2005
Tumungo sa Mas Mataas na Lugar
Nobyembre 2005


Tumungo sa Mas Mataas na Lugar

Sa bawat panahon nahaharap tayo sa isang pagpapasiya. Makaaasa tayo sa sarili nating lakas o makatutungo tayo sa mas mataas na lugar at lumapit kay Cristo.

Noong Disyembre 26, 2004, niyanig ng isang malakas na lindol ang baybayin ng Indonesia na lumikha ng nakamamatay na tsunami na pumatay sa mahigit 200,000 katao. Grabeng trahedya. Sa isang araw, milyun-milyong buhay ang ganap na nabago.

Pero isang grupo ng mga tao, bagama’t nawasak ang kanilang bayan, ang hindi man lang nasaktan o namatayan.

Ang dahilan?

Alam nilang may parating na tsunami.

Ang mga taong Moken ay nakatira sa mga bayan sa mga pulo sa baybayin ng Thailand at Burma (Myanmar). Isang grupo ng mga mangingisda, na nakadepende ang buhay sa dagat. Daan-daan at siguro’y libu-libong taon nang pinag-aralan ng kanilang mga ninuno ang karagatan at naisalin nila ang kanilang kaalaman mula sa ama hanggang sa anak.

Isang bagay lalo na, itinuro nilang mabuti ang gagawin kapag kumati ang tubig ng dagat. Ayon sa mga tradisyon nila, kapag nangyari iyon, ang “Laboon”—isang alon na lumalamon ng mga tao—ang kaagad na kasunod nito.

Nang makita ng matatanda sa bayan ang mga kinatatakutang senyales, sinabihan nila ang lahat na tumakbo sa mas mataas na lugar.

Hindi lahat ay nakinig.

Sabi ng isang matandang mangingisda, “Walang batang naniwala sa akin.” Katunayan, sinabihan siyang sinungaling ng sarili niyang anak na babae. Pero hindi tumigil ang matanda hanggang sa lisanin ng lahat ang bayan at umakyat sa mas mataas na lugar.1

Mapalad ang mga taong Moken dahil may isang taong may pananalig na nagbabala sa kanila ng susunod na mangyayari. Mapalad ang mga mamamayan dahil nakinig sila. Kung hindi, nasawi sana sila.

Isinulat ni Propetang Nephi ang tungkol sa malaking kapahamakan sa kanyang panahon, ang pagkawasak ng Jerusalem. “At tulad ng pagkalipol ng unang salinlahi ng mga Judio dahil sa kasamaan,” sabi niya, “gayon din sila nalipol sa bawat sali’t salinlahi alinsunod sa kanilang kasamaan; at hindi kailanman nalipol ang sino man sa kanila maliban lamang na ito ay ibinadya sa kanila ng mga propeta ng Panginoon.”2

Mula pa noong panahon ni Adan, kinausap na ng Panginoon ang Kanyang mga propeta at, bagama’t iba-iba ang mensahe Niya ayon sa partikular na pangangailangan ng panahon, may isang palagian at di-nagbabagong tema: Lumayo sa kalikuan at tumungo sa mas mataas na lugar.

Kapag sinusunod ng mga tao ang sinasabi ng mga propeta, pinagpapala sila ng Panginoon. Gayunman, kapag binabalewala nila ang Kanyang salita, madalas ay kasunod ang pighati at pagdurusa. Paulit-ulit na itinuturo ng Aklat ni Mormon ang magandang aral na ito. Sa mga pahina nito mababasa natin ang mga sinaunang nanirahan sa lupalop ng Amerika na, dahil sa kanilang kabutihan, ay pinagpala ng Panginoon at naging masagana. Subalit madalas ang kasaganaang ito ay nauuwi sa sumpa dahil “pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos.”3

May isang bagay tungkol sa kasaganaan na nag-uudyok ng pinakamasamang ugali sa ilang tao. Sa aklat ni Helaman, nalaman natin ang tungkol sa isang grupo ng mga Nephita na dumanas ng matinding kawalan at pagkalipol. Nabasa natin, “At dahil ito sa kapalaluan ng kanilang mga puso, dahil sa labis na kayamanan nila, oo, dahil ito sa kanilang pang-aapi sa mga maralita, ipinagkakait ang kanilang pagkain sa mga nagugutom, ipinagkakait ang kanilang mga kasuotan sa mga hubad, at sinasampal sa pisngi ang kanilang mga mapagpakumbabang kapatid, kinukutya ang yaong banal, [at] itinatatwa ang diwa ng propesiya at ng paghahayag.”4

Hindi sana nila dinanas ang pighating ito “kung hindi dahil sa kanilang kasamaan.”5 Kung nakinig lang sana sila sa sinasabi ng mga propeta sa kanilang panahon at tumungo sa mas mataas na lugar, ibang-iba sana ang naging buhay nila.

