Nagdudulot ng mga Ipinangakong Biyaya ang mga Tipan ng Ebanghelyo
Sa pagsunod sa mga tipan ng ebanghelyo, malalagpasan ang lahat ng pansamantalang pagsubok sa buhay.
Nais kong ipahayag ngayon ang taimtim kong pagpipitagan at pagmamahal sa ating Ama sa Langit; sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo; at sa Banal na Espiritu. Pinatototohanan ko rin ang sagradong tungkulin ni Pangulong Gordon B. Hinckley bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Panginoon. Sinusuportahan ko siya nang buong puso ko’t lakas.
Nagpapasalamat ako na ako’y nakasal sa templo sa isang butihing asawa sa kawalang-hanggan, na aking iniibig at itinatangi. Patuloy siyang nagsisilbing halimbawa ng mapagmalasakit na paglilingkod sa mga nangangailangan. Kaming mag-asawa ay nabiyayaan ng tapat at masisiglang mga anak at apo, na maraming naituro sa amin at patuloy na ginagawa ito.
Lalo akong pinagpala na kaming magkakapatid ay isinilang sa butihing mga magulang na nanatiling tapat sa kanilang mga tipan sa templo at kusang isinakripisyo ang lahat upang makasiguro kami sa plano ng Ama sa Langit. Sa aking ina, na tila anghel, wala akong masasabi kundi salamat sa inyo sa pagpapatibay ng kawing ng pagmamahal at mga ordenansa ng ebanghelyo sa aming buhay.
Nabanggit ko ang mga sagradong ugnayang ito dahil sa kaligayahang nadarama ko sa pagkaalam na may mabisang tipan sa bawat isa sa mga ito na nabuklod sa banal na templo. Labis akong nagpapasalamat na malaman na anumang mga hamon ang naghihintay sa atin, may pag-asa at tiwala sa pagkaalam na sa pagsunod sa mga tipan ng ebanghelyo, malalagpasan ang lahat ng pansamantalang pagsubok sa buhay. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na lahat ay magiging maayos sa bandang huli kapag tapat tayo sa ating mga tipan. Itinuro ni Haring Benjamin:
“Dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo… .
“Kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo, kayong lahat na nakipagtipan sa Diyos, na kayo ay maging masunurin hanggang sa wakas ng inyong mga buhay.
“At ito ay mangyayari na sinuman ang gagawa nito ay matatagpuan sa kanang kamay ng Diyos” (Mosias 5:7–9).
Ang masusing pagpansin sa pakikipagtipan ay napakahalaga sa ating walang hanggang kaligtasan. Ang mga tipan ay mga pakikipagkasundo natin sa ating Ama sa Langit na ilalaan natin ang ating puso, isipan, at ugali sa pagsunod sa mga utos na nilinaw ng Panginoon. Sa matapat nating pagtupad sa ating kasunduan, nakipagtipan, o nangako Siyang bibiyayaan tayo, sa huli, ng lahat ng mayroon Siya.
Sa Lumang Tipan itinuro sa atin ang huwaran ng pakikipagtipan ng Panginoon sa karanasan ni Noe sa isang masamang mundo at ang plano ng Panginoon na padalisayin ang mundo. Dahil sa tapat at matibay na pangako ni Noe, sinabi sa kanya ng Panginoon:
“Datapuwa’t pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo… .
“At ginawa ni Noe … [ang] lahat na iniutos sa kaniya ng Panginoon” (Genesis 6:18; 7:5).
Paghupa ng baha, lumabas sila ng arka.
“At ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon… .
“At nagsalita ang Dios kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi,
“At ako, narito, aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo” (Genesis 8:20; 9:8–9).
Tayo man ay pumasok sa sagradong pakikipagtipan sa Panginoon upang maligtas tayo mula sa kaaway. Tulad noong panahon ni Noe nabubuhay tayo sa pangako ng propeta at sa katuparan nito. Sa nakalipas na walong taon, 71 bagong templo ang nailaan—isang kahanga-hangang tagumpay, sa pamamahala ng propeta ng Panginoon, na sa ilang paraan ay maitutulad sa pagtatayo ng arka sa panahon ni Noe.
Inanyayahan tayo ng ating buhay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, na pumasok sa templo, kung saan maaari tayong makipagtipan sa Panginoon.
