9
Pagkakaroon ng mga Katangiang Tulad ng Kay Cristo
Pambungad
Dapat sikapin ng mga missionary na maging higit na katulad ng Tagapagligtas habang kumikilos sila para anyayahan ang iba na lumapit sa Kanya. Ang Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa at inutusan tayong maging tulad Niya (tingnan sa 3 Nephi 27:27), at dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay magiging higit na katulad Niya at ng ating Ama sa Langit. Mahalagang bahagi ng pagtulad kay Jesucristo ang alamin kung paano Siya namuhay, kumilos, at nagturo. Kapag lalo nating pinagyaman ang mga katangiang gaya ng kay Cristo, magiging mas handa tayong paglingkuran ang Diyos at ang iba sa ating mga mission at sa buong buhay natin.
Paunang Paghahanda
-
Pag-aralan ang Alma 17:22–37; 18:1–3, 8–10; Moroni 7:45–48; at Doktrina at mga Tipan 4:1–7.
-
Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 131–140, 144.
-
Gumawa ng mga kopya ng Aktibiti Patungkol sa Katangian sa pahina 144 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para sa bawat estudyante sa iyong klase (opsiyonal).
-
Maghandang ipalabas ang video na “Christlike Attributes” (2:54), na available sa LDS.org.
-
Maghandang ipalabas ang video na “Impressions of Missionaries” (4:32), na available sa youtube.com.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Kahalagahan ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo
Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina 141 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at tingnan ang larawan ng missionary name tag. Itanong:
-
Ano ang dalawang kapansin-pansing bahagi ng missionary name tag? (Ang pangalan ng missionary at ang pangalan ng Tagapagligtas.)
-
Bakit magiging mahalaga sa inyo at sa iba na maiugnay ang inyong pangalan sa Tagapagligtas?
Sabihan ang mga estudyante na magpalitan sa pagbabasa nang malakas ng unang limang talata na nagsimula sa pahina 131 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo habang sinusundan ng klase, na hinahanap kung paano natin matatanggap ang imbitasyon na sumunod kay Jesucristo. Kapag natapos na sila, itanong:
-
Paano natin tinatanggap ang imbitasyon ni Jesucristo na sumunod sa Kanya? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntunin: Tinatanggap natin ang imbitasyon ni Jesucristo na sumunod sa Kanya sa pagiging tulad Niya at pagtataglay ng Kanyang mga katangian.)
-
Paano kayo gagawing makapangyarihan at epektibong ministro ng ebanghelyo ni Jesucristo ng pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo?
Papiliin ang bawat isa sa mga estudyante ng mga talata na nasa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 132 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipabasa sa mga estudyante ang pinili nilang talata sa banal na kasulatan at ipahanap kung ano ang sinasabi nito tungkol sa pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo. Imbitahin ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa klase. Matapos tumugon ang ilang estudyante, itanong:
-
Ano ang ilang katangian ng pagkatao ninyo na naiuugnay ninyo kay Jesucristo?
Ipalabas ang video na “Christlike Attributes” (2:54), na naglalarawan ng ilan sa mga katangian ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na masdan kung paanong ang mga banal na katangian ng Tagapagligtas ay nakikita sa kanilang mga kilos—lalo na sa pakikisalamuha sa iba.
Matapos panoorin ang video, magtanong ng katulad ng sumusunod, tinitiyak na mag-uukol ng sapat na oras para mapag-isipan ng mga estudyante ang kanilang mga sagot:
-
Paano makikita ang mga banal na katangian ng Tagapaglitas sa kanyang kilos, lalo na sa pakikisalamuha niya sa iba?
-
Ano ang naging epekto sa ibang tao ng mga ikinilos ni Jesus?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa katabi nila ang isang karanasan kung saan naapektuhan sila ng pag-uugali ng isang tao na katulad ng kay Cristo. Pagkatapos ay bigyan sila ng ilang sandali para pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Anong mga katangian ni Cristo na ipinakita sa video ang gusto ninyong lalo pang taglayin ninyo?
Pagkakaroon ng mga Katangiang Tulad ng Kay Cristo
Sabihin sa ilang estudyante na magpalitan sila sa pagbabasa nang malakas sa Doktrina at mga Tipan 4:1–7.
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 4:5–6, ano ang kaugnayan ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at ng mga kwalipikasyon para tawagin sa gawain? (Kahit gumamit sila ng iba‘t ibang salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning ito: Ang mga taong nagtataglay ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay karapat-dapat na maglingkod sa gawain ng Panginoon.)
