2011
Mga Sagradong Susi ng Aaronic Priesthood
Mayo 2011


Mga Sagradong Susi ng Aaronic Priesthood

Nais ng Panginoon na anyayahan ng bawat maytaglay ng Aaronic Priesthood ang lahat na lumapit kay Cristo—simula sa kanilang sariling pamilya.

Larry M. Gibson

Isa sa mga anak kong lalaki, na 12 anyos, ang nagpasiyang mag-alaga ng mga kuneho. Gumawa kami ng mga kulungan at bumili ng dalawang babaeng kuneho sa aming kapitbahay. Wala akong ideya sa inumpisahan naming ito. Hindi nagtagal, napuno na ng mga kuneho ang aming kubol. Ngayong malaki na ang anak ko, masasabi kong hinangaan ko ang pagbabantay niya sa mga ito—kahit na paminsan-paminsan ay nakakapasok ang aso ng kapitbahay at kinakain ang ilan sa mga kuneho.

Ngunit napakasaya ko sa tuwing nakikita ko ang mga anak ko na binabantayan at pinoprotektahan ang mga kunehong iyon. At ngayon, bilang mga asawa at ama, sila ay karapat-dapat na maytaglay ng priesthood na nagmamahal, nagpapalakas, at nangangalaga ng kanilang sariling pamilya.

Masaya ako na makita kayong mga kabataan ng Aaronic Priesthood na binabantayan, tinutulungan, at pinalalakas ang mga nasa paligid ninyo, kabilang na ang inyong pamilya, mga miyembro ng inyong korum, at marami pang iba. Mahal ko kayo.

Kamakailan nasaksihan ko ang pag-set apart sa isang 13-anyos na binatilyo bilang pangulo ng deacons quorum. Kasunod niyon kinamayan siya ng bishop at tinawag siyang “pangulo,” at ipinaliwanag sa mga miyembro ng korum na “tinawag niya itong pangulo para bigyang-diin ang kabanalan ng kanyang tungkulin. Ang pangulo ng deacons quorum ay isa sa apat lang na tao sa ward na nagtataglay ng mga susi ng panguluhan. Taglay ang mga susing iyon, siya kasama ang kanyang mga tagapayo, ang mamumuno sa korum sa patnubay ng Panginoon.” Naunawaan ng bishop na ito ang kapangyarihan ng panguluhan na pinamumunuan ng isang pangulo na nagtataglay at gumagamit ng mga sagradong susi ng priesthood. (Tingnan sa D at T 124:142–43.)

Maya-maya ay tinanong ko ang binatilyong ito kung handa na siyang pamunuan ang malaking korum na ito. Sagot niya’y: “Kinakabahan po ako. Hindi ko po alam ang ginagawa ng isang pangulo ng korum. Maaari po ba ninyong sabihin sa akin?”

Sinabi ko sa kanya na tutulungan siya ng kanyang mabait na bishopric at mga adviser na maging matagumpay at mabisang lider ng priesthood. Alam ko na igagalang nila ang sagradong mga susi ng panguluhan na taglay niya.

Pagkatapos ay itinanong ko ito: “Sa palagay mo ba tatawagin ka ng Panginoon sa mahalagang tungkuling ito nang walang gabay?”

Nag-isip siya at sumagot, “Saan ko po makikita ang gabay?”

Pagkaraan ng kaunti pang pag-uusap, nalaman niya na makikita niya ang gabay sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, at sa mga sagot sa panalangin. Nagpasiya kaming maghanap ng talata kung saan magsisimula siyang maghanap upang malaman ang mga responsibilidad ng kanyang bagong tungkulin.

Binuklat namin ang ika-107 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, talata 85. Sabi roon ang pangulo ng deacons quorum ay nauupo sa isang kapulungan kasama ang mga miyembro ng kanyang korum at itinuturo sa kanila ang kanilang mga tungkulin. Nalaman namin na ang kanyang korum ay hindi lamang isang klase kundi kapulungan ng mga kabataang lalaki, at dapat nilang palakasin at patatagin ang isa’t isa ayon sa patnubay ng pangulo. Sinabi ko na naniniwala akong magiging mahusay siyang pangulo na aasa sa inspirasyong mula sa Panginoon at gagampanan ang kanyang sagradong tungkulin habang itinuturo niya sa kanyang kapwa mga deacon ang kanilang mga tungkulin.

Pagkatapos ay itinanong ko, “Ngayong alam mo na dapat mong ituro sa mga deacon ang tungkulin nila, alam mo ba kung ano ang mga tungkuling iyon?”

