing ko. Gayunman, sinipagan ko ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan habang nakatuon ako sa pag-aaruga sa lumalaki kong pamilya.
Lumipas ang mga taon, at tumuon kaming mag-asawa sa paghahanda sa aming mga anak para sa misyon. Sa pagpapadala ko sa mga anak ko sa maraming lupain, tapat akong naniwala na natupad ko na ang aking tungkulin bilang misyonero.
Pagkatapos ay natawag ang asawa ko bilang mission president sa isang magulo at umuunlad na bansa sa mundo. Iyon ay 10,000 milya ang layo sa aming bahay at napakalayo sa kabihasnang nakalakhan ko. Pero, nang tawagin ako bilang full-time missionary, medyo nadama ko na ako si Alma at ang mga anak ni Mosias—na tinawag akong maging “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.”5 May nadama rin akong hindi ko sigurado kung nadama nila—malaking takot!
Nang sumunod na mga araw kinuha ko ang patriarchal blessing ko at paulit-ulit itong binasa, na naghahanap ng dagdag na pang-unawa. Kahit ang pagkaalam na matutupad na ang isang pangakong natanggap ko mula sa patriarch ilang dekada na ang nakararaan, ay hindi nakabawas sa pag-aalala ko. Maiiwan ko ba ang mga anak kong may-asawa at walang-asawa at ang tumatanda kong mga magulang? Malalaman ko ba ang mga tamang gagawin at sasabihin? Ano ang kakainin naming mag-asawa? Magiging ligtas kaya ako sa isang bansang magulo at mapanganib ang pulitika? Nakadama ako ng kakulangan sa lahat ng aspeto.
Sa paghahanap ko ng kapayapaan, dinoble ko ang pagsisikap na dumalo sa templo. Pinag-isipan ko ang kahulugan ng aking mga tipan sa paraang hindi ko nagawa noon. Para sa akin, sa mahalagang panahong ito sa buhay ko na kailangan kong magpasiya, nagsilbing pundasyon at pampasigla ang mga tipan ko sa templo. Oo, takot ako, pero natanto ko na pinili kong gumawa ng mga personal, matibay, at sagradong mga pangako na talagang tutuparin ko. Sa wakas, hindi ito paglilingkod na gagawin ng ibang tao. Ito ang tawag sa akin na magmisyon, at determinado akong maglingkod.
Ipinahayag ng ama ni Joseph Smith ang basbas na ito sa ulo ng kanyang anak: “Ang Panginoon mong Diyos ay tinawag ka sa pangalan mula sa kalangitan. Ikaw ay tinawag … sa dakilang gawain ng Panginoon: na gawin ang isang gawain sa henerasyong ito na walang ibang … makakagawa kundi ikaw, sa lahat ng bagay ayon sa kalooban ng Panginoon.”6 Tinawag si Propetang Joseph sa kakaibang bahagi ng “dakilang gawain ng Panginoon,” at kahit takot ako at hindi handa, alam kong tinawag din ako sa bahagi ko sa gawain. Ang ideyang ito ay nakatulong at nagpalakas sa akin.
Sa palagiang pagdalangin ko ay patuloy akong nagtanong, “Ama, paano ko po magagawa ang ipinagagawa Mo sa akin?” Isang umaga bago lumisan para sa misyon, dalawang kaibigan ang naghatid ng regalo—isang maliit na himnaryong madadala ko. Sa bandang huli ng araw ding iyon, ang sagot sa ilang buwan kong pagsamo ay nagmula sa himnaryong iyon. Habang naghahanap ako ng kaaliwan sa isang tahimik na sulok, buong linaw na dumaloy ang mga salitang ito sa aking isipan:
Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba,
Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.
Itataguyod at lakas ay iaalay,
Kamay ko ang s’yang sa inyo’y maggagabay.7
Noon ko lang nalaman sa napakapersonal na paraan na makakapiling ko ang Panginoon at tutulungan Niya ako. Marami pa akong dapat matutuhan tungkol sa pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
Malayo sa tahanan sa isang di-kilalang lupain, nagsimula kaming mag-asawa sa aming paglilingkod, tulad ng mga pioneer, na may pananampalataya sa bawat hakbang. Halos lagi kaming nag-iisa—na hinahanap ang daan sa isang kulturang hindi namin maintindihan—na ipinahayag sa dose-dosenang wika na hindi namin masambit. Nailarawan ang damdamin namin sa nadama ni Sarah Cleveland, isa sa mga una nating lider sa Relief Society sa Nauvoo: “Sinimulan natin ang gawaing ito sa ngalan ng Panginoon. Buong tapang tayong humayo.”8
Ang unang leksyon ko sa proseso ng pagiging kasangkapan sa kamay ng Diyos ay magsaliksik sa mga banal na kasulatan, mag-ayuno, magdasal, pumasok sa templo, at mamuhay nang tapat sa mga tipang ginawa ko sa bahay ng Panginoon. Ang ikalawang leksyon ko ay ang para “buong tapang na humayo,” kailangan kong umasa nang lubusan sa Panginoon at taimtim na maghangad ng personal na paghahayag. Para matanggap ang paghahayag na iyon, kailangan kong mamuhay nang karapat-dapat para palagi kong makapiling ang Espiritu Santo.
Ang huling leksyon ko ay ang mismong ipinaliwanag ni Elder Maxwell. Kahit sa pinakamaliliit na detalye ng bawat araw, isinuko ko ang aking kalooban sa Panginoon, dahil talagang kailangan ko ang Kanyang tulong, ang Kanyang patnubay, at Kanyang proteksyon. Dahil dito, unti-unting nagbago ang relasyon ko sa aking Ama sa Langit—sa maraming paraan—na patuloy na nagpala sa akin at sa aking pamilya.
Ang landas ng buhay ko ay kakaiba sa inyo. Bawat isa sa inyo ay maraming maituturo sa akin mula sa mga karanasan ninyo sa pagsuko ng inyong kalooban sa Panginoon habang taimtim ninyong hinahangad na malaman ang Kanyang kalooban para sa inyo. Magkasama tayong magagalak sa ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na nagpapasalamat sa biyaya ng pagkakaroon ng patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala para sa bawat isa sa atin. Ito ang alam ko—ang sarili nating mga pagsisikap upang maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos ay hindi madali at natulungan tayong umunlad sa espirituwal. Pinayaman nito ang ating landas sa buhay na ito sa napakapersonal at maluwalhating mga paraan.
Mahal kong mga kapatid, nawa’y pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa inyo sa inyong personal na paghahangad na malaman ang Kanyang kalooban para sa inyo at isuko ang inyong kalooban sa Kanya. Pinatototohanan ko na ang ating sariling kalooban “ang tanging pag-aaring talagang atin na maibibigay natin.”9 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.