Institute
Lesson 4: Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu


4

Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Pambungad

Nauunawaan ng matagumpay na mga missionary na “kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1). Sa kanilang sarili, ang mga missionary ay hindi maaaring magdulot ng mga pagpapala ng patotoo at pagbabalik-loob sa ibang tao, gaano man sila kabihasa o gaano man karami ang kanilang karanasan. Tanging ang Espiritu Santo ang makapagdudulot ng tunay na pagbabalik-loob. Kapag nadama ng investigator ang impluwensya ng Espiritu sa kanilang kalooban, o nakita nila ang katibayan ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang buhay, sumisigla sila at lumalakas sa espirituwal, lalo silang sumasampalataya kay Jesucristo, at mas malamang silang magbalik-loob.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Video iconIpaliwanag sa mga estudyante na minsa’y nagsalita si Pangulong Brigham Young tungkol sa kanyang pagbabalik-loob sa ebanghelyo at sa missionary na tumulong sa kanya na magtamo ng patotoo. Pagkatapos ay ipalabas ang video na “A Man without Eloquence” (6:06). Sabihin sa mga estudyante na bigyang-pansin kung paano inimpluwensyahan at tinulungan ng Espiritu si Pangulong Brigham Young na magbalik-loob.

Matapos panoorin ang video, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nakatulong kay Brigham Young ang pagkakarinig niya sa patotoo ng mapagpakumbabang lalaki para lubos siyang magbalik-loob?

  • Mula sa karanasan ni Brigham Young, anong mga alituntunin ang natutuhan ninyo tungkol sa pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga alituntuning ito: Ang pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ay maaaring humantong sa pagbabalik-loob ng iba; kapag nagturo tayo sa pamamagitan ng Espiritu, kailangan tayong magsalita nang tapat at taos-puso; kailangan tayong magpakumbaba [tingnan sa D at T 136:33].)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 42:14; 50:13–14 at 17–23, na hinahanap ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga taong nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mga alituntunin ng pagtuturo ng ebanghelyo ang ibinigay sa mga paghahayag na ito? (May ilang tamang sagot na maibibigay ang mga estudyante. Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng sumusunod na mga alituntunin: Iniutos ng Panginoon na ang ebanghelyo ay kailangang ituro sa pamamagitan ng espiritu at hindi sa ibang paraan.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 50:22, ano ang nangyayari kapag nagturo ang mga misyonero sa pamamagitan ng Espiritu? (Ang missionary at investigator ay kapwa “nauunawaan ang isa’t, isa, at kapwa sila pinagtitibay at magkasamang nagsasaya.” Liwanagin sa mga estudyante na ang pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ay mangyayari lamang kapag naroon ang Espiritu Santo at nadama ng guro, ng mag-aaral, o nilang dalawa. Isiping isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang presensya ng Espiritu ay hindi palaging nahahayag sa damdamin at mga luha. Kung kailangan, basahin sa klase ang sumusunod mula kay Pangulong Howard W. Hunter:

Pangulong Howard W. Hunter

“Nais kong magbabala tungkol sa paksang ito. … Nababahala ako kapag lumalabas na tila ang matinding emosyon o pagdaloy ng luha ay itinuturing na kasing kahulugan ng pagkakaroon ng Espiritu. Tiyak na ang Espiritu ng Panginoon ay makapagdudulot ng matitinding damdamin, kabilang ang mga pagluha, subalit ang panlabas na pagpapakitang iyon ay hindi dapat ipagkamali sa pagiging naroroon mismo ng Espiritu.

“Namasdan ko ang napakarami sa aking mga kapatid sa mga nagdaang taon at nakasama sa ilang pambihira at hindi mailarawang espirituwal na karanasan. Ang mga karanasang iyon ay magkakaibang lahat, bawat isa ay natatangi sa kaparaanan nito, at ang gayong mga sagradong sandali ay maaaring may mga pagluha o wala. Napakadalas na ganoon, subalit kung minsan ang mga ito ay sinasamahan ng lubos na katahimikan. Sa ibang pagkakataon ang mga ito ay sinasamahan ng kagalakan. Tuwina sinasamahan ang mga ito ng dakilang pagpapahayag ng katotohanan, ng paghahayag sa puso” (“Eternal Investments” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Peb. 10, 1989], 3; si.lds.org).