Ipabuklat sa klase ang Aktibiti Patungkol sa Katangian sa pahina 144 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ipaliwanag ang mga tagubilin sa itaas ng pahina, imbitahin ang mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad. Maaaring makatulong kapag sinabi sa mga estudyante kung gaano katagal ang dapat nilang iukol na panahon sa aktibidad. Pag-isipang bigyan ng kopya ng aktibidad ang mga estudyante. Kung pipiliin ng mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad na ito sa sarili nilang kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, maaari mo silang hikayatin na lapis ang gamiting pangsulat. Mag-ukol ng sapat na panahon para matapos ng lahat ng mga estudyante ang aktibidad. Pagkatapos ay sabihin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang natutuhan at nadama habang ginagawa nila ang self-evaluation na ito. Kung kinakailangan, isiping itanong ang mga ito:
-
Aling mga katangian sa aktibiti ang nangingibabaw sa inyo, at bakit?
-
Ano ang natutuhan ninyo sa aktibiting ito?
Tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagkaunawa sa mga katangiang tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng pag-imbita sa kanila na pumili ng isang katangian na gusto nilang alamin pa at lalo pang pag-igihin sa kanilang buhay. Ipahanap sa mga estudyante ang bahaging naglalarawan sa napili nilang katangian sa mga pahina 133–140 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay bigyan sila ng panahon na pag-aralan ang bahaging ito, pati na ang kaukulang mga talata. Maaaring makatulong ang pagsasabi sa mga estudyante kung ilang oras ang kailangan nila para sa pag-aaral. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong para mapag-isipan ng mga estudyante habang nagbabasa sila:
Maglakad sa palibot ng silid para tingnan kung ano ang ginagawa ng bawat estudyante at para sagutin ang anumang tanong ng mga estudyante. Matapos bigyan ng sapat na panahon, imbitahin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na nasa pisara.
Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang sinabi ni Pangulong Uchtdorf na dapat nating gawin upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo:
“Inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang ilang katangian ni Cristo na kailangan nating taglayin sa buhay na ito. … Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Hindi natin magagawang taglayin ang mga ito kung wala ang Kanyang tulong. Ang isang tulong na kailangan nating lahat ay ibinigay sa atin nang libre sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, talino, at pagmamahal. Napapasaatin ang mga katangian ni Cristo sa matwid na paggamit ng ating kalayaan. … Sa paghahangad na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangang regular nating suriin ang ating buhay at magtiwala, sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi, sa kabutihan ni Jesucristo at sa mga biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala” (“Mga Katangian ni Cristo—Ang Hangin sa Ilalim ng Ating mga Pakpak,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 102–103).
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng ang “mga katangian ni Cristo ay mga kaloob ng Diyos”? (Ito ay mga kaloob na hindi lubusang mapauunlad kung wala ang tulong ng Diyos.)
-
Ayon kay Pangulong Uchtdorf, ano ang magagawa natin upang matulungan ng Diyos sa pagpapaunlad ng mga katangiang ito? (Maaari mong ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagsulat sa pisara ng sumusunod: Mapapaunlad natin ang mga katangian ni Cristo kapag nagsisisi tayo, sumasampalataya kay Jesucristo, at umaasa sa Pagbabayad-sala.)
-
Paano makakatulong ang pagsisisi at pagsampalataya sa Pagbabayad-sala sa pagkakaroon natin ng mga katangian ni Cristo? (Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi, inaanyayahan natin ang Panginoon na biyayaan tayo ng mga katangian ni Cristo. Kapag nagsisisi tayo, ipinapakita natin ang hangarin nating maging higit na katulad ni Cristo, at inaanyayahan natin lalo ang Espiritu Santo sa ating buhay.)
Idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas sa klase:
“Sa pagtuturo sa mga Nephita, sinabi ng Tagapagligtas kung ano ang dapat nilang kahinatnan. Hinamon niya silang magsisi at magpabinyag at mapabanal ng pagtanggap ng Espiritu Santo, ‘na kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw’ (3 Ne. 27:20). Nagtapos Siya sa pagsasabing: ‘Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko’ (3 Ne. 27:27).
“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang plano kung saan tayo ay maaaring maging mga anak ng Diyos na siyang dapat nating kahinatnan. Ang walang bahid-dungis at perpektong kalagayan na ito ang magiging bunga ng patuloy na paggawa ng mga tipan, ordenansa, at mga hakbang, ng kabuuan ng mga wastong pagpili, at patuloy na pagsisisi. ‘Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos’ (Alma 34:32)” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 33).
Itanong:
-
Ayon kay Elder Oaks, ano ang dapat nating gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo? (Kailangan tayong gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, karapat-dapat na tumanggap ng mga ordenansa, gumawa ng mga tamang pasiya, at magsisi.)