Binasa naming muli ang mga banal na kasulatan at nalaman na:

  1. Ang deacon ay itinalaga na maging tagapangalaga at tumatayong mangangaral sa Simbahan (tingnan sa D at T 84:111).

    Dahil ang pamilya ang pangunahing yunit ng Simbahan, ang pinakamahalagang lugar na maisasagawa ng isang maytaglay ng Aaronic Priesthood ang tungkuling ito ay sa kanyang sariling tahanan. Tumutulong siya bilang maytaglay ng priesthood sa kanyang ama at ina habang pinamumunuan nila ang pamilya. Pinangangalagaan din niya ang kanyang mga kapatid, ang mga kabataan sa kanyang korum, at ang iba pang miyembro ng ward.

  2. Tinutulungan ng deacon ang teacher sa lahat ng kanyang mga tungkulin sa Simbahan kung hinihingi ng pagkakataon (tingnan sa D at T 20:57).

    Nagpasiya kami na kung tutulong ang isang deacon sa mga tungkulin ng mga teacher, kailangang alam niya ang kanilang mga tungkulin. Binuklat namin ang mga banal na kasulatan at mabilis naming natukoy ang mahigit isang dosenang tungkulin ng katungkulan ng teacher (tingnan sa D at T 20:53–59; 84:111). Napakagandang karanasan para sa bawat kabataang lalaki—at kanyang ama, mga adviser, at sa ating lahat—na gawin mismo ang ginawa ng binatilyong ito: basahin ang mga banal na kasulatan at alamin mismo sa ating sarili ang kanilang mga tungkulin. Palagay ko marami sa atin ang magugulat—at matutuwa—sa matutuklasan natin. Ang Tungkulin sa Diyos ay naglalaman ng buod ng mga tungkulin ng Aaronic Priesthood at ito ay napakagandang reperensya para sa espirituwal na pag-unlad. Hinihimok ko kayong palagi itong gamitin.

  3. Gayon din ang mga deacon at teacher ay “magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59; tingnan sa mga talata 46 at 68 para sa mga priest).

    Maraming binatilyo ang nag-aakala na nagsisimula ang kanilang pagiging misyonero kapag 19-anyos na sila at papasok na sa Missionary Training Center. Natutuhan natin sa mga banal na kasulatan na nagsisimula iyan nang mas maaaga pa. Nais ng Panginoon na anyayahan ng bawat maytaglay ng Aaronic Priesthood ang lahat na lumapit kay Cristo—simula sa kanyang sariling pamilya.

Kasunod niyan, para tulungang maunawaan ng batang pangulong ito na siya lamang ang namumuno sa korum, iminungkahi kong basahin niya nang tatlong beses ang unang tungkulin na nasa Doktrina at mga Tipan 107:85. Binasa niya, “Mamuno sa labindalawang [deacon].” Itinanong ko, “Ano ang sinasabi mismo sa iyo ng Panginoon tungkol sa tungkulin mo bilang pangulo?”

“Alam po ninyo,” sabi niya, “ang daming pumapasok sa isip ko habang nag-uusap po tayo. Palagay ko gusto ng Ama sa Langit na maging pangulo ako ng labindalawang deacon. Lima lamang po kaming dumadalo, at kung minsan nga iisa lang. Kaya paano kami magiging labindalawa?”

Ngayon, hindi ko naisip kailan man ang gayong pakahulugan sa talatang ito na tulad ng ginawa niya, pero gayunpaman, hawak niya ang mga sagradong susi na hindi ko hawak. Tinuturuan ako ng isang 13-anyos na pangulo ng deacons quorum tungkol sa kapangyarihan ng paghahayag na dumarating sa mga nagtataglay ng sagradong mga susi ng panguluhan anuman ang kanilang talino, katayuan, o edad.

Ang sagot ko’y, “Hindi ko alam. Ano sa palagay mo?”

At sabi niya, “Kailangan pong malaman namin kung paano sila mapapapunta. Alam ko na may dalawa pa na dapat dumadalo sa korum namin, pero hindi sila dumadalo, at hindi ko sila kilala. Siguro puwede ko po silang kaibiganin at iyong dalawang tagapayo ko naman ang sa iba pa. Kung darating sila lahat, magiging pito na kami, pero saan pa po namin hahanapin iyong lima?”

“Hindi ko alam,” sagot ko, “pero kung nais ng Ama sa Langit na dumalo sila, alam Niya ang sagot.”

“Kung ganoon po kailangang magdasal kami bilang panguluhan at korum para malaman ang dapat gawin.” Pagkatapos ay itinanong niya, “Responsibilidad ko po bang lahat ang mga batang nasa edad ng deacon sa ward natin, kahit hindi sila mga miyembro?”

