11
Pagtuturo ng Plano ng Kaligtasan (Part 2)
Pambungad
Ang plano ng kaligtasan ay naglaan ng isang Tagapagligtas upang madaig ang mga epekto ng Pagkahulog ni Adan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari nating madaig ang kamatayan, kasalanan, at kalungkutan. Bukod dito, tayo ay mabubuhay na mag-uli at ang mabubuti ay babalik sa piling ng Diyos at magiging katulad Niya. Dapat malinaw na nauunawaan ng mga prospective missionary ang doktrina ng plano ng kaligtasan at maging handang ipaliwanag ito sa simpleng paraan at patotohanan ito nang may kapangyarihan.
Paunang Paghahanda
-
Pag-aralan ang Isaias 53:3–5; I Mga Taga Corinto 15:20–22; Alma 7:11–13; Alma 11:42–44; Alma 34:8–9; at Doktrina at mga Tipan 19:15–19.
-
Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 56–59.
-
Maghandang ipalabas ang video na “For God So Loved the World” (4:48), na available sa LDS.org.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang sumusunod:
Kapag nagsimula na ang klase, ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 3:16 at pag-isipan kung paanong ang talatang ito ay “ibinubuod ang buong plano ng kaligtasan.”
Matapos magkaroon ng ilang sandali ang mga estudyante para magbasa at magnilay-nilay, anyayahan silang talakayin kung paano ibinubuod ng talatang ito ang plano ng kaligtasan. Kung kailangan, maaari ninyong basahin ang mas buong pahayag tungkol sa Juan 3:16 na ginawa ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ito marahil ang pinakabantog at pinakamabisang binabanggit na talata ng mga banal na kasulatan. Ibinubuod nito ang buong plano ng kaligtasan, na nagbibigkis sa Ama, sa Anak, sa kanyang pagbabayad-sala, ang paniniwala sa kanya na nangangahulugan ng mabubuting gawa, at walang-hanggang kadakilaan sa dakong huli para sa matatapat” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:144).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata sa bahaging “Ang Pagbabayad-sala” sa pahina 56 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:
-
Paano ninyo sasabihin, sa isang pangungusap, kung bakit ang pagbabayad-sala ni Jesucristo ay napakahalaga para sa bawat anak ng Diyos? (Dapat kasama sa sagot ng mga estudyante ang doktrina na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na madaig natin ang mga epekto ng Pagkahulog.)
-
Ano ang mga epekto ng Pagkahulog na nararanasan nating lahat? (Ang mga pangunahing epekto ay ang [1] pisikal na kamatayan, [2] kasalanan at espirituwal na kamatayan [pagkawalay sa Diyos], at [3] pagdurusa at kalungkutan.)
Habang sumasagot ang mga estudyante, isiping ilista ang kanilang mga sagot sa isang hanay sa pisara sa ilalim ng pamagat na “Mga Epekto ng Pagkahulog.” Pagkatapos ay punan ang isang hanay sa kanan na may pamagat na “Paano dinadaig ng Pagbabayad-sala ang mga epekto ng Pagkahulog” (o idispley ang table na ito gamit ang ibang paraan):
Mga Epekto ng Pagkahulog |
Paano dinadaig ng Pagbabayad-sala ang mga epekto ng Pagkahulog |
---|---|
Kamatayang Pisikal |
Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 56, “Ang Pagbabayad-sala,” talata 2 |
Kasalanan at Espirituwal na Kamatayan |
Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 56–57, “Ang Pagbabayad-sala,” talata 3–5 |
Pagdurusa at Kalungkutan |
Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 56–57, “Ang Pagbabayad-sala,” talata 6 |
Hatiin sa tatlo ang klase, at atasan ang bawat isa sa tatlo na pag-aralan ang mga reperensya sa isa sa tatlong kategorya sa tsart. Hilingin sa mga estudyante na maghandang ibahagi kung paano nakatulong ang mga materyal na pinag-aralan sa pagpapaliwanag kung paano dinadaig ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga epekto ng Pagkahulog. Sabihin sa mga estudyante na ang mga talata sa tsart na ito ay kumakatawan sa maraming talata na magagamit para mailarawan ang doktrina ng Pagbabayad-sala at na dapat nilang pag-aralan ang karagdagang mga talata para sa mas malalim na pagkaunawa sa doktrinang ito. Matapos silang bigyan ng sapat ng oras para mag-aral, anyayahan ang ilang estudyante mula sa tatlong grupo na ipaliwanag ang napag-aralan nila at kung paano ito ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano tayo mapagpapala ng Pagbabayad-sala.
