2005
Video: Mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos
Nobyembre 2005


Video: Mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos

Isang video na ipinalabas sa pangkalahatang miting ng Relief Society ang nagtampok kay Pangulong Gordon B. Hinckley na nagsasaad ng kasaysayan ng Relief Society. Ipinakita sa video sina Propetang Joseph Smith, Emma Smith, Lucy Mack Smith, at ang kababaihan noon sa Relief Society na nagmimiting sa tindahang yari sa pulang laryo.

Pangulong Hinckley: Ang paglago ng Relief Society mula sa 18 miyembro, nang itatag ito noong Marso 17, 1842, sa hangganang lungsod ng Nauvoo, hanggang mahigit limang milyon makalipas ang 160 taon, na may mga miyembro sa maliliit at malalaking komunidad sa buong mundo, ay isang kasaysayang kapwa pambihira at kagila-gilalas.

Ang mga sangkap na pinagmulan ng Relief Society ay naroon na bago pa ito naitatag. Kabilang dito ang likas na ugali ng kababaihan na tumulong sa pagtataguyod ng kabutihan ng lahat, tumulong sa mga naliligalig, at pagyamanin ang kanilang kaisipan at mga talento. At sa pagkakataong iyon sila ay inorganisa ni Joseph Smith at ginawang isang samahan.

Joseph Smith: Ang “Samahan ng Kababaihan na ito ang maaaring mag-udyok sa kalalakihan na gumawa ng mabuti sa paglingap sa mahihirap—naghahanap ng pagkakataon para magkawanggawa, at maibigay ang kanilang kailangan—upang umalalay; sa pamamagitan ng pagwawasto ng mga pag-uugali at pagpapaibayo ng mabubuting katangian ng komunidad.”1

Pangulong Hinckley: Mula sa simpleng simulaing iyon ay umusbong ang itinuturing kong pinakamalaki at pinakaepektibong uri ng samahan sa buong mundo.

Sa unang miting na iyon, nang mahirang na pangulo si Emma H. Smith, sinabi niya na “dapat lubos na hangarin ng bawat miyembro na gumawa ng mabuti.”2 Iyon ang diwa noon, at ito pa rin ang diwa ngayon. Dapat itong patuloy na gumabay sa lahat ng henerasyong darating—na “dapat lubos na hangarin ng bawat miyembro na gumawa ng mabuti.”

Emma Smith: “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan… . Umasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihigpit na kahilingan.”3

Joseph Smith: “Ang Samahang ito ay tuturuan [batay] sa kaayusang itinakda ng Diyos—[sa] pamamagitan ng mga inatasang mamuno.”4

“Likas sa mga babae ang pagiging mapagkawanggawa—nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa puso ninyo. Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito, napakadakila at napakaluwalhati nito!—kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigil ang mga anghel sa pagsama sa inyo… . Hindi digmaan, hindi pagbabangayan, hindi pagsalungat, kundi kababaang-loob, pag-ibig, kadalisayan, ito ang mga bagay na dapat mabanaag sa atin… .

“At dadaloy sa inyo ang mga biyaya ng langit… .

“Pag-uwi ninyo huwag na huwag magsalita nang marahas, sa halip ay hayaang kabaitan, pag-ibig sa kapwa at pagmamahal, ang mag-udyok sa gawain ninyo mula ngayon… .

“Habang nadaragdagan ang inyong kadalisayan at kabaitan, habang nadaragdagan ang inyong kabutihan, hayaang lalong magmahal ang inyong puso—dagdagan ang inyong pagmamahal at pagkahabag sa iba— kailangan pa kayong magtiis at magpasensya sa mga pagkukulang at pagkakamali ng sangkatauhan. Napakahalaga ng kaluluwa ng mga tao! …

“… Isinasalin ko ngayon sa inyo ang susi sa ngalan ng Diyos, at ang Samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito—ito ang simula ng mas magagandang araw sa Samahang ito.”5