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano maiimpluwensyahan ng Espiritu Santo ang mga guro at mag-aaral, isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan, o ipamahagi ang mga ito sa mga estudyante sa isang handout. (Paalala: mga reperensya lang ang ibigay sa mga estudyante; ang materyal na nakapanaklong ay para sa titser):

Atasan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga talatang ito nang magkakapareha. Ipahanap sa isa sa bawat magkapareha ang mga paraan na maaaring impluwensyahan ng Espiritu Santo ang isang guro ng ebanghelyo habang naghahanap naman ng mga paraan ang isa pa na maaaring impluwensyahan ng Espiritu Santo ang isang taong tinuturuan. Pagkatapos ay ipatalakay sa kanila ang natutuhan nila sa isa’t isa. Kapag nagkaroon na ng sapat na panahon ang bawat magkapareha na talakayin ang natutuhan nila, magtanong ng katulad ng mga sumusunod para tulungan sila na suriin pang lalo ang kanilang binasa:

  • Ayon sa mga talatang pinag-aralan mo, ano ang ilang paraan na iniimpluwensyahan ng Espiritu ang mga nagtuturo? (Matapos tumugon ang mga estudyante, maaari ninyong itanong sa kanila kung saang mga talata sa banal na kasulatan nila nakita ang kanilang mga sagot.)

  • Paano iniimpluwensyahan ng Espiritu ang iba na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Paano ipinamamalas ng mga talatang ito kung bakit mahalagang magturo ang mga missionary sa pamamagitan ng Espiritu?

Pag-anyaya sa Espiritu Habang Nagtuturo Ka

Sabihin sa klase mo na ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay may ilang bahagi na nagpapaliwanag kung ano ang magagawa ng mga missionary para maanyayahan ang patnubay ng Espiritu sa kanilang pagtuturo. Hatiin ang klase mo sa maliliit na grupo na hindi hihigit sa apat na estudyante ang bawat isa. Atasan ang bawat grupo na pag-aralan ang isa sa sumusunod na mga bahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo:

  1. “Paano Sisimulan ang Pagtuturo,” mga pahina 200–202 (hindi kasama ang Activity box)

  2. “Ibagay ang Inyong Pagtuturo para Matugunan ang Pangangailangan,” pahina 202 (hindi kasama ang mga kahon sa Activity box at Scripture Study box)

  3. “Magturo para Maunawaan,” mga pahina 207–208 (hindi kasama ang Scripture Study box)

  4. “Makinig,” mga pahina 210–211 (hindi kasama ang Activity box)

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tagubilin para malaman ng mga grupo kung ano ang gagawin nila:

Basahin ang bahagi ninyo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Talakayin sa mga grupo ninyo ang mga alituntuning nabasa ninyo na nagtutulot sa mga missionary na maging mas epektibong mga titser at mapasakanila ang Espiritu habang nagtuturo sila.

Matapos magbigay ng sapat na panahon, ipabuod sa isang estudyante mula sa bawat grupo kung paano makakatulong ang kasanayang nabasa nila sa kakayahan ng isang missionary na magturo nang may Espiritu Santo. Atasan ang isang estudyante na ibuod sa pisara ang mahahalagang punto. Habang ibinubuod ng mga grupo ang kanilang mga ideya, isiping magtanong na tulad ng mga sumusunod:

  • Paano inaanyayahan ng pagsisimula ng isang lesson sa wastong paraan ang patnubay ng Espiritu Santo sa pagtuturo ng lesson?

  • Paano inaanyayahan ng pagpapanatiling simple ng mensahe ng ebanghelyo ang Espiritu Santo na turuan at pasiglahin ang isang investigator?

  • Paano nag-aanyaya ng Espiritu Santo ang pagpapanatiling nakatuon ang lesson sa mga pangangailangan ng investigator?

  • Paano nakakatulong ang pakikinig sa sinasabi ng investigator sa kakayahan ng isang missionary na magturo sa pamamagitan ng Espiritu?

video iconPara matulungan ang mga estudyante na makita kung ano ang hitsura ng ilan sa mga kasanayan sa pagtuturo sa itaas, ipalabas ang video na “Teach People, Not Lessons: Jynx” (6:34). Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng katibayan na nagtuturo ang mga missionary sa pamamagitan ng Espiritu. Maaaring partikular na panoorin ng mga estudyante ang paraan na ginamit ng mga missionary ang mga kasanayang pinag-aralan ng klase sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at paano inanyayahan ng paggamit ng mga kasanayang ito ang Espiritu sa pagtuturo ng mga missionary.

Matapos panoorin ang video, talakayin ang mga sumusunod:

  • Ano ang ginawa ng mga missionary sa kanilang pagtuturo na nagtulot sa kanila na magturo sa pamamagitan ng Espiritu?

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na natututo si Jynx sa pamamagitan ng Espiritu?

Bago magpatuloy, bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na isulat ang sagot sa sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo maipamumuhay ang mga alituntuning natalakay natin sa lesson na ito?