Namamanghang sinabi ko, “Sa pananaw ba ng Panginoon, responsibilidad lang ba ng bishop mo ang mga miyembro ng ward o ang lahat ng nasasakupan nito?”

Naintindihan ito ng batang “mangangaral” na ito. Naunawaan niya ang tungkulin ng bawat deacon, teacher, at priest sa pangangalaga sa Simbahan at pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo.

Pumasok sa isip ko ang isang talata habang iniisip ko ang ating kahanga-hangang mga kabataan ng Simbahan—isang talatang binanggit ni Moroni kay Joseph Smith, na nagsasabing “hindi pa ito natutupad, ngunit malapit na” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:41)—“At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, … ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain” (Joel 2:28).

Ang “pumasok sa isip” ng batang pangulong ito ay ang pangitain tungkol sa nais ng Ama sa Langit na mangyari sa kanyang korum. Iyon ang paghahayag na kailangan niya para mapalakas ang mga aktibong miyembro ng kanyang korum, iligtas ang mga nahihirapan, at anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo. Dahil nabigyang-inspirasyon, pinlano niyang isagawa ang kagustuhan ng Panginoon.

Itinuro ng Panginoon sa batang pangulong ito na ang ibig sabihin ng priesthood ay paglilingkod sa iba. Tulad ng paliwanag ng ating pinakamamahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson: “Ang priesthood ay higit pa sa isang kaloob, ito ay isang matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyo na makapagpasigla, at pagkakataon para pagpalain ang buhay ng iba” (“Ang Banal na Priesthood na Ipinagkatiwala Niya sa Atin,” Liahona, Mayo 2006, 57).

Paglilingkod ang pinakapundasyon ng priesthood—ang paglilingkod sa iba na ipinakita ng Tagapagligtas. Nagpapatotoo ako na ito ang Kanyang priesthood, tayo ay nasa Kanyang paglilingkod, at ipinakita Niya sa lahat ng maytaglay ng priesthood ang paraan ng matapat na paglilingkod ng priesthood.

Inaanyayahan ko ang bawat panguluhan ng korum ng mga deacon, teacher, at priest na palagiang magsanggunian, mag-aral, at manalagin para malaman ang nais mangyari ng Panginoon sa inyong korum at humayo at gawin ito. Gamitin ang Tungkulin sa Diyos para matulungan kayong maituro sa mga miyembro ng korum ninyo ang kanilang mga tungkulin. Inaanyayahan ko ang bawat miyembro ng korum na suportahan ang pangulo ng inyong korum at hingan siya ng payo habang inyong pinag-aaralan at matwid na ginagampanang lahat ang inyong tungkulin sa priesthood. At inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na tingnan ang kahanga-hangang mga kabataang ito gaya ng pagtingin sa kanila ng Panginoon—isang mabisang kasangkapan sa pagtatayo at pagpapalakas ng Kanyang kaharian dito at ngayon.

Taglay ninyong mga kahanga-hanggang kabataan ang Aaronic Priesthood, na ipinanumbalik ni Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery malapit sa Harmony, Pennsylvania. Hawak ng inyong priesthood ang sagradong mga susi na nagbubukas ng oportunidad para sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit upang makalapit sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at Siya ay sundin. Ito ay ibinigay sa pamamagitan ng “ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan”; sa linggu-linggong ordenansa ng sacrament; at sa, “ paglilingkod ng mga anghel” (D at T 13:1; Joseph Smith—Kasaysayan 1:69). Kayo ay tunay na mga mangangaral na dapat manatiling malinis at karapat-dapat at matatapat na kalalakihan ng priesthood sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.

Bakit? Pakinggan ang mga salita ng ating pinakamamahal na Unang Panguluhan, na ibinigay sa bawat isa sa inyo sa inyong Tungkulin sa Diyos:

“Ikaw ay may awtoridad na pangasiwaan ang mga ordenansa ng Aaronic Priesthood. … Pagpapalain mong mabuti ang buhay ng mga nakapaligid sa iyo. …

“Malaki ang tiwala ng Ama sa Langit sa iyo at may mahalagang misyong ipagagawa sa iyo” (Fulfilling My Duty to God: For Aaronic Priesthood Holders [2010], 5).

Alam kong totoo ang mga salitang ito, at dalangin kong mapasaatin din ang patotoong iyan. At sinasabi ko ang mga bagay na ito sa banal na pangalan Niya na ang priesthood ay taglay natin, si Jesucristo, amen.