Ang likas na bunga na dumarating sa mga lumihis sa landas ng Panginoon ay ang naiiwan sila sa kanilang sariling lakas.6 Bagamat maaari nating isipin sa oras ng ating tagumpay na sapat na ang sarili nating lakas, kaagad din namang natutuklasan ng mga umaasa sa bisig ng laman kung gaano ito kahina at di mapagtitiwalaan.7

Halimbawa, si Solomon, noong una, ay sinunod ang Panginoon at iginalang ang Kanyang batas. Dahil dito, umunlad siya at biniyayaan hindi lang ng karunungan kundi ng kayamanan at karangalan. Kung magpapatuloy siya sa kabutihan, nangako ang Panginoon na, “itatatag ang luklukan ng [kanyang] kaharian sa Israel magpakailan man.”8

Ngunit pagkaraan ng mga pagbisita ng langit, matapos matanggap ang higit na mga pagpapala kaysa kaninuman, tinalikuran pa rin ni Solomon ang Panginoon. Dahil dito, iniutos ng Panginoon na kunin sa kanya ang kaharian at ibigay sa kanyang mga tagapaglingkod.9

Ang pangalan ng tagapaglingkod na iyon ay Jeroboam. Si Jeroboam ay masipag na lalaking mula sa lahi ni Ephraim na tinaasan ng ranggo ni Solomon para pamahalaan ang isang bahagi ng kanyang mga manggagawa.10

Isang araw, habang naglalakbay si Jeroboam, isang propeta ang lumapit at nagpropesiya na kukunin ng Panginoon ang kaharian kay Solomon at ibibigay kay Jeroboam ang sampu sa labindalawang lipi ni Israel.

Sa pamamagitan ng Kanyang propeta, nangako ang Panginoon kay Jeroboam na kung gagawin niya ang tama “Ako’y sasa iyo, at ipagtatayo kita ng isang tiwasay na sangbahayan, gaya ng aking itinayo kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.”11

Pinili ng Panginoon si Jeroboam at pinangakuan siya ng pambihirang mga biyaya kung susundin lamang niya ang mga utos at tutungo sa mas mataas na lugar. Pagkamatay ni Solomon, natupad ang mga sinabi ng propeta at sampu sa labindalawang lipi ni Israel ang humiwalay sa iba at sumunod kay Jeroboam.

Matapos matanggap ang gayong pagtangkilik, sinunod ba ng bagong hari ang Panginoon?

Sa kasamaang-palad, hindi. Bumuo siya ng mga guyang ginto at hinikayat ang kanyang mga tao na sambahin ito. Lumikha siya ng sarili niyang “priesthood” at pinili ang mga gusto niya, at ginawa silang “mga saserdote sa matataas na lugar.”12 Sa madaling sabi, sa kabila ng maraming pagpapalang natanggap niya mula sa Panginoon, pinakamasama ang haring ito sa lahat ng nauna sa kanya.13 Sa sumunod na mga henerasyon, si Jeroboam ang naging sukatan ng kasamaan ng mga hari ng Israel.

Dahil sa gayong kasamaan, tinalikuran ng Panginoon si Jeroboam. Dahil sa kasamaan ng hari, iniutos ng Panginoon ang paglipol sa hari at sa buong angkan nito hanggang sa wala ni isang matira. Ganap na natupad ang propesiyang ito nang lumaon. Ang binhi ni Jeroboam ay naglaho sa daigdig.14

Sina Solomon at Jeroboam ay mga halimbawa ng matindi at paulit-ulit na trahedyang napakadalas ilarawan sa Aklat ni Mormon. Kapag mababait ang mga tao, pinasasagana sila ng Panginoon. Ang kasaganaan ay madalas humantong sa kapalaluan na nauuwi sa pagkakasala. Ang pagkakasala ay nagbubunga ng kasamaan at ng mga pusong tumigas sa mga bagay ng Espiritu. Sa huli, ang dulo ng daang ito ay humahantong sa kasawian at kalungkutan.

Ang huwarang ito ay naulit hindi lang sa buhay ng mga tao kundi sa mga lungsod, bansa, at maging sa mundo. Ang bunga ng pagbabalewala sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta ay tiyak at madalas na may kaakibat na malaking kalungkutan at pagsisisi. Sa ating panahon nagbabala ang Panginoon na ang kasamaan sa bandang huli ay hahantong sa “taggutom, at salot, at lindol, at kulog sa langit” hanggang sa “[madama] ng mga naninirahan sa mundo ang poot, at pagngingitngit, at nagpaparusang kamay ng isang Pinakamakapangyarihang Diyos.”15

Gayunman, mahalagang maunawaan na maraming mababait at mabubuting taong apektado ng mga kalamidad na dulot ng tao at kalikasan. Ang naunang mga Banal sa dispensasyong ito ay pinahirapan at pinalayas sa kanilang tahanan. Ang ilan ay nangamatay. Pero, siguro dahil labis silang nagtiis, nagkaroon sila ng lakas ng loob na isang mahalagang paghahanda para sa gawaing gagawin pa lang nila.