Pagtulong sa mga Investigator na Makilala ang Espiritu

Hilingin sa ilang estudyante na maghalinhinang basahin nang malakas ang bahaging “Ang Kapangyarihan ng Espiritu sa Conversion o Pagbabalik-loob” sa mga pahina 102–103 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (hindi kasama ang Activity box at Scripture Study box). Pasunurin sa pagbabasa ang iba pang mga estudyante sa klase at pamarkahan ang mga katagang naglalarawan sa nadarama ng isang investigator para magbalik-loob. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang kailangang madama ng mga investigator para magbalik-loob? (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung nadarama ng mga investigator ang impluwensya ng Espiritu, mas malamang na magbalik-loob sila sa ebanghelyo ni Jesucristo.)

  • Paano ninyo masasabi na nadarama ng isang investigator ang impluwensya ng Espiritu Santo? (Posibleng mga sagot: nadarama ng missionary ang Espiritu Santo; nadarama ng investigator na maaari siyang magtanong, gusto niyang malaman pa ang iba, at handa siyang gumawa at tumupad ng mga pangako; may pag-unawa, galak, at pagkamalapit sa Diyos; at may mas matalik na pagkakaibigan sa pagitan ng missionary at investigator.)

  • Itinuro ni Elder M. Russell Ballard, “Kusang dumarating ang mga espirituwal na karanasang ito kapag [handang] subukan ng isang tao ang salita” (“Panahon Na,” Liahona, Ene. 2001, 80). Ano ang magagawa ng isang missionary para mahikayat ang mga investigator na subukan ang salita?

Ipaliwanag sa mga estudyante na isa sa magiging pinakamahirap nilang mga tungkulin bilang missionary ang tulungan ang mga investigator na kilalanin ang mga paramdam ng Espiritu Santo at pagkatapos ay tulungan silang kumilos ayon sa mga ideya at damdaming iyon. Sa inspirasyon ng Espiritu Santo, malalaman ng mga missionary kung anong espirituwal na mga paramdam ang kailangan ng isang investigator para magbalik-loob, at makakatulong silang magkaroon ng isang kapaligiran kung saan matatanggap ang mga paramdam na iyon.

video iconPara maipamalas kung paano ito magagawa, ipalabas ang video na “Teaching about the Holy Ghost and Prayer: John” (5:00). Ipahanap sa klase kung paano tinulungan ng mga missionary si John na matutong kilalanin ang Espiritu.

Pagkatapos ng video, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano tinulungan ng mga missionary si John na makilala ang Espiritu?

  • Ano ang ginawa ng mga missionary para ipaalam kay John kung paano tumanggap ng mga sagot mula sa Panginoon?

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 11:12, pagkatapos ay ipatalakay sa kanila ang sumusunod na tanong nang magkakapareha:

  • Kung tanungin kayo ng isang investigator kung ano ang pakiramdam ng madama ang Espiritu Santo, paano kayo matutulungan ng Doktrina at mga Tipan 11:12 na sagutin ito?

Pagkilos ayon sa mga Paramdam ng Espiritu

Idispley ang sumusunod, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Richard G. Scott

“Ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit ay isang bagay na mahalaga. Ito ay sagradong pribilehiyo. Ito ay batay sa mga walang-hanggang alituntuning hindi nagbabago. Tumatanggap tayo ng tulong mula sa ating Ama sa Langit bilang tugon sa ating pananampalataya, pagsunod, at wastong paggamit ng kalayaan” (Richard G. Scott, “Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 47).

Pagkatapos ay itanong:

  • Sa anong mga paraan nagiging walang kuwenta ang pakikipag-ugnayan natin sa Ama sa Langit? Ano ang magagawa natin para mapanatiling mas makabuluhan ang ating mga panalangin?

  • Ano ang ibig sabihin ng “tumatanggap tayo ng tulong mula sa ating Ama sa Langit bilang tugon sa ating pananampalataya, pagsunod, at wastong paggamit ng kalayaan”? (Bagama’t maaari silang gumamit ng ibang mga salita, malamang na isagot ng mga estudyante ang katulad ng sumusunod: Tumatanggap tayo ng tulong mula sa ating Ama sa Langit kapag nagtuon tayo sa pagpapaibayo ng ating pananampalataya, pagsunod, at wastong paggamit ng kalayaan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante sa alituntuning ito, idispley ang sumusunod na dalawang sipi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang tinig na ito ng Espiritu ay magiliw na nangungusap, na itinuturo sa inyo ang gagawin o sasabihin, o maaaring pinag-iingat o binabalaan kayo.

“Kapag binalewala o sinuway ninyo ang mga paramdam na ito, lalayuan kayo ng Espiritu. Kayo ang mamili—malaya kayo” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 60).

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang Espiritu ay hindi tayo sinisigawan o niyuyugyog nang malakas para pansinin natin ito. Bagkus ay bumubulong ito. Napakagiliw ng haplos nito kaya maaaring hindi man lang natin ito madama kapag abala tayo. …

“Kung minsan pipilitin tayo nito nang sapat para makinig tayo. Ngunit kadalasan, kung hindi natin papansinin ang magiliw na damdamin, lalayo ang Espiritu at maghihintay hanggang sa maghanap at makinig tayo” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53).