Ipabuklat sa mga estudyante ang Moroni 7:47–48. Ipaliwanag na kahit ukol sa pag-ibig sa kapwa-tao ang mga talatang ito, nagtuturo ito ng mas pangkalahatang alituntunin tungkol sa pagtatamo ng mga katangian ni Cristo. Ipabasa sa isang estudyante ang mga talata habang sinusundan ng klase, na hinahanap kung ano ang magagawa natin para maanyayahan ang tulong ng Ama sa Langit sa pagiging tulad ng Kanyang Anak (ang mga sagot ay dapat nakatuon sa kahalagahan ng paghiling sa Ama sa Langit na tulungan tayo at pagiging “tunay na mga tagasunod” ni Cristo). Ituro na dahil ang mga katangian ni Cristo ay mga kaloob ng Diyos, dapat nating hingin ang Kanyang tulong sa pagkakaroon ng mga katangiang ito.
Tulungan ang mga estudyante na isipin kung paano nila maipapamuhay ang natutuhan nila, maaari mong hilingin sa mga estudyante na magbigay ng mga halimbawa ng gagawing pagkilos ng prospective missionary para taglayin ang katangian na napag-aralan nila. Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para isulat ang isang plano, pati na ang ilang tamang pagpili na magagawa nila, para tulungan silang higit na mapaunlad ang katangiang iyon. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga plano sa kanilang mga magulang o sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. Hikayatin din ang mga estudyante na huwag ipagpaliban ang pagsunod sa kanilang plano. Ang mga pagsisikap nila ngayon ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kanilang mga karanasan sa misyon.
Tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pagtiyak sa mga estudyante na pagpapalain sila ng Panginoon sa pagsampalataya nila sa Pagbabayad-sala at sa hangaring maging katulad Niya.
Mga Katangian ni Cristo sa Gawaing Misyonero
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, na nagbahagi ng isang quotation na madalas iniuugnay kay Saint Francis of Assisi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag:
“Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras at kung kinakailangan, gumamit ng mga salita” (“Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 77).
Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:
-
Paano natin ipapangaral ang ebanghelyo nang hindi gumagamit ng mga salita?
-
Paanong sa pagtatamo ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay maipapangaral natin nang mas mabuti ang ebanghelyo, kapwa sa paggamit at sa hindi paggamit ng mga salita?
-
Ano ang nangyayari sa puso ng mga tao kapag ang pakikitungo sa kanila ay tulad ng pakikitungo ni Cristo? (Ang kanilang mga puso ay lumalambot at sila ay magiging mas handang makinig sa mensahe ng ebanghelyo).
-
Bakit mahalaga sa ikatatagumpay ng gawaing misyonero ang pagtataglay ng missionary ng mga katangiang katulad ng kay Cristo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang katotohanang ito: Ang mga katangian ni Cristo ay maaaring maging mabisang impluwensya sa pagdadala ng mga tao sa Tagapagligtas.)
Ipalabas ang video na “Impressions of Missionaries” (4:32). Ipasulat sa mga estudyante ang mga katangian na napansin ng mga investigator sa mga missionary at ang epekto ng mga katangiang iyon sa mga investigator.
Pagkatapos ng video, itanong:
-
Ano ang ilan sa mga mabubuti o positibong katangian ng mga missionary na natukoy ng mga investigator?
-
Sa inyong palagay bakit kaya nagkaroon ng magandang impresyon sa mga investigator ang mga katangiang ito?
-
Binanggit ang ilan sa mga investigator ang mga di-gaanong positibong katangian. Paano nakaapekto ang mga katangiang ito sa mga investigator?
-
Paano maiiwasan ng mga missionary na mag-iwan ng ganitong di-gaanong positibong mga impresyon?
Para lalong mailarawan kung paano makatutulong ang mga katangian at pag-uugaling tulad ng kay Cristo sa paghahanda ng mga missionary sa kanilang mga tinuturuan na tanggapin ang ebanghelyo, ipabuod sa isang estudyante ang kuwento ni Ammon na nagsikap na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Hatiin ang klase sa apat na grupo, at ibigay ang isa sa mga talata sa banal na kasulatan sa bawat grupo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang ibinigay sa kanilang talata at ipatukoy ang mga katangian ni Cristo na ipinakita ni Ammon.
Pagkatapos magbasa ang mga estudyante, pag-usapan ang sumusunod sa klase:
-
Aling mga katangian ni Cristo ang ipinakita ni Ammon sa mga talatang binasa ninyo?
-
Paano nakaapekto ang mga katangian ni Ammon sa mga taong tinuturuan niya?
-
Ano ang ilang paraan na masusundan ng mga makabagong missionary ang halimbawa ni Ammon?