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para isulat ang ilang pangungusap na nagbubuod o nag-a-outline kung ano ang gusto nilang ituro sa kanilang investigator tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkaraan ng ilang minuto, isiping tawagin ang ilang estudyante para basahin sa klase ang kanilang isinulat.
Anyayahan ang Espiritu na tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapalabas ng video na “For God So Loved the World” (4:48). Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga paraan na ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang pagmamahal sa mundo.
Pagkatapos ipalabas ang video, itanong:
-
Ano ang ilang paraan na ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang pagmamahal sa iba?
-
Paano kayo natutulungan ng video na ito na pahalagahan ang ministeryo at nagbabayad-salang misyon ng Tagapagligtas?
Imbitahin ang mga estudyante na balikan ang isinulat nila tungkol sa mga bagay na gusto nilang ituro sa investigator tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bigyan sila ng ilan pang minuto para magsulat pa ng karagdagang mga pangungusap na nagbubuod sa kanilang pinaniniwalaan at maaaring patotohanan tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkaraan ng ilang minuto, atasan ang mga estudyante na makipagpares sa isa pang miyembro ng klase at mag-role-play sa bawat isa kung paano sila magpapatotoo sa isang investigator tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Pagkatapos magkaroon ang bawat estudyante ng pagkakataong mag-role-play, tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pagtatanong ng:
-
Bakit mahalagang regular na ibahagi ng mga missionary ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo sa mga tinuturuan nila? (Maaari mong bigyang-diin na ang isa sa mga papel na ginagampanan ng Espiritu Santo ay ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo [tingnan sa Juan 15:26; 3 Nephi 11:32]; kaya nga, kapag nagpapatotoo tayo sa iba tungkol kay Jesucristo, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na pagtibayin ang ating patotoo sa puso ng mga tinuturuan natin.)
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para palalimin ang kanilang pasasalamat at patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Tiyakin sa mga estudyante na sa pagpapalalim ng kanilang patotoo sa Tagapagligtas sila ay magiging mas handang anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.
Ang Ating Walang-Hanggang Tadhana
Patingnan sa mga estudyante ang diagram na nasa kahon na “Plano ng Kaligtasan” sa pahina 59 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Imbitahin ang mga estudyante na pag-aralan muna ang diagram at pagkatapos ay idrowing ang sarili nilang version nang hindi tumitingin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ang sarili nilang diagram ay maaaring kahit anong anyo, basta kabilang dito ang mahahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan. Ipaalala sa mga estudyante na kailangang maipaliwanag ng mga missionary ang mga pangunahing elemento ng plano ng kaligtasan sa simpleng mga kataga sa isang investigator.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman na matatagpuan sa natitirang tatlong bahagi ng lesson 2 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (mga pahina 57–59), sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para basahin ang mga bahagi at tukuyin ang mga doktrina, alituntunin, at ideya na kailangang malaman ng mga investigator. Habang nagbabasa ang mga estudyante, idispley ang mga pamagat ng bahagi sa isang tsart sa pisara:
Ano ang kailangang malaman ng isang investigator? | ||
---|---|---|
Ang daigdig ng mga espiritu |
Ang Pagkabuhay na Mag-uli, ang Paghuhukom, at imortalidad |
Mga kaharian ng kaluwalhatian |
Maaaring makatulong sa mga estudyante na isa-isang pag-aralan ang mga bahagi at ipabahagi ang mga doktrina, alituntunin, o ideya na natukoy nila bago basahin ang susunod na bahagi. Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na irekord ang mga sagot ng klase sa ilalim ng tamang pamagat sa pisara. Isiping ipakopya sa mga estudyante ang tsart sa kanilang study journal at punan o sulatan ito habang tinatalakay ng klase ang bawat bahagi.
Ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod ay makakatulong para masuri ng mga estudyante ang kanilang binabasa:
-
Ano ang magiging epekto sa atin ng ating mga desisyon dito sa lupa pagkatapos nating mamatay?