Pangulong Hinckley: Ang pahayag na iyon ng propeta ay nagsilbing awtorisadong dokumento sa nakaraang isa’t kalahating siglo ng Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sabi ni Lucy Mack Smith, ina ng Propeta, sa pagsasalita sa kababaihan sa Nauvoo,

Lucy Mack Smith: “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, bantayan ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkakasama sa langit.”6

Pangulong Hinckley: Naipakita sa kasaysayan ng samahan na hindi kailangang maghintay pa ang kababaihan ng Simbahan na magkasama-sama sila sa langit para matikman ang matamis na bunga ng mga uri ng aktibidad na kanyang inilarawan.

Nadama na nila ang malaking bahagi ng langit sa lupa dahil sa buhay na ito ay minahal, inaliw, at tinuruan nila ang isa’t isa. Sino ang makakasukat sa mga himala sa buhay ng milyun-milyong kababaihan na naragdagan ang kaalaman, napalawak ang pananaw, naragdagan ang karanasan sa buhay, at napagyaman ang pang-unawa sa mga bagay na ukol sa Diyos dahil sa napakaraming aral na mabisang naituro at natutuhan sa mga miting ng Relief Society?

Sino ang makakasukat sa galak na dumating sa buhay ng kababaihang ito sa kanilang pagsasama-sama, paghahalubilo sa ward o branch, na pinagyayaman ang buhay ng isa’t isa sa pagsasamahang naging matamis at mahalaga? Sino, kahit sa hinagap, ang makakaunawa sa di mabilang na pagkakawanggawa, sa pagkaing naihain sa mga mesang walang-laman, sa pananampalatayang napangalagaan sa mga oras ng karamdaman, sa mga sugat na nabigyang-lunas, sa pait na napawi ng mapagmahal na mga kamay at tahimik at nakapapanatag na mga salita, sa aliw na naiparating sa oras ng kamatayan at dulot nitong kalungkutan?

Tungkol sa Relief Society, sinabi minsan ni Pangulong Joseph F. Smith na: “Ang samahang ito ay buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos para sa kaligtasan ng mga kababaihan at kalalakihan. Kaya nga, walang ibang samahan ang maihahambing dito, na kailanma’y makapapalit sa gayon ding ipinaglalaban at simulain kaysa sa samahang ito… .

“… Unahin ninyo ang [Relief Society], iluklok ito sa itaas, gawing pinakamahusay at pinaka may lalim sa anumang samahang nakatayo ngayon sa mundo. Tinawag kayo ng tinig ng Propeta ng Panginoon para gawin ito, na manguna, maging pinakamagaling at pinakamahusay, pinakamalinis at pinakamatapat sa paggawa ng tama.”7

Pagpalain nawa ng Diyos ang Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nawa’y patuloy na lumago at madama sa buong mundo ang diwa ng pagmamahal, na nagbigay-inspirasyon sa mga miyembro nito sa loob ng mahigit isa’t kalahating siglo. Nawa’y makabuti ang kanilang pagkakawanggawa sa buhay ng napakaraming tao saanman nila ipamalas ito. At nawa’y kasihan ng liwanag at pang-unawa, karunungan at kaalaman, at walang hanggang katotohanan ang buhay ng darating na mga henerasyon ng kababaihan, sa lahat ng bansa sa daigdig, dahil sa nag-iisang samahang ito na itinatag ng langit. Nawa’y matanto nila, ng bawat babae sa Relief Society, ang malaking responsibilidad nila at ang pagpapalang maging “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito” (Alma 26:3).

Mga Tala

  1. Relief Society Minutes, Mar. 17, 1842, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 7.

  2. Relief Society Minutes, Mar. 17, 1842, 13.

  3. Relief Society Minutes, Mar. 17, 1842, 12.

  4. Relief Society Minutes, Abr. 28, 1842, 40.

  5. Relief Society Minutes, Abr. 28, 1842, 38–40.

  6. Relief Society Minutes, Mar. 24, 1842, 18–19.

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 222–223.