2011
Paghihintay sa Daan patungong Damasco
Mayo 2011


Paghihintay sa Daan patungong Damasco

Ang mga masigasig na naghahangad na matuto tungkol kay Cristo ay makikilala Siya kalaunan.

President Dieter F. Uchtdorf

Isa sa mga pinakamagandang kaganapan sa kasaysayan ng mundo ay nangyari sa daan patungong Damasco. Alam na alam ninyo ang kuwento tungkol kay Saulo, isang binata na “pinuksa ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay … ipinapasok [ang mga Banal] sa bilangguan.”1 Napakabagsik ni Saulo kaya’t maraming miyembro sa Simbahan noon ang umalis ng Jerusalem sa pag-asang matakasan ang kanyang galit.

Tinugis sila ni Saulo. Ngunit nang siya ay “malapit sa Damasco … pagdaka’y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit:

“At siya’y nasubasob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na sa kaniya’y nagsasabi, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?”2

Ang sandaling ito ay nagpabago kay Saulo magpakailanman. Katunayan, binago nito ang mundo.

Alam natin na nangyayari ang mga pagpapakitang tulad nito. Katunayan, nagpapatotoo tayo na nangyari din ang gayong banal na karanasan noong 1820 sa batang si Joseph Smith. Malinaw at tiyak ang patotoo natin na muling nabuksan ang kalangitan at muling nangusap ang Diyos sa Kanyang mga propeta at apostol. Pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang mga dalangin ng Kanyang mga anak.

Magkagayunman, may ilang nag-iisip na maliban kung maranasan nila ang katulad ng kay Saulo o kay Joseph Smith, hindi sila maniniwala. Nakatayo sila sa gilid ng tubig ng binyag ngunit hindi lumulusong. Naghihintay sila na magkaroon ng patotoo ngunit hindi nila matanggap ang katotohanan. Sa halip na gumawa ng maliliit na hakbang ng pananampalataya sa daan patungo sa pagiging disipulo, gusto nila ng madulang kaganapan para mapilitan silang maniwala.

Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa paghihintay sa daan patungong Damasco.

Dumarating ang Pananampalataya nang Paunti-unti

Isang butihing babae ang naging matapat na miyembro ng Simbahan sa buong buhay niya. Ngunit may nadarama siyang kalungkutan. Ilang taon bago iyon, namatay ang kanyang anak na babae matapos magkasakit, at naroon pa rin ang pighati na dulot ng trahedyang ito. Nagdadalamhati siyang nagtanong na karaniwang nararanasan sa ganitong pangyayari. Tuwiran niyang inamin na ang kanyang patotoo ay hindi na tulad ng dati. Inisip niya na maliban kung magpakita ang Diyos sa kanya, hinding-hindi na siya muling maniniwala.

Kaya naghintay siya.

Napakarami pang iba, sa iba’t ibang kadahilanan, na naghihintay sa daan patungong Damasco. Ipinagpapaliban nila ang pagiging ganap na mga disipulo. Inaasam nilang matanggap ang priesthood ngunit atubili silang mamuhay nang marapat para sa pribilehiyong iyan. Gusto nilang makapasok sa templo ngunit ayaw pa ring kumilos para maging marapat. Hinihintay pa rin nilang ipadala sa kanila si Cristo tulad ng magandang larawang ipininta ni Carl Bloch—para maalis nang tuluyan ang lahat ng kanilang alinlangan at takot.

Ang totoo, ang mga masigasig na naghahangad na matuto tungkol kay Cristo ay makikilala Siya kalaunan. Personal nilang matatanggap ang banal na larawan ng Panginoon, bagama’t ito kadalasan ay darating na parang isang puzzle—paisa-isa. Bawat piraso ay hindi madaling makilala kapag nag-iisa; maaaring hindi malinaw kung paano ito nauugnay sa buong larawan. Bawat piraso ay tumutulong sa atin na mas malinaw na makita ang malaking larawan. Kalaunan, kapag sapat na ang mga pirasong napagdugtung-dugtong, makikita natin ang buong kagandahan nito. Pagkatapos, kapag ginunita natin ang ating karanasan, makikita natin na talagang nakapiling natin ang Tagapagligtas—hindi biglaan kundi marahan, banayad, halos hindi mapansin.

Mararanasan natin ito kung susulong tayo nang may pananampalataya at hindi maghihintay nang napakatagal sa daan patungong Damasco.

Makinig at Sumunod

Pinatototohanan ko sa inyo na mahal ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Mahal Niya tayo. Mahal Niya kayo. Kapag kailangan bubuhatin pa kayo ng Panginoon upang malampasan ninyo ang mga balakid kapag hinangad ninyo ang Kanyang kapayapaan nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Kadalasan ay kinakausap Niya tayo na puso lamang natin ang makaririnig. Upang higit na marinig ang Kanyang tinig, makabubuting limitahan ang impluwensya ng mundo sa ating buhay. Kung binabalewala o hindi natin pinakikinggan ang mga panghihikayat ng Espiritu sa anupamang dahilan, hindi natin ito gaanong napapansin hanggang sa hindi na natin ito marinig. Matuto tayong makinig sa mga panghihikayat ng Espiritu at maging sabik na sundin ito.