-
Paano makaaapekto sa ating mga desisyon ang pagkaunawa natin sa Paghuhukom?
-
Paano naaapektuhan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang bawat bahagdan ng ating buhay (bago tayo isinilang, buhay na ito, at kabilang-buhay)?
-
Bakit mahalagang maging malinaw at simple kapag ipinapakilala ang mga katotohanang ito sa iba?
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang isa sa mahahalagang doktrina ng Panunumbalik ay na may potensiyal ang mga anak ng Diyos na maging katulad Niya. Binibigyan tayo ng ating maunawaing Ama sa Langit ng pag-asa na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong umunlad at matanggap ang pagpapala ng kadakilaan (tingnan sa “Kadakilaan,” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 64). Kahit na balang-araw maaari tayong maging tulad ng Diyos, lagi pa rin natin Siyang sasambahin. Hinding-hindi mababago ng ating pag-unlad ang Kanyang identidad bilang ating Ama at ating Diyos. (Para sa karagdagang impormasyon ukol sa paksang ito, tingnan sa Gospel Topics ang artikulong may pamagat na “Becoming Like God” sa lds.org/topics.)
Gawing pare-pares ang klase, at anyayahan ang bawat pares na maghandang turuan ang isang tao tungkol sa layunin ng buhay at ano ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay. Habang naghahanda sila, dapat sumangguni ang mga estudyante sa mga pahina 56–59 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo o sa mga pahina 10–15 sa missionary pamphlet na Ang Plano ng Kaligtasan, kung mayroon nito. Hikayatin ang mga estudyante na gumamit ng kahit isang talata sa banal na kasulatan habang nagtuturo sila. Hikayatin din sila na gamitin ang mga diagram ng plano ng kaligtasan na nilikha nila o ang diagram sa pahina 59 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipaliwanag na ang kanilang pagtuturo ay dapat simple at malinaw at dapat magtapos sa kanilang patotoo. Mag-ukol ng sapat na panahon para makapagturo ang mga magkakapares, at pagkatapos ay anyayahan ang bawat pares na makigrupo sa isa pang pares. Atasan ang isang pares ng mga estudyante na turuan ang dalawa pang estudyante.
Kapag natapos na ang mga magkompanyon sa kanilang pagtuturo, ipatalakay sa bawat grupo ang sumusunod: Ano ang naging maayos sa pagtuturo? Paano pang pagbubutihin ng mga estudyante ang pagtuturo?
Pagkatapos ay magpalitan ng papel at hayaan ang mga estudyante na tinuruan na sila naman ang magturo sa ibang pares ng mga estudyante. Tiyaking may oras para makatanggap sila ng feedback. Pagkatapos magturo ng bawat pares, anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi sa klase ng mga ideya mula sa kanilang mga karanasan.
Kung may oras pa, tapusin ang lesson sa pagbibigay ng iyong patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan, o anyayahan ang mga miyembro ng klase na gawin din iyon.
Mga Imbitasyon para Kumilos
Imbitahin ang mga estudyante na pumili ng isa o higit pa sa sumusunod na mga aktibidad na gagawin sa labas ng klase para mapalalim ang kanilang pang-unawa sa plano ng kaligtasan:
-
Magsanay na idrowing ang diagram sa pahina 59 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ipaliwanag ang mga pangunahing elemento ng plano ng kaligtasan, gamit ang isang talata para suportahan ang bawat elemento.
-
Isipin kung paano mo maituturo ang plano ng kaligtasan para tulungan ang isang tao na nawalan kamakailan ng isang kapamilya o mahal sa buhay. Sumulat ng maikling buod o i-outline ang inyong mga ideya sa inyong study journal.
-
Pag-aralan ang mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa isang mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya. Tukuyin ang mga alituntunin mula sa mensahe na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gumawa ng listahan ng mga paraan na pinagpapala kayo araw-araw ng Pagbabayad-sala.
-
Manalangin para sa pagkakataong ibahagi ang plano ng kaligtasan sa isang tao na maaaring mapagpala ng mas mabuting pang-unawa sa plano ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay kumilos nang may pananampalataya at ituro ang doktrinang ito upang pagpalain ang buhay ng tao.