Gayon din ang nangyayari sa ating panahon.

Dahil hindi tayo makakaiwas sa mga kalamidad, dapat tayong matuto sa mga ito.

Samantalang makikita sa mga banal na kasulatan ang mga bunga ng di pagsunod, makikita rin dito kung ano ang mangyayari kapag nakinig ang mga tao sa Panginoon at sumunod sa Kanyang payo.

Nang marinig ng masamang lungsod ng Ninive ang babala ni propetang Jonas, nagsumamo sila sa Panginoon, nagsisi, at naligtas sa pagkawasak.16

Dahil masasama ang mga tao sa panahon ni Enoc, inutusan ng Panginoon si Enoc na buksan ang kanyang bibig at balaan ang mga tao na magsisi sa kanilang kasamaan at maglingkod sa Panginoon nilang Diyos.

Isinantabi ni Enoc ang kanyang takot at sinunod ang utos sa kanya. Nakihalubilo siya sa mga tao na nangangaral nang malakas, nagpapatotoo laban sa kanilang mga gawa. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na “lahat ng tao ay nasaktan dahil sa kanya.” Nag-usap-usap sila tungkol sa “kakaibang bagay sa lupain” at sa “baliw na lalaki” na kahalubilo nila.17

Pero kahit maraming galit kay Enoc, naniwala sa kanya ang mga mapagpakumbaba. Tinalikuran nila ang kanilang mga kasalanan at tumungo sa mas mataas na lugar at “sila ay pinagpala sa ibabaw ng mga kabundukan, at sa ibabaw ng matataas na lugar, at nanagana.”18 Sa kalagayan nila, sa halip na kasaganaang humantong sa kapalaluan at kasalanan, ito ay humantong sa habag at kabutihan. “At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila.”19

Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpunta sa Amerika ang Tagapagligtas. Dahil sa kamangha-mangha Niyang pagmiministeryo, napalambot ang puso ng mga tao. Tinalikuran nila ang kanilang mga kasalanan at tumungo sa mas mataas na lugar. Minahal nila ang Kanyang mga salita at hinangad sundin ang Kanyang halimbawa.

Nabuhay sila sa kabutihan kung kaya’t wala nang mga pagtatalo sa kanila at makatwiran ang pakikitungo nila sa isa’t isa. Bukas-palad silang nagbahagi ng kabuhayan sa isa’t isa at labis silang nanagana.

Sinasabi sa mga taong ito na “tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.”20

Sa ating panahon nahaharap tayo sa gayunding pagpapasiya. Maaaring buong kahangalan nating balewalain ang mga propeta ng Diyos, depende sa sarili nating lakas, at sa huli’y pagdusahan ang mga kahihinatnan nito. O maaaring buong talino tayong lumapit sa Panginoon at makibahagi sa Kanyang mga pagpapala.

Inilarawan ni Haring Benjamin ang dalawang landas at kahihinatnan nito. Sinabi niya na ang mga tatalikod sa Panginoon ay “matatalaga sa isang kakila-kilabot na tanawin ng kanilang sariling pagkakasala at mga gawang karumal-dumal, na magiging dahilan upang sila ay manliit sa harapan ng Panginoon tungo sa isang mahirap na kalagayang puspos ng kalungkutan at walang katapusang parusa.”21

Pero ang magtutungo sa mas mataas na lugar at susunod sa mga utos ng Diyos ay “pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”22

Paano natin malalaman kung saang direksyon tayo patungo? Nang lumakad ang Tagapagligtas sa daigdig itinanong sa kanya kung ano ang pinakadakilang utos. Walang atubiling sinabi Niya: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”23

Sa mga talatang ito, nagbigay ng malinaw na paraan ang Panginoon para malaman kung tayo’y nasa tamang landas. Ang mga tumutungo sa mas mataas na lugar ay mahal ang Panginoon nang buong puso. Nakikita natin sa buhay nila ang mga katibayan ng pagmamahal na iyon. Hanap nila ang kanilang Diyos sa panalangin at sumasamo para sa Kanyang Banal na Espiritu. Nagpapakumbaba sila at binubuksan ang kanilang puso sa mga turo ng mga propeta. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at hangad nilang maglingkod kaysa paglingkuran. Sila ay tumatayong mga saksi ng Diyos. Sinusunod nila ang Kanyang mga utos at lumalago ang kanilang patotoo sa katotohanan.