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga turong ito ni Pangulong Packer?

  • Dahil ang Espiritu Santo ay magiliw na nangungusap, anong uri ng mga bagay ang magpapahirap sa atin na marinig o makilala ang Espiritu sa mundo ngayon?

Kapag tumugon ang mga estudyante, isiping talakayin kung paano tayo pahihirapan ng sobrang paggamit ng mga electronic device na makilala ang Espiritu. (Para sa iba pa tungkol sa paksang ito, tingnan sa Elder M. Russell Ballard, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” [Church Educational System devotional para sa mga young adult, Mayo 4, 2014].)

Susunod, isiping basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Ang pagpapakumbaba ay mahalaga sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang mapagpakumbaba ay madaling turuan. Ang pagpapakumbaba ay nagtutulot sa inyo na maturuan ng Espiritu at maturuan mula sa mga materyal na binigyang-inspirasyon ng Panginoon, tulad ng mga banal na kasulatan. Tutubo at yayabong ang binhi ng personal na paglago at pag-unawa sa matabang lupa ng pagpapakumbaba. Ang bunga ng mga ito ay espirituwal na kaalamang gagabay sa inyo rito at sa kabilang-buhay.

“Ang taong mayabang ay hindi malalaman ang mga bagay ng Espiritu. Itinuro ni Pablo ang katotohanang ito, na sinasabing:

“‘Ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. …

“‘Nguni’t ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu’ (I Cor. 2:11, 14)” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 87).

  • Anong papel ang ginagampanan ng pagpapakumbaba sa kakayahan nating tanggapin at makilala ang mga paramdam ng Espiritu?

  • Naranasan na ba ninyong mapatnubayan ng Espiritu? Ano ang pakiramdam niyon? Paano ninyo nalaman na iyon ang Espiritu? (Tingnan sa Moroni 7:13.)

Kung may oras pa, hatiin sa kalahati ang klase mo. Ipaliwanag sa mga estudyante mo na titingnan nila ang dalawang scriptural case study para makita kung paano pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon ang gawain ng Kanyang mga lingkod. Ipabasa sa kalahati ng klase ang Mga Gawa 4:5–13. Sabihin sa kalahating ito ng klase na sa Mga Gawa 3, pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaki. Sa Mga Gawa 4, dinakip sila at iniharap sa mga pinunong Judio para usisain tungkol sa pagpapagaling na iyon. Ipaaral sa isa pang kalahati ng klase ang Mga Gawa 16:6–15. Sabihin sa kalahating ito ng klase na ang mga talatang ito ay tungkol kay Pablo sa isa sa kanyang mga paglalakbay bilang missionary. Atasan ang dalawang kalahati ng klase na hanapin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Pedro o si Pablo na ipangaral ang ebanghelyo. Makalipas ang sapat na panahon, ipareport sa mga estudyante kung paano ginabayan ng Espiritu Santo sina Pedro at Pablo. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano ginamit nina Pedro at Pablo ang kanilang kalayaan para masunod ang patnubay ng Espiritu?

  • Ano ang katibayan na sinusunod nina Pedro at Pablo ang Espiritu?

  • Ano ang partikular na nangyari kay Pedro sa Mga Gawa 4 at kay Pablo sa Mga Gawa 16 dahil pareho nilang sinunod ang patnubay ng Espiritu?

  • Paano kayo napagpala sa pagsunod sa patnubay ng Espiritu Santo?

Magtapos sa pag-anyaya sa mga estudyante na magpatotoo kung paano sila napagpala ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ipaisip sa kanila kung paano naapektuhan ng pag-aaral pa tungkol sa pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ang hangarin nilang anyayahan ang iba kay Cristo. Tiyakin sa kanila na kapag hinangad nila ang Espiritu sa kanilang buhay, mag-iibayo ang kakayahan nilang magturo sa pamamagitan ng Espiritu.

Mga Paanyayang Kumilos

Anyayahan ang mga estudyante na maghandang ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu sa pagkumpleto ng isa o mahigit pa sa sumusunod na iminungkahing mga aktibidad:

  • Panoorin ang ilan sa mga episode ng The District (na matatagpuan sa LDS.org) habang naghahanda kayong magmisyon.

  • Magpraktis ng iba’t ibang paraan ng pagsisimulang magturo ng isang lesson gamit ang ilan sa makapangyarihang mga katagang nag-aanyaya ng Espiritu sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 200–202.

  • Pag-isipan at ipagdasal ang isang taong gusto mong palakasin sa ebanghelyo. Ipagdasal ang mensahe ng ebanghelyong ibabahagi mo sa taong ito. Ibahagi ang mensahe at patotoo mo sa taong ito, nang personal man o sa social media.