Tulad noong panahon ni Noe, ang mga pagsisikap nating ipamuhay ang mga tipang ito ay maaaring may kasamang sakripisyo. Ang sakripisyong ito, gaano man kalaki o kaliit, ay madalas matukoy kung gaano katatag ang ating puso’t isipan na magpasakop sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Ang huwaran ng sakripisyo ay madalas kabilangan ng panahon ng paghihirap kung kailan dapat nating suriin at timbangin ang mga ibubunga ng ating mga desisyon. Maaaring hindi laging malinaw o madali ang pagpili, kaya tayo nagpupumilit. Kapag napagpasiyahan nating itigil ang pagpupumilit at isakripisyo ang ating kagustuhan para sa Panginoon, nadaragdagan ang ating pang-unawa. Ang prosesong ito ay madalas na higit na nakikita sa buhay natin kapag dumaranas tayo ng malaking trahedya o pagsubok.
Ilang linggo pa lang ang nakalilipas isang binatilyo, habang nasa kamping ng Scouts sa kabundukan sa silangan ng Salt Lake City, ang tinamaan ng kidlat, na ikinamatay niya. Ang kanyang mga magulang, na nagdalamhati at naghinagpis sa biglang pagkawala ng kanilang anak, ay tahimik na naghirap at tinanong kung bakit iyon nangyari. Dahil sila’y mapakumbaba at malakas ang pananampalataya, bumuhos ang pagmamahal mula sa Panginoon. Sa gitna ng kanilang dalamhati dumating ang payapa at magiliw na determinasyong tanggapin nang walang galit ang bunga ng karanasang ito. Sa pagtanggap nila lumawak ang kanilang pananaw sa layunin ng buhay at naalala ang mga tipang ginawa nila. Bagama’t tigib pa rin ng hinanakit sa biglaang kawalan na ito, nadama nilang mas malapit sila sa Panginoon at tapat na nangakong mas mahigpit na sundin ang kanilang mga tipan at mamuhay sa paraan na makatitiyak sila sa masayang pagsasama nilang muli ng kanilang anak.
Sa dispensasyong ito, iba na ang pananaw sa pakikipagtipan na kaiba kaysa panahon ni Noe. Hindi lang tayo responsableng gumawa ng mga tipan para sa ating sarili, kundi binigyan din tayo ng responsibilidad na saliksikin ang namatay nating mga ninuno at bigyang-daan ang lahat na hangad makipagtipan at karapat-dapat na tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo.
Ang gawain para sa mga nabuhay noon ay masiglang nagpapatuloy kasama ang mga puwersa ng langit na inutusan ng Panginoon. Sa pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa mga patay, itinala niya:
“Ngunit masdan, mula sa mabubuti, kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo… .
“Aking namalas na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag sila ay lumisan mula sa buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagtubos” (D at T 138:30, 57).
Itinuturo pa sa atin sa mga banal na kasulatan na ang mga sugo ay kinabibilangan ng “mga propeta na nagpatotoo sa kanya [ang Manunubos] sa laman” (D at T 138:36). Kasama siguro sa mga sugong iyan sina: Pedro, Pablo, Alma, Juan, Joseph, at Nephi.
Matapos mabasa ang pangitaing ito ni Pangulong Smith at makilala ang mga misyonerong inatasan sa gawain, iisipin ng isang tao na lubos tayong magaganyak na tuparin ang ating tipan na hanapin ang mga pangalan ng ating mga kapamilyang namatay at gamitin ang lahat ng libreng oras sa bawat templo. Maiuulat ko, nang may katiyakan, na may libreng oras pa sa maraming templo para pagbigyan ang payo ng Unang Panguluhan na isantabi ang ilang oras natin sa paglilibang at maglaan ng mas maraming oras sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo. Dalangin ko na makatugon tayo sa imbitasyong ito na dumalo sa templo.
Napakumbaba ako sa oportunidad na maglingkod sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin at dalangin ko na matupad ko ang mga tipan ko sa Panginoon at maging masunurin sa direksyon ng Espiritu. Taos kong pinatototohanan ang Panginoong Jesucristo at ang Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ipinahahayag ko ang aking pagmamahal para sa mga tipan at ordenansa ng templo at nangangako na dodoblehin ko ang pagsisikap na makibahagi sa mga banal na tahanang ito ng Diyos. Alam ko, habang gumagawa at tumutupad tayo sa mga sagradong tipan, na dadalhin tayo ng Panginoon sa Kanyang banal na kinaroroonan. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.