Mahal din nila ang mga anak ng Ama sa Langit at makikita sa buhay nila ang pagmamahal na iyon. May malasakit sila sa kanilang mga kapatid. Inaaruga, pinagsisilbihan, at sinusuportahan nila ang kanilang asawa’t mga anak. Sa diwa ng pagmamahal at kabaitan, pinatatatag nila ang mga nakapaligid sa kanila. Bukas-palad silang nagbabahagi ng kanilang kabuhayan sa iba. Nakikiramay sila sa mga nagdadalamhati at inaaliw ang nangangailangan ng aliw.24

Ang pagtungong ito sa mas mataas na lugar ay siyang daan sa pagiging disipulo ng Panginoong Jesucristo. Ito’y paglalakbay na sa huli’y maghahatid sa atin sa kadakilaan kasama ang ating pamilya sa piling ng Ama at ng Anak. Kasunod nito, dapat kabilang sa mataas na lugar na pupuntahan natin ang bahay ng Panginoon. Sa paglapit natin kay Cristo at sa pagtungo natin sa mas mataas na lugar, nanaisin nating gumugol ng dagdag na oras sa Kanyang mga templo, dahil ang mga templo ay kumakatawan sa mas mataas at sagradong lugar.

Sa bawat panahon nahaharap tayo sa isang pagpapasiya. Makaaasa tayo sa sarili nating lakas o makatutungo tayo sa mas mataas na lugar at lumapit kay Cristo.

Bawat pagpapasiya ay may kahihinatnan.

Bawat kahihinatnan, ay isang patutunguhan.

Pinatototohanan ko na si Cristo Jesus ang ating Manunubos, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Bukas ang kalangitan at inihahayag ng mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang salita sa tao. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, naibalik sa lupa ang ebanghelyo. Sa ating panahon isang propeta, tagakita, at tagapaghayag, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang nabubuhay at naghahayag ng salita ng Diyos sa tao. Ang kanyang tinig ay umaayon sa tinig ng mga propeta sa lahat ng panahong nagdaan.

“Inaanyayahan ko kayong lahat,” wika nga niya, “saanman kayo naroon bilang mga miyembro ng simbahang ito, na tumindig at may awit sa puso na sumulong, na ipinamumuhay ang ebanghelyo, minamahal ang Panginoon, at itinatatag ang kaharian. Sama-sama tayong magtitiis hanggang wakas at mananatili sa pananampalataya, ang Maykapal ang ating lakas.”25

Mga kapatid, tayo’y tinawag na magtungo sa mas mataas na lugar.

Maiiwasan natin ang kalungkutan at pighating bunga ng di pagsunod.

Mabibiyayaan tayo ng kapayapaan, galak, at buhay na walang hanggan kung susundin lamang natin ang mga salita ng mga propeta, magiging sensitibo tayo sa impluwensya ng Espiritu Santo, at pupuspusin ang ating puso ng pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating kapwa.

Iniiwan ko ang aking patotoo na pagpapalain ng Panginoon ang lahat ng magsisimulang tumahak sa landas ng pagiging disipulo at magtutungo sa mas mataas na lugar, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Sea Gypsies See Signs in the Waves,” CBS News, 60 Minutes Transcript, Mar. 20, 2005, http://www.cbsnews.com/stories/2005/03/ 18/60minutes/main681558.shtml.

  2. 2 Nephi 25:9.

  3. Helaman 12:2.

  4. Helaman 4:12.

  5. Helaman 4:11.

  6. Tingnan sa Helaman 4:13.

  7. Tingnan sa Juan 15:5; “Kung kayo ay hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.”

  8. Tingnan sa I Mga Hari 9:4–5.

  9. Tingnan sa I Mga Hari 11:9–10.

  10. Tingnan sa I Mga Hari 11:28.

  11. I Mga Hari 11:38.

  12. Tingnan sa I Mga Hari 12:28–30; 13:33.

  13. Tingnan sa I Mga Hari 14:9.

  14. Tingnan sa I Mga Hari 15:29.

  15. D at T 87:6.

  16. Tingnan sa Jonas 3:4–10.

  17. Tingnan sa Moises 6:37–38.

  18. Moises 7:17.

  19. Moises 7:18.

  20. 4 Nephi 1:16.

  21. Mosias 3:25.

  22. Mosias 2:41.

  23. Mateo 22:37–40.

  24. Tingnan sa Mosias 18:9.

  25. “Stay the Course—Keep the Faith,” sa Conference Report, Okt. 1995, 96; o Ensign, Nob. 1995, 72.