Ang ating pinakamamahal na propeta, si Thomas S. Monson, ang halimbawa natin dito. Napakaraming kuwento tungkol sa pakikinig niya sa mga bulong ng Espiritu. Nagkuwento si Elder Jeffrey R. Holland ng isang halimbawa:

Minsan habang si Pangulong Monson ay nasa isang gawain sa Louisiana, tinanong siya ng isang stake president kung may oras siyang bisitahin ang 10-taong-gulang na si Christal, na malubha na ang kanser. Matagal nang ipinagdarasal ng pamilya ni Christal na dumating si Pangulong Monson. Ngunit napakalayo ng bahay nila, at napakahigpit ng iskedyul kaya wala nang oras. Kaya sa halip, hiniling ni Pangulong Monson sa mga nag-alay ng panalangin sa stake conference na isama si Christal sa kanilang panalangin. Siguradong mauunawaan ito ng Panginoon at ng pamilya.

Sa sesyon ng kumperensya sa araw ng Sabado, pagtayo ni Pangulong Monson para magsalita, bumulong ang Espiritu, “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.”3

“Lumabo ang binabasa niya. Tinangka niyang ituloy ang tema ng pulong ayon sa outline, pero hindi mawala sa isip niya ang pangalan at larawan [ng bata].”4

Nakinig siya sa Espiritu at muling inayos ang kanyang iskedyul. Maaga pa kinabukasan, iniwan ni Pangulong Monson ang siyamnapu’t siyam at naglakbay nang malayo para mapuntahan ang isang nangangailangan.

Pagdating doon, “tiningnan niya ang batang napakalubha ng sakit para bumangon, napakahina para magsalita. Nabulag na siya dahil sa sakit niya. Lubhang naantig sa tagpo at ng Espiritu ng Panginoon … , hinawakan ni Brother Monson ang malamyang kamay ng bata. ‘Christal,’ bulong niya, ‘Narito na ako.’

“Nahihirapang sumagot ito nang pabulong, ‘Brother Monson, alam kong darating kayo.’”5

Mahal kong mga kapatid, sikapin nating makasama ang mga yaong maaasahan ng Panginoon na makinig sa Kanyang mga bulong at tumugon, tulad ni Saulo sa kanyang daan patungong Damasco, “Panginoon, ano ang nais ninyong gawin ko?”6

Maglingkod

Ang isa pang dahilan kaya hindi natin nakikilala ang tinig ng Panginoon sa ating buhay kung minsan ay dahil ang mga paghahayag ng Espiritu ay hindi tuwirang dumarating sa atin bilang sagot sa ating mga dalangin.

Inaasahan ng Ama sa Langit na pag-aralan muna natin ito at saka ipagdasal na patnubayan tayo sa paghahangad na masagot ang mga tanong at alalahanin natin sa buhay. Tiniyak sa atin ng ating Ama sa Langit na pakikinggan at sasagutin Niya ang ating mga dalangin. Ang sagot ay maaaring dumating sa pamamagitan ng tinig at karunungan ng pinagkakatiwalaang mga kaibigan at kapamilya, mga banal na kasulatan, at mga salita ng mga propeta.

Naranasan ko na ilan sa mga pinakamatinding panghihikayat na natatanggap natin ay hindi lamang para sa sarili nating kapakanan kundi pati na rin sa iba. Kung sarili lamang natin ang ating iniisip, maaaring hindi natin makamtan ang ilang pinakamatinding espirituwal na karanasan at mahahalagang paghahayag sa ating buhay.

Itinuro ni Pangulong Kimball ang konseptong ito nang sabihin niyang: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Samakatuwid, lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa.”7 Mga kapatid, lahat tayo ay may responsibilidad sa tipan na maging sensitibo sa mga pangangailangan ng iba at maglingkod tulad ng ginawa ng Tagapagligtas—tumulong, magbasbas, at magpasigla sa mga nasa paligid natin.

Kadalasan, ang sagot sa ating dalangin ay hindi dumarating habang nagdarasal tayo kundi habang naglilingkod tayo sa Panginoon at sa mga nasa paligid natin. Ang di-makasariling paglilingkod at lubos na paglalaan ay nagpapadalisay sa ating espiritu, nag-aalis ng tabing sa ating espirituwal na mga mata, at nagbubukas ng mga dungawan ng langit. Sa pagiging sagot sa dalangin ng iba, kadalasan ay nasasagot ang sarili nating dalangin.

