Elder W. Christopher Waddell
Ng Pitumpu
Ang di-nakasulat na gabay na alituntunin sa pamilya ni Elder Wayne Christopher Waddell noon pa man ay, “Magtiwala sa Panginoon.”
“Kapag nagtiwala ka sa Panginoon, hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa malalaking pagbabago,” sabi ni Elder Waddell tungkol sa mga di-inaasahang pagbabago sa buhay. “Alam natin na hangad Niya ang pinakamainam sa atin, at pagpapalain tayo. ”
Si Elder Waddell ay isinilang noong Hunyo 1959 sa Manhattan Beach, California, USA, at anak siya nina Wayne at Joann Waddell. Tumanggap siya ng bachelor’s degree in history sa San Diego State University, kung saan naglaro din siya ng volleyball. Nakapagtrabaho siya sa maraming katungkulan sa isang pandaigdigang kumpanya sa pamumuhunan.
Pinakasalan ni Elder Waddell si Carol Stansel noong Hunyo 7, 1984, sa Los Angeles California Temple. Apat ang kanilang anak. Mahalaga ang pagkakaisa sa pamilya Waddell. Dahil iyan sa pagkakaisa na sikaping sundin ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa kanilang tahanan. Naging mahalaga rin ang mga aktibidad ng pamilya—ang paggugol ng panahon na magkakasama sa dalampasigan malapit sa kanilang tahanan at panonood ng isports bilang pamilya.
Bago siya tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu, si Elder Waddell ay naglingkod bilang full-time missionary sa Spain, bishop, high councilor, tagapayo sa mission president, stake president, pangulo ng Barcelona Spain Mission, at Area Seventy.
Sabi ni Elder Waddell, ang ang isang karanasan ay nagpatibay sa isa pa at bawat isa ay patuloy na nagdaragdag sa “yaman ng patotoo” na sinandigan niya sa pagharap sa mga hamon sa buhay.
Kapag paghahanda para sa bago niyang tungkulin ang pinag-usapan, tinutukoy ni Elder Waddell ang templo.
“Ano ang naghanda sa amin para dito? Nang magpunta kami sa templo sa unang pagkakataon at nakipagtipan, nangako kami na handa kaming gawin ang anumang ipagawa sa amin ng Panginoon, kahit hindi madali,” wika niya. “Magpunta sa templo, magmisyon, makipagtipan, at pagkatapos ay makita ang Kanyang kamay at kung paano Niya pinamamahalaan ang gawain—iyan lamang ang kailangan ninyo. Wala tayong ginagawang kakaiba; tinutupad natin ang mga tipang ginawa natin, tulad ng ginagawa ng lahat.”