Imbitahin ang mga estudyante na mag-isip ng isang taong napansin nila na nagtataglay ng mga katangian ni Cristo. Itanong:
-
Paano kayo naimpluwensyahan ng taong ito sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali na tulad ng kay Cristo?
Paglilingkod Kasama ang Kompanyon
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga missionary ay laging inaatasang maglingkod kasama ang isang kompanyon. Imbitahin ang mga estudyante na magmungkahi ng potensyal na mga hamon kapag may kasamang kompanyon. Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:
-
Sa palagay ninyo bakit naglilingkod ang mga missionary nang may kompanyon?
Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 42:6 at II Mga Taga Corinto 13:1 para maipaunawa sa mga estudyante na ang mga missionary ay naglilingkod na kasama ang isang kompanyon dahil ito ay isang pattern na ibinigay ng Panginoon. Pagkatapos ay itanong:
-
Bakit mahalagang magpakita ang mga missionary ng mga katangian at kilos na katulad ng kay Cristo sa pakikitungo sa kanilang kompanyon? (Tingnan sa D at T 38:24–25, 27.)
Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Huwag hayaang manaig ang pagtatalo sa inyong pagsasama. Ang ilan sa iyong mga missionary companion ay magiging matatalik mong kaibigan habambuhay. Maging ang uri ng kompanyon na gusto mong makasama. Huwag maging makasarili sa pakikipag-ugnayan sa iyong mga kompanyon. Kapag may pagtatalo, ang Espiritu ng Panginoon ay lumilisan, kahit sino pa ang may kasalanan. Bawat isa sa atin ay isang indibiduwal na may kakaibang mga kakayahan at talento, naiiba sa ibang tao sa mundo. Bawat isa sa atin ay may mga kahinaan. Sa magandang pagsasamahan, may teamwork o pagtutulungan—kung mahina ang isa, ang isa ay matatag” (“What I Want My Son to Know before He Leaves on His Mission,” Ensign, Mayo 1996, 41).
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Faust na nangyayari kapag nagtatalo ang mga missionary companion? (Tingnan din sa 3 Nephi 11:29.)
-
Paano makakatulong ang mga katangian na pinag-aaralan natin para makaiwas sa pagtatalo ang mga magkompanyon at magkaroon ng pagkakasundo sa kanilang samahan? (Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang alituntunin na kapag ang mga missionary companion ay kinakikitaan ng mga pag-uugali at asal na tulad ng kay Cristo sa isa‘t isa, pinagpapala sila ng Espiritu.)
-
Bakit kapag may pagkakasundo ay nagiging mas epektibo ang magkompanyon sa pangangaral ng ebanghelyo?
Isiping basahin nang malakas ang unang limang talata sa ilalim ng subsection na may pamagat na “Ang Iyong Companion” (sa section na “Pakikipag-ugnayan sa Iba”) sa Missionary Handbook (mga pahina 29–30). Pagkatapos ay itanong:
-
Paano ninyo nagamit ang isang alituntuning matatagpuan sa mga talatang ito para mapalakas ang iyong pakikipag-ugnayan sa miyembro ng pamilya o sa kaibigan?
Magtapos sa pag-anyaya sa iyong mga estudyante na magpatotoo tungkol kay Cristo at sa kahalagahan ng pagiging katulad Niya.
Mga Imbitasyon para Kumilos
Tulungan ang mga estudyante na matanto na ang proseso ng pagkakaroon ng mga katangian ni Cristo ay nangangailangan ng tulong ng Panginoon at ng matinding personal na pagsisikap. Hikayatin ang mga estudyante na kumpletuhin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na iminungkahing mga aktibidad bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas:
-
Pumili ng isa sa mga katangian ni Cristo mula sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at pag-aralan pa ito gamit ang banal na kasulatan, pati na ang Bible Dictionary, Topical Guide, index, at iba pa. Lumikha ng isang plano upang lubusang mapagyaman ang katangiang iyon sa iyong buhay. Ibahagi ang iyong plano sa iyong mga magulang o pinagkakatiwalaang kaibigan.
-
Isipin kung ano ang magagawa ninyo para maging higit na katulad ni Cristo sa inyong pamilya, mga kaibigan (kapwa miyembro at di-miyembro), at mga lider ng Simbahan. Isulat ang partikular na mga ideya ninyo at gawin ang mga ito sa linggong ito.
-
Magtakda ng ilang goal o mithiin sa kung paano kayo makapaghahanda para maiwasan ang pagtatalo sa magiging missionary companion ninyo.
-
Maghanap ng mga paraan para ipadama ang pagmamahal sa mga kapamilya at kaibigan at paglingkuran sila nang may tiyaga at pag-ibig.