Magbahagi

May mga pagkakataon na inihahayag sa atin ng Panginoon ang mga bagay na para lamang sa atin. Magkagayunman, sa napakaraming pagkakataon ipinagkakatiwala Niya ang patotoo sa katotohanan sa mga taong magbabahagi nito sa iba. Ganito ang nangyari sa bawat propeta mula pa noong panahon ni Adan. Bukod pa rito, lubos na inaasahan ng Panginoon ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan na “buksan ang [kanilang mga] bibig sa lahat ng panahon, nagpapahayag ng [Kanyang] ebanghelyo nang may tunog ng kagalakan.”8

Hindi laging madali ito. Mas gusto pa ng ilan na magtulak ng kariton patawid sa kaparangan kaysa magkuwento tungkol sa pananampalataya at relihiyon sa kanilang mga kaibigan at katrabaho. Nag-aalala sila sa iisipin sa kanila ng iba o na baka makasira ito sa kanilang relasyon. Hindi ito kailangang magkagayon dahil may masayang mensahe tayong ibabahagi, at nasa atin ang mensahe ng kagalakan.

Ilang taon na ang nakararaan tumira at nagtrabaho ang aming pamilya kasama ang mga taong halos sa lahat ng aspeto ay hindi kabilang sa ating relihiyon. Nang kumustahin nila ang Sabado’t Linggo namin, sinikap naming laktawan ang mga karaniwang paksa—tulad ng isports, pelikula, o klima—at sinikap naming ibahagi ang ilang karanasang espirituwal ng aming pamilya—halimbawa, ano ang sinabi ng kabataang nagsalita tungkol sa mga pamantayan mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan o paano kami naantig sa mga salita ng binatang papunta sa misyon o paano kami tinulungan ng ebanghelyo at ng Simbahan bilang pamilya na makayanan ang isang pagsubok. Sinikap naming huwag mangaral o magyabang. Ang asawa kong si Harriet ay laging napakahusay sa paghahanap ng isang maibabahagi na nagbibigay-inspirasyon, nagpapasigla, o nakakatawa. Kadalasan ay humahantong ito sa mas malalalim na talakayan. Ang nakakatuwa, tuwing kausap namin ang mga kaibigan tungkol sa pagharap sa mga hamon ng buhay, kadalasan ay naririnig namin ang komentong “Madali para sa iyo; nariyan ang simbahan mo.”

Sa napakaraming magagamit na media at gadget na humigit-kumulang ay kapaki-pakinabang sa atin, mas madaling ibahagi ang mabubuting balita ng ebanghelyo at mas malawak ang mga epekto nito kaysa rati. Katunayan, kinakabahan nga ako na baka nakapag-text na ang ilang nakikinig na kagaya ng “10 minuto na siyang nagsasalita, pero wala pa ring kuwento tungkol sa pagiging piloto!” Mga kaibigan kong kabataan, marahil ang paghihikayat ng Panginoon na “buksan ang [inyong mga] bibig”9 ay maaaring samahan ngayon ng “paggamit ng inyong mga kamay” para i-blog at i-text ang ebanghelyo sa buong mundo! Ngunit tandaan sana ninyo, gawin itong lahat sa tamang lugar at panahon.

Mga kapatid, sa tulong ng makabagong teknolohiya, maipapahayag natin ang pasasalamat at kagalakan sa dakilang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak sa paraang maririnig hindi lamang sa ating lugar kundi sa buong mundo. Kung minsan mapapakilos ng iisang parirala ng patotoo ang mga kaganapang umaapekto sa buhay ng isang tao sa kawalang-hanggan.

Ang pinakaepektibong paraan para maipangaral ang ebanghelyo ay sa pamamagitan ng halimbawa. Kung mamumuhay tayo ayon sa ating mga paniniwala, mapapansin ito ng mga tao. Kung mababanaag ang larawan ni Jesucristo sa ating buhay,10 kung tayo ay masaya at payapa sa mundo, nanaising malaman ng mga tao ang dahilan. Ang isa sa pinakamagagandang sermon na ipinahayag tungkol sa gawaing misyonero ay ang simpleng ideyang ito ni St. Francis of Assisi: “Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras at kung kailangan, magsalita kayo.”11 Nasa paligid natin ang mga pagkakataong gawin ito. Huwag itong palagpasin dahil sa paghihintay nang napakatagal sa daan patungong Damasco.

Ang Ating Daan patungong Damasco

Pinatototohanan ko na nangungusap ang Panginoon sa Kanyang mga propeta at apostol sa ating panahon. Nangungusap din Siya sa lahat ng lumalapit sa Kanya nang taos-puso at may tunay na layunin.12

Huwag mag-alinlangan. Tandaan, “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.”13 Mahal kayo ng Diyos. Nakikinig Siya sa inyong mga dalangin. Nangungusap Siya sa Kanyang mga anak at naghahandog ng kapanatagan, kapayapaan, at pag-unawa sa mga yaong naghahanap sa Kanya at pinararangalan Siya sa pamamagitan ng pagtahak sa Kanyang landas. Ibinabahagi ko ang aking sagradong patotoo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nasa tamang landas. Tayo ay may buhay na propeta. Ang simbahang ito ay pinamumunuan Niya na ang pangalan ay taglay natin, maging ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Mga kapatid, mga mahal na kaibigan, huwag tayong maghintay nang napakatagal sa ating daan patungong Damasco. Sa halip, matapang tayong magpatuloy sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, at bibiyayaan tayo ng liwanag na hinahanap nating lahat sa landas patungo sa pagiging tunay na disipulo. Ito ang aking dalangin at binabasbasan